KASUGUFIL at ang Adyenda sa Filipino

Lubhang mabilis ang mga pangyayari, at ipatutupad na ngayong Hunyo 2012 ang bagong patakaran sa sistema ng edukasyon na tinaguriang K-12. Ang nasabing patakaran ay may kaugnayan sa 12 pangunahing wika sa Filipinas; at kaugnay nito ang pagbubuo ng ortograpiya at diksiyonaryo sa kani-kaniyang wika. Ang modernisasyon ng edukasyon ay bahagi ng mithing mapaglangkap na kaunlaran ng gobyerno; at upang makarating sa mahihirap ay kinakailangang maisagawa muna ang pamumuhunan sa edukasyon, pagtataguyod ng malawakang impraestruktura ng komunikasyon, pagsasanay sa mga guro at kawani, reoryentasyon ng mga pabliser ng teksbuk, at pagpupundar ng mga kagamitan sa pagtuturo.

Ang bagong batch ng mga estudyante ay inaasahang sasailalim sa laboratoryo ng eksperimentasyon—una, sa paggamit ng sariling wika sa mga unang bahagdan ng pag-aaral at pagsusulit; at ikalawa, sa pagtanggap ng kurikulum na dapat na higit na malawak at malalim kompara noon at inaasahang makatutulong sa paghubog ng kasanayan ng mga kabataan upang magkaroon ng hanapbuhay. Ngunit higit pa rito, ito ang panahon na masusubok ang Filipino sa iba’t ibang lárang [field], lalo kung iisiping ang Filipino ay kaagapay sa multi-lengguwaheng patakaran sa pagtuturo. Mababanat ang tatag at pasensiya ng mga guro sa paghawak ng sabjek sa Filipino, sapagkat ang nilalaman nito ay hindi na puwedeng hinggil sa wika lamang, bagkus sumasaklaw sa iba’t ibang disiplina o paksang dating nasa poder ng Ingles. Maaaring ang pagtatasa ng resulta ng bagong pagdulog sa pagtuturo ay hindi agad mababatid; at kung mabatid man agad ito ay hindi masasabing positibo ang kahihinatnan ng lahat.

Ikinalulungkot kong sabihin na walang malinaw na pambansang programa magpahangga ngayon kung paano palalakasin ang Filipino sa kabila ng mala-patakarang multilingguwal ng pamahalaan. Sinabi kong “mala-patakaran” sapagkat kahit ipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang multilingguwal na pagdulog sa pagtuturo, hindi pa rin ito nasusuhayan ng katapat na batas na pinagtibay sa konggreso saka nilagdaan ng Pangulo at siyang bumabago sa bilingguwal na patakaran ng edukasyong itinadhana ng Konstitusyon. Maipapalagay, kung gayon, na ang mala-patakarang multilingguwal na pagdulog ay extra-legal, na handang lundagan ang Konstitusyon maisunod lamang sa programa ng gaya ng UNESCO at UNICEF at siyang itinataguyod ng Summer Institute of Linguistics. Ang pagtatakda ng pambansang programa ay inaasahang tungkulin ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang masaklap, matatapos na ang termino ng butihing Punong Kom. Jose Laderas (Jolad)  Santos ay wala pang malinaw na direksiyon ang naipapanukala para palakasin ang Filipino lalo sa hay-iskul at kolehiyo. Kaya hindi ko kayo mapipigil kung ihaka ninyo na inutil ang KWF sa panahon ni Jolad Santos.

Binanggit ko ito hindi upang siraan ang KWF o ang ilang komisyoner nito. Sinasabi ko ito upang mabatid ninyo na ang problemang kinakaharap ng Filipino ay hindi lamang panandalian at teritoryo ng mga guro, manunulat, editor, peryodista, at brodkaster, bagkus pangmatagalan at saklaw ang bawat mamamayan. Ito ay sapagkat ang pagtutuon sa wikang pambansa ay isang usaping inter-salinlahi [intergenerational]: ang anumang produktong pangwika at pandiskurso ng kasalukuyang henerasyon ay posibleng makaapekto sa susunod na henerasyon. Kung gayon, kapag pinag-uusapan ang wikang Filipino, kinakailangang isangkot ang pinakamalawak na populasyon at kung maaari’y kahit ang diyasporang Filipino, sapagkat dito nakasalalay ang paglilinang ng wika at panitikan, ang pagpaparami ng kawan ng mga manunulat, at ang pagpupundar ng mga impraestrukturang sumusuporta sa edukasyon, negosyo, hanapbuhay, komunikasyon, atbp.  Ang pakikisangkot ng organisasyong pangguro, gaya ng KASUGUFIL, sa mga isyung panlipunan ay pagsasabuhay lamang ng itinatadhana ng Artikulo 13.6 ng Konstitusyong 1987: ang paggalang sa mga organisasyon ng sambayanan, at ang pagkilala sa pakikilahok ng mga ito sa mga pagpapasiyang panlipunan, pampolitika, at pangkabuhayan.

Ang kawalan ng direksiyon at programa sa Filipino ay nagiging puwang para sa iba na gawing bara-bara, halimbawa, ang paggawa ng teksbuk at kathang popular; o kaya’y isantabi palayo sa dominyo ng kapangyarihan ang paghubog sa Filipino bilang wikang intelektuwal at panlahat.  Dapat tumbasan ng bisyon ang Filipino bilang pambansang wika, tasahin nang malaliman ang mga natamo nitong tagumpay o kabiguan sa mga nakalipas na panahon, at pagdaka’y magtakda ng malinaw na estratehiya kung paano isasakatuparan ang mga pagbabago ngayon at sa darating na mga taon.

Kung walang malinaw na patakaran ang pamahalaan, ano ang dapat gawin ng mga organisasyong gaya ng KASUGUFIL? Ilan sa maipapanukala sa nasabing organisasyon ang sumusunod:

Una, magmungkahi ng pambansang adyenda na magpapalakas sa Filipino sa kabila ng multilingguwal na pagdulog sa edukasyon. Makapangyarihan ang tinig ng KASUGUFIL sapagkat ang kasapian nito’y nagmumula sa iba’t ibang rehiyon at kinakatawan ng mga guro at superbisor. Ang panukalang adyenda ay dapat isinasangguni sa kasapian, nang sa gayon ay nalalaman ng pamunuan kung ano ang pulso ng mga guro mula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Ang mungkahi ay maaaring ihain sa Lupon ng mga Komisyoner ng KWF, sa representante ng mga guro sa Konggreso, at dapat bigyang sipi kahit ang DepEd, CHED, at Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas.

Ikalawa, magsagawa ng mga konsultasyong panrehiyon mula sa mga kasaping guro at superbisor kung paano palalakasin pa ang Filipino sa iba’t ibang disiplina o pag-aaral; at ang resulta mula sa konsultasyon ay maaaring idulog sa sangay ehekutibo o lehislatibo upang matumbasan ng batas o regulasyon. Ang nasabing konsultasyon ay maaaring sa iba’t ibang paraan, gaya ng telekumperensiya kung hindi man personal na pagharap sa mga tao sa katulad ng ganitong pambansang konggreso. Kung matutupad ito, ang KASUGUFIL ay hindi na lamang makukulong sa tradisyonal na seminar,  palihan, at pagsasanay, bagkus magkakasanga sa pampolitikang tunguhin.

Ikatlo, makilahok sa mga konsultasyong isinasagawa ng DepEd at CHED saka lumiham sa mga kinauukulan kung kinakailangang ipaabot ang mga mungkahing may kaugnayan sa pagbubuo ng mga patakaran, pagtatalaga ng mga tauhan, at pagpupundar ng mga pasilidad at impraestrukturang may kaugnayan sa pagpapalaganap ng Filipino. Makabubuti kung laging may representante ang KASUGUFIL sa ganitong mga pagtitipon, nang sa gayon ay naipararating nang mabilis sa buong kasapian ang mga bagong pangyayari kahit sa pamamagitan ng opisyal na websayt, blog, o network.

At ikaapat, maaaring makapagmungkahi rin ang KASUGUFIL sa pamahalaan kung paano lilinisin ang burukrasya, kung bakit dapat palitan ang ilang bulok na opisyal, at kung bakit dapat magtaguyod ng impraestrukturang pangwika at pangkomunikasyon para buklurin ang tinatayang 80 milyong Filipino sa kung saan-saang pook.

Hindi ako tutol sa patakarang turuan ang bata alinsunod sa kinalakhan niyang wika. Ngunit ang maipapayo ko ay ang pagtataglay ng sinop at hinay sa mga hakbang. Ang aking pagbabantulot ay kaugnay ng mga pangyayaring hindi pa ganap na tapos ang 12 ortograpiyang inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral. Bagaman noong Pebrero ay nakipag-ugnayan ang DepEd sa Komisyon sa Wikang Filipino para sa pagbubuo ng mga babasahing materyales sa elementarya ay hindi masasabing ganap na itong abanse para sa mga batang nangangailangang paunlarin ang kanilang bokabularyo at pag-unawa hinggil sa mga konsepto at wikang umiiral sa paligid nila. Sa panig ng KWF, sa aking pagkakaalam, ay may dalawa o tatlong ortograpiya pa lamang ang nabubuo—Pangasinan, Bikol, at Máranaw, bagaman may binuong burador din sa Ilokano at Chavacano. Ang Máranaw at Ilokano ay kinakailangang sumailalim pa sa balidasyon sa harap ng mga eksperto, samantalang ang Sebwano ay ginamit ang dati nang ortograpiya ngunit dapat pa muling repasuhin ng KWF.

Bayanihan.

Kailangan ng KASUGUFIL ang modernong bayanihan tungo sa pagpapalakas ng Filipino sa bagong kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon. Larawan mula sa paskil ni M. Izabel.

Sa panig ng nasa hay-iskul at kolehiyo, kinakailangan naman ang listahan ng babasahing higit sa maitatakda ng DepEd. Halimbawa, ang listahan ng mga kanonigong nobela, kuwento, dula, at tula na pawang isinulat sa orihinal sa Filipino o kaya’y salin mula sa internasyonal na wika o wikang panrehiyon, at inaasahang dapat mabatid ng bawat mag-aaral ay makabubuting maitakda sa lalong madaling panahon. Ang mismong salitang “kanonigo” ay problematiko dahil hindi basta ito maitatakda ng tatlo o higit pang tao, bagkus ng isang kawanihan na ang pangunahing tungkulin ay magbasa, magsuri, at maglabas ng rekomendasyon hinggil sa mga nabasa nito.

Kung ang isang estudyante sa hay-iskul ay inaasahang dapat makapagbasa ng 250 nobela o antolohiya ng mga kuwento, 50 aklat ng tula o antolohiya ng mga tula, 50 aklat ng sanaysay, at 20 aklat ng dula sa loob ng limang taon, aling aklat ang dapat mapabilang sa listahan? Ang ganitong konserbatibong bilang ay inaasahang tutumbasan ng pagtuturo ng angkop na pagsusulat at pagsasalita, nang sa gayon ay higit na mahasa ang mga bata na aktibong magsulat at magpahayag para sa higit na epektibong komunikasyon.

Sa unang malas ay napakarami nitong bilang sa loob ng isang takdang panahon. Ngunit kung isasaalang-alang ang limang taon, ang suma-total ay napakababa kung iisiping limitado pa ang produksiyon ng mga lokal na aklat na nasusulat sa Filipino o kaya’y sa mga wikang panrehiyon. Kung seryoso ang pamahalaan na magsulong ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, kinakailangang magbuhos din ito ng pondo sa produksiyon ng mga aklat at magbenta ng aklat sa abot-kayang halaga.

Ang sinasabi kong mga aklat ay hindi basta teksbuk lamang. Ang tinutukoy kong aklat ay may kaugnayan sa panitikan.

Kaya kinakailangang magtipon-tipon ang mga lokal na pabliser gaya ng Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, UP Press, De La Salle Press, Anvil Publishing Inc., atbp upang punuan ang mga pagkukulang. Ang inaasahang halos 400 aklat na maibibilang sa dapat basahin [required reading] sa loob ng limang taon ay dapat kolektibong pagtulungan ng mga pabliser at siyang dapat gabayan ng National Book Development Board at Book Development Association of the Philippines kung ipagpapalagay na aabot sa 80 milyon ang populasyon ng Filipinas. Ngunit hindi magaganap ito kung kulang na kulang ang tangkilik sa paglalathala ng mga lokal na akda, at priyoridad ng ilang pabliser ang mag-angkat na lamang ng aklat mula sa ibayong dagat.

Kung ipagpapalagay na malaking balakid ang pagtatamo ng mga aklat na nasa wikang Filipino na dapat ipagamit sa mga estudyante, ano ang mga alternatibong paraan?

Isang paraan ang elektronikong aklat, at ang mga bata ay dapat magkaroon ng akses sa mga komputer at gadyet na maaaring matunghayan ang elektronikang aklat o akda. May sinimulan ang Google, ngunit ang nasabing kompanya ay malimit lumalabag sa karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino at ito ang naglulugar sa mga Filipinong manunulat para umangal. Kinakailangan ng pamahalaan na gumawa ng batas, sa pakikipagtulungan sa gaya ng FILCOLS (Filipinas Copyright Licensing Society) upang ang karapatang-ari ng mga manunulat na Filipino ay mapangalagaan, at mabayaran sila ng karampatang halaga sa lahat ng inilathala nila sa elektronikong paraan.

Ngunit hindi madali ang elektronikong edukasyon. Ayon sa NEDA, may 29 porsiyento pa lamang ng kabuuang bilang ng publikong paaralan noong 2009 ang may internet koneksiyon. Ilan sa mababagal ang internet koneksiyon ay matatagpuan sa Cordillera (CAR), Cagayan Valley (Rehiyon II) at Bikol (Rehiyon IV). Ilan sa inilistang sagabal ang magastos na pagpupundar ng impraestruktura sa matataas o liblib na lugar, at ang mga pook na ito ay hindi karaniwang sineserbisyuhan ng mga pribadong telekomunikasyon. Ang iba pang alternatibong edukasyon, halimbawa na ang paggamit ng telebisyon, ay maaasahang limitado rin kung mabibigong maabot ng signal ang mga liblib na pook.

Sa ganitong kalagayan, makabubuti kung ang KASUGUFIL ay lalabas sa dati nitong komportableng puwesto, wika nga. Kinakailangang mangampanya ang KASUGUFIL sa pagpapabuti ng mga impraestruktura mula sa mga lokal na pamahalaan hanggang pambansang pamahalaan, dahil ang problema ng mga guro sa isang lugar ay problema rin ng mga guro sa buong kapuluan. Lalong lalawak ang puwang na nagbubukod sa mga uring panlipunan kung ang simpleng impraestruktura sa komunikasyon ay maihahalintulad sa pagpapasemento ng kalsadang may isa o dalawang dekada nang ginagawa ay hindi pa rin matapos-tapos sa kung anong dahilan, at kung makumponi man ay tuwing malapit na ang halalan. Walang magagawa ang mga guro, samakatwid, kundi magbuklod nang mahigpit.

Kailangang magsimulang mag-ingay ang KASUGUFIL hindi sa mga lansangan o sa loob ng silid-aralan, bagkus sa pamamagitan ng elektronikong himpapawid. Maaaring walang oras ang isang guro na lumiban sa klase upang magprotesta. Ngunit kahit sandali, sa pamamagitan ng Twitter o Facebook, ay maipahahatid nito sa kinauukulan ang mga problemang binabalikat ng mga guro sa iba’t ibang lugar, gaya ng kakulangan ng silid-aralan, mabagal na pasahod at kulang na benepisyo, kawalan ng seguridad, atbp. Ang blog ay isa pang kasangkapang magagamit ng mga guro hindi lamang sa pagbubulalas ng mga hinaing kundi sa pagtuturo sa mga estudyante kung paano sumulat nang makabuluhan at matino. Ang mungkahi ko’y gamitin ang lahat ng modernong kasangkapan para sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon, at sa popularisasyon hindi lamang ng mga wikang panrehiyon bagkus ng wikang Filipino sa kabuuan.

Iminumungkahi ko rin na gamitin ng KASUGUFIL ang elektronikong plataporma sa pagpapalitan ng mga saliksik. Maaaring ang isang guro o ang kaniyang estudyante ay may nasulat na saliksik, at ang saliksik na ito ay makatutulong sa iba pang guro o mag-aaral upang gumawa ng iba pang saliksik na pawang makatutulong sa Filipinas. Laos na ang panahon na ang isang matinong saliksik ay itatago na lamang sa baul; ang saliksik ay kinakailangang ilantad sa madla, nang sa gayon ay higit pa itong matitigan, maituwid ang mga mali o pagkukulang, mapalakas lalo ang mga positibong katangian, at makapagbigay ng inspirasyon sa iba para baguhin ang kanilang abang kalagayan.

Ang pagpapalitan ng saliksik [research exchange] ay matutupad ang kaganapan kung makabubuo ng elektronikong plataporma na makapag-aambag ang bawat guro kung paano pahuhusayin ang mga leksiyon; kung paano mapabibilis ang paggagrado sa mga pagsusulit ng estudyante; at kung paano makaaakses sa mga impormasyong dating esklusibo lamang sa mayayamang nakabibili ng mga aklat. Alam kong hindi ito magagawa ng mga guro kaagad, kung kulang sa kagamitan at mahina ang tulong mula sa administrador, kaya nariyan muli ang internet upang maghanap ng mga posibilidad na paunlarin batay sa pangangailangan ng mga Filipino at konteksto sa isang lugar.

Magagawa ang lahat ng ito kung magkakaroon ng modernong bayanihan sa hanay ng KASUGUFIL. Sa aking palagay ay hindi kinakailangang pahirapan ng guro ang kaniyang sarili sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante, dahil kung ganito ang sukatan, makabubuting parangalan ang nasabing guro bilang bantog na masokista at banal. Dapat maging madali gaya ng agos ng tubig ang pagtuturo nang hindi minemenos ang mga paksa o nilalaman ng pag-aaral. Upang magawa ito, kinakailangan ang inter-aktibong pagtutulungan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan kahit kulang sa pag-aatas ang ating butihing Kalihim sa DepEd at kulang sa ayudang legal at pinansiyal ang representante ng mga guro sa konggreso na mula sa ACT Partylist. Ang ipinapanukala kong bayanihan sa panig ng KASUGUFIL ay magsisimula sa pagbabantay ng sariling hanay, pag-aalaga ng lakas-tao at pondo, pagbabahaginan ng mga saliksik, tuklas, kasangkapan, o network, at aktibong pakikilahok kahit sa pamamagitan ng kani-kaniyang klase sa mga gawaing makaaapekto sa kabuhayan ng guro at sa hinaharap ng Filipino bilang wika.

Labis na mapangarapin ang ganitong mga mungkahi. Ngunit naniniwala ako, na kung kikilos ang bawat guro, at makikilahok sa gaya ng mga proyekto ng KASUGUFIL, ang wikang Filipino ay hindi na muling mailulugar sa abang kalagayan, at sa halip, ay mailuluklok sa karapat-dapat nitong pedestal.

Isang karangalan ang magsalita sa hanay ng mga guro. Magandang araw sa inyo, at mabuhay kayo sampu ng inyong mga mag-aaral.

[Binasa ni Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa Ikatlong Pambansang Konggreso ng Wikang Filipino sa mga Paaralang Publiko at Pribado sa Antas Elementarya at Sekundarya na itinaguyod ng KASUGUFIL (Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino), na ginanap sa Lungsod Baguio, 7 Mayo 2012]

Panukalang Pambansang Adyenda sa Kultura

Napag-uusapan lamang ang pambansang adyenda hinggil sa kultura kapag dumarating ang halalan. Ngunit ni isang partidong pampolitika ay walang handang sagot sa pagharap sa pagpapalago ng kultura. Noong Abril 2, Biyernes Santo, dumalo ako sa pagtitipon ng mga manunulat at alagad ng sining na pawang naglinis ng plasa ni Balagtas sa Pandacan, Maynila bukod sa nagsulong ng panukalang adyenda para sa kultura ng bansa. Binasa nina Virgilio S. Almario at Gemma Cruz ang naturang adyenda, na nilagdaan ng mga prominenteng tao na kinabibilangan nina Benedicto Cabrera, Isagani Cruz, Bienvenido Lumbera, Gary Granada, Danilo Silvestre, Zosimo Lee, Victor Emmanuel Carmelo Nadera Jr, Romulo Baquiran Jr, Phillip Kimpo Jr, at iba pang kumakatawan sa mga samahang pangkultura.

Pambungad nga ng naturang panukala:

Kailangang buuin ang isang patakarang pambansa na ganap na kumikilala at nagpapahalaga sa kultura bilang sentro at bukal ng anumang patakarang pangkabuhayan at pampolitika ng pamahalaan, laging isinasaalang-alang na pangunahin ang pangangalaga at pagpapayabong sa katutubo’t makasaysayang pamana ng lahi, at naninindigan ukol sa pagpapalusog at pagpapatibay ng isang pambasang kultura mula sa bahaghari ng mga pangkating etniko’t rehiyonal bilang pangunahing makabansa’t demokratikong adhika para sa kagalingan at kaginhawahan ng sambayanan.

May pitong panukala ang adyenda at malalagom ito sa sumusunod: una, ang pagtatatag ng isang bukod at ganap na Kagawaran ng Kultura; ikalawa, ang pagtatatag ng Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas; ikatlo, ang pagtangkilik sa potensiyal ng kultura at malikhaing gawain para sa produksiyong ekonomiko; ikaapat, ang pagtataguyod sa paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa; ikalima, ang pagtustos sa mga gampanin upang mapangalagaan at maisaayos ang mga pamanang likás at pangkultura; ikaanim, ang pagtatalaga ng isang opisyal na Tagapag-ugnay Pangkultura sa bawat bayan, lungsod, at lalawigan upang maging kinatawan ng Kagawaran ng Kultura sa naturang pook; at ikapito, ang pagsasanay sa mga guro sa mababa’t mataas na paaralan tungo sa wastong edukasyong pangkultura.

Ambisyoso ang naturang panukalang adyenda, at nag-iiwan ng maraming posibilidad.

Ang pagtataguyod ng Kagawaran ng Kultura (KK)ay nagbubukas ng pag-asa sa unang malas, ngunit nagbabadya rin ng panganib. Ito ay dahil kinakailangan ang muling pagsasabalangkas ng mga ugnayan, halimbawa sa panig ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), Pambansang Aklatan (PNL), National Historical Institute (NHI), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Book Development Board (NBDB), National Printing Office (NPO), at mga sangay ng ahensiyang pangkultura sa antas ng pamahalaang lokal. Kung ang naturang Kagawaran ay “pangangasiwaan” ang mga umiiral na ahensiya, ang mandato ng bawat ahensiyang nakapailalim dito ay dapat baguhin upang maiwasan ang duplikasyon ng mga trabaho at tungkulin.

Sa gayong pangyayari, may posibilidad na lusawin ang estruktura ng NCCA kung ito ay mag-uulit lamang ng trabaho ng KK. Ang KK bilang bukod at nagsasariling ahensiya ng pamahalaan ay nangangailangan ng pagsasabalangkas ng pambansang badyet, at paghahanap ng bagong bukál ng pondo para matustusan ang itataguyod na pasilidad, kawani, estruktura, at iba pang bagay na may kaugnayan sa operasyon nito. Samantala, ang pambansang alokasyon nito ay maaaring mailagay sa panganib depende sa magiging komposisyon ng kongreso. Kinakailangan kung gayon ang pagpapatibay ng bagong batas para matustusan ang gayong dakilang lunggati; at kahit mangako ang isang bagong pangulo hinggil sa pagsusulong ng pambansang kultura, ang kaniyang pangako ay posibleng mapako depende sa magiging resulta ng bakbakan, kung hindi man balitaktakan, sa loob ng batasan. Isang hakbang pasulong ang maimumungkahing pagtatatag ng party list ng mga manunulat at alagad ng sining na handang maghain ng panukalang batas para sa kanilang kapakanan.

Ito ay sapagkat hindi makapagbubuo agad ng Kagawaran ng Kultura ang sinumang papalaring maging pangulo pagkaraan ng Halalan sa Mayo 2010. Ang pagbubuo ng kagawaran ay nangangailangan ng malaking salapi; at depende sa panukalang badyet ng Kongreso, ang pangulo ng bansa ay makagagalaw lamang alinsunod sa itinatakda at saklaw ng naturang badyet na ipinasa ng Kongreso. Kung isasaalang-alang ang kakulangan [deficit] sa badyet sa 2010, malinaw na maihuhuli ang usapin ng kultura sa hapag ng gabinete. Ang tanging solusyon, kung gayon, ay maihalal ng taumbayan ang isang pangulong puwedeng maging diktador, at bilang mapagpalang diktador ay mapasusunod niya ang lahat ng sangay ng pamahalaan para unahin ang pagsusulong ng pambansang kultura.

Maiiba nang kaunti ang kaso ng panukalang “Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya” dahil nakapailalim ito sa UP at ang gastusin nito ay maaaring isabay na lamang sa pagbubuo ng badyet ng UP na magsusumite naman ng panukala sa Kongreso. Ang dapat lamang linawin ay kung hanggang saan ang mandato ng pambansang surian—kung ito ba’y sa antas lamang na pampatakaran o pampangasiwaan—dahil nakasalalay sa gayong pangyayari ang magiging badyet nito.

Sa ganang akin, ang kinakailangan ay masinop na transisyon tungo sa pangarap na Kagawaran ng Kultura. Ang ganitong posibilidad ay maaaring simulan sa paglingon sa Saligang Batas ng 1987, Artikulo XIV, mga seksiyon 14–18.

SEKSYON 14.  Dapat itaguyod ng Estado ang pangangalaga, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko at intelektwal na pagpapahayag.

(2)  Dapat pasiglahin at tangkilikin ng Estado ang mga pananaliksik at mga pag-aaral tungkol sa mga sining at kultura.

SEKSYON 15.  Dapat tangkilikin ng Estado ang mga sining at panitikan.  Dapat pangalagaan, itaguyod, at ipalaganap ng Estado ang pamanang historikal at kultural at mga likha at mga kayamanang batis artistiko ng bansa.

SEKSYON 16.  Ang lahat ng mga kayamanang artistiko at historiko ng bansa ay bumubuo sa kayamanang kultural nito at dapat pangalagaan ng Estado na maaaring magregula sa disposisyon nito.

SEKSYON 17.  Dapat kilalanin, igalang, at pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kanilang kultura, mga tradisyon, at mga institusyon.  Dapat isaalang-alang nito ang mga karapatang ito sa pagbabalangkas ng mga pambansang plano at mga patakaran.

SEKSYON 18.  (1)   Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pagtamo ng mga pagkakataong kultural sa pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mga kultural na entity sa publiko o pribado, at mga scholarship, mga kaloob at iba pang mga insentibo, at mga pampamayanang sentrong kultural at iba pang mga tanghalang pangmadla.

Sa naturang tadhana ng batas, maiisip na ginagawa na ang mga ito ng NCCA at CCP bagaman kulang na kulang ang ambag ng dalawang ahensiya para kalamayin ang loob ng mga manunulat at alagad ng sining. Kung iisipin na nauunsiyami ang tadhana ng konstitusyon, ito ay dahil wala pang batas na nagbibigay-kapangyarihan [enabling act] na magiging gulugod ng KK kung ihahambing sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Ang kinakailangan kung gayon ay maisabatas ang pagbibigay-kapangyarihan tungo sa kaganapan ng KK. Ito dapat ang isa sa mga pangunahing panukala ng pambansang adyenda ng pangkat nina Almario, Cabrera, Cruz, at Lumbera.

Nakasaad din sa panukalang pambansang adyenda ang “pagtataguyod sa paglaganap ng Filipino bilang wikang pambansa.” Walang masama rito. Ang nasabing panukala ay humuhugot ng lakas sa itinatadhana ng Artikulo XIV, mga seksiyon 6–7.

SEKSYON 6.  Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.  Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Filipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

SEKSYON 7.  Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.

Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.

Dapat itaguyod nang kusa at opsiyonal ang Kastila at Arabik.

Nababalam ang kaganapan ng mga probisyong ito ng Konstitusyon dahil hangga ngayon ay wala pa ring batas na magbibigay-kapangyarihan [enabling act] na suhay ng wikang Filipino bilang “bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Maimumungkahi kung gayon sa susunod na administrasyon na simulan na ang seryosong pagsasabatas na magpapatibay sa aplikasyon ng wikang Filipino sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Mabibigo lamang ang ganitong hakbangin kung sakali’t baguhin muli ang nilalaman ng Konstitusyon, at iayon sa pampolitikang hakbangin ng mga bata ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo na nangangarap muling bumalik sa Kongreso para maging Punong Ministro sa bagong sistema ng pamahalaan.

Masisilip ang isa pang butas sa panukalang pambansang adyenda sa kultura kapag pinagdikit ang KK (na sentralisado ang kapangyarihan) at ang pagtatalaga ng isang isang opisyal na Tagapag-ugnay Pangkultura sa antas ng pamahalaang lokal. Ang naturang tagapag-ugnay ay magiging kinatawan ng KK at “magpapatupad ng mga proyektong pangkultura para sa naturang pook.” Sa hangaring gawing sentralisado ang pagpapatakbo ng KK, mailalalagay sa alanganin ang debolusyon at desentralisasyon ng kapangyarihang itinatadhana ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 (RA 7160). Ang pondo ay magmumula sa pamahalaang sentral, alinsunod sa binuong panukalang badyet ng kongreso, at ipamumudmod pababa sa mga pamahalaang lokal. Na problematiko, dahil ibig ng naturang Kodigo na bigyan ng kapangyarihan ang pamahalaang lokal at makapagsarili at makatayo sa sariling paa ngunit darating muli ang KK na ang ugnayan sa pamahalaang lokal ay hindi malinaw at maibabatay pa lamang sa mga umiiral na ugnayan na nagaganap sa loob ng NCCA, CCP, at KWF. Isa pang aspektong pagtatalunan ang alokasyon ng pondo sa mga pamahalaang lokal, at kung ano ang magiging batayan kung bakit dapat gawing priyoridad ang isang pook pangkultura kompara sa ibang pook pangkultura.

Ang problema sa pagsasakatuparan ng debolusyon at desentralisasyon ay makikita rin sa pagbubuo ng mga sentrong pook, gaya ng Metro Manila, Metro Cebu, at Metro Davao, na ang mga lungsod at munisipalidad ay pinagbubuklod para mabilis ang kolektibong paglago ng mga pook. Kung sisipatin sa panig ng debolusyon at desentralisasyon, ang pagbubuo ng mga metropolis ay salungat sa itinatadhana ng kodigo bagaman masisipat pa rin ito na bahagi ng mga pagsubok hinggil sa tamang timpla ng pamamahala sa antas ng lokal, kung ihaharap sa antas na pambansa. Kung babalikan ang panukalang pagbubuo ng KK at Pambansang Surian sa mga Malikhaing Industriya, ang dalawang ito ay daraan sa paglilitis kung hanggang saan mahihigit ang bisa nito sa antas ng pamahalaang lokal at sa pambansang antas na pagmumulan ng pondo para sa pagsasakatuparan ng mga grandeng programa at proyektong makaaapekto sa malaking populasyon ng mga Filipino.

Nais kong imungkahi sa pagbubuo ng pambansang adyenda sa kultura ang sumusunod:

  1. Ikawing ang pagbubuo ng Kagawaran ng Kultura sa pagbabalangkas ng Medium Term Philippine Development Plan (MTPDP) na maaaring simulan sa susunod na taon hanggang sa pagwawakas ng termino ng pangulo sa 2006.
  2. Magbuo, magpatibay, at magpatupad ng mga batas na magbibigay kapangyarihan [enabling law] sa mga probisyon ng Konstitusyon 1987 hinggil sa kultura at wika, partikular ang malaganap na paggamit sa Filipino bilang midyum ng komunikasyon at midyum sa edukasyon, samantalang pinayayabong ang mga lalawiganing wika, at ginagamit sa pandaigdigang talastasan ang mga internasyonal na wikang gaya ng Ingles, Espanyol, Arabe, at Mandarin.
  3. Seryosong balangkasin ang konsolidasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na pawang may kaugnayan sa kultura at sining, gaya ng NCCA, CCP, KWF, NBDB, at iugnay sa planong pagtatatag ng Kagawaran ng Kultura na isasalang sa Kongreso; at magtalaga ng mga pinunong may sapat na kakayahan, sigasig, at malasakit sa sining at kultura, bukod sa walang batik ng katiwalian o korupsiyon ang rekord.
  4. Iugnay at ikawing ang planong pagbubuo ng KK sa mga umiiral at panghinaharap na plano at programa ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, gaya ng batasan, telekomunikasyon, transportasyon, pagawaing-bayan, sandatahang lakas, industriya ng aklat at palimbagan, edukasyon, turismo, kalusugan, isports, at iba pa.
  5. Pagpapaunlad ng umiiral na balon ng pondo ukol sa kultura at sining, pagsasabalangkas ng taunang pambansang badyet, at paghahanap ng karagdagang bukal ng pondo na kusang palo ng susunod na administrasyon para sa lunggating pagsasakatuparan ng KK.
  6. Paglulunsad ng malawakang konsultasyon hinggil sa masinop na ugnayan ng sentralisadong KK at desentralisadong KK alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas at Kodigo ng Pamahalaang Lokal, at batay sa umiiral na komposisyon ng mga pook na binuo bilang metropolis at mga pook na nagsasarili.
  7. Pagtataguyod ng Surian ng mga Malikhaing Industriya na kakatawanin ng mga manunulat at alagad ng sining mula sa iba’t ibang organisasyon, anuman ang kulay ng paniniwala, uring pinagmulan, at antas ng edukasyon.
  8. Tangkilikin at seryosong harapin ang pagpapaunlad ng panloob na industriya ng papel, makinarya at kasangkasan sa palimbagan, tinta at iba pa, samantalang isinasaalang-alang ang pagbabawas ng taripa sa mga imported na papel, tinta, aklat at mga babasahing may kaugnayan sa edukasyon, panitikan, at iba pang larang.
  9. Ibaba ang buwis na ipinapataw sa mga malikhaing obra ng mga manunulat at alagad ng sining para matulungan silang makatindig sa sariling paa at makapamuhay nang marangal.
  10. Isulong ang pambansang programa hinggil sa pangangasiwa ng internet at kaugnay nito sa telekomunikasyon para mapangalagaan ang sariling kultura mula sa pagkalusaw, samantalang itinatampok ang mga positibo nitong katangian para sa kapakinabangan ng sambayanan.

Mga mungkahi lamang ito at maaaring hindi makarating sa awtoridad. Ngunit puwedeng maisaalang-alang ng susunod na administrasyong may ginintuang pangarap—na magtutuwid sa tiwaling pagpapahalaga ng mga nakalipas na panahon.

Balagtas Rally

Mga Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario at Bienvenido Lumbera, kasama ang mga manunulat at iba pang artist na nagrali sa harap ng bantayog ni Balagtas noong Abril 2, 2010. Kuha ni Phillip Kimpo Jr.