“Tumataog, Kumakati,” ni Henry Wadsworth Longfellow

Salin ng “The Tide Rises, The Tide Falls,” ni Henry Wadsworth Longfellow
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumatáog, kumakáti

Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig
Dumidilim ang hapon, humuhuni ang ibon;
Sa pasigan ng dagat na basa’t kinalawang
Nagmadaling núngo sa bayan ang manlalakbay,
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Lumalapag sa bubong at dingding ang karimlan.
Ngunit ang dagat sa pusikit ay tumatawag;
Malambot, puti ang kamay ng álong dumating
Na pumawì sa bakas ng paa sa buhangin.
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Nikat ang liwayway; mga kabayo sa kural
Ay sumikad at suminghal pagsitsit ng amo;
Nagbalik ang araw, subalit hindi na mulȋng
Babalik ang manlalakbay sa baybay ng mithȋ.
. . . . . . . . .At tumáog ang tubig, at kumáti ang tubig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of ordinary Filipinos! Pass the word.

Ang Paniki, ni Theodore Roethke

Salin ng “The Bat,” ni Theodore Roethke
Salin sa pandaigdigang Filipno ni Roberto T. Añonuevo

Ang Paniki

Ang paniki kapag umaga’y pinsan ng daga,
Sa átiko ng matandang bahay nagkukuta.

Mga daliri niya ay panakip sa ulo.
Mabagal ang pulso niya’t animo’y yumao.

Paikot kung gumuhit ng pigura sa gabi
Sa mga punongkahoy na may sinag sa tabi.

Ngunit kapag siya’y bumangga sa ating iskrin,
Takót tayo sakali’t mabatid ng paningin:

Dahil may kung anong mali o wala sa puwesto,
Kapag ang daga na may pakpak ay mukhang tao.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs!

Salita ng Taon: War Docs

War Docs

Tumanyag ang salitang war docs hindi dahil may Ikatlong Digmaang Pandaigdig, at kinasasangkutan ng China, US, at Filipinas, bagkus sa masigasig na pakikibaka ng presidente na linisin ang bansa mula sa pagkakalulong sa nakababaliw na droga. Tumutukoy ang “war docs” sa tinipil na “war documents” o “drug war documents” mula sa gobyerno na hiniling ng ilang batikang abogado ng FLAG (Free Legal Assistance Group) upang pag-aralan ang mga kasong isinampa sa mga akusadong mamamayang nasangkot sa direkta o di-direktang paraan ng kampanya ng gobyerno upang sugpuin ang paglaganap ng droga sa Filipinas.

Ang mga dokumento ay mga testamento ng karahasan, kung tatanawin sa pananaw ng ilang kritiko; samantalang patunay din ito sa tagumpay ng gobyerno laban sa pagsugpo sa mga sindikato, tulak, at adik na lumalaganap hanggang pinakamababang barangay sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Maituturing ding artefakto ang mga dokumento, sapagkat bagaman ang karamihan dito ay inaagiw at natabunan ng alikabok ay karapat-dapat titigan muli sa ngalan ng pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng bawat Filipino.

Sa pagsusuri ng naturang mga dokumento ay maaaring mapansin ang tila pagkakahawig-hawig ng naratibo ng pagdakip o pagpatay sa mga hinihinalang tulak o adik, ani Chel Diokno, at ito ang dapat pagtuonan sa mga pagsusuri.

Kung palalawigin ang napansin ni Diokno, at ng mga kapanalig niya sa FLAG, ang salaysay ng mga pulis laban sa mga akusado ay maaaring sipating kaduda-duda, sapagkat hindi lamang ito nagtataglay ng wari’y pro forma na taktika ng naratibo, bagkus wari’y bunga ng pagmamadali na makapagsampa ng reklamo sa hapag ng piskal, at kung may matatagpuang probable cause [posibleng sanhi ng kaso] ay maaaring sampahan ng kaso sa korte ang isang akusado. Ang ganitong obserbasyon ay mapatutunayan kung paghahambingin ang mga naratibo, halimbawa, sa buy-bust operation o sa pagsalakay sa mga tinaguriang drug den.

Ang pag-aaral sa tinutukoy na war docs ay maaaring sipatin kada distrito, halimbawa ay sa Metro Manila na may Eastern Police District at Western Police District. Sa dalawang distritong ito ay maaaring tukuyin ang pagkakahawig-hawig ng kaso, gayong iba’t iba ang mga sitwasyon, oras, pangyayari, at tauhan ang mga sangkot. Maaaring matuklasan, halimbawa, na sa bawat operasyon ng pulis, ay hindi kompleto ang mga dokumento bago isagawa ang pagsalakay at pagdakip laban sa mga akusado. Maaaring matunghayan na kulang-kulang ang mga report, gaya ng Spot Report, After-operation Report, at Follow-up Report, na dapat ginagawa ng imbestigador na isinusumite sa piskal. Maaaring matuklasan din ng mga sumusuyod sa dokumento na pare-pareho ang paraan at naratibo sa buy-bust, lalo sa mga akusadong nahulihan ng maliliit na gramo ng damo o shabu.

Ang problema ay kahit kulang-kulang ang mga report ay naitutuloy pa rin ang kaso sa tulong ng piskal, halimbawa sa mga kaso na warrantless arrest. Kung kulang-kulang ang report ng pulis, sapat na ba ang ganitong sitwasyon para pangatwiranan ang probable cause o ang posibleng sanhi kung bakit dinakip ang isang akusado? Ang totoo’y napakaluwag ng piskal sa panig ng mga pulis, at ito ang dapat lapatan ng batas ng kongreso. Halimbawa, ang surveillance o paniniktik ng pulis ay ipinapalagay agad na may regularidad, at natural lamang umano na paniwalaan ang panig ng pulis na humuli o pumatay sa akusado. Ngunit paano kung ang mismong dokumento ukol sa surveillance ay hindi naberipika nang maigi? Sa ganitong pangyayari, makikita kahit sa surveillance report ang butas at di-pagkakatugma, halimbawa ng mga alyas na ginagamit sa akusado, o ang tunay na pangalan ng akusado—na karaniwang nababatid lamang ng pulis matapos ang interogasyon. Posibleng matuklasan ng FLAG na may mga akusado na dinampot ngunit wala ang kanilang pangalan sa surveillance report.

Ang pagkakahawig-hawig sa mga kaso ay matutunghayan din sa presentasyon ng umano’y nakuhang ebidensiya sa isang akusado. Halimbawa, tatawagin ang isang kagawad ng barangay at ang isang kinatawan Prosecutor’s Office o kaya’y kinatawan ng media, na sabihin nang isang korespondente sa isang pahayagan. Maaaring matuklasan sa pag-iimbestiga na ang dalawa o tatlong ito ay hindi naman naroon sa oras ng operasyon; at ipinakita lamang sa kanila ng pulis ang mga sinasabing ebidensiya laban sa akusado, at pagkaraan ay magpapakuha ng retrato at lalagda na sila bilang mga saksi sa ulat ng imbestigador na siyang magsusumite ng ulat sa piskal. Ang nasabing dokumento ay paniniwalaan agad ng piskal at hukom, at ni hindi kinukuwestiyon kung batid nga ba ng mga saksing ito ang naganap na operasyon.

At ang masaklap, ang ilang reporter ay iba ang salaysay kahit interbiyuhin ang mga akusado. Ang nananaig ay ang naratibo ng pulis, at naisasantabi ang pagkuha ng katotohanan mula sa panig ng akusado. Ang ibang akusado ay sinisiraan agad sa media para hindi na makapiyok. Nakadepende rin ang naratibo ng reporter sa sasabihin ng pulis, at kung ang pulis imbestigador ay hindi pa tapos sa kaniyang ulat na isusumite sa piskal, magkakaroon ng di-pagkakatugma kahit sa naratibo ng mga reporter at sa naratibo ng pulis kung paghahabingin ang press release sa mga diyaryo at Internet, at ang legal na dokumentong nilagdaan ng mga pulis na isinumite sa piskal para sa inquest proceeding ng akusado.

Ang susi sa pagsusuri ng war docs ay maaaring matunghayan sa pagtutuon sa naratibo ng mga imbestigador, na kung minsan ay tinutulungan pa umano ng piskal. Dito maaaring makita ng FLAG ang ratio na pagkakakahawig-hawig ng mga kaso, halimbawa sa buy-bust operation o sa pot session o sa simpleng pagdadala ng mga kasangkapan sa pagdodroga. Ang pagkakahawig ay may kaugnayan sa manerismo o karaniwang gawi at estilo ng pagsulat ng imbestigador. Ang ibang ulat ay waring pinalitan lamang ng pangalan, oras, petsa, at lugar ng pangyayari, at tila de-kahon upang maging madali ang report ng imbestigador.  Kung minsan, ang imbestigador ay kasama umano sa operasyon (na bawal na bawal sa batas), at kahit nakita ito ng piskal o hukom ay isinasantabi. Ito ay dahil ay binibigyan lamang ng 24 oras ang pulis para madala sa piskal ang akusado at agad masampahan ng kaso. Posibleng mapansin pa sa maraming dokumento na ang ilang ulat ay hindi nalagdaan ng pulis bago isumite sa piskal, at ang nakapagtataka’y pinalulusot lamang ito ng piskal para sa kabutihan ng pulis.

Mapapansin din ng FLAG na ang pagdakip sa mga akusado ay karaniwang Biyernes ng hapon o gabi o kaya’y Sabado, at sa maraming pagkakataon ay hindi lahat ng korte ay bukás sa ganoong mga araw, o kaya’y walang pasok ang piskal, at natural na nabibigyan ng sapat na panahon ang pulis upang makagawa ng ulat at makapagsumite nito sa piskal. Ang operasyon ay nakapagtatakang halos magkakahawig, at hindi nabibigyan ng sapat na panahon ang akusado na makahingi ng tulong kahit sa PAO (Public Attorney’s Office), dahil walang pasok ito sa naturang pagkakataon. Upang patunayan ang Biyernes o Sabado ang mga banal na oras ng operasyon, maaaring magtungo sa mga bilangguan sa mga lungsod at tingnan ang bilang na dumarating na akusado kada araw.

Kailangang mapag-aralan din sa war docs ang estado ng mga akusado. Marahil ay 90 porsiyento ng mga dinakip ay karaniwang mamamayang maituturing na nasa ilalim ng guhit ng kahirapan, at natural na ang mga akusadong ito ay umasa lamang sa maibibigay na tulong ng PAO. Ang iba’y napipilitan na lamang umamin sa mas mababang kasalanan (plea bargain), sapagkat wala silang sapat na kakayahang pinansiyal upang lumaban pa sa mga pulis at piskal. Kung ang siyam sa sampung akusado ay magkakapareho ang naratibo ng pagkakadakip kung hindi man pagkakapatay, hindi ba ito dapat pagdudahan ng mga hukom? Ngunit maaaring nangangamba rin ang hukom sa kaniyang posisyon o seguridad, kaya ang pinakamabilis na paraan ay paniwalaan niya ang naratibo ng pulis na isinumite ng piskal at hatulan ang mga akusado.

Hindi ko minemenos ang mga abogado ng PAO, sapagkat marami sa kanila ang matatalino, masisipag, at mapagmalasakit, ngunit sa dami ng kanilang hinahawakang kaso, na ang iba’y kailangang hawakan ang 30-40 kaso kada araw, paanong mapangangalagaan nang lubos ang kapakanan ng mga akusadong dukha? Ang kaso ng mga nasasangkot sa droga ay hindi totoong natatapos agad sa isang buwan; ang kaso ay maaaring tumagal nang ilang buwan, halimbawa, sa presentasyon pa lamang ng mga ebidensiya, bukod pa ang regular na pagpapaliban sa pagdinig, at bago matapos ang pagdinig ay napagsilbihan na ng akusado ang panahong dapat ilagi sa loob ng bilangguan.

Ang imbestigasyon sa war docs ay magbubunyag din sa estado ng prosekusyon at hukuman sa Filipinas. Kahit nakikita ng di-iilang hukom at piskal na magkakahawig ang naratibo ng pulis ay maaaring pumabor pa rin sila laban sa mga akusado sapagkat may pangambang masangkot sila sa narco-list, at ito ay may kaugnayan umano sa order sa nakatataas. Ito ang karaniwang napapansin ng mga akusado, at hindi ito maitatatwa magsagawa man ng malawakang sarbey sa mga bilangguan. Napapansin din ng ilang akusado na ang ilang piskal ay nagiging tagapagtanggol ng pulis, imbes na suriin nito nang mahusay kung karapat-dapat bang sampahan ng kaso ang isang akusado, batay sa naratibo ng pulis.

Ngunit sino ba naman ang mga akusadong adik at tulak para paniwalaan ng hukom? Kahit ang mga akusadong nagsampa ng Mosyon para makakuha ng ROR (Release on Recognizance) na nasa batas ay malimit hindi napagbibigyan ng hukom, at pilit silang pinatatapos ng counseling, kahit ang rekomendasyon ng CADAC ay out-patient counseling o community-based rehabilitation para sa akusado. Totoong prerogatibo ng hukom ang pagbibigay ng ROR, ngunit kung sisipatin sa ibang anggulo, ang pansamantalang pagpapalaya sa mga akusado ay makapagpapaluwag ng bilangguan at malaking katipiran sa panig ng gobyerno dahil mababawasan ang pakakainin nitong mga bilanggo.

Ang imbestigasyon ng war docs ay hindi nagtatapos dito. Sa sampung detenido at nasa ilalim ng BJMP, masuwerte na ang dalawa ay magkaroon ng dalaw, ayon sa ilang tagamasid. Ang walo na hindi sinuwerteng dalawin ng kamag-anak o kaibigan ay nabubulok sa bilangguan, maliban na lamang kung magkukusa ang abogado nila sa PAO na pabilisin ang kanilang paglilitis. Ang ibang akusadong nakalaya ay bumabalik sa bilangguan o binabalikan ng pulis, kaya napipilitan ang mga tao na ito na lumipat ng ibang lugar na matitirhan. Ipinapalagay dito na ang mga akusado ay talamak na adik o tulak, na may katotohanan sa ilang pagkakataon, ngunit ang ganitong sitwasyon ay hindi totoo sa mayorya ng mga detenido. Ang mga pulis, sa wika ng ilang kritiko, ay may quota na dapat matupad sa pagdakip sa mga adik at tulak; at kaya kahit matino ang isang pulis ay napipilitan siyang sumunod sa utos ng kaniyang opisyal.  Gayunman ay walang quota kung ilang drug lord ang dapat mahuli o kung ilang sindikato sa droga ang dapat mabuwag sa isang buwan. Kung may quota ang pulis, ayon sa ilang tagamasid, ang pinakamabilis na paraan ay likumin ang mga adik sa mga dukhang pamayanan, at ipaloob sila sa mga bilangguan.

May narco-list ang pangulo hinggil sa mga politiko, negosyante, pulis, at sundalong sangkot sa droga. Ilang beses pa niya itong binanggit sa kaniyang mga talumpati. Ngunit hangga ngayon ay walang quota kung ilan sa kanila ang dapat mabilanggo sa loob ng isang buwan; at kung ilang Tsino o Koreano o Hapones o Mehikanong sangkot sa sindikato ang dapat tumimbuwang kada linggo. Nang akusahan ng isang Bikoy ang anak ng pangulo na sangkot sa narkotrapikismo ay mabilis itong sinangga ng mga opisyal ng PNP at Malacañang, at nagsabing bunga lamang ito ng propaganda. Ni walang tangkang imbestigahan man lamang kung may bahid ng katotohanan ang akusasyon. Nang sabihin ng dating opisyal ng pulisya na ang mga Tsinong kasama ng pangulo ay sangkot sa droga ay mabilis din itong pinabulaanan ng Palasyo at ni walang imbestigasyon. Samantala, kumakapal araw-araw ang listahan ng mga bilanggong inakusahang adik at tulak, ngunit ang tunay na ugat na dapat bunutin sa digmaan laban sa droga ay hindi nalulutas.

Ang pagsusuri sa war docs ay hindi lamang tungkulin ng mga abogado ng FLAG. Tungkulin ito ng bawat Filipino, sa ngalan ng demokrasya, sapagkat ang pagtatanggol ng karapatang pantao ay pagtatanggol din sa kapakanan ng buong Filipinas.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Ang Tulay, ni Leopold Staff

Salin ng “Most,” ni Leopold Staff ng Poland.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Tulay

Leopold Staff

Hindi ako noon naniwala,
Habang nakatindig sa pampang ng ilog
Na napakalapad at rumaragasa ang agos,
Na matatawid ko ang mahabang taytay
Na nilala sa maninipis, maseselang baging
At ibinuhol sa mga uway.
Maingat akong naglakad gaya ng paruparo
At simbigat ng elepante,
Tiyak ang hakbang ko gaya ng mananayaw,
At humapay-hapay gaya ng isang bulag.
Hindi ako makapaniwalang matatawid ko
Ang tulay, at ngayong nakatayo na ako
Sa kabilang pampang,
Hindi ako naniniwalang nakatawid nga ako.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. End impunity for crimes against humanity! Pass the word.

Awit at Sayaw, ni Usman Awang

Salin ng “Lagu dan Tari,” ni Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit at Sayaw

Usman Awang

Kahapon ay nasaksihan ko ang isang sayaw:
Malalaking súsong umaalog, nang-aakit,
Ilahas na pagnanasa at matang maaalab,
Lagabog ng musika’y pataas nang pataas.

Nanlaki ang mga mata ng madla, at namuti
ang bawat tamaan ng rumaragasang libog.

Lahat ay hubad, lahat ay labis na pag-iimbot
na kumakain ng lamán, at ibig makahipo.

Ito ang awit, ito ang sayaw sa mahabang gabi,
Paulit-ulit sa mga araw ng búang na digma;
Búkas, lahat ng puso’t akda’y pulos papuri:
Ito, anila, ang “sining” mula sa tunay na “alagad!”

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human right at all costs! Stand up to climate of fear! Where are you, oh my people?

Kamatayan sa Tatlong Tinig, ni Edith L. Tiempo

Salin ng “Death in Three Voices,” ni Edith L. Tiempo
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kamatayan sa Tatlong Tinig

Binabaklas natin ang huklubang baláy.
Ang yumaong matatanda ng angkan
Ay dumadagundong sa mga tinig
Na lalong pinaaalab ng pagkakawalay.

Ngunit higit na nagpalalayô
Ang mga hiyaw ng talaksan at hubog,
Ang mga tinig ng mga dingding, ng sahig,
Ang lumang bahay na pinaaalunignig
Ang mga hininga pabalik sa sarili.

Hinubdan natin ito nang lubos
Ng andamyo at balangkas,
Nananatili ang mga tunog
Na nakatali sa kanilang ayós na bilibid,
Para habambuhay na pigain sa plano
Na maging tunay na walang tirahan.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity. Yes to poetry! Pass the word. Make a difference in this world.

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?

Ang Arboleda, ni Octavio Paz

Ang Arboleda

Salin ng “La Arboleda” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dambuhala at solido
…………….. . . . . . . . ……..ngunit umuugoy,
ginugulpi ng hangin
……………. . . . . . .  ……….ngunit nakakadena,
humihikbi ng milyong dahon
na humahampas sa aking bintana.
 . . . . . . . . . . Aklasan ng mga punongkahoy,
sulak ng malamlam, berdeng tunog.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. Ang arboleda,
na biglang nanahimik,
. . . . . . . . . . . ay sapot ng mga pakô at sanga.
Ngunit may maaalab na párang,
. . . . . . . . . . . . . . . . .at ang mahulog sa lambat
nito—balisa,
. . . . . . . . . . . . . . .  .humihingal—
ay marahas at marikit,
isang hayop na maliksi’t mabangis,
ang lawas ng liwanag sa mga dahon:
 . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang araw.

Sa kaliwa, sa tuktok ng pader,
. . . . . . . . .. .matimbang ang diwa kaysa kulay,
tila langit at hitik sa mga ulap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tisang asul na sanaw,
pinaliligiran ng tipak, gumuguhong bato,
. . . . . . . . . . . . . . . dumadausdos ang buhangin
sa embudo ng arboleda.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Sa gitnang rehiyon,
ang malalapot na patak ng tinta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay bumatik
sa papel na pinasisiklab ng kanluran;
itim halos ang naroroon,
. . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa dulong timog-silangan,
na ang panginorin ay humahagulgol.
Ang lilim ay naging tanso,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sakâ kuminang.
. . . . . . . . . . . . . . . Tatlong uwak
ang naglagos sa lagablab at lumitaw muli,
. . . . . . . .  .wala ni sugat,
sa hungkag na sona: hindi sinag o lilim.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Ang mga ulap
ay unti-unting nalulusaw.

Sinindihan ang mga ilaw sa bahay.
Natipon sa bintana ang himpapawid.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ang patyo,
na ikinulong sa apat na dingding,
. . . . .. . . . . . . .  . . . . ..ay naging liblib na liblib.
Ito ang kaganapan ng realidad nito.
. . . . . . . . . . . . . . . .At ngayon, ang basurahan,
ang pasông wala ni halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa bulag na semento
ay walang ibang taglay kundi anino.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pumipinid ang espasyo
nang kusa.
. . .Marahang naninindak ang mga pangalan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Stand up against the climate of fear.

Ang mga Ikon, ni James K. Baxter

Salin ng “The Ikons,” ni James K. Baxter ng New Zealand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Ikon

Matigas, mabigat, mabagal, madilim
O yaon ang nabatid ko, ang mga kamay ni Te Whaea

Na tinuturuan akong yumao. Sasapit pagkaraan ang gaan
Kapag ang puso’y nilusaw ang di-makatarungang pag-asa

Para sa natatanging trato. Ngayon, bitbit ko ang balde
Sa binakurang bukirin ng mga musmos na damo,

Na maselan gaya ng malalapad na dahon ng pakô,
at naghahanap ng mga kabute. Sandosena ang nakita ko,

mumunti ang karamihan at kinain ng mga uod ang iba,
Ngunit isasahog ko pa rin sa sopas. Napakatagal na

Mula nang bumagsak ang mga dakilang ikon,
Diyos, Maria, bahay, sex, panulaan,

Alinman ang ginagamit ng ibang tao bilang tulay,
Para tawirin ang ilog na iisa ang pampang,

Kahit ang ngalan mo’y paraan ng pagsasabing—
‘Ang puwang sa loob ng abrigo’— ang dilim na tinawag

Kong diyos, ang dilim na tinatawag kong Te Whaea,
Paanong isasalin ang bughaw, payapang langit ng gabi

Na nilalagusan ng eroplano, gaya ng putakti o baldeng
Tangan, tungo sa kung saan? Naghanap ako ng kabute

Sa mga parang, at bumigwas ang kamao ng pananabik
Sa aking puso, hanggang walang maaninag sa dilim.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs! The train of change is coming.

Pagkaraan ng mga Alpabeto, ni W. S. Merwin

Salin ng “After the Alphabets,” ni W.S. Merwin
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ng mga Alpabeto

Sinisikap kong destrungkahin ang wika ng mga insekto
sila ang mga dila ng hinaharap
ang kanilang bokabularyo’y naglalarawan ng mga gusali
bilang pagkain
makapagtuturo sila ng itim na sanaw at mga ugat ng punò,
makapagsasaad sila ng anumang hindi nila alam
at ng alam nila kahit nasa malayo
at ng hindi batid ninuman
may mga termino sila sa pagkatha ng musika
sa pamamagitan ng mga binti
makapagsasalaysay sila ng pagbabanyuhay sa pagtulog
gaya ng kamatayan
makaaawit sila sa pagkampay ng mga pakpak
ang mga tagapagsalita ang kahulugan nito sa gramatikang
walang mga panganorin
ganap silang matatas at mahusay magpaliwanag
hindi sila mahalaga sila ang lahat-lahat

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs!