Limitasyon ng Pag-ibig, ni Affonso Romano de Sant’Anna

Salin ng “Limites do amor,” ni Affonso Romano de Sant’Anna ng Brasil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Limitasyon ng Pag-ibig

Kondenado ako na ibigin ka
sa aking mga limitasyon
hanggang mapagal ako’t lalong masabik
sa lubos na pag-ibig, malayà sa mga bakod,
pinag-aalab ng loob, nagsasákit,
tungo sa iba pang pagmamahal,
na iniisip mong ganap, at magiging ganap
sa kabila ng iyong limitasyon sa búhay.

Hindi nasusukat ang pag-ibig
sa malayang pagtungo sa mga plasa
at inuman, na pawang mga hadlang.
Totoo na ito’y mabuti’t minsan ay maringal.
Ngunit kung ang isa’y umiibig sa ibang paraan,
na walang katiyakan, ay ito ang misteryo:

Ang walang limitasyong pag-ibig ay limitado
kung minsan, at ang bawal na pag-ibig
kung minsan ang siya pang may kalayaan.

Yes to human rights, even if it means changing the corrupt system. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Madaling-araw, ni Yi Kyu Bo

Madaling-araw

Salin ng tula ni Yi Kyu Bo ng Sinaunang Korea
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumilaok ang manok sa silungan niya sa tabing-ilog.
Batid kong sasapit na ang madaling-araw.
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Pumuputla-putla na ang buwan.
Itim ang mga kilapsaw na dumaraan, isa-isa,
gaya ng mga anino sa puting tulay ng buwan.

Bumangon ang simoy ng madaling-araw
kung saan lumalawiswis ang mga punong sawse.
Gumuhit sa katahimikan ang malayong awit,
na palapit nang palapit,
at pauwi na ang mga mangingisdang nagpuyat.
Puti ang mga damit nila gaya ng bulaklak ng tambo,
na may sinag ng buwan.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Teka, sila ba ay mga multo o tao?
Hindi ko masabi. Unti-unting naglaho ang awit nila.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to bogus operation.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Mga Amarilyong Ibon, ni Haring Yoori

salin ng tula ni Haring Yoori [Yuri] ng Sinaunang Korea
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Amarilyong Ibon

Mag-isa akong nakatayo
sa gitna ng dilawang sinag sa ginintuang landas.
Lahat, lahat ay akin—mga palayan at bulawang daan,
ngunit iisa lámang ang aking minimithi.
Sa sanga ng punongkahoy na nasa gilid ng daan,
dalawang ibon ang nagtatalik.
Bakit sila umaawit nang napakasayá?

Yes to human rights. No to illegal arrests. No to bogus operation.

Dalawang Tula ni Dennis Brutus

Salin ng mga tula ni Dennis Brutus ng South Africa
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagtanda

Umiikli’t nalulumà rin kahit ang lansangan.
Magiging kakaunti ang isa kung susubukin:
Iyan ang isinasaad ng pagtanda—
Kung paglalaanan ng pagbubulay:
Sa pangkalahatan, kontento ang isang tao
Na ipako ang paningin sa daan
Kontento na makita ang maaaring makita
Ni hindi nababahala na ipagpalagay
Ang ukol sa posibleng maging lansangan—
Ang umiikli, nalulumang lansangan

Awit ni Akhenaton

Liwanag na luningning sa mga punongkahoy
liwanag sa takipsilim sa mga buról
liwanag na ginintuang kumikinang
pulang Rhodesian-Zimbabwe
abuhing pink sa disyertong basura ng Africa
liwanag sa mga hangong salmo sa pagsamba
mga salmo na lumilipad sa pasasalamat
ang tinatanggap na liwanag sa pagpapahalaga.

liwanag, ang bukál ng pag-iral
liwanag na lagablab sa lahat ng dako’t eternal
liwanag na lagablab na paulit-ulit sa lahat.

liwanag na sentro ng mga bagay
liwanag na pinagmulan ng mga bagay
liwanag na nakaaabot sa malalayong kosmos
liwanag na kung wala’y wala rin ang lahat.

liwanag na butil ng ating pag-iral
liwanag na nagpapások, naggigigiit, nagtatatag
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng pag-iral
liwanag na nagpapakahulugan ng dibinidad
liwanag na nagbibigkis sa atin sa dibinidad

Yes to human rights. Yes to humanity. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Tatlong Tula ni Sagawa Chika

Salin ng mga tula ni Sagawa Chika ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ko

Nagulantang ang mga taganayon nang kumuliling ang telepono.
Ibig bang sabihin nito’y kailangan nating lumipat ng bahay?
Nataranta ang alkalde at hinubad ang kaniyang asul na diyaket.
Oo, totoo ang nasasaad sa listahan ng pangangailangan ni Ina.
Paalam, asul na nayon! Humahabol sa inyo ang tag-araw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng ilog.
Ang tandang na may pulang sombrero’y bumabâ sa walang
katao-taong estasyon.

Kalawanging patalim

Inakyat ng asul na takipsilim ang bintana.
Nagpatayon-tayon ang lampara, gaya ng leeg ng babae.
Naglagos sa silid ang makutim na simoy; inilatag ang kumot.
Ang mga aklat, tinta, at kalawanging patalim ay unti-unting
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ninanakaw ang buhay mula sa akin.

Habang ang lahat ay nakaismid,
ang magdamag ay ano’t napasakamay ko na.

Kabayong bughaw

. . . . . . .  . Sumapit ang kabayong winawasak ang bundok at nauulol. Mula sa araw na iyon ay lumamon lámang siya ng bughaw na pagkain. Tinina ng tag-araw sa bughaw ang mga mata at manggas ng mga babae, pagdaka’y malugod na nagpaikot-ikot sa plasa.

. . . . . . .  .Ang mga suki sa terasa ay humitit ng napakaraming sigarilyo, na nagbunga para isilang ang mumunting bilog na kahig-manok sa mga buhok ng dalaga.

. . . . . . .  .Dapat itapon gaya ng panyo ang malulungkot na gunita. Kung maiwawaksi ko lámang sa isip ang pag-ibig at ang panghihinayang, at ang makikintab na sapatos!

. . . . . . .  .Iniligtas ako sa paglundag mula sa ikalawang palapag.

. . . . . . .  .Bumangon ang dagat tungo sa kalangitan.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.

Isang Selyong Personal, ni Olga Orozco

Salin ng “El sello personal,” ni Olga Orozco ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Selyong Personal

ni Olga Orozco

Ito ang aking mga paa, ang sablay sa akin pagkasilang,
at, kung hindi ito makalipad, ay malinaw na pangungusap
para bumulusok muli
sa ilalim ng walang taros na gulong ng zodyak.
Hindi hadlang ito para sa templo o tungkong bato.
Dalawang paa lámang, na pawang anfibyo, enigmatiko,
malaon, gaya ng dalawang anghel na pinilay ng pagguho
. . . .  . . . . ng lansangan.
Dalawang paa ito para sa landas,
hakbang kada hakbang sa lahat ng bangkay,
umaakyat na hinlalaki o sakong sa ibabaw ng kamatayan,
mga bilanggo ng selda ng gabing kagilid ko’t dapat lampasan.
Ang mga paa ko’y tumatawid sa mga bága o sa mga patalim,
na tinatakán ng bakal ng Sampung Utos:
Dalawang anonimong martir na nagpipilit na magsimula,
handang banggain ang mga pinid na pinto ng planeta, at iwan
ang kanilang mga bakás ng alikabok at pagsunod gaya ng isa
pang bakás na halos di-makita sa buhawing winawalis
 . . . . . . . .ang hanggahan.
Ang aking mga paa, mga maestro ng daigdig,
mga paa ng tumatákas na panginorin,
pinakinis na hiyas sa hininga ng araw at may salát ng mga graba:
Dalawang maningning na suwail na ngumangasab sa búkas ko
sa mga kalansay ng kasalukuyan,
nangagkalat habang lumalampas sa senyas ng lupang pangako
na nagbabago ng puwesto, dumudulas sa mga damo,
habang ako’y sumusulong.
Anung walang silbing instrumento sa pasukan at labasan!
At walang ebidensiya matapos ang maraming paglalakbay
sa parehong frontera,
walang selyo ng predestinasyon sa ilalim ng aking talampakan.
Mayroon lámang bangin sa pagitan ng dalawa,
ang di-mapipigil na pagkawala na humihila lagi sa akin pasulong
at ang bulong na ito ng pagtatagpo’t paghihiwalay kada hakbang.
Kahanga-hanga at kaawa-awang kalagayan!
Nahulog ako sa bitag nitong dalawang paa,
gaya ng bihag ng langit o impiyerno na bigong nagtatanong
hinggil sa kaniyang kauri,
na hindi nakauunawa sa mga buto niya o sa kaniyang balát,
o kahit sa pagsisikap ng gaya ng nag-iisang salagubang,
ang pagtatambol na nanánawágan sa eternal na pagbabalik.
At saan magtutungo ang dambuhalang ito—maalamat,
kagila-gilalas—na ibinubukad ang kaniyang buháy na laberinto
tulad ng bangungot,
naririto, nakapako sa pagkakatayô,
sa dalawang deliryong takas ng bulâ, sa ilalim ng bahâ?

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.

Paumanhin, ni Roberto T. Añonuevo

Paumanhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Huwag banggitin ang salita kapag nagbunga ang mga gawa o pagtangging gumawa. Ang iyong mga gawa ay maaaring simbuyo ng mainiping paa o naglalagablab na puso, o balani ng pangarap na simbigat ng lungsod, ngunit ang anumang pasiya mo ay higit sa itinakda naming tama o mali. Mahilig kaming gumuhit ng linya, na maaaring laós at sinauna, at ang linyang ito ang magsasabi kung ano ang dapat ulam na isusubò nang walang pagtatanong, o kaya’y ang damit na isusuot sa okasyong inimbento namin, gaya ng binyag, nang walang pakialam kung ibig ng binibinyagan ang panínindigán niyang pananampalataya—kung sa hinaharap, ito ay maging bibitayan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang iyong mga gawa ay lampas sa haligi ng bahay na bato sa aming isip. Maaaring iba ang iyong muhon sa itinakda naming muhon, at kung ito ay hindi mo nakita sa kung anong katwiran, o hindi namin namalayan sanhi ng nagbabagong simoy, ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay natauhan ka kung paano sasandig sa haligi at makinig sa lindol ng sahig sa tumpak na pagkakataon, at pahalagahan ang ilaw sa minimithing silid may bagyo ma’t may dilim. Magtatayô ka ng sarili mong tahanan balang araw, maghahayag ng sariling batas na tatawagin mong pananaw, at kung hindi kami makasakay sa iyong opinyon o panukala, madali naming huhugutin ang kawikaang paalis ka pa lámang ay nagbabalik na kami sa pook na sinilangan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang katumbas niyan ay pahupain ang ulan ng bato’t alimura nagmula man ang utos sa hari. Ang hari ay nakapagsasalita sapagkat inaakala niyang siya ang may-ari ng buong bayan. Kung ang bayan na ito ay napariwara, sanhi man ng digma o bagyo o salot, ang hari ay susurutin ang kaniyang matatapat na kawal o alalay o tagapayo, at ipatatapon ang ilan kung kinakailangan, ngunit hinding-hindi aamin sa kaniyang kakulangan ni katangahan. Huwag banggitin ang salita, at humarap sa hari, at ipamukha sa kaniya na ang kaniyang mga kawal ay sumusunod nang bulag upang manatili sa poder, gaya ng sapilitang pagdukot sa kawawang mamamayan, at paghahain ng kung ano-anong kaso na tinitimpla tulad ng keso.

Huwag banggitin ang salita, kahit nabatid mong nasaktan kami sa iyong pagkawala. Totoong tumitigas ang ulo gaya ng bato (at kailangan iyan para proteksiyon sa utak), ngunit bakit namin palalambutin ang iyong loob sa pamamagitan ng pingot o bugbog? Kailangang tumigas ang iyong ulo, gaya ng kailangang magkasungay ng kalabaw nang maipagtanggol ang sarili. Ngunit matutong mag-isip, na ang hangin na iyong langhapin ay nagiging pangalan mong mahangin—na para sa iba’y hindi basta pagbubuhat ng bangkô, bagkus pagpupundar ng enerhiya kahit nasa tuktok ng mga bundok. Huwag mangamba kung nasaktan ang aming loob. Nasasaktan kami hindi dahil matigas ang iyong ulo. Nasasaktan kami dahil kahit noong tumigas ang aming ulo ay hindi kami nagtangkang sumubok, gaya mo, na tumindig sa tungki ng bangin, at naduduwag kami sa pangitain ng pag-iisa sa sasapit na takipsilim.

Huwag banggitin ang salita, sapagkat sapat na ang iyong titig na nag-iiwi ng libong pahiwatig. Hindi kami naghihintay sa iyong kumpisal, sapagkat sino kami para magbasbas ng kapatawaran? Wala kaming pangakong paraiso, gaya ng Bembaran na nalunod sa limot. Sasabihin ba ng pastol na isa lámang ang itim na kambing, na karapat-dapat maging papaitan? At ano ang dapat maging asal ng kawan ng kambing? Na sumusunod ang bawat isa katumbas ng tubig o damo o sisilungan, at hindi dapat ihain sa darating na pista? Huwag banggitin ang salita, subalit tandaan ang pilat na tinamo sa pagtataksil o pagkadapâ. Tandaan ang patalim, na sumasakyod nang may pagkukunwari, o pumupungos sa iyong paglabay o paglago. Tandaan ang lahat ng bituin na naging patnubay sa kinatha mong paglalayag o pagtatanim. At sa sandaling tumatag ang mga tuhod mo, at lumapad ang mga balikat sa pagpasan ng mundo, huwag pagsisihan ang matataas na pader. Tumindig nang taas-noo. Mabubuwag ang mga pader, at maglalakad kang magaan, gaya ng paslit na isinilang na walang utang, walang batik mula sa wika ng Maykapal.

No to illegal arrest. No to war. Yes to peace and social justice.

Terasa, ni Vittorio Sereni

Salin ng tulang “Terrazza,” ni Vittorio Sereni ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Terasa

Sinaklot bigla tayo ng magdamag.
. . . . . . . .  . . . . . . . . .  . .. . . .Hindi mo na batid
kung saan nagwawakas ang lawa;
Tanging ang mga laguklok
ang sumasalipadpad sa ating búhay
sa ilalim ng nakabiting terasa.

Lahat tayo’y pigil-hininga’t nakalambitin
sa píping pangyayari ngayong gabi
nang pasinagan ng barkong de-torpedong
sumiyasat sa atin, pagdaka’y naglaho palikô.

No to war. Yes to peace and social justice. No to illegal arrest.

Ang bawat entrada ng iyong katawan, ni Julián Malatesta

Salin ng “Cada entrada a tu cuerpo,” ni Julián Malatesta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang bawat entrada sa iyong katawan

Ang bawat entrada sa iyong katawan
ay bagong paglalakbay sa kilalang teritoryo.

Sumasalubong sa akin ang tanawin ng sinaunang
kaugalian nang may maingat na seremonya.
Walang umaamin na bumabaha sa lansangan,
at sumabog ang lava sa piling ng mga amapola.

Wala ni babalâng senyales ng apoy . . .

Kailangan kong humangos tungo sa lagablab
at pabawahin ang apoy sa likod ng halimaw.

Biglang maririnig ang ritmikong hataw sa kasko’t
aalimbukay ang alikabok sa sibad ng mga kabayo.
Ang mga balát na kiniskis ng mga katutubo
ang pumukaw sa buong tribu.
Sakâ nagsipangaso kami nang nakahihingal.

Ngunit sa oras na magbalik kami, aking Mahal,
lalo kang nagiging malambing sa pagsisikap.
Sa mga kamay mo’t sa aking mga kamay,
marahan nating ipapasok ang hayop sa kulungan.

Make love, not war. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Penomena, ni David Gascoyne

Salin ng “Phenomena,” ni David Gascoyne ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Penomena

. . . . . . . .Panahon iyon ng tag-init. May kung sinong ang damit ay nakalimot wari kung sino ang may suot nito at lumitaw sa akin sa dulo ng hinto ng usapan. Kaakit-akit siya at pinagbawalan ko siyang tumawid sa aking patungan ng paa. Wala ni babala, nagbago mulang bughaw hanggang lila, ang kalangitan ng gabi ay nagdusa sa di-mabilang na pag-ulan ng bulalakaw mula sa kabilang panig ng kortina, at ang mga portkulis ay bumabâ gaya ng mga pilik.
. . . . . . . .Umasim ang gatas sa pagtatangka nitong iwasan ang sentripugal na hatak ng batik sa balát nito. Lahat ay umuumbok sa rabaw. Ang pangwakas na pag-asa ko’y bawasan ang barometrikong diin kahit paano para makatakas nang buháy mula sa ilalim.
. . . . . . . .Sa dulo, natatandaan kong hindi niya mismo kailangang magpasiya, yamang ang kaniyang tadhana ay sapat na katwiran para sa balasik ng mga elemento. Inilipat ko ang pahina. Wala nang makalilito pa sa paraan kung paanong ang mga salita ay umahon sa mga pook na pinaglimbagan nito, lumutang-lutang sa hangin sa distansiyang tinatayang anim na pulgada mula sa aking mukha, at sa wakas, nang hindi binubulabog ang aking impresyon sa kanilang nakagawiang di-pagkatinag, at nalusaw sa lumalaganap na karimlan. Gaya ng nawika ko, panahon iyon ng tag-init, at ang kidlat ay halos maupos sa pagsisikap na maabot ang luningning. Bigla kong nalimutan kung ano ang ginagawa ko, at ang lupa sa ilalim ng aking talampakan ay lumambot sa puwersa ng gravedad ko, at nagsimulang dumausdos pababa, nang may tunog ng malayong pagsabog.

No to war. No to illegal arrest. No to illegal detention.