Ang Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panahon

Roberto T. Añonuevo

Kapag sineryoso ang tula at ginawang bokasyon ang pagkadakila, ang lahat ay kahon, at sa loob nito ay aspile, hamburger, kondom, wiski, bag, kuwaderno, sertipiko, bungo, at kulimbat ng mga digmaan. Ang salabat ay parang naglalasang sapot at agiw, at naiiwan sa lalamunan ang gaya ng langaw, eroplano, asido, peninsula, at tipaklong. Seryosohin pa ang bawat taludtod, at uusok ang kusina sa sikmura dahil tumitihaya ang kotse at tangke, tumitilapon ang mga mata at bayag, sumisirit ang ihi at misil, habang tinitira ng mga batang hamog ang pangulong pusakalye, ibinibitin sa eyre o nilulublob sa imburnal, pinaiindak sa tiktok, at duguang tumatawa ang makinilya na tinitipa ng eskisofrenikong baboy. Anak ng puta, ang langit ay pisara na ang nakasulat ay listahan ng mga niligpit na papeles at brodkaster. Anak ng tupa, ang impiyerno ay kebab ngunit ang masugid na alagad ay sabik sa pamatay-gutom at sukang Paombong. Walang lalim, ngunit nakapailalim sa bantas, at ididikta ng basketbol, tokhang, at heometriya ang dapat na kahulugan, halimbawa, kung paano lumiko nang bigla, lumundag sa mga bitag, kusang magpatihulog ngunit tumataas, sumasalpok ang kahihiyan ng mga paa, gusali at barko, iisipin ang lamán, ang lohika ng kababalaghan, tsubibo kumbaga sa bangketa, tinatahak ang kabilang-buhay at kanto ng lagim, at nangangarap ng pinagtambal na megalungsod at isla de pataranta. Ang totoo’y hindi tumátamâ, at sa kabila ng taimtim na tarpolin sa plasa, nasasaad: Magbago! Mag-isip nang tuwid at tumpak! Umangkla sa publiko! Habang lumalaon, mauupos sa pandinig ang mga inaakalang palakpak at kung marinig man ang pakakak ay sapagkat naghahapunan ang mga negosyante at heneral. Seryosohin muli ang tula, at ang mga saknong ay sukdol ng kilometrahe, nangangarap ng kapangyarihan gayong baog ang tuktok at bulok ang tuhod, o ito ang tadhana ng pikadilyo, radilyo, pasilyo. Marami kang kaululan at para magkasaysay ay magpipilit magpakabait na parang nagkukumpisal sa palihan, pinong-pino gayong berde ang kaluluwa, magsusuot ng Barong Tagalog, iteterno sa Converse, iisipin ang bersikulo tres, doble diyes, itatalpak sa E-sabong, o kung hindi’y ipagpapalit ang kaluluwa sa kriptopiso sa loob at labas ng metaberso ng mga materyal at narciso ng narkotiko. Kapag sineryoso ang tula, habang tomotoma, ang Khaos ay kalyos, kalyo na tinapyas, maginhawa o ito ang nakahahawa, subalit magpapatuloy ka, tumutugma na parang kalahok sa batelrap, kumakaway na pare at epal, umiirap ngunit nakangisi, at maririnig mo ang mga subterraneang batis na itinatago ng sahig, kumokonekta sa adobeng pader, umuugang mga bahay, at kumakaripas na bubuwit sa basurahan. Magsasalubong ang iyong kilay, at masasalubong ang pilosopong kumakausap sa hangin, at sasabihin sa iyo: Ang tula ay diksiyonaryo ng lamlam, landi, ligalig, lason. Magtatanong ka pa sana, ngunit iniwan ka sa pansitan, saka mo tatanggapin na hindi ka talaga makata at lalong hindi isang tula, gaya nito, na karapat-dapat yakapin, hagkan, pagpugayan sa Republika ng Ewan.

Alimbúkad: Epic poetry rant in search of meaning. Photo by Pixabay on Pexels.com

Ang Dulang, bilang Ikatatlumpung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Dúlang, bílang Ikátatlúmpûng Aralín

Roberto T. Añonuevo

“Nagmúmulâ at nagwáwakas ang lahát,” wíwikàin sa iyó ng matandâng mágdaragát na kung tawágin ay Ishmael, “sa haráp ng dúlang.” Ang mga salitâng itó, na náriníg mo rin sa Ingkóng mo ang maráhil ay hindî sinásadyâng natangáy noón ng benáwa o balangáy, at págkaraán ng iláng buwán sa láot at pagdaóng sa malálansá, maaálat na pantalán ay pagbúbuláyan ng pinakámalakíng korporasyón ng butandíng na úuyám sa mga yáte at súbmaríno.  Ang hapág na itó ang maglálapít sa ísip túngo sa sahíg, ang magtátakdâ ng mga panúto sa pagtanggáp, pagkilála, paggálang; at ang paraán ng pag-upô sa tabí nitó’y magbúbunyág sa kataúhan mo’t kaharáp. Kumakáin ka nang warìng naríriníg ng dibdíb kung anó ang páhiwátig ng tagâ-sa-panahóng yakál kung may panaúhin; at lumalagók ng álak o túbig habàng ang bigát kapál salát na mabíbigông itatwâ ng rabáw ang magsásalaysáy ng ugát ng ugnáyan ng mag-ának o magpápaliwánag ng tatág sa kinatawán ng kapisánan ng mangíngisdâ, na sa sandalîng itó ay mag-úusisà sa iyó. Hindî ba sa dúlang nagáganáp ang kasundûan sa kápuwâ dugô at dinugûán, at doón nilálagdâán ang kapasiyahán at ang mápa sa pamalakáya? Ang dúlang ay hindî símpleng tumbásan ng diwàin at bágay, gáya ng nása ísip ni Ahab, na ang nakikíta sa materyál na daigdíg ay ang nakikíta rin sa guníguní. Nabúbuô ang dúlang mulâ sa pinábuwál na punòngkáhoy na sumaksí sa dalawándaáng taóng tag-aráw, at kung gayón, mahíhinuhàng tagláy ang sustánsiyá at épikó ng sinaúnang gúbat na ngayón ay isá na lámang lumaláwak-gumagápang na dúnas sa alaála. Ang dísenyo nitó, bagamán payák at inukítan ng patalím, ay sinadyâ úpang págkasiyahín sa maliít na baláy, makiníg sa mga míto at balità, damhín ang pinagsásalúhang pangárap at sáloobín, at isádulâ ang walâng kamatáyang hapúnan káhit sa yugtô ng pagtátaksíl. Ang dúlang sa labás ng ísip at malayò sa orihinál na silbí nitó ay maáarìng magkároón ng ibá pang katwíran pagganáp sa bukód at líhim na layúnin: mágpasúlak ng pagnanasàng dúlot ng pag-íbig, na maúuwî sa espásyo ng pagtatálik, pangahás at walâng pakíalám  sa moralidád, na kaíinggitán káhit ng pinakámagárbong pigíng. Pagkáraán, matátaúhan ka na ang dúlang na itó ay may kapangyaríhan, higít sa anumáng kalibúgang máitátanghál at máipapátaw ng mga awtoridád, at hindî bastá répresentasyón o simulasyón ng gahúm ng mayháwak sa pamámaraán ng produksiyón, sápagkát itó ay isáng paníniwalà at pinaníniwalàan at pumípintíg. Nása háspe ng káhoy ang mga panahón—ang paglagô at pagtáyog hanggáng pagkapútol o pagkábuwál sanhî man ng palakól o buhawì o ng rítmikóng tukâ ng mga taál na anluwáge.  Si Ishmael na nakilála mo ang Ishmael ng kolektíbong karagatán, nagháhanáp ng líbong abentúra at tandáyag, ngúnit walâng matátagpûáng íisáng sagót sa mga salaysáy, bagkús yutàng gusót káhit pa likúmin ang lahát ng pákahulugán ng dambuhalàng sinisíkap lagúmin sa isáng dibúho o pangungúsap. Sa haráp ng dúlang, ang wakás ay simulâ rin ng panibágong paglálayág.

Alimbúkad: Epic transformative poetry across the world. Photo by cottonbro on Pexels.com

Ikalabindalawang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíndalawáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

“Ang wikà mo ang kataúhan mo,” ang paskíl sa padér na makikíta mo, at kung may báhid man itó ng kátotohánan ay susubúkin mo na tíla sugò ka niná Vak at Fáma, na magbíbigáy sa iyó ng  kapángyaríhan ng dilà, na pósibleng manganák o mabiyák at magsangá-sangá, na magháhatíd pára magíng dalawá o higít pa ang iyóng idéntidád. Sa loób mo, na panghihímasúkan ng lumikhâ sa iyó, ay hindî ímposíbleng magkároón ng dalawá o higít pang wikà na manánaíg ang isáng wikà sa paraáng sumúsunód ang ibá pang wikà sa grámatika, wísyo, at pagpapákahúlugán nitó—na ang paláugnáyan ay matálik at maúunawàan ng pinilì mong pérsona. Tutuláran mo si Fernando Bagongbanta: “Ycao ang oguit na matibay/ eres timon que no quiebra/ cahimat binabagyohan/ aunque haya tempestad recia/ sa iyo aco mananalig/ mi esperanza en ti esta puesta/ sa aquing paglalayagan/ en aquesta mi Carrera.”// Sa ganitóng pagkakátaón, walâng saysáy ang pagsasálin sapagkát ang téksto ay isá nang ehersísyo sa, at artefákto ng, pagsasálin. Ang dalawâng wikà—na nagmulâ man sa mágkabilàng pólo—ay nagsasánib úpang lumikhâ ng isáng bágong wikà, na turíngan mang tulâng ládino ay pagmámalábis sa daigdíg ng guníguní dáhil ang nasábing wikà ay makápagsásaríli at nakapágpapáalingawngáw ng saríli, na lampás sa kinagísnang parámetro ng Tagálog at sumúsuwáy sa sakláw ng Espaňol, sa kabilâ ng pangyayáring mukhâ itóng mestíso. Kung ipagpápalagáy na itó ay háybrid, ang henétikong urì nitó ay ebolusyón ng bakbákang páilalím, may diyaléktikong ágos na ang isang katutubòng wikà’y  ekstensiyón ng ibá pang banyagàng wikà, sa layúning sumunód sa útos ng máylikhâ, at nang turùan ang mga Tagálog sa paggámit ng Espaňol o turùan ang Espaňol sa paggámit ng Tagálog. Sa kabilâ nitó, magpipílit ang dalawâng wikà na dumakò sa pantáy na éstado sa anyông suwábe at dî-halatâ, gumagálang sa kapuwâ úpang mapágbigyán káhit paáno ang pagkakákilanlán ng báwat isá. Sakâ lámang matútunugán sa bandáng hulí ng mga mámbabása na ang nasábing háybrid na wikà na ipínadrón warì  sa prósodya ng dalawáng kúltura ay malínaw na larô ng kapángyaríhan, gáya sa maláwak na lipúnan, sa layúning pánaigín ang pananálig sa mayháwak ng ímprenta at podér. Maláy na maláy sa ganitóng larô si Rolando S. Tinio na lumikhâ ng kakatwâng pérsona úpang itampók ang dóble-kárang pérsonalidád nitó sa pásalitâng pamámaraán: “Sa poetry, you let things take shape,/ Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig./ You start siyempre with memories,/ ‘Yung medyo malagkit, kahit mais/ Na mais: love lost, dead dreams,/ Rotten silences, and all// Manner of mourning basta’t murder.”/ Bagamán dóble ang bílang ng salitâng Inglés sa salitâng Tagálog, sumúsunód ang Inglés sa éstruktúra ng Tagálog at dáhil díto’y nabúburá ang pagká-Inglés at nabúburá ang pagká-Tagálog úpang iluwál ang isá pang wikàng mukhâng mestíso. Ngúnit ang hímig ay banáyad at mapánlansí; nagháhayág ang pérsona ng saríli niyáng poétikang hinúgot man sa banyágang poók ay pumípiglás sa pagkábanyagà nang maípakíta ang báhid ng pinág-ugatáng báyan. Ang resúlta’y isáng háybrid na urì, na hábang nabíbiyák ang ísip ng pérsona sa dalawâng wikà ay nabíbiyák din ang kaniyáng diwà na katumbás ng kataúhang bípolár, na pagkakátaón úpang isílang ang sisté na kinásangkápan ng mga Tagálog noóng úna pa man. Wikà nga ng pérsona sa “Pelos en la lengua” ni Giannina Braschi: “El bilingüismo es una estética bound to double business. O, tis most sweet when in one line two crafts directly meet. To be and not to be. . . .” Hindî ba itó ang pamámangkâ sa dalawáng ílog, nakáaákit bukód sa nakabábalíw, kung warìin ay nagsásagútan nagsúsuhayán naghíhiwaláy, úrong-súlong nang maítanghál ang sariwàng kabatíran? Sa ganitóng pangyayári, tátanggí mísmo ang natúrang tulâng tulúyan úpang isálin sa púrong Inglés o púrong Espaňol, sapagkát kung magáganáp itó’y mawáwalân ng bisà ang anyô ng háybrid na wikà na may bukód na idéntidád. Sa káso na may dalawâng wikà na magkálahì at katutubò sa isáng bansâ, ang diyalétikong ugnáyan nitó’y nakásandál pa rin sa pérsona, gáya sa “Dugay na sa Manila” ni Teo T. Antonio. Sa nasábing tulâ, ang pérsona ay isáng nagtapós ng kúrso sa pagkágurò at sinúbok magtúngo sa Maynilà úpang makipágsapalarán. Nagbantulót siyáng magturò kung hindî man nanghinà ang loób dáhil mababà ang suwéldo na hindî káyang makápag-áhon sa hírap ng pamílya. Naísip niyáng mangibáng-báyan nang makilála ang rekrúter na nangakòng tutúlong úpang makápuntá ang pérsona sa Saudi Arabia. Ngúnit úpang matupád itó’y kailángan ang malakíng halagá. Sumúlat ang pérsona sa kaniyáng mga magúlang at humingî ng pérang pambáyad sa mga gastúsin sa paglálakád ng papéles. Naniwalà namán ang kaniyáng mga magúlang at isínanlâ pa ang arì-arìan. Tuwâng-tuwì ang pérsona at matútupád na ang kaniyáng pangárap. Hanggáng pumíhit sa masakláp na pangyayári: “Kaya ang papilis, nang naayos lahat/ Ako gid ay parang natuntong sa ulap./ Pinutos ang damit, sa tuwa’y maiyak/ Malalab-ot na gid ang akon pangarap./ Pero ang rekrutir na ahinsya’y palpak,/ Dinul-ong man ako sa Saudi Arayat.”// Naghahalò ang Bisayâ at Tagálog sa tulâ, sa paraáng nagsúsuháyan sa isá’t isá úpang maítanghál ang kataúhan ng probínsiyána—at maitutúring na halímbawà ng ebolusyón ng mga wikà. Ngúnit higít pa ríto, hindî masasábing dominánteng wikà ang Tagálog, sapagkát ang Tagálog ay kailángang gumanáp ng segundáryong papél at magíng panúhay na wikà túngo sa elaborasyón ng Bisayâ nang magíng kapaní-paníwalà ang páhiwátig na pagkálalawíganín ng pérsona. Kung edukáda man ngúnit muslák ang pérsona ay sapagkát nagkátaóng umiíral siyá sa isáng panahón at guníguníng lunán na mapágbalátkayô sa kabilâ ng pagigíng totoó sa saríli ng pérsona. Hindî siyá pásibo bagkús áktibo sa pagkamít ng pangárap, ngúnit nabigô pa rin siyá dáhil sa sindikáto (na ipinahíhiwátig din ng pamagát kung bíbigkasín nang malumì ang “Manilà” imbes na gamitin ang “Maynilà”). Kung itó man ay masakláp na birò ng kapaláran, ang biròng itó ay sumásapól sa pusò, na pumípigâ sa awà at hindík na makápagháhatíd ng katársis sa pánig ng mga mámbabása, dáhil mukhâ mang nagpápatawá ang hímig ng wikà ay sumásampál sa lipúnang tiwarík ang namámayáning kaisipán na ginagámit úpang manubà at manghámak sa dukhâ. Kung ikáw ang tulâ, huwág magtaká kung sakalì’t magkároón ng dalawá o higít pang dilà—at mangárap na mábiyayàan ka ng mga salitâ na ikátatáyog ng diwà, hindî ka man paláring mapabílang sa panteón ng mga dakilà.

Alimbúkad: Epic wave poetry solidarity with Ukraine. No to Wars! Yes to Humanity! Yorkshire Sculpture Park – 4 by Stephen Armstrong is licensed under CC-BY-SA 2.0

Parabula ng Magnanakaw, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Magnanákaw

Roberto T. Añonuevo

Pinakámalungkót na poók ang Dakilàng Múseo, na nagtátagò ng mga sínaúnang gintông kinúlimbát mulâ sa isáng báyan pagkáraán ng mga digmâ at pananákop, hanggáng daláwin itó isáng gabí ni Arsène Lupin. Babángon ang pandáy gintô sa guníguní ng máginoóng mágnanákaw; at sa bungangà ng dulángan, magsisílabás ang mga kalúluwá na buô o wagás; sísikláb, líliyáb ang mga uysák at mag-íilík ng tumbága o pílak ang pandáy bákal, sakâ isásangág ang kataúhan nang matamó ang tumpák na kílatis o kináng. Maghúhuntáhan ang mga aníno, at sisiglá gáya sa pistá ang bulwágang silíd. Warìng sumbát, si Lupin na pinanónoód ang pandáy gintô ay ang pandáy ginto na idinúrugtóng kay Lupin at sa kaniyáng mga ugát, úpang dalhín kung saán ang kagilá-gilalás na yáman at makíta at ipágmalakí ng táumbáyan. Kukulô sa patótonáwa ang mga damdámin, gáya ng págnanása o pananághilì, at maiíwan sa bandáng hulí ang mistulà. Ang mistulà, na kisápmatáng dumaán sa kalkuládong paglantáy, ay babatákin at pípilipítin túlad ng katawán ng tulisán, ngúnit dáhil dalísay o hindî malúbay ay magbúbulóng sa pandáy úpang magsúbong na magpápatigás sa pútong, singsíng, kuwintás, híkaw, at púlseras na pawàng nakátanghál ngayón nang malayà sa mga éskaparáte. Báwat bagsák ng panalág ay kisláp sa balíntatáw ni Lupin. Mangíngiló siyá sa rítmo ng tukól at alat-át, gayúnman ay maaákit sa pagsásapó at pamáhid sa metál, at sa págkalupkóp ng mga batong kumíkisláp, sakâ sasáludo sa pámbihiràng pagbubúbo at paghihínang ng dísenyong angkóp lámang sa lahìng mithî ang, at nagpápanatíli ng, kásarinlán.  At sa paánan ni Lupin, warìng hinípan ang alabók na mga onbít at lámok mulâ sa bangás na gulód. Hinágod niyá ng tingín ang mga aláhas, at pakíwarì niyá, siyá’y nakátuntóng sa karáy, o kayâ’y sinusúbok sa urìán. Tátalilís siyá, tatákas kung saán, at ang mga kalúluwáng nása kaniyáng súpot o búlsa ay magsisíhiyáw, kung hindî man magsisísayáw sa natamóng kalayàan, na warìng itó, áyon sa hulà ng mga pithó at kinúmpirmá ni Fray San Buenaventura, ang panahón ng mga balíkbáyan sa plánetang dihitál.

Alimbúkad: Epic fluid poetry beyond Filipinas. Photo by cottonbro on Pexels.com

Kuwento ni Supra Mario, ni Roberto T. Añonuevo

Kúwento ni Súpra Mario

Roberto T. Añonuevo

Biníyayàan siyá ng talíno at lakás noóng úna pa man. Siyá, si Súpra Mario, ay hindî nág-aksayá ng sandalî sa paglíkom ng dúnong hinggíl sa sámot-sarìng bágay. Ásintádo ang kaniyáng pagsípat kung síno ang dápat makáibígan at kung síno ang kaáway na marápat ilibíng. Ginámit niyá ang dilà sa paghútok ng salitâ at diwà; náunawàan siyá ng marámi, hinangàan at ibínantáyog bílang tagapágligtás ng isáng lahì. Bílang tagapágtanggól, nagpakádalúbhasà siyá sa mga panukalàng dápat tupdín at labagín; sa mga patákarán at pámantáyang dápat higtán at págsumundán. Hanggáng isáng áraw, nakíta niyá ang saríli bílang isáng Punòng Batás, at ang lahát ng tumútol ay may katumbás na pagpápahírap at pagbítay.

               Yugtô-yugtô ang batás ni Súpra Mario, gáya ng kaniyáng pág-iísip na ánimo’y láberínto. Nakátuklás siyá ng bára-bárang gintô, na dîumanó’y mulâ sa kulimbát at dugô ng mga digmâan, at kinásangkápan yaón para sa isáng grándeng lunggatî: ang magíng pinunòng makapágbubuô ng gahúm ng isáng bukód-tangìng lahì. Umímbénto siyá ng kásaysáyan, na ang punò’t dúlo’y ang wagás na pananaíg ng kaniyáng gunitâ sa maralitàng bansâ, at milyón-milyón ang kaniyáng nápaníwalà. Iniúkit ang kaniyáng pangálan sa páaralán, mónuménto, ospitál, at ístadyum; ipinágunitâ bílang taták ng lálawígan at kálye; ipinálagánap nang ganáp bílang ídeolohíya sa rádyo, diyáryo, at telébisyón na pawàng nag-uúlat ng málikhâing kábulàánan; ginawâng brand sa urì ng pabáhay, séguro, barò, tinápay, at tabáko. Mínsan, hinúbog ng mga taúhan ni Súpra Mario ang bundók pára magíng dambúhalàng bústo niyá at nang tingalâín ng mga abâng nílikhâ. Magíng ang siyéntipíkong pangálan ng háyop o haláman ay hinálaw sa kaniyáng ápelyído. Nagíng bíbliya ng kaniyáng mga tagásunód ang kalípunán ng kaniyáng talúmpatì, na umáni ng mga bayaráng palakpák. Nagpakálat siyá ng mga dékreto ng kabutíhang-ásal at dísiplína, ng kódigo ng págsampálatáya at pagkakáisá, ng kapásiyaháng higít sa kataás-taásang hukúman.

               Mayáman si Súpra Mario, subálit hindî na niyá kailángan pang ipágmalakí dáhil ang kaniyáng kaának, kaibígan, at kapanálig ang tagápamanság niyón. Ang kakatwâ’y payák siyáng manamít, tumátanggí kung mínsan sa malaláyaw na kasayáhan, at mapagkákamálan pang ísang táo na túnay na mapág-íngat ng salapî. Huwág turíngan siyáng kurípot. Mapágbigáy siyá sa kaniyáng matátapát na kasanggá, at patútunáyan iyón ng mga négosyong pinágbahá-bahagì niyá sa kanilá. Hindî kailánman nagpáalípin si Súpra Mario sa gayúma ng salapî. Ginámit niyá ang salapî sa báwat paílalím, mabábagsík na pagtútunggalî. Binilí niyá ang dangál at pagkúkunwarî ng sinúmang mapágmataás at mababà; pinakyáw ang líhim ng panítik at kásaysáyan mulâ sa mga nagsúsunóg-kílay; hinámig ang halína ng kalákalán at alíwan na pináiíkot sa róleta ng kamúnduhán; nilágom ang dalúmat ng digmâ at kapatíran alínsúnod sa Trátado ng Abó; at isinilíd sa íisáng kilusán ang sarì-sarìng pananálig na makálupà’t seléstiyál. Mapágbigáy siyá , halímbawà’y naháhawì ang úlap sa pág-imbulóg ng éropláno’t hélikópter na nagpapáulán ng salapî kung may halálan. Nailálagdâ niyá ang pangálan sa mga salapîng papél, na tíla ba ságrado ang kaniyáng kaákuhán at káantás ng pagtáwag sa Maykapál. Higít sa lahát, makápagdídiktá si Súpra Mario kung anóng papél ang dápat gampanán ng sinúmang haháwak ng salapîng tagláy ang kaniyáng pangálan. Iyón, at walâ nang ibá pa, ang higít niyáng kinalúlugdán.

               Sumingáw sa kataúhan ni Súpra Mario ang kapángyaríhan. Pára sa kaniyá, walâng silbí ang talíno kung walâng kasudlóng na lakás at ímpluwénsiya, gáya sa pámahalàán o líga ng mga nasyón. Bigô ang kagandáhan kung itó ay napúpuwérsang maísadlák sa pagpupúta. Malúlumpó ang makalángit na pananálig kung isásantabí ang éspada, gárote, at íngkisisyón. Hindî kataká-takáng pahálagahán ni Súpra Mario ang kapángyaríhan, ang kapángyaríhang nagháhalò ang kaísipáng díbino’t karnál, ang kapángyaríhang nakapáglalagós sa bángko’t katedrál, ang kapángyaríhang sopístikádo at únibérsal—na ang tagláy na pangálan ay walâng ibá kundî: Súpra Mario.

               Gayúnman, sumápit sa sukdúlan ang hanggáhan ni Súpra Mario. Hindî nakáya ng kaniyáng atáy na ilabás ang lahát ng poót at pagkámalikhâin. Kumúnat ang kaniyáng pusò at kinákailángan niyáng mághagiláp ng bukál ng pag-íral, káhit pa mulâ sa Bundók Bakúlaw . Dinapûan siyá ng pagkahílo sa áraw-áraw  na paghábol sa itátakdâng pananaíg ng reló. Ni hindî siyá makátagál tumayô sa gitnâ ng liwaywáy sa kabilâ ng dámi ng doktór; at ang edád niyáng higít sa kaláhatìng síglo ay sumísigáw na “Tamà na, mágpahingá ka na!” Batíd nakáraráming mamámayán na mahinà na ang pangángatawán ni Súpra Mario. Marupók na ang kaniyáng mga túhod; nalalágas ang mga buhók na de-pomáda; at ang úten na dáting ginámit sa pakikipágpataásan ng ihì ay hiráp na hiráp ngayóng makapágpasírit ng ihì káhit punô ng líkido ang kaniyáng pantóg.

               Sabíhin na ang lahát ng kahinàang pisikál ni Súpra Mario. Uyamín siyá at ipáhiyâ, halímbawà sa mga nanggagálaíting póster at démostrasyón. Ngúnit sa sandalîng bigkasín ni Súpra Mario ang mántra ng kapángyaríhan, manánaíg siyáng kapuwà katútubò at pándaigdíg, kasíngtigás ng siyám na púlgadang tarugò na umúukilkíl sa kaloób-loóban ng bansâ. Ipamúmudmód niyá, áyon sa paníwalà, sa mga dukhâng kababáyan ang lahát ng kaniyáng yámang natípon noóng nagdaáng panahón; ibúbunyág ang líhim ng mga pagtátaksíl, pag-áaklás, at pagsunód, at ang mga sabwátang mabíbigông ilaráwan ng Hollywood. Iisá ang dáhil: Si Súpra Mario at ang Kapángyaríhan ay iisá, ang lahát ng nakápalígid sa kaniyá mulâng pinakámatálik na kámag-ának hanggáng pinakámalayòng mamámayáng sákop ay tutà, tutà, tutà! Napapáhagikgík si Súpra Mario káhit alám niyáng nása bíngit siyá ng kamatáyan at búhay. Siyá ang Dakilàng Áso, ang Áso ng mga Áso, at handâ niyáng paníndigán ang lahát, iháwin man siyá at ipulútan sa malílikót na kúwentong-bárbero, na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic silence poetry revolution from Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng Maykapal, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Maykapál

Roberto T. Añonuevo

Bágo maglahò ang lahì ng mga salitâ, matutúto kang ilibíng sa dalúbhasàng paraán ang saríling anák, na maaarìng bulaklák o lagalág o aklát, at matútunghayán mo ang kapaláran sa anyô ng payáso kung hindî man pangúlo. Ang ibábaón mo sa kawalán—sabíhin mang bansót, sungayán o lumakí sa pinsalàng hatíd ng kápahámakán—ay magpápaguló sa sístema ng kalákarán at náratíbo ng kasaysáyan ng ídentidád sa haráp ng sángkataúhan sakalì’t hindî masúheto sa dilíg ng pangáral o hagupít ng látigo, o áyaw sumunód sa témplo ng iyóng éhemplo, kayâ naturál na unáhan mo ang lahát na tíla sápilitáng pag-íwas sa lindól o bagyó. Sa áking lipúnan, ang pagsunód sa pátriyárka ang kaligtásan ng gunitâ mulâ sa magagaspáng, marurúngis na pagtátangkâ ng pagsásarilí. Sumásalángit ka, at maniníwalà hábang lumaláon na likás lámang na sambahín ang ngálan mo, o kayâ’y pagnasáhan ng dukhâ’t sawimpálad ang ipínundár mong kaharìan. Totoó man o hindî, isá ka ring anakpáwis; ngúnit mínsan pa’y hindî itutúring ang saríling may iisáng báse o ugát, bagkús nakataním sa buông daigdíg, lumakí hindî bílang anák bagkús áma káhit sa múrang edád, nakátutunóg sa napápanahóng móda at kúlay, kayâ nakáliligtás na maísilíd sa anumáng tagurî o kabaóng at pánlilibák na malílikhâ ng mga naúna sa iyó. Matálas kang mag-isíp, marúnong mágpatawá, at sa pagíging praktikál ay hindî pahihíntulútang magmukmók o manimdím o mag-alsá ang mga saksí sa ritwál ng paglímot; at sa pamámagítan ng angkíng wikà ay madáramitán ang pagtátaksíl o poót, hanggáng gumaán ang pakiramdám ng mga náulilà itúring mang kabílang silá sa kapatírang lumagô sa panlílinláng, paglípol, at pangungúlimbát. Ang íyong pag-íral ay párang pagbábasá ng sámot na tékstong kung hindî ántigo’y móderno, isáng paglálakbáy kung saán-saáng planéta hábang nanánatilì sa ginháwa ng malamíg na silíd at paborítong mésita, at dáhil harì’y ikáw ang batás, ang batás na hindî nilikhâ ng kámara bagkús ang kúsang lumikhâ sa saríli. Akó ikáw. “Sumunód sa ákin,” ang únang átas na ipalálagánap, “at hindî kayo magugútom!” Mapapánoód ka sa telébisyón, o maririníg sa himpápawíd, na ang pagtátalúmpatì’y tapát na tapát, at walâng pakíalám kung magsinúngalíng káhit warìng nasísiràan ng baít. Daíg mo pa ang makatà sapagkát numéro únong sinungáling, at kagilá-gilalás ang inimbéntong síning. Malulugód ang lahát sa sumisírko mong bérso, warìng pinagtambál na ímpiyérno at paraíso, mapagbantâ ng dísaster sa sinúmang suwaíl, at ang pakikiníg ay pagtitiís nang nakangitî hábang nilálagnát sa púrgatóryo ng pánsamántaláng dórmitóryo. Walâ kang luhà gáya sa sepúlturéro o ásesíno, sapagkát maipápalagáy na negósyo ang lahát, o kayâ’y bahagì ng dakilàng bisyón. Kailángang ilibíng mo ang saríling anák, bágo kayó magkíta sa sangándaán at magtágis ang mga tabák. Ganiyán ang trabáho ng mga patáy.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry facing the world. Photo by Gabriela Cheloni on Pexels.com

Wika ng Protehido sa Libingan, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng prótehído sa libíngan

Roberto T. Añonuevo

Limáng taón pagkaraáng isílang mulî, pápaloób sa íyong útak si Agonán; lalagúmin mo ang mga díksiyonáryo at tésawro sa kapulûan, papawìin ang látak ng kónsumisyón ng mga wikà, tawágin man itóng ártipisyál na karunúngan. Makikípag-úsap ka sa hángin, makikípag-úsap sa tíla tagabúlag, at pagtátawanán ng madlâ na ginagawàng éhersísyo ang panlílibák sa mga suplíng ng iyóng dilà, dáhil kinákaúsap mo ang mga patáy para sa métamórposis ng hináharáp ng laksáng ilihán—na higít sa árkitektúra ng pirámide at épiko ng máwsoleo—hanggáng dumatíng isáng áraw ang pinakáhihíntay na alopógan úpang isálin ang iyóng guníguní sa pábrika ng mga aklátan. Hindî ka patútulúgin ni Agonán, na makikípag-úsap sa iyó sa wikâ ng kagubátan úpang magkároón ka ng mabisàng gamót, halimbawà, lában sa sinaúnang líga ng mga kímera sa anyô ng álan: may mukhâ at bagwís ng banúg ngúnit matipunô ang katawán gáya ni Lakáy Fólayang. Hábang lumaláon, ang éngkuwéntro mo kay Agonán ay aágos na tila pakikipágbakbákan sa dápeg, balingën, benísalsál, at kikibâan, kakalagín pára ibuhól mulî sa láboratóryo ang paláisipán ng panikì mulâng lagnát at sakít ng úlo hanggáng kirót ng talampákan, at sásagutín sa mahabàng dískurso ang síkolohíya ng bangúngot ng awtokrátikong réhimen. Kikisláp sa iyóng noó ang mga sálit at kiláwit sa gitnâ ng unós, at kung makíta mo man ang kahawíg ni Komáu ay hindî ka matatákot, bagkús kakáusápin pa siyá sa wikà ng mga ánpitéatro at payëw. Kapuwâ kayó mapapáhalakhák sa kidlát na pag-íbig. Samantála, ang alopógan ay hindî bastá polígloto na kumákaúsap sa mga kaladíng o kayâ ‘y leksikógrapo ni Kadaklán, ngúnit malayà mong isípin ang gayón hábang sumusúlat o tumótomà o tumótomà hábang tumutulâ. Ang alopógan, kapág nása rúrok ng ginháwa, ay umíindák-indák na tagasálin, hindî pára sa iyó bagkús pára sa mga batàng nása gálong-gálong pa’y ábanse na kung mag-isíp pára sa ekonomíya ng mga pálay na sasagót sa tagsalát ng malalayông pulô.  Kailángan mo ang tangkílik ng ákadémya ng alopógan úpang maunawàan ka ng públiko, ngúnit dáhil hindî itó kóntento na magíng tagápamagítan lámang, makikipágkutsába itó káhit sa inginláod, tatawíd sa karagatán nang maratíng ang Éwropa, makikipágkalákal sa sarì-sarìng publikasyón o magpápasíkat sa mga institusyóng pámpanitikán, samantálang palihím na kinákalbó ang kabundúkan, ngúnit mágbabalík din sa iyó na luhâan, sapagkát walâ síyang napalâ at ni walâng gantímpalà, sa tránskripsiyóng ginawâ sa esotérikong pórmula ni Ápo ni Toláw: Ang palakâng nakápagsílang ng sanggól na nilawáyan ng kataás-taásan, ang sanggól na marúnong lumákad at manalinghagà na warìng pinagtambál na biyayà at sumpâ sa panahóng itó, paúlit-úlit na ginágambalà at pináiiyák at pinátatahán ni Agonán gabí-gabí at pinipílit magsalitâ sa wikà ng bahagsúbay, úpang sa bandáng hulí ay magíng akó ikáw—na kinákaúsap ng lángit.  

Alimbúkad: Epic raging poetry Filipinas rocking the world. Photo by John Renzo Aledia on Pexels.co

Ang Sabi ng Epal

Ang Sabi ng Epal

Nasasabik ka rito para sa pagmamahal
sa katwirang mahal ang bayan,
ngunit ang mga tao’y nalilipol
gaya ng libo-libong anay at langgam
nang walang kamuwang-muwang
nang walang kalaban-laban
nang walang taros, walang patawad
kapag sumasalakay ang mga alagad
ng kawalang-batas
at lumulubha ang pulmonya ng bansa.
Lumusog ba ang ekonomiya sa digma
laban sa taumbayan?
Kung bagong lipunan ang pagdurog
sa oligarkiya,
bakit dumarami yata ang iyong kakosa?
tanong ng rumarapidong komentarista.
Ikaw na may karapatan para sa buhay
ay napaglalaho ang mga karapatan
ng lahat ng sumasalungat sa iyo.
Ubusin ang adik at ubusin ang tulak
ay pag-ubos din sa abogado at aktibista,
sa guro at trabahador,
sa alkalde at negosyante,
sa pahayagan at network ng telebisyon,
sa lahat ng kritiko at reklamador,
at kung ang mga ito’y guniguni,
ano’t nasasaksihan namin
sa mga sumisikip na bilangguan
at sa mga katawang tinatakpan
ng mga peryodiko
ang espektakulo ng kabangisan?
Umuurong ang bayag ng mga politiko
sa pambihira mong paninindak,
kaya dumarami ang mga tuta mo’t kuting.
Digma ka nang digma
at nakaiinis na ang talumpati sa mga dukha.
Naubos na ang aming mga luha.
Naubos na ang aming pagtitimpi.
At kung ubos na rin ang pagtitiwala,
bakit magtataka kung ibig ka naming
bumaba mula sa iyong paniniwala
na ikaw ang trono, at sandatahang lakas
ang magtatakda ng iyong pananatili
sa puwesto at singil gaya sa impuwesto?
Mahal mo ang bayan; at ikaw, wika mo,
ang bahala sa iyong masunuring tropa.
Tinuruan mo sila sa yaman ng estadistika
ng mga bangkay, hindi alintana
ang mga naulila at nawasak ang dangal.
Pinalusog mo sila sa mga pangako
ng ayuda at sandata
upang ibalik sa amin ang pagwawakas.
At kapag nagsalita ang batas,
hindi ba ang hukom ay maaaring matodas?
Ikaw na aming tinitingala
ang sapatos na yuyurak sa aming mukha.
Ngunit dahil isa ka ring inutil
sa harap ng barkong Intsik at diplomasya
ng suhol at kawanggawa,
tutulungan ka namin sakali’t magkasakit.
Nararapat sa iyo ang regalong himagsik—
sa anyo man ng karikatura at gusgusing
karatula at pagtiktok kahit sa kubeta,
sa anyo ng apoy at ulan ng mga salita
na gaya nito’y nagtatangkang maging tula.

Alimbúkad: Poetry voice matters. Photo by Chris Curry @ unsplash.com.

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita, ni Gendun Chopel

Salin ng tula sa Sanskrit ni Gendun Chopel ng Tibet
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita*

Pagpapahalaga sa Dilag ng Pagsasalita.

Itong sukdulang dunong na Sarasvatī
Ang nagpapatanglaw sa pagsasalita;
Punuin mo nawa ang aking lalamunan
Ng mga salitang maglilinaw sa daigdig.

Supling ng dagat, siya ang nag-aakay
Sa mga tagasunod sa supremong daan
Ng sagradong sigasig at pagmumuni
Sa ibabaw ng masaganang purāņas.

Ang lawak ng kaniyang karunungan
Ay kalangitang di-abot ng mga bituin;
Walang lugar para sa isang hagdang
patungo sa nakasisilaw na araw.

________
*Mula sa “Mga Aral ng Maestrong Walang Disipulo,” na nasa aklat na pinamagatang In the Forest of Faded Wisdom (Sa Gubat ng Pumusyaw na Karunungan) ni Gendun Chopel (1903–1951), batay sa bersiyong Ingles ni Donald S. Lopez, Jr.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Petr Sidorov @ unsplash.com

Armonisasyon

Armonisasyon

Roberto T. Añonuevo

Isang mainit na usapin sa mga fumefeysbuk, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay ang usapin hinggil sa “armonisasyon ng mga ortograpiya ng mga katutubong wika sa Filipinas” [KWF Statement on the Harmonization of Orthographies of Filipino Languages, 22 Oktubre 2018). Ang armonisasyon ay konseptong isinusulong ng KWF para ipaliwanag ang posisyon nito, bukod sa ipagtanggol ang Ortograpiyang Ilokano (2018) na balak nitong ipagamit sa mga guro at estudyante sa Hilagang Luzon, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon, sa kabila ng pagtutol ng GUMIL Filipinas at iba pang kabalikat na grupo.

Ang GUMIL (Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas) ang pinakaaktibo at pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat at editor na Ilokano, at may base hindi lámang sa rehiyon ng Ilocos, bagkus maging sa iba’t ibang lalawigan, at ibang bansa, gaya sa United States of America, Greece, at Saudi Arabia. Ang mga manunulat na ito ang lumikha ng mga pambihirang aklat pampanitikan sa paglipas ng panahon, at patuloy na sinusubaybayan hangga ngayon, sa pamamagitan ng lingguhang magasing Bannawag at iba pang babasahin.

Ano ba talaga ang “armonisasyon,” kung babalikan ang posisyon ng KWF at isinusulong ng tagapangulo nito? Hindi naipaliwanag sa pahayag ng KWF kung saang punto ito nagmumula, at ang reperensiya ay mahihinuhang galing sa panig ng Filipino. Kung ang reperensiya ay Filipino, ano ang saklaw ng “armonisasyon” para sabihing ang dating walang armonyang mga wikang katutubo ay magkakaroon ngayon ng pagkakaisa at pagsasanib?

Malabo ang pahayag ng KWF sapagkat nabigo itong ipaliwanag ang konsepto ng “armonisasyon,” una sa panig ng lingguwistika, at ikalawa, sa panig ng sosyolingguwistika at kasaysayan, sa harap ng wikang Ilokano. Kung susuriin ang ipinalalaganap nitong mga katutubong ortorgrapiya, ang armonisasyon ay naglulundo nang malaki sa panghihiram ng mga salitang banyaga, na ang pinakaubod ay mula sa Español (na ang ispeling dati ay “Espanyol”), at hindi sa katutubo-sa-katutubong wikang ugnayan. Dito masasabing malakas ang Ortograpiyang Pambansa (OP) sapagkat napulido na ang mga panuto nito sa Español sa paglipas ng panahon, mulang yugto nina Lope K. Santos at Jaime de Veyra hanggang Ponciano BP. Pineda hanggang Nita P. Buenaobra at Jose Laderas Santos hanggang Virgilio S. Almario. May katwiran kung gayon ang KWF kung punahin nito ang sinauna’t hispanisadong baybay ng mga salita, halimbawa ang mga pangalan ng pook, gaya ng Davao (na puwedeng “Dabaw” o “Davaw; Calasiao na puwedeng “Kalasyaw”), o ang mga pangalang pambalanang, gaya ng “dios” na naging “diyos,” cuento na naging “kuwento,” atbp.

Pagkaraan nito ay lalantad ang kahinaan ng OP, sa kasamaang-palad, lalo sa panghihiram ng mga salita sa Ingles. Bakit? Sapagkat walang malinaw at kompletong panuto na isinulong ang KWF sa bahaging ito. Hindi pa ganap nitong nailalahok kung paano manghihiram, halimbawa sa Ingles, Nihonggo, Aleman, Frances, atbp., sa isang panig, at sa mga katutubong wika, gaya sa Magindanaw, Ilokano, Hiligaynon, Romblonon, Sebwano, Bikol, atbp. Maikakatwiran dito kung ang gagawing batayan ay ang kakulangan ng isang pambansang diksiyonaryong Filipino na higit ang saklaw sa UP Diksiyonaryong Filipino, at may basbas ng isang ahensiya ng gobyerno. Ang UP Diksiyonaryong Filipino, kahit pa ito pinondohan ng gobyerno, ay hindi masasabing kasinlakas ng pambansang diksiyonaryo, kung ang diksiyonaryong ito ay mismong luwal ng KWF—na may mandato ng Konstitusyong 1987, at Batas Republika Blg. 7104. Kung babalikan ang kasaysayan, ang mandato ng Institute of National Language bago pa sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay una, lumikha ng isang malawakang diksiyonaryo na batay sa katutubong wika at magiging batayan ng pambansang wika; at ikalawa, bumuo ng isang gramatika o balarila mula sa katutubong wika.

Sa kasalukuyan, nasa yugto pa rin ng pangangarap ang Pambansang Diksiyonaryong Filipino at Binagong Gramatikang Filipino—na pawang maglalahok sa lahat ng matitingkad na katangian ng mga katutubong wika sa Filipinas.

Magkakasiya na lámang ang OP sa gaya ng panghihiram ng mga pangngalang pantangi mula sa mga banyagang wika na hindi kailangang baguhin ang ispeling, sa mga salitang kargado ng kultura o kasaysayan, sa mga salitang siyentipiko o teknikal, o kung kaya’y sa mga salitang may maiikling patinig na tunog [short vowels] ngunit problemado kapag dumako sa mahahabang patinig [long vowels] at sa mga salitang may tunog schwa, kambal patinig (gaya ng \ph\ na maaaring gawing \p\ o \f\), dobleng titik (gaya ng dd, ff, rr, ss, atbp), sa mga salitang may triptong o tatluhang katinig, at iba pang punto na wala sa OP.

Sa bahaging ito, ang tinutukoy na “armonisasyon” ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa punto de bista ng KWF ay konserbatibo at mahihinuhang limitado sa panghihiram ng mga salita sa Español. Kung magkakaisa ang mga katutubong wika sa bahaging ito ay walang magiging sagabal, maliban na lámang kung ang mga katutubong wikang ito ay tinanggap ang mga salitang Español, at inangkin nang buong-buo, at umiiwas na ispelingin ang mga salita alinsunod sa nais na paraan ng pagbaybay ng OP sa maraming pagkakataon, kahit pa sabihing kabitan ng mga panlapi, sapagkat nakalahok yaon sa kanilang mga diksiyonaryo. Matingkad ang ganitong problema sa gaya ng Chabacano, Ilokano, at Bikol, kung pagbabatayan ang mga konsultasyon sa ortograpiya noon.

Ang mga umiiral na diksiyonaryo, halimbawa sa Ilokano, Bikol, Sebwano, atbpng wika, ay sa paglipas ng panahon ay naging sanggunian ng henerasyon ng mga manunulat at editor, at marahil ay magbabago lámang ang paraan nila ng pagbabaybay alinsunod sa mapagkakaisahan at mamamayaning paraan ng pagsulat sa panig ng pangkat ng mga manunulat at editor. Ito ay sapagkat ang ortograpiya ay nakatuon, unang-una sa lahat, sa mga manunulat at editor, at hindi para sa mga estudyante at guro. Ang mga manunulat at editor ang aktibong lumilikha ng mga teksto, at hindi naiiwasang magtakda ng estandarisasyon ng wika na ginagamit naman ng mga estudyante o guro. Kung babalikan ang isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon, ang inuuna ay ang paglikha ng ortograpiya imbes na unahin ang pagsasaliksik, produksiyon, at preserbasyon ng mga akdang pampanitikang nasusulat sa mga katutubong wika.

Sa mga wika sa Filipinas, ang malalakas na wika ay nagmumula ngayon sa Ilokano, Sebwano, at Bikol. Ang tatlong wikang ito ay may mahuhusay at batikang manunulat at editor, na may kani-kaniyang publikasyon at suportado kung minsan ng ilang akademya. Kapag hindi sumang-ayon ang mga manunulat at editor ng isang wika, gaya ng ginawa ng GUMIL, ay mauulit lámang ang kasaysayan, nang bumalikwas ang mga manunulat sa Filipino nang tuligsain nito’t suwayin ang itinakdang panuto sa Ortograpiyang Filipino noong panahon ni Tagapangulo Buenaobra. Sa aking pagkakatanda, minura kami (kasama ko sina Dr. Leo Zafra at Leonida Villanueva) at nilait-lait ni Buenaobra dahil sinuway namin ang ortograpiyang inilathala ng KWF. Lilipas ang panahon at mabibigo ang bersiyon ni Buenaobra at mananaig ang bersiyong isinulong ng National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Magkakaroon ng problema ang konsepto ng “armonisasyon” sa panig ng mga katutubong wika, sapagkat wala pang malawakan at naisapanahong pag-aaral ang KWF kung pag-uusapan ang mga pagkakahawig ng mga katutubong wika. Ang tinatanggap pa lámang ngayon ay ang mga salitang pangngalan, na nailahok ang ilan sa UP Diksiyonaryong Filipino, ngunit ang mga salitang pandiwa o pang-uri o pangatnig o pang-abay, lalo kung ang mga ito ay nilapian ay hindi pa natitingkî at hindi pa nailalahok sa OP. May katwiran kung gayon ang GUMIL Filipinas sa pag-angal hinggil sa pagbabago ng “biag” tungo sa “biyág,” na waring isinunod sa “biak” na naging “biyák,” ngunit kung babalikan ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay may lahok doon na “biák” at binibigkas na \bi+ak\, gaya sa “Biak na Bato.” Hindi malalayo ang “biak” sa “baak,” na ginagamit pa rin sa ilang bayan sa Rizal, gaya ng Angono, Binangonan, at Tanay, o kaya’y sa Batangas, Quezon, at Marinduque. Ang problema ng “biak” ay hindi malalayo sa hispanisadong “babayi” na dapat na “babai” at hindi “babay.” Para sa mga Español, ang titik \i\ ay mahinang patinig, at upang lumakas at makatindig nang mag-isa ay karaniwang kinakabitan ng \y\.

Sa pedagohikong pagdulog, ang sinasabing “armonisasyon” na binabanggit ng KWF ay marupok ang kinatatayuan sapagkat kulang sa pag-aaral o saliksik hinggil sa panig ng pagtuturo ng ortograpiya, batay sa mithi ng Kagawaran ng Edukasyon. Kailangang linawin ng KWF na kung ang layon nitong armonisasyon ay limitado sa panghihiram ng mga salitang Español o Ingles, sapagkat wala pa itong malinaw na mga panuto hinggil sa panghihiram ng mga katangian ng mga katutubong wika, na ang karamihan ay ni hindi pa nailalahok sa UP Diksiyonaryong Filipino. Muli, maitatanong kung ano at kung saan ang gagamiting reperensiya sa pagtuturo sa mga estudyante kung isasaalang-alang ang mga katutubong wika. Ang armonisasyon ba ay mulang Filipino tungong katutubong wika, gaya sa Ilokano, Sebwano, at Bikol? O pabaligtad? Isasaalang-alang din ba ang armonisasyon ng mga katangian ng iba-ibang katutubong wika, halimbawa, mulang Bikol hanggang Ilokano o Sebwano hanggang Ibanag?

Binanggit pa ng KWF sa pahayag nito na,

Harmonization is not compulsory for older users of the language or individual organizations; it is specifically aimed at helping the Department of Education and teachers to teach any of the native languages. Other organizations are free to adopt their own stylebook in their own publications.

Ang armonisasyon ay hindi umano sapilitan para sa matatandang gumagamit ng wika o mga organisasyon. Nakatuon umano ito para tulungan ang Kagawaran ng Edukasyon at mga guro sa pagtuturo ng mga katutubong wika. Malaya pa umanong gumamit ng sariling istaylbuk ang iba’t ibang organisasyon. Ano uli? Baka ang tinutukoy dito ay hindi sapilitan ang pagpapagamit ng ortograpiya imbes na armonisasyon, sapagkat walang kinalaman ang  edad o pagkatigulang sa armonisasyon, lalo sa panig ng mga Ilokano na ang tanging layon ay paunlarin ang wikang Ilokano. Ang ortograpiya ay para sa mga manunulat at editor, o sa mga tao na nag-aambisyong maging manunulat o editor, na gumagawa ng mga aklat o teksbuk. Ang ortograpiya ay hindi para sa mga mag-aaral na tutuntong pa lamang sa kindergarten o Unang Grado. At walang pakialam ang mga estudyante sa masalimuot na usapin ng lingguwistika ng ortograpiya, bagkus sa mga konseptong taglay ng mga salita na nakaugat nang malalim sa kani-kanilang kultura.

Ang payo ng KWF na malaya ang alinmang organisasyon na gumawa ng sariling istaylbuk ay tama, ngunit hindi tumutumbok sa solusyon sa tunay na problema, at halos tumawid sa pagiging sarkastiko. Ang istaylbuk ay nakabatay sa ortograpiya at gramatika, at kung gayon, ay hindi makagagawa ang KWF ng sariling istaylbuk para ipataw at panaigin sa mga katutubong wika. Ang Ortograpiyang Ilokano, kapag binasbasan ng KWF, ay may kapangyarihang baguhin sa isang iglap ang naitatag nang paradima ng pagsulat sa Ilokano, sapagkat ito ay may basbas ng gobyerno. Ang tanging magagawa ng mga Ilokano, gaya ng mga kasapi ng GUMIL, ay tumutol at suwayin ang itinatadhanang panuto ng KWF. Sa ganitong pangyayari, ang armonisasyon, sa yugtong ito, ay nangangailangan ng pagkambiyo at reebalwasyon. At ito ay masasagot lámang ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng KWF, sapagkat yaon ay láwas kolehiyado at hindi nagmumula sa pasiya ng isa o dalawang tao lámang.

PAHABOL: Pinukaw, sa di-inaasahang pangyayari, ng KWF ang nakem—o ang kolektibong kamalayan, kung hihiramin ang pakahulugan ni Aurelio Agcaoili—ng mga kasaping manunulat ng GUMIL. Ang nakem, kung aalagaan nang maigi, ay makapaghahasik ng rebolusyon, at inspirasyon sa mga kapuwa Filipino, na kapupulutan ng aral kahit ng mga tinitingalang kasapi’t opisyal ng pinakamalaking unyon ng mga manunulat sa Filipinas.

music keyboard instrument piano note musical instrument sheet music close up brand ivory font classical musical classic composer chord harmony lessons pianist melody synthesizer piano keys clef stave music score music sheet instrumental pianoforte string instrument musical keyboard electronic instrument