Aghamistika, bilang Ikadalawampu’t siyam na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Aghamístiká[1], bílang Ikádalawámpu’t siyám na Aralín 

Roberto T. Añonuevo

Ang lalaking naglalakad sa loob ng isip ang lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kuwarto ngunit ang lalaking ito ang lalaki ring nagsusulat ng batas at nagpapatupad ng batas sa malayong lupalop gayunman ay hindi uso sa kaniya ang huminto dahil hindi uso sa kaniya ang bantas o kudlit na paglabag sa gramatika ng awtoridad at palaugnayan ng sawimpalad na walang pakialam sa sugnay na katunog ng bugnay na ang mahalaga ay sumasayaw ang mga titik na umiimbento ng indayog gayong nagpapakana ng kubling pakahulugan o pahiwatig o sabihin nang ito ang totoo ang totoo na parang totoo na hindi totoo na realidad sa realidad at iperrealidad ng hilaga sa realidad ng timog na realidad ng kanlurang realidad ng silangang gumagawa ng pelikula na pelikulang walang istorya na isang kababalaghan ay ay ay patawarin ay patuwarin paano siya mauunawaan kung ang kasalukuyan niya ang nakaraan kung ang nakaraan niya ang hinaharap kung ang kasalukuyan ang hinaharap at nakalipas na magpapanukala ng karunungang artipisyal na lilikha sa iyo at maniniwala ka sa patuluyang wika na patuloy na pagsasalita na may papel man ay tumatangging pumapel o gumamit ng papel sapagkat ito ang pinakamadali sapagkat ito ang mabilis maunawaan na ang tanong ay ginagaya si Roque Ferriols na nagkakanulo kay Ferriols na nagkukunwang Ferriols subalit hindi masagot kung mahalaga ba ang maunawaan ay hindi mahalaga dahil totoong wala kang mambabasa walang babasa sa iyo kundi ang puso ang puso mo sa pinggan ang puso ng saging na kung minsan ay pusong mamon ang sustansiyang isusubo ngunguyain lulunukin walang pakialam sa paligid walang pakialam sa impiyerno o langit sapagkat muling nagbabalik ang naglalakad sa loob ng isip na lalaking nakaupo at nagbabasa ng peryodiko sa malamig na kabaong baliw na baliw sa kapangahasan ito ang bago ito ang gago ito ang makabago ay ay ay wiwikain mo ikaw ang lalaking ito walang hanggan walang pakialam sapagkat ito ang kapangyarihan ang paggigiit na semyotika ng alanganin hungkag at sumasanto lamang sa kawalan kalawang kawala kawal kawa kawkaw ka nang kaka ng Wala Ala Lala la la aaa ikaw ba ito o ito ako ang itatanong mo para sa akin ngunit sadyang para sa iyo para sa iyo iyo iyo


[1] Ginamit dito ang salitang “aghamistika” (na mula sa tinipil na “aghám” at “místiká”) bílang panumbás sa isáng anyô ng íperrealidád.

Alimbúkad: Epic poetry insanity breaking the rules. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Imbalidong Memorandum, ni Roberto T. Añonuevo

Imbalidong Memorandum

Roberto T. Añonuevo

Hindi ko masisisi si Karmina Constantino nang maibulalas niyang “I’m sorry Commissioner, you’re not making sense!” nang interbiyuhin si Kom. Benjamin Mendillo ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 12 Agosto 2022. Malabo—sa paraang maligoy na ang ubod ay hungkag— ang sinasabi ni Mendillo nang ipagtanggol nito ang paglalabas ng KWF Memorandum No. 2022-0663 na may petsang 9 Agosto 2022, na nagbabawal sa pagpapalathala at pagpapalaganap ng mga aklat at iba pang manuskritong ipinapalagay nitong subersibo na maaaring maglagay sa panganib sa gobyerno.

Hindi kinakailangan si Atty. Camille Vasquez para mapiga ang katotohanan (at maibunyag ang kabulaanan) sa paraan ng mga pagtatanong sa nag-aakusa; sapat na ang gaya ni Constantino upang mabatid kung makatwiran ba o may nilalaman ang winiwika ni Mendillo hinggil sa pagbabawal ng paglalathala ng mga aklat na umano’y “subersibo.” Hindi masagot nang malinaw at tahas ni Mendillo  ang pangwakas na tanong na wala sa tungkulin [o hindi na saklaw] ng KWF na patunayan kung subersibo ba hindi ang mga sinulat ni Reuel Molina Aguila na isa sa mga awtor na pinararatangan. Walang nailabas na patnubay, kautusan, o ibang panuntunan ang KWF mula pa noong itatag ito hangga ngayon na tumutukoy kung subersibo ba o hindi ang isang aklat o babasahin. Para sa kaalaman ng lahat, ang mga nagwaging tula sa Talaang Ginto: Makata ng Taon ay malimit kritikal ang tindig sa gobyerno, at maihahalimbawa ang ikonikong tulang “Mga Duguang Plakard” (1970) ng yumaong makatang Rogelio G. Mangahas.

Balikan ang Republic Act No. 7104 at ang “Binagong mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad sa Batas Republika Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino” na nalathala sa Official Gazette noong 20 Pebrero 2017 at makikita roon na wala sa anumang bahagi nito na saklaw ng KWF ang pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat anuman ang kiling nitong ideolohiya, at ang pagtatatak kung ang mga ito ay subersibo, sapagkat ang pagtitiyak kung subersibo o hindi ang isang bagay ay hindi na nito saklaw. Bukod pa rito, walang isinagawang publikong konsultasyon ang KWF hinggil sa mga aklat o manuskrito nitong tumatawid sa mga ideolohikong usapin, at ang kaugnayan nito sa kasiningan sa pagsusulat.

Ang tanong na dapat bang ipawalang-saysay o ipawalang-bisa ng KWF ang kautusan nito hinggil sa pagbabawal sa publikasyon ng mga aklat at pagpapalaganap nito sa kapuluan ay hindi na kailangan pang itanong, sapagkat dapat magkusa na ang Kalupunan. Sa mula’t mula pa’y lumilihis na ang KWF memorandum at ang kaugnay nitong resolusyon ng Kalupunan [Board of Commissioners] sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104 at sa Binagong Tuntunin nito. Ayon sa Seksiyon 21. Sugnay na Nagpapawalang-Saysay ng Binagong Tuntunin ng Batas Republika Blg. 7104,

“Ang lahat ng mga sirkular, memorandum sirkular, order, at iba pang mga atas administratibo o mga bahagi niyon na sumasalungat sa Batas [Republika] Blg. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino o sa Binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito ay pinawawalang-saysay, sinususugan, o minomodipika gaya ng nararapat. Pinawawalang-saysay din o sinususugan ang mga kapasiyahan ng nakaraang mga Kalupunan o may bahaging sumasalungat sa binagong mga Tuntunin at Regulasyong ito.”

Official Gazette of the Republic of the Philippines, Vol. 113, February 20, 2017, No. 8

Sa aking palagay, hindi nagbabasa ang mga komisyoner ng batas at ng mga tuntunin nito [Implementing Rules and Regulations]. Hindi dapat matakot ang mga awtor na pinaratangang subersibo ang kani-kaniyang akda sapagkat sa simula’t simula pa’y naliligaw ang gaya ni Kom. Mendillo, sampu ng mga kasapakat niyang komisyoner, sa ginawa nitong pagbabawal sa publikasyon ng ilang aklat na subersibo umano at paglalagay sa panganib sa buhay at pamilya ng mga awtor. Ang totoo, puwedeng magsampa pa ng kaso ang mga akusadong awtor at papanagutin sa batas ang mga butihing komisyoner.

Sumunod man sa proseso o hindi ang paglalathala ng mga aklat ay hindi maibubunton lahat sa Tagapangulo. Ito ay sapagkat ang OIC Direktor Heneral, na nagkataong si Mendillo noong panahong iyon, ay may tungkuling subaybayan at tingnan din ang publikasyon. Imposibleng hindi dumaan sa kaniya ang mga pangunang pagsusuri sa mga manuskrito mula sa Komite ng Publikasyon, o kahit ang listahan ng mga manuskritong isasaaklat, sapagkat hindi tatakbo ang papeles at hindi pipirmahan ng akawntant o Puno ng Pananalapi kung ni walang pirma o inisyal man lang ni Mendillo. Kung unilateral ang paglalathala ng nasabing mga aklat, gaya ng paratang ni Mendillo, may kapabayaan din siya sapagkat dapat tumayo siyang panimbang sa mga ginagawa ng puno ng ahensiya, at hindi bilang tagapuna lamang tuwing may pulong ang Kalupunan.

Labag sa Saligang Batas 1987 ang KWF Memorandum No. 2022-0663, ayon sa pinakabagong resolusyon ni Rep. Edcel Lagman.

Hindi kung gayon isang pagmamalabis, manapa’y isang kaluwagan pa, kung magbitiw man sa tungkulin ang mga pumirmang komisyoner sa memorandum at resolusyong lihis na lihis sa batas na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Alimbúkad: Epic raging poetry against incompetence and mediocrity. Photo by Alexis Ricardo Alaurin on Pexels.com

Ikalabindalawang Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíndalawáng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

“Ang wikà mo ang kataúhan mo,” ang paskíl sa padér na makikíta mo, at kung may báhid man itó ng kátotohánan ay susubúkin mo na tíla sugò ka niná Vak at Fáma, na magbíbigáy sa iyó ng  kapángyaríhan ng dilà, na pósibleng manganák o mabiyák at magsangá-sangá, na magháhatíd pára magíng dalawá o higít pa ang iyóng idéntidád. Sa loób mo, na panghihímasúkan ng lumikhâ sa iyó, ay hindî ímposíbleng magkároón ng dalawá o higít pang wikà na manánaíg ang isáng wikà sa paraáng sumúsunód ang ibá pang wikà sa grámatika, wísyo, at pagpapákahúlugán nitó—na ang paláugnáyan ay matálik at maúunawàan ng pinilì mong pérsona. Tutuláran mo si Fernando Bagongbanta: “Ycao ang oguit na matibay/ eres timon que no quiebra/ cahimat binabagyohan/ aunque haya tempestad recia/ sa iyo aco mananalig/ mi esperanza en ti esta puesta/ sa aquing paglalayagan/ en aquesta mi Carrera.”// Sa ganitóng pagkakátaón, walâng saysáy ang pagsasálin sapagkát ang téksto ay isá nang ehersísyo sa, at artefákto ng, pagsasálin. Ang dalawâng wikà—na nagmulâ man sa mágkabilàng pólo—ay nagsasánib úpang lumikhâ ng isáng bágong wikà, na turíngan mang tulâng ládino ay pagmámalábis sa daigdíg ng guníguní dáhil ang nasábing wikà ay makápagsásaríli at nakapágpapáalingawngáw ng saríli, na lampás sa kinagísnang parámetro ng Tagálog at sumúsuwáy sa sakláw ng Espaňol, sa kabilâ ng pangyayáring mukhâ itóng mestíso. Kung ipagpápalagáy na itó ay háybrid, ang henétikong urì nitó ay ebolusyón ng bakbákang páilalím, may diyaléktikong ágos na ang isang katutubòng wikà’y  ekstensiyón ng ibá pang banyagàng wikà, sa layúning sumunód sa útos ng máylikhâ, at nang turùan ang mga Tagálog sa paggámit ng Espaňol o turùan ang Espaňol sa paggámit ng Tagálog. Sa kabilâ nitó, magpipílit ang dalawâng wikà na dumakò sa pantáy na éstado sa anyông suwábe at dî-halatâ, gumagálang sa kapuwâ úpang mapágbigyán káhit paáno ang pagkakákilanlán ng báwat isá. Sakâ lámang matútunugán sa bandáng hulí ng mga mámbabása na ang nasábing háybrid na wikà na ipínadrón warì  sa prósodya ng dalawáng kúltura ay malínaw na larô ng kapángyaríhan, gáya sa maláwak na lipúnan, sa layúning pánaigín ang pananálig sa mayháwak ng ímprenta at podér. Maláy na maláy sa ganitóng larô si Rolando S. Tinio na lumikhâ ng kakatwâng pérsona úpang itampók ang dóble-kárang pérsonalidád nitó sa pásalitâng pamámaraán: “Sa poetry, you let things take shape,/ Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig./ You start siyempre with memories,/ ‘Yung medyo malagkit, kahit mais/ Na mais: love lost, dead dreams,/ Rotten silences, and all// Manner of mourning basta’t murder.”/ Bagamán dóble ang bílang ng salitâng Inglés sa salitâng Tagálog, sumúsunód ang Inglés sa éstruktúra ng Tagálog at dáhil díto’y nabúburá ang pagká-Inglés at nabúburá ang pagká-Tagálog úpang iluwál ang isá pang wikàng mukhâng mestíso. Ngúnit ang hímig ay banáyad at mapánlansí; nagháhayág ang pérsona ng saríli niyáng poétikang hinúgot man sa banyágang poók ay pumípiglás sa pagkábanyagà nang maípakíta ang báhid ng pinág-ugatáng báyan. Ang resúlta’y isáng háybrid na urì, na hábang nabíbiyák ang ísip ng pérsona sa dalawâng wikà ay nabíbiyák din ang kaniyáng diwà na katumbás ng kataúhang bípolár, na pagkakátaón úpang isílang ang sisté na kinásangkápan ng mga Tagálog noóng úna pa man. Wikà nga ng pérsona sa “Pelos en la lengua” ni Giannina Braschi: “El bilingüismo es una estética bound to double business. O, tis most sweet when in one line two crafts directly meet. To be and not to be. . . .” Hindî ba itó ang pamámangkâ sa dalawáng ílog, nakáaákit bukód sa nakabábalíw, kung warìin ay nagsásagútan nagsúsuhayán naghíhiwaláy, úrong-súlong nang maítanghál ang sariwàng kabatíran? Sa ganitóng pangyayári, tátanggí mísmo ang natúrang tulâng tulúyan úpang isálin sa púrong Inglés o púrong Espaňol, sapagkát kung magáganáp itó’y mawáwalân ng bisà ang anyô ng háybrid na wikà na may bukód na idéntidád. Sa káso na may dalawâng wikà na magkálahì at katutubò sa isáng bansâ, ang diyalétikong ugnáyan nitó’y nakásandál pa rin sa pérsona, gáya sa “Dugay na sa Manila” ni Teo T. Antonio. Sa nasábing tulâ, ang pérsona ay isáng nagtapós ng kúrso sa pagkágurò at sinúbok magtúngo sa Maynilà úpang makipágsapalarán. Nagbantulót siyáng magturò kung hindî man nanghinà ang loób dáhil mababà ang suwéldo na hindî káyang makápag-áhon sa hírap ng pamílya. Naísip niyáng mangibáng-báyan nang makilála ang rekrúter na nangakòng tutúlong úpang makápuntá ang pérsona sa Saudi Arabia. Ngúnit úpang matupád itó’y kailángan ang malakíng halagá. Sumúlat ang pérsona sa kaniyáng mga magúlang at humingî ng pérang pambáyad sa mga gastúsin sa paglálakád ng papéles. Naniwalà namán ang kaniyáng mga magúlang at isínanlâ pa ang arì-arìan. Tuwâng-tuwì ang pérsona at matútupád na ang kaniyáng pangárap. Hanggáng pumíhit sa masakláp na pangyayári: “Kaya ang papilis, nang naayos lahat/ Ako gid ay parang natuntong sa ulap./ Pinutos ang damit, sa tuwa’y maiyak/ Malalab-ot na gid ang akon pangarap./ Pero ang rekrutir na ahinsya’y palpak,/ Dinul-ong man ako sa Saudi Arayat.”// Naghahalò ang Bisayâ at Tagálog sa tulâ, sa paraáng nagsúsuháyan sa isá’t isá úpang maítanghál ang kataúhan ng probínsiyána—at maitutúring na halímbawà ng ebolusyón ng mga wikà. Ngúnit higít pa ríto, hindî masasábing dominánteng wikà ang Tagálog, sapagkát ang Tagálog ay kailángang gumanáp ng segundáryong papél at magíng panúhay na wikà túngo sa elaborasyón ng Bisayâ nang magíng kapaní-paníwalà ang páhiwátig na pagkálalawíganín ng pérsona. Kung edukáda man ngúnit muslák ang pérsona ay sapagkát nagkátaóng umiíral siyá sa isáng panahón at guníguníng lunán na mapágbalátkayô sa kabilâ ng pagigíng totoó sa saríli ng pérsona. Hindî siyá pásibo bagkús áktibo sa pagkamít ng pangárap, ngúnit nabigô pa rin siyá dáhil sa sindikáto (na ipinahíhiwátig din ng pamagát kung bíbigkasín nang malumì ang “Manilà” imbes na gamitin ang “Maynilà”). Kung itó man ay masakláp na birò ng kapaláran, ang biròng itó ay sumásapól sa pusò, na pumípigâ sa awà at hindík na makápagháhatíd ng katársis sa pánig ng mga mámbabása, dáhil mukhâ mang nagpápatawá ang hímig ng wikà ay sumásampál sa lipúnang tiwarík ang namámayáning kaisipán na ginagámit úpang manubà at manghámak sa dukhâ. Kung ikáw ang tulâ, huwág magtaká kung sakalì’t magkároón ng dalawá o higít pang dilà—at mangárap na mábiyayàan ka ng mga salitâ na ikátatáyog ng diwà, hindî ka man paláring mapabílang sa panteón ng mga dakilà.

Alimbúkad: Epic wave poetry solidarity with Ukraine. No to Wars! Yes to Humanity! Yorkshire Sculpture Park – 4 by Stephen Armstrong is licensed under CC-BY-SA 2.0

Impresyon mula sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Impresyón mulâ sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Hálos mamúwalán ng lupà ang nakápahilíg na ántigong abrám sa hardín ng mga rosál at santán—íbig mágsalitâ bágo tulúyang bawìan ng estétikang hiningá sa tabí ng babáeng kagampán at nakáupô sa batúmbuháy at naghíhintáy bagá sa káwal na bána—samantálang nanunúngaw sa ipuípo ng mga lamók ang matandâng bubúli na walâng tínag at nakátingalâ doón sa bungangà  na warì bang hinúhulàan ang ambón at bahâ. Ngúnit ipagkakánulô ng umágang sínag mulâng kaliwâ pa-kanán, na tagláy ang hágod na malamyós, mapáglarô, magaán, bukód sa may matitingkád na kúlay pástoral, ang anumáng madilím na pángitáin at sényales ng lungkót. Maráhil naságap din itó ni Camille Pissarro at naigúhit na éhersísyo sa kaniyáng kuwadérno, ngúnit nang isínasálin na niyá ang tagpô sa kámbas, walâng anó-anó’y umulán ng mga bála, bumagsák na párang bulalákaw ang mga éropláno’t bómba, lumúkob ang maitím na úsok, lumúsob ang mga tangké ng hukbó at hálos lipúlin ang lahát ng makítang aníno o hulagwáy, kayâ napilítan siyáng tumákas kung saán, dalá-dalá ang kaniyáng dî-natápos na píntura at ibá pang ináakalàng óbra máestra. Dáhil nagsawà na ang píntura ng pintór na magíng órdináryong píntura, at nábuwísit sa ikinákahóng kariktán sa púsod ng lagím, naisípan nitóng lumundág nang kusà mulâng kámbas túngong papél sa bisà ng íntersemyótikong hókus-pókus, na nagkátaóng isinúlat namán ng isáng makatàng Frances, págdaka’y isinálin sa sanlíbong wikà ng lupálop nang magkápakpák ang balità, at nang mabása isáng áraw ng pihíkang Tagálog sa wébsayt ng elektrónikong aklát na mukhâng néoimprésyonísta ay walâng pasíntabìng biniròng, “Tulâ, datapuwâ hindî magalíng!” Sumiglá biglâ ang hulagwáy nang mariníg ang gayóng puná, sapagkát nakapasá kahit paáno sa pagkámatulàin ang kaákuhán, at warìng nagkároón itó ng katwíran úpang magbíhis ng tésturang baság-baság na búbog o lámat sa padér, dumiín ang ipinátong na hágod na ánimo’y natuyông dugô mulâ sa anónimong bárbaro na itinápon sa hardín ng mga rosál at santán, dî-máipagkákailâng kagilá-gilalás ang panloób na tugmâang wagás at humáhagupít ang páhiwátig pagsápit sa pandiníg, hindî man yaón masakyán ng kóntemporáneong panánalinghagàng hinahábol ng, o tumatákas sa, kápahámakán. Nagpatúloy ang tránspormasyón ng tulâ nang higít sa únang bisyón ni Pissarro, nagpaláboy-láboy sa Kálye Líbertad, maláy na maláy sa pagkátimawà, hanggáng ang pagkámagalíng na tinágurîán ng mapánudyóng Tagálog ay warì bang nagíng katumbás ng prínsesang tinálikdán ang rangyâ at láyaw ng kaniyáng tradisyón, at nangibáng-báyan sa píling ng kabiyák—na ang pagmámahál ay hindî maáabót ng elegánteng pinsél o magárbong panulát.

Alimbúkad: Epic rolling poetry without borders. No to censorship. Yes to freedom. Yes to Poetry! Photo by W W on Pexels.com

Parabula ng Magnanakaw, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Magnanákaw

Roberto T. Añonuevo

Pinakámalungkót na poók ang Dakilàng Múseo, na nagtátagò ng mga sínaúnang gintông kinúlimbát mulâ sa isáng báyan pagkáraán ng mga digmâ at pananákop, hanggáng daláwin itó isáng gabí ni Arsène Lupin. Babángon ang pandáy gintô sa guníguní ng máginoóng mágnanákaw; at sa bungangà ng dulángan, magsisílabás ang mga kalúluwá na buô o wagás; sísikláb, líliyáb ang mga uysák at mag-íilík ng tumbága o pílak ang pandáy bákal, sakâ isásangág ang kataúhan nang matamó ang tumpák na kílatis o kináng. Maghúhuntáhan ang mga aníno, at sisiglá gáya sa pistá ang bulwágang silíd. Warìng sumbát, si Lupin na pinanónoód ang pandáy gintô ay ang pandáy ginto na idinúrugtóng kay Lupin at sa kaniyáng mga ugát, úpang dalhín kung saán ang kagilá-gilalás na yáman at makíta at ipágmalakí ng táumbáyan. Kukulô sa patótonáwa ang mga damdámin, gáya ng págnanása o pananághilì, at maiíwan sa bandáng hulí ang mistulà. Ang mistulà, na kisápmatáng dumaán sa kalkuládong paglantáy, ay babatákin at pípilipítin túlad ng katawán ng tulisán, ngúnit dáhil dalísay o hindî malúbay ay magbúbulóng sa pandáy úpang magsúbong na magpápatigás sa pútong, singsíng, kuwintás, híkaw, at púlseras na pawàng nakátanghál ngayón nang malayà sa mga éskaparáte. Báwat bagsák ng panalág ay kisláp sa balíntatáw ni Lupin. Mangíngiló siyá sa rítmo ng tukól at alat-át, gayúnman ay maaákit sa pagsásapó at pamáhid sa metál, at sa págkalupkóp ng mga batong kumíkisláp, sakâ sasáludo sa pámbihiràng pagbubúbo at paghihínang ng dísenyong angkóp lámang sa lahìng mithî ang, at nagpápanatíli ng, kásarinlán.  At sa paánan ni Lupin, warìng hinípan ang alabók na mga onbít at lámok mulâ sa bangás na gulód. Hinágod niyá ng tingín ang mga aláhas, at pakíwarì niyá, siyá’y nakátuntóng sa karáy, o kayâ’y sinusúbok sa urìán. Tátalilís siyá, tatákas kung saán, at ang mga kalúluwáng nása kaniyáng súpot o búlsa ay magsisíhiyáw, kung hindî man magsisísayáw sa natamóng kalayàan, na warìng itó, áyon sa hulà ng mga pithó at kinúmpirmá ni Fray San Buenaventura, ang panahón ng mga balíkbáyan sa plánetang dihitál.

Alimbúkad: Epic fluid poetry beyond Filipinas. Photo by cottonbro on Pexels.com

Kuwento ni Supra Mario, ni Roberto T. Añonuevo

Kúwento ni Súpra Mario

Roberto T. Añonuevo

Biníyayàan siyá ng talíno at lakás noóng úna pa man. Siyá, si Súpra Mario, ay hindî nág-aksayá ng sandalî sa paglíkom ng dúnong hinggíl sa sámot-sarìng bágay. Ásintádo ang kaniyáng pagsípat kung síno ang dápat makáibígan at kung síno ang kaáway na marápat ilibíng. Ginámit niyá ang dilà sa paghútok ng salitâ at diwà; náunawàan siyá ng marámi, hinangàan at ibínantáyog bílang tagapágligtás ng isáng lahì. Bílang tagapágtanggól, nagpakádalúbhasà siyá sa mga panukalàng dápat tupdín at labagín; sa mga patákarán at pámantáyang dápat higtán at págsumundán. Hanggáng isáng áraw, nakíta niyá ang saríli bílang isáng Punòng Batás, at ang lahát ng tumútol ay may katumbás na pagpápahírap at pagbítay.

               Yugtô-yugtô ang batás ni Súpra Mario, gáya ng kaniyáng pág-iísip na ánimo’y láberínto. Nakátuklás siyá ng bára-bárang gintô, na dîumanó’y mulâ sa kulimbát at dugô ng mga digmâan, at kinásangkápan yaón para sa isáng grándeng lunggatî: ang magíng pinunòng makapágbubuô ng gahúm ng isáng bukód-tangìng lahì. Umímbénto siyá ng kásaysáyan, na ang punò’t dúlo’y ang wagás na pananaíg ng kaniyáng gunitâ sa maralitàng bansâ, at milyón-milyón ang kaniyáng nápaníwalà. Iniúkit ang kaniyáng pangálan sa páaralán, mónuménto, ospitál, at ístadyum; ipinágunitâ bílang taták ng lálawígan at kálye; ipinálagánap nang ganáp bílang ídeolohíya sa rádyo, diyáryo, at telébisyón na pawàng nag-uúlat ng málikhâing kábulàánan; ginawâng brand sa urì ng pabáhay, séguro, barò, tinápay, at tabáko. Mínsan, hinúbog ng mga taúhan ni Súpra Mario ang bundók pára magíng dambúhalàng bústo niyá at nang tingalâín ng mga abâng nílikhâ. Magíng ang siyéntipíkong pangálan ng háyop o haláman ay hinálaw sa kaniyáng ápelyído. Nagíng bíbliya ng kaniyáng mga tagásunód ang kalípunán ng kaniyáng talúmpatì, na umáni ng mga bayaráng palakpák. Nagpakálat siyá ng mga dékreto ng kabutíhang-ásal at dísiplína, ng kódigo ng págsampálatáya at pagkakáisá, ng kapásiyaháng higít sa kataás-taásang hukúman.

               Mayáman si Súpra Mario, subálit hindî na niyá kailángan pang ipágmalakí dáhil ang kaniyáng kaának, kaibígan, at kapanálig ang tagápamanság niyón. Ang kakatwâ’y payák siyáng manamít, tumátanggí kung mínsan sa malaláyaw na kasayáhan, at mapagkákamálan pang ísang táo na túnay na mapág-íngat ng salapî. Huwág turíngan siyáng kurípot. Mapágbigáy siyá sa kaniyáng matátapát na kasanggá, at patútunáyan iyón ng mga négosyong pinágbahá-bahagì niyá sa kanilá. Hindî kailánman nagpáalípin si Súpra Mario sa gayúma ng salapî. Ginámit niyá ang salapî sa báwat paílalím, mabábagsík na pagtútunggalî. Binilí niyá ang dangál at pagkúkunwarî ng sinúmang mapágmataás at mababà; pinakyáw ang líhim ng panítik at kásaysáyan mulâ sa mga nagsúsunóg-kílay; hinámig ang halína ng kalákalán at alíwan na pináiíkot sa róleta ng kamúnduhán; nilágom ang dalúmat ng digmâ at kapatíran alínsúnod sa Trátado ng Abó; at isinilíd sa íisáng kilusán ang sarì-sarìng pananálig na makálupà’t seléstiyál. Mapágbigáy siyá , halímbawà’y naháhawì ang úlap sa pág-imbulóg ng éropláno’t hélikópter na nagpapáulán ng salapî kung may halálan. Nailálagdâ niyá ang pangálan sa mga salapîng papél, na tíla ba ságrado ang kaniyáng kaákuhán at káantás ng pagtáwag sa Maykapál. Higít sa lahát, makápagdídiktá si Súpra Mario kung anóng papél ang dápat gampanán ng sinúmang haháwak ng salapîng tagláy ang kaniyáng pangálan. Iyón, at walâ nang ibá pa, ang higít niyáng kinalúlugdán.

               Sumingáw sa kataúhan ni Súpra Mario ang kapángyaríhan. Pára sa kaniyá, walâng silbí ang talíno kung walâng kasudlóng na lakás at ímpluwénsiya, gáya sa pámahalàán o líga ng mga nasyón. Bigô ang kagandáhan kung itó ay napúpuwérsang maísadlák sa pagpupúta. Malúlumpó ang makalángit na pananálig kung isásantabí ang éspada, gárote, at íngkisisyón. Hindî kataká-takáng pahálagahán ni Súpra Mario ang kapángyaríhan, ang kapángyaríhang nagháhalò ang kaísipáng díbino’t karnál, ang kapángyaríhang nakapáglalagós sa bángko’t katedrál, ang kapángyaríhang sopístikádo at únibérsal—na ang tagláy na pangálan ay walâng ibá kundî: Súpra Mario.

               Gayúnman, sumápit sa sukdúlan ang hanggáhan ni Súpra Mario. Hindî nakáya ng kaniyáng atáy na ilabás ang lahát ng poót at pagkámalikhâin. Kumúnat ang kaniyáng pusò at kinákailángan niyáng mághagiláp ng bukál ng pag-íral, káhit pa mulâ sa Bundók Bakúlaw . Dinapûan siyá ng pagkahílo sa áraw-áraw  na paghábol sa itátakdâng pananaíg ng reló. Ni hindî siyá makátagál tumayô sa gitnâ ng liwaywáy sa kabilâ ng dámi ng doktór; at ang edád niyáng higít sa kaláhatìng síglo ay sumísigáw na “Tamà na, mágpahingá ka na!” Batíd nakáraráming mamámayán na mahinà na ang pangángatawán ni Súpra Mario. Marupók na ang kaniyáng mga túhod; nalalágas ang mga buhók na de-pomáda; at ang úten na dáting ginámit sa pakikipágpataásan ng ihì ay hiráp na hiráp ngayóng makapágpasírit ng ihì káhit punô ng líkido ang kaniyáng pantóg.

               Sabíhin na ang lahát ng kahinàang pisikál ni Súpra Mario. Uyamín siyá at ipáhiyâ, halímbawà sa mga nanggagálaíting póster at démostrasyón. Ngúnit sa sandalîng bigkasín ni Súpra Mario ang mántra ng kapángyaríhan, manánaíg siyáng kapuwà katútubò at pándaigdíg, kasíngtigás ng siyám na púlgadang tarugò na umúukilkíl sa kaloób-loóban ng bansâ. Ipamúmudmód niyá, áyon sa paníwalà, sa mga dukhâng kababáyan ang lahát ng kaniyáng yámang natípon noóng nagdaáng panahón; ibúbunyág ang líhim ng mga pagtátaksíl, pag-áaklás, at pagsunód, at ang mga sabwátang mabíbigông ilaráwan ng Hollywood. Iisá ang dáhil: Si Súpra Mario at ang Kapángyaríhan ay iisá, ang lahát ng nakápalígid sa kaniyá mulâng pinakámatálik na kámag-ának hanggáng pinakámalayòng mamámayáng sákop ay tutà, tutà, tutà! Napapáhagikgík si Súpra Mario káhit alám niyáng nása bíngit siyá ng kamatáyan at búhay. Siyá ang Dakilàng Áso, ang Áso ng mga Áso, at handâ niyáng paníndigán ang lahát, iháwin man siyá at ipulútan sa malílikót na kúwentong-bárbero, na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic silence poetry revolution from Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Parabula ng Pangungulila, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Pangúngulilà

Roberto T. Añonuevo

Kung naríritó si Penélopé, na tókaya niyá, at naróroón namán sa ibáng pulô ang bána nitóng ábrodísta (na pamínsan-mínsan ang videokol), maráhil ay lúlustayín din niyá ang magdamág sa haráp ng pangablán, at maáalíw kapág náisálin sa inabél ang mga bundók, kidlát, at bayáwak. Ngúnit ang mórena klárang Penélopé’y warìng ngayón pa lámang nagsasánay ng langkít, makáraáng magsawà sa laptop at basì, at nagmámasíd sa lóla kung paáno nitó nilálapátan ng saysáy ang mga gílid ng téla. Malilímot ang pangúngulilà káhit sa payák na hábing dísenyo; at túlad ng ibá pang bágong saltá, daráan siyá sa paikíd, at maluwág na tátanggapín na káhit ang kaniyáng loób ay nagíng banyagà, makalípas ang iláng taón, sa mga ginágawâng fatáwil o shukyóng. Párang mga ugát na pinilípit, párang mga palasóng sinaló ng lúad ang kaniyáng pagkábahalà sa kaniyáng minámahál. Iláng digmâan at pándemya ang katumbás ng mga saplót?  Matutúto rin maráhil siyá pagkáraán na lumikhâ ng kaniyáng saríling sinangád-ám, at ang matipunông katawán ng kaniyáng mahál na kung birùin ay si Lam-áng, ay isasálin niyá sa tinágtakhó, na nilálandás ang talampád sa anyô ng minátmatá. Sa tumpák na panahón, maisásaúlo niyá ang tinitíko na aákalàing payëw kung hindi man malá-áhas na lumitáw pagkáraáng mahawì ang úlop. Ngúnit tuwíng sasápit siyá sa yugtô ng pa-kháwa, ang sukdól ng galíng, warìng tumátanggí ang kaniyáng mga kamáy at ísip kung dapát itulóy ang lahát, at tuparín ang pangwakás na kan-áy. “Dalawáng taón ko na siyáng hindî nakikíta,” ibúbulóng ng babáe sa haráp ng pangablán. Hindî tutugón ang pangablán. Gayúnman, mabúbuô ang tápis o alampáy nang dî-ináasáhan; at isáng umága’y tatahól ang matatapát niyáng áso, nang mínsang malígaw ang dáyong nagháhanáp ng binakól na warì’y álaála ng nawáwalâng kabiyák.

Alimbúkad: Epic weaving poetry challenging the world. Photo by Agung Pandit Wiguna on Pexels.com

Wika ng Kuwaderno, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Kuwadérno

Roberto T. Añonuevo

Walâng ugát at walâng nasyón, ang tínig ni Janis Joplin ay sa bóte isinálin ng híganteng áparáto, bumibínggo at bíbong-bíbo kung sa pláka, kinukulób na párang áyudang makúpad ipakálat kung hindî man nabigông makáratíng sa milyón-milyóng maysakít o nagugútom, nagháhanáp ng mga bakánteng libíngan at ospitál, ipinágkakaít kapíling ng ibá pang awítin, kumakasá sa lában, nagpáparindí sa pandemyá úpang mataúhan ang sinúman na ang kapángyaríhan ay kasinglínis at kasingbangís ng pásistang gobyérno na lumilípol sa mga dukhâ, ádik, vayrús, tibák. Ang tínig na hinahárang ng takíp ay íbig sampalín ang pangúlo na sumásampál sa salígang batás, nása kuwárenténa’y bumábatì nang pápalakpák hábang pumapákyu, gáyong tumatáwa pa ang mga kasapákat na sindikáto at politíkong fumeféysbuk, walâng pakíalám kundî ang katupáran ng humáhagibís na Porsche, manhíd sa mga táo at panahóng nagtátanóng ngúnit tumutútol sa íisáng sagót hinggíl sa pambansâng kalagáyan, dî-alintána ang sárbey ng pagtútol o babalâ ng mga bála o katón ng mga dísaster, at kung may ádyenda man ay salát sa pakáhulugán ng plánong tátahakín. Káhit salát sa kasaysáyan, si Janis na pinákikínggan ay nakátutunóg sa wakás, ang tubigáng ibiníbigáy sa dáyo dáhil sa útang na loób, may saríling gramátika at síntaks, párang ármadong rebolusyóng nása likód ng pintô, sabóg na sabóg ang haráya, langó na langó sa bisyón, may pangakò na hindî nalálayô sa Pangwakás na Paghúhukóm, alangáning laós ngúnit humahábol hángga ngayón, naririyán ngúnit paláisipán ang paglápit. Ang kinúkulimbát sa kabáng-yáman at ang inaágaw na pártido ay katumbás din ba ng bakunádong dangál? Ang sagót ay párang paglagók sa ísang bóte ni Janis Joplin—walâ ni karámay, walâ ni kasarìán, subálit patúloy gumugúhit, bumibírit, sapagkát isinusúka ang bulók na palásyo, humahámon at pumápakyáw ng poót, humihímok ng pagkakáisá sa mga táo nang higít sa maitátakdâ ng pananálig, nang higít sa maitátakdâ ng hináharáp, umíigkás ang lóhika, umíigkás ang guníguní, isinásahímpapawíd ng mga bayaráng nétwork gáya nitóng páratáxis ng pagbílog ng sandaáng milyóng úlo, walâng silbí ang bulsá at blúsa, isáng balón ng karimlán, nakátiklóp na bálota at tumátanggí sa kúdeta, ang himagsíkang ínmortal ang katwíran, mulâ man itó sa walâng baít na kuwadérno, na gáya nitó.

Alimbúkad: Epic poetry rant against massive corruption. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wika ng Maykapal, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Maykapál

Roberto T. Añonuevo

Bágo maglahò ang lahì ng mga salitâ, matutúto kang ilibíng sa dalúbhasàng paraán ang saríling anák, na maaarìng bulaklák o lagalág o aklát, at matútunghayán mo ang kapaláran sa anyô ng payáso kung hindî man pangúlo. Ang ibábaón mo sa kawalán—sabíhin mang bansót, sungayán o lumakí sa pinsalàng hatíd ng kápahámakán—ay magpápaguló sa sístema ng kalákarán at náratíbo ng kasaysáyan ng ídentidád sa haráp ng sángkataúhan sakalì’t hindî masúheto sa dilíg ng pangáral o hagupít ng látigo, o áyaw sumunód sa témplo ng iyóng éhemplo, kayâ naturál na unáhan mo ang lahát na tíla sápilitáng pag-íwas sa lindól o bagyó. Sa áking lipúnan, ang pagsunód sa pátriyárka ang kaligtásan ng gunitâ mulâ sa magagaspáng, marurúngis na pagtátangkâ ng pagsásarilí. Sumásalángit ka, at maniníwalà hábang lumaláon na likás lámang na sambahín ang ngálan mo, o kayâ’y pagnasáhan ng dukhâ’t sawimpálad ang ipínundár mong kaharìan. Totoó man o hindî, isá ka ring anakpáwis; ngúnit mínsan pa’y hindî itutúring ang saríling may iisáng báse o ugát, bagkús nakataním sa buông daigdíg, lumakí hindî bílang anák bagkús áma káhit sa múrang edád, nakátutunóg sa napápanahóng móda at kúlay, kayâ nakáliligtás na maísilíd sa anumáng tagurî o kabaóng at pánlilibák na malílikhâ ng mga naúna sa iyó. Matálas kang mag-isíp, marúnong mágpatawá, at sa pagíging praktikál ay hindî pahihíntulútang magmukmók o manimdím o mag-alsá ang mga saksí sa ritwál ng paglímot; at sa pamámagítan ng angkíng wikà ay madáramitán ang pagtátaksíl o poót, hanggáng gumaán ang pakiramdám ng mga náulilà itúring mang kabílang silá sa kapatírang lumagô sa panlílinláng, paglípol, at pangungúlimbát. Ang íyong pag-íral ay párang pagbábasá ng sámot na tékstong kung hindî ántigo’y móderno, isáng paglálakbáy kung saán-saáng planéta hábang nanánatilì sa ginháwa ng malamíg na silíd at paborítong mésita, at dáhil harì’y ikáw ang batás, ang batás na hindî nilikhâ ng kámara bagkús ang kúsang lumikhâ sa saríli. Akó ikáw. “Sumunód sa ákin,” ang únang átas na ipalálagánap, “at hindî kayo magugútom!” Mapapánoód ka sa telébisyón, o maririníg sa himpápawíd, na ang pagtátalúmpatì’y tapát na tapát, at walâng pakíalám kung magsinúngalíng káhit warìng nasísiràan ng baít. Daíg mo pa ang makatà sapagkát numéro únong sinungáling, at kagilá-gilalás ang inimbéntong síning. Malulugód ang lahát sa sumisírko mong bérso, warìng pinagtambál na ímpiyérno at paraíso, mapagbantâ ng dísaster sa sinúmang suwaíl, at ang pakikiníg ay pagtitiís nang nakangitî hábang nilálagnát sa púrgatóryo ng pánsamántaláng dórmitóryo. Walâ kang luhà gáya sa sepúlturéro o ásesíno, sapagkát maipápalagáy na negósyo ang lahát, o kayâ’y bahagì ng dakilàng bisyón. Kailángang ilibíng mo ang saríling anák, bágo kayó magkíta sa sangándaán at magtágis ang mga tabák. Ganiyán ang trabáho ng mga patáy.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry facing the world. Photo by Gabriela Cheloni on Pexels.com

Wika ng Piloto, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Píloto

Roberto T. Añonuevo

Makápupúlot ka ng esotérikong kalatás, na kasíngtandâ ng mga digmâan, at maísasálin itó ni Pierre Louÿs sa ganitóng paraán: “Nágdaramít ang árkipelágo sa anyô ng sarì-sarìng punongkáhoy o gusalì, at nágtatanghál ng mga bungangkáhoy at bulaklák o bánderítas at watáwat. Lumalátag doon nang maága ang takipsílim, at sa malayô’y higít yáong nagyayabáng sa bíhis na mga hiyás na kumíkisláp-kisláp na tíla hindi nagmulâ sa mga bintanà at lansángan, at hálos tumbasán ang mga bituín. Ngúnit ikáw, gáya sa bátis ni Bilitis, ay pipilìing hubarín ang lahát ng bumábagábag sa lóob at máglalakád na párang nakikípagtálik sa karimlán. Anó kung hindi makíta ang tirík na tirík mong súso? Másasalát ko iyán. Anó kung walâng makápansín na kasímpulá ng katás ng dúhat ang iyóng labì? Máhahagkán ko iyán. Anó kung páalúnin ng hángin ang mahabà mong buhók? Másasamyô ko iyán. Walâng ináng tatangáy sa iyó doón sa napakáiláp na gabí, at mághahatíd sa lugód na lampás lángit kundî akó, at kung itó’y muntîng pagsísinúngalíng, sabíhin, áking mahál, sabíhin sa ákin ang totoó na párang pagsasálin ng sálin ng kathâng huwád at balighô, mariníg man iyón ni Pedro at ipakálat na tsismís ni Luis.”

Alimbúkad: Epic raging poetry transmutation. Photo by Frans Van Heerden on Pexels.com