Sapagkat bumubukad ang madaling-araw, ni Merle Collins

Salin ng “Because the dawn breaks,” ni Merle Collins ng Grenada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw

Nagsasalita kami sapagkat
Kapag bumuhos ang ulan sa kabundukan
Ay marahang lumalaki’t umaapaw ang ilog
At ilang sandali pa’y bubulusok ang agos
Sa mga tipak na bato
Nang lampas sa mga lansangan,
Paguguhuin ang mga tulay
Na maggigiit ng taglay nitong kapangyarihan
Laban sa rumaragasang lakas
Nagsasalita kami dahil kami’y nangangarap

Nagwiwika kami para sa parehong katwiran
Na ang kulog ay nakasisindak sa bata
Na nakayayanig sa punongkahoy ang kidlat

Hindi kami umiimik upang suwayin ang panuto
O upang baligtarin ang inyong mga plano
O pabagsakin ang inyong mga Tore ng Babel
Sa kabila ng katotohanang ginagawa namin ito

Nagwiwika kami dahil kami’y nangangarap
At ang aming mga pangarap ay hindi  maipipiit
Sa kural ng baboy sa kanino mang bakuran
Hindi para sumalo ng mga mumo sa mga mesa
Hindi para gumapang nang walang hanggan
Sa walang katapusang linya ng mga langgam
Upang lumihis palayo sa isang biglang liko
Kapag ang paa ng elepante’y biglang lumagapak
Hindi para umurong at tumakbo palayo
Kapag ang malansang simoy ng kamatayan
Ay nakasusulasok na sa aming mga pandama
Hindi para makibaka nang walang katapusan
Upang gagapin ang hulagway ng inyong mga diyos
Sa loob ng aming likha

Advertisements

Pasigan, ni Yang Mu

Salin ng tula ni Yang Mu (Ching-hsien Wang) ng Taiwan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pasigan

Apat na maghapon akong nakaupo dito. Wala ni isang nagdaan,
wala ni anumang yabag (sa katahimikan—)

Sumupling ang mga pakô sa kandungan ko, pagdaka’y gumapang
sa aking balikat at tinakpan ako nang walang dahilan.

Ang dausdos ng saluysoy ang nakatatak sa aking gunita.
Ang tanging magagawa ko’y itala iyon sa mga sinuhayang ulap.

Naghahagikgikan ang mga amargon dalawang metro patimog.
Ang mga mawo ng umaalimbukad na bulaklak ay sumiksik
sa aking salakot.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Ano ang maitutulong ng aking salakot

sa iyo? Sige na, ano ba ang maihahandog ng aking aninong
nakabalatay sa lupa sa iyo?

Ihambing ang apat na hápon ng tunog ng tubig sa apat na hápon
ng mga yabag. Ipagpalagay yaong mga mainiping dalagang

nagtatalakan—Huwag hayaang lumapit sila. Ang tanging
ibig ko’y umidlip sa hápon. Huwag silang palapitin sa akin.

 

Mittelbergheim, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mittelbergheim

Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.

Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.

Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.

Salitaan, ni Adam Czemiawski

Salin ng “Speech,” ni Adam Czemiawski ng Poland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Salitaan

Hindi kailangang maunawaan ang awit ng tamsí
upang hangaan at tingalain.
Hindi kailangang maunawaan ang kokak ng palaka
upang mabatid na nakalalasing.
Nauunawaan ko ang usapan ng mga tao
na doble-kara at sinungaling.
Kung hindi ko iyon nauunawaan
ay ako ang magiging makatang pinakamagaling.

Huwag akong titigan, ni Martin Carter

Salin ng “Do not stare at me,” ni Martin Carter ng Guyana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong titigan

Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini,
huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nagmula.
Isinilang ako’t gumulang sa lungsod na ito, binibini.
Naririnig ko ang mga kuliglig tuwing alas-seis ng gabi

at ang nakabubulahaw na tilaok ng manok sa umaga
kapag ang mga kamay mo’y ginugusot ang kobrekama
at ang magdamag ay nakabilibid sa loob ng aparador.
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamay

gaya ng dibdib mong namumutok ang ugat, binibini.  .  .
Huwag akong titigan at pagtakhan kung saan nanggaling,
ang mga kamay ko’y bumibigat sa mga pileges,
gaya ng dibdib mong hitik sa mga ugat, binibini—

Dapat kumalinga ang isa’t sumuso ng buhay ang isa.  .  .
Huwag akong titigan mula sa iyong bintana, binibini.
Titigan mo nang lubos ang  bagon ng mga bilanggo!
Titigan ang karo ng patay na nagdaraan sa tarangkahan!

Titigan ang mga pook-maralita sa timog ng lungsod!
Titigan nang mariin, at isipin, binibini, kung saan
ako nagmula, at kung saan papalaring mapapadpád!
Hitik na hitik sa mga pileges ang aking mga kamao,

gaya ng mga súso mong namumurok sa ugat, binibini,
at dapat kumalinga ang isa, at sumúso ng búhay ang isa.

Hulát, ni Roberto T. Añonuevo

Hulát

(para kay IMA)

Roberto T. Añonuevo

Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.

Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.

Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.

Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.

Elehiya para kay Khalil Hawi, ni Abdul Wahab al-Bayati

Salin ng tula ni Abdul Wahab al-Bayati ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya para kay Khalil Hawi

I
Habang naghihintay ang makata’y
Namatay si Aisha sa pagkadestiyero
At naging tala sa umaga:
Ang kintal nina Lara at Khuzama, Hind at Safa,
Reyna ng mga reyna,
Lagablab ng apoy sa mga tore ng langis
At sa mga saknong ng Awit ng mga Awit;
Dugo sa mga taludtod ng Torah
At sa noo ng mga magnanakaw ng mga himagsikan.
Siya ang naghunos na Nilo at Ewfrates,
Ang mga panata ng maralita
Sa Kabundukan ng Atlas;
Isang liriko sa tula ni Abu Tammam.
Siya ang naging Beirut at Jaffa
Isang Arabeng nasugatan sa mga lungsod ng malikhain
Na sumumpa ng pagmamahal
At sinapian ng apoy.
Siya ay naging si Ishtar.

II
. . . . . . Nang lumisan ang makata,
. . . . . . Ang kaniyang mga bakás ay nagmapa ng mga bagay.

III
. . . . . . Nang magpatiwakal ang makata’y
. . . . . . Nagsimula ang kaniyang dakilang paglalakbay.
. . . . . . Ang kaniyang mga bisyon ay natupok sa laot;
Nang ang sigaw niya’y tumagos sa kaharian ng destiyero,
Ang mga tao na nagmula sa disyerto’y nagsimulang umibig
Upang wasakin ang mga diyos na hinubog sa luad
At nang maitatag ang Kaharian ng Maykapal.

Pagkanegro, ni James Emanuel

Salin ng “Negritude,” ni James Emanuel ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkanegro

Itim ang unang pakò na aking niyapakan;
Itim ang kamay na pumawi sa aking luha.
Itim ang unang matandang aking napansin;
Itim ang pamatok ng kaniyang mga taon.

Itim ang naghihintay sa pook ng karimlan;
Itim ang sahig na kinalugmukan ng mga siga.
Itim ang kuwentong tigmak sa pighati;
Itim ang kapatiran ng mga pagdurusa.

Itim ang tahimik na pintong yari sa bakal;
Itim ang landas ng dumarako sa hulihan.
Itim ang paglikô sa paglipas ng mga taon;
Itim ang mga talaarawan ng isipan.

Itim ang mga kamao ni Gabriel Prosser;
Itim ang lastag na dibdib ng Manlalakbay.
Itim ang patay na ina ng batang mag-aaral;
Itim ang batang namumukod sa iba pa.

Itim ang paggaralgal ng isang motor;
Itim ang tapak kapag naging berde ang ilaw.
Itim ang bukbuking papel ng nakaraang taon;
Itim ang ulong-balitang hindi pa nababása.

Itim ang pasaning magiting na inihihimig;
Itim ang krus na pawis sa pagbangon ng bayan.
Itim ang batang kilala ang kaniyang mga bayani;
Itim ang paraan ng pagyao ng bayang bayani.

Stop weaponizing the law. No to Chinese invasion. Yes to people power. Yes to human rights. Yes to humanity!