Mahal(para kay Maribeth)
Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
Sino akong nilalang upang hindi humangà?
Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál.
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.
Iral sa pagitan nina Nasimi at AbadillaRoberto T. Añonuevo
Ang katawan
ang isipan
at ako
at ikaw
ay hindi mundo
ang mundo
ay hindi ako
at hindi ikaw
bagkus
ang kamalayan
tawagin man ito
na Maykapal
o himagsikan sa mga maykapal
Ang kamalayan
ang mundo
sa isipan
sa katawan
ang lakas
ang puwang
ang panahon
At ako’y
nasa labas
at ikaw
at ako’y
nasa loob
ang kamalayan
ang kamalayan
na gumagalaw
ang lawak
ang lalim
mula at tungo sa lahat
ng bagay
Ang pumasok
sa katawan
ay katawan
ang lumabas
sa katawan
ay katawan
ang mundo
ng kamalayan
sa lahat ng nilalang
Ang pumasok
sa isipan
ay isipan
ang lumabas
sa isipan
ay isipan
ng katawan
ng kamalayan
Ang pumasok
ang lumabas
ang katawan
ang isipan
ang kamalayan
ang ako
ang ikaw
ang mundo
tawagin man ito
na Maykapal
o Himagsikan sa mga Maykapal
Alimbúkad: Poetry pure across time and space. Photo by Ana Madeleine Uribe on Pexels.com
SandataRoberto T. Añonuevo
Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
at ginagamit ka
laban sa lahat ng hindi namin
gusto.
Kasangkapan upang patumbahin
ang katunggali,
ikaw din ang laging instrumento
sa pagsupil ng salot o sakít.
Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
at sinuman o alinmang salungat
ang agos
ay kaaway at kaaway na tunay
at kailangan ka upang ipagtanggol
ang puwesto at pangalan.
Ikaw ang malinaw na linya at kulay
sa bakbakan ng lakas at kasarian.
Ikaw ang timbang at sustansiya
sa taggutom at walang habas
na kasakiman ng iilan.
Ikaw ang agimat laban sa kulam,
at ang sumusuway sa pangaral
ng diyos ay may katumbas
na parusa at kapahamakan.
Hindi ba ikaw ang nakalakip
at isinasaulo sa aming mga dasal?
Parang sumpa, ikaw ang panagot
sa aming katangahan——
ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
isinasaliw tuwing may kampanya
sa darating na halalan——
at kapag angkin ka ninuman
ay pupurihin kahit ng madlang
walang kamuwang-muwang,
walang malasakit o pakialam
sa puwang o karunungan.
Naririnig ka namin sa brodkaster
at parang dapat ipagmalaki pa
kung nagkulang ang diksiyonaryo
para sa mga konseptong
ikakabit sa mga dapat tapatan
ng salita at gawa.
Hinahamak kami kapag lumitaw
ka sa mga banta at paninindak,
gaya sa talumpati ng pangulo,
at sinumang may kapangyarihan
ay mababaligtad ang kahulugan
ng batas.
Kung umibig ba kami’y dapat kang
hasain at laging sukbit saanman?
Sawâ na kami sa rido at patayan.
Nagbibiruan tuloy kaming huwag
nawa kaming maging makata
na maláy ang guniguni’t napopoot.
Baká ang bawat ipukol naming salita
ay magpaluhod
sa nang-aapi at bumubusabos
sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
Ngunit hindi kami makata,
at hindi ka rin namin kaaway,
o mahal na kataga.
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com
Tahanan
ni Roberto T. Añonuevo(Para kay Nanay Luring)
Isinisilid sa bahay na ito ang memorya
ng gitara ni Tárrega, at kung dadalawin
mo ay magiging makukulay na retrato
ng mga batang tumatakbo, naghaharutan,
maingay ngunit kay gaan pakinggan,
at tatanawin kita na umiindak sa tuwa,
o kung hindi’y nagbabasa ng mga tula.
Iyon ang panahon.
Ang bahay, na tumatanda gaya natin,
ay hindi makumpuni ang sarili,
ngunit tahimik na naglilihim ng sugat
at anay
upang hatakin muli tayo na magpatayo
ng bagong tahanan.
Nauulinig mo ang alunignig ng mga bagting.
May musika sa munting sála
pagsapit ng hatinggabi, at mga aklat
sa mesa ang mga araw sa ibayong dagat.
Sumisikip ang moog, gaya sa Alhambra.
Walang panahon ang kamalayan,
at nang wikain mo ito, dalawang tuta
ang lumapit at ibig magpakalong sa akin.
Napangiti ka.
Umaawit nang buong rubdob
ang gitara, at ang mga apó mo
ay lumilikha ngayon ng ibang planeta
para sa kanilang musika
na tila matimyás na paghalik
sa kanilang lola.
Alimbúkad: Poetry beyond borders. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com
Kuwentong Buday-buday
ni Roberto T. Añonuevo
Nakaputong sa kaniya ang ginintuang
kaharian,
ngunit panatag siyang nakapikit,
waring lumulutang sa langit,
at natigatig ako nang siya’y matagpuan.
“Ikaw ba ang anak ng emperador?”
at kinusot ko ang aking paningin.
Sa isip ko’y nagtatambol ang talón
sa di-kalayuan. Sumisipol ang amihan,
at nagsimulang umambon
ng mga dahon.
Nagpapahinga ang kalabaw sa sanaw.
Dumilat siya; at nang tumitig siya
sa akin ay tila nadama ko ang bigat
ng ginintuang putong,
at ang mga gusaling aking tiningala
ay ano’t naging kalansay
ng dambuhalang palasyo sa gubat.
Walang ano-ano’y hinubad niya
ang korona.
At ngumiti
ang matabang singkit na kalbo
na ngayon ay mundong nasa kamay ko:
ang alkansiyang kumakalansing sa barya.
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Pixabay on Pexels.com
PasakalyeRoberto T. Añonuevo
Naglalampungang
pusàkalye sa ibabaw ng bubungan
nitong lungsod ang bagyo,
masungit na rambol ang kalmot at kagat,
waring may sampung askal na kaaway,
gayong ramdam na init na init,
taglay ang alimpuyo’t dagudog,
hindi kami pinatulog kagabi
habang pinalulubog kami
sa sindak
kasabay ng hagibis ng agos ng ilog
na pinagpapantay sa baha ang mga bahay.
Nang makaraos ang kalikasan,
para kaming kuting na iniluwal sa banlik,
kumakawag-kawag, nang dahil sa pag-ibig.
Alimbúkad: Unwavering poetry soul. Photo by Aleksandr Nadyojin on Pexels.com
AlakRoberto T. Añonuevo
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com
Oras
Roberto T. Añonuevo
Nag-iimpok ng luha ang gabi,
kumukuliglig nang walang humpay
sa abandonadong hardin,
waring ibinubulong
ang aking pangalan,
at pumukaw ka sa aking pag-iisa
nang buklatin ko ang mga retrato
sa aking alaala:
Isang lungsod na halos isang milyon
ang populasyon,
ngayon ay parang multong naglalakad
sa kalyeng katumbas ng sampung
siksikang ospital.
Wari ko’y nagasgas ang aking puso.
Umaalulong ang mga askal——
marahil sa gutom, marahil sa simoy.
Nagkalat ang mga tuyong dahon
sa aking paanan,
at nang tingnan ko ang relo
ay parang magugunaw ang mundo.
Humahagibis ang ambulansiya,
sumisigaw ang masipag na sirena,
parang pinauuwi ako, pinauuwi
sa kung saang destinasyon,
ngunit nang sumilay ang ngiti mo
sa aking balintataw,
naglaho ang kilabot ng pagpanaw.
Nahihilam ang mga mata sa pagod,
hindi tulad ng titig mong humahagod.
Naaamoy ko sa malayo
ang bagong lutong pansit bato;
at marahil, kung naririto ka,
may isang tasa ng umaasóng kape
ang naghihintay sa rabaw ng mesa.
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Engin Akyurt on Pexels.com
Ang Salaysay ng Templo
Roberto T. Añonuevo
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com
Asul na paningin sa kayumangging talukap, na binagayan ng malalantik pilik na itim at lilang kilay, bukod sa ilong na mamula-mula sa mapusyaw na puting pisngi at pink na labì, bakit ka dumidilat na sugat kapag tinamaan ng sinag ngayong nasa harap ko’t minamasdan? Bahaghari ang mukha mo kung iibigin, nasa pagitan ng payaso at supermodel, ngunit walang aasahang gusi ng ginto sa magkabilang dulo. Kapag nakukutuban kong umuulan sa iyong kalooban, waring abo ang lahat sa paligid. Abo ako, at abo ikaw, at sa isang iglap, ang newtral na kulay ay kawalan ng sinag. Kung isinilang akong bulag, ang masasalat ko’y walang hanggang dilim na kumakain at nagsisilang sa akin, ang isasaharaya kong orihinal na kulay mo rin na tangi kong alam, at marahil, magiging banyaga sa akin kung sumapit ang liwanag at pumutok ang selebrasyon ng mga kulay, mula man sa iba o sa iyong mga mata, na sa aking palagay ay mahirap ngunit dapat kong makilala.
Alimbúkad: Pure poetry passion unleashed. Photo by Ramona Duque on Pexels.com