Biyahe, ni Roberto T. Añonuevo

Biyahe

Roberto T. Añonuevo

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Maniniwala ka sa sabi-sabing
may nakaabang na halimaw
sa kaliwa’t kanang panig,
humahabol ang mga multo,
at ang manatili sa gitna’y
luwalhati at pagpapatiwakal.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan, anila,
kung paakyat ng bundok
at tikatik ang ulan.
Matarik at mapanganib,
ang lalandasin mo
ay sindulas ng mga ahas
at sinlambot ng mga lumot.

Pinakamahirap lakbayin
ang tuwid na daan.
Matanaw man ang dulo’y
parang tuldok itong naglaho,
o kung hindi’y putol na guhit 
at buradong sulat sa karatula.
Naililihim ng baha ang lubak
at usad-pagong ang trapik.

Pinakamahirap lakbayin,
anila, ang tuwid na daan—
walang puwang sa biglang
liko at layaw ng katawan.
Ang humarurot ay paghinto
sa nakagawiang takbo
ng búhay, iiwan mo ang lahat
hanggang maupos sa wakas.
Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by Pixabay on Pexels.com

Serpiyenteng Araw, ni Aimé Césaire

Salin ng “Soleil serpent,” ni Aimé Césaire ng Martinique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Serpiyenteng Araw

Serpiyenteng araw na matang bumalani sa aking mata
at ang dagat malasalot na may mga islang pinasabog sa mga daliri
ng apoy-pamuksang
mga rosas at ang aking buong lawas na kinidlatan
ang tubigang nagpaahon sa mga bangkay ng sinag sa naglahong pasilyo
mga buhawi ng lumutang na pilyegong yelong usok na putong
sa mga puso ng mga uwak
ang aming mga puso
ito ang tinig ng alagang kidlat-kulog na nagpaingit sa hugpong ng mga bangin
ang pagsasalin ng hunyango sa tanawin ng mga basag na salamin
ito ang mga bampirang bulaklak na lumalago para makaraos ang mga dapò
ang gamot ng sentral na apoy
apoy na sadyang apoy na gabí na punong-manggang hitik sa pukyot
ang aking mithing suwerte ng mga tigre na nagulat sa asupre
ngunit pagkapukaw láta ang nagpaginto sa sarili sa musmos na ambag
at ang aking katawang graba na kumakain ng isda ang kumakain
ng mga kalapati at pinahihimbing
ang asukal ng salitang Brazil sa kailaliman ng latian.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Simula ng Indictus, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Simula ng Indictus

Alam nating lahat kung sino si Pnytagoras
o kahit paano’y sisikaping mabatid siya
(sabi nila’y siya ang hari ng Salamis).
Ngunit ang Kalye Pnytagoras, ang mahal na Pnytagoras
sa pagitan ng Timios Stavros at ng Hagia Zoni,
ay marahil ako lamang ang makaaalam. Abá ako:
Kinaiinggitan ko ang mga daga ng kalyeng ito,
ang mga palaboy na askal, ang mga pusang mailap,
na nagmumula sa Kalye Acropolis at lumulusong
sa Pentelis, at pagdaka’y isinusuka ng Hilarion
tungo sa aking Kalye Pnytagoras—mapapalad na bata!

Hiling ko’y maging daga sana ako ng aking bahay,
maging askal na pumapasok sa aking hardin,
at pusang mailap na nakapagbubukas ng pridyider
upang makatikim ng nakaligtaang piraso ng manok.

Ako na lang sana ang naging ahas, ang kulitis,
ang punongkahoy na tuod, ang wasak na pinto,
ang amaranto na nangangarap mapigtal
upang humimbing sa mga sapot ng gagamba.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to vicious war in whatever form.

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Paglingon sa “Ang Sawá” ni José Corazón de Jesús

Roberto T. Añonuevo

Sa unang malas ay maituturing na ehersisyo ng paglingon sa tradisyon ng awit at korido ang mahabang tulang pinamagatang “Ang Sawá” (1920) ni José Corazón de Jesús, ang dakilang makatang Tagalog na humuli sa guniguni ng taumbayan nang higit pa marahil kay Balagtas. Ngunit ang nasabing tula ay hindi simpleng bunga ng romantikong pagtanaw sa daigdig ng prinsesa at prinsipe, tulad sa telenobela. Ang tula ay maibibilang na halimbawa ng kontra-kuwentong ada o anti-fairy tale (na katumbas ng Antimärchen na unang ipinakilala ni Andrè Jolles), at lumilihis sa nakagawiang kabalyerong romanse sa Ewropa, at lumalampas sa pantastikong pakikipagsapalaran o makarelihiyosong damdaming hatid ng kolonisasyong Español, bukod sa bumabalì sa kumbensiyong itinadhana ng tradisyonal na awit at korido sa Filipinas.

May anim na yugto o awit ang tulang “Ang Sawá” na ang pagkakahati ng mga taludtod ay nagtatangkang lumundag sa wawaluhing pantig ng korido at lalabindalawahing pantig ng awit. Sabihin mang ang putol ng mga salita ay waring pagkukubli lámang sa tradisyonal na tugma at sukat ng panulaang Tagalog, ang nasabing taktika ay mahihinuhang iniaayon sa allegro tempo o mabilis ang kumpas, kung pagbabatayan ang putol ng mga taludtod na naglalaro sa apat at walo, at pagkaraan ay lumilipat sa andante tempo tuwing nasisingitan ng labindalawa at labing-anim na bilang ng pantig ang mga taludtod para basagin ang pagiging monotono ng indayog ng mga tunog. Pumapabor ang nasabing taktika sa piyanista o mang-aawit o mambibigkas, sapagkat ang buong tula ay hindi nakapadron sa Balagtasan na pagsapit pa lamang ng taon 1924 magsisimulang sumikad.

Ipinakilala sa unang yugto ang pangunahing tauhan na si Tarhata. Si Tarhata ay prinsesang anak ni Sultan Ormalik, at nagtataglay na pambihirang rikit, layaw, at ringal, bukod sa masigla at masayahin. Ngunit dadapuan ng malubhang sakit ang dalaga isang araw, at ang kaharian ay malulumbay sa sinapit na kapalaran ng prinsesa. Sa ikalawang yugto, mababalisa ang Sultan at magpapahanap ito ng mga dakilang manggagamot at pantas ngunit mabibigo pa ring magamot ang prinsesa. Magbabago ang kalooban ng Sultan, na ang kabagsikan ay mahahalinhan ng karupukang hatid ng kalungkutan. Nang sumuko na ang lahat, nagmungkahi sa hari ang isang alila ni Tarhata mula sa liping Ita na ang tanging makagagamot sa maysakit ay ang pag-inom ng dugo ng sawang bitin. Sa ikatlong yugto, si Tarhata ay gagaling sa sakit, at muling magliliwaliw sa gubat na sakop ng kaharian. Mapupulot niya roon ang isang munting sawá, na kaniyang kagigiliwan at aalagaan doon sa palasyo. Ituturing ng prinsesa na gaya ng tao ang sawá, at magiging maamò ito na parang may pagliyag din sa prinsesa.

Ang gusot sa salaysay ay magsisimula sa ikaapat na yugto. Mababalitaan ni Tarhata si Prinsipe Madagaskar, na isang Moro mulang Kanluran at tanyag sa pagiging matapang na kabalyero at nagwagi pa sa torneo ng Damasko. Papangarapin ng dilag ang binata, at unti-unting mababaling ang pansin ng prinsesa mula sa sawa tungo sa nasabing lalaki. Sa ikalimang yugto, magkakatotoo ang iniisip ni Tarhata at darating sa palasyo si Prinsipe Madagaskar upang manligaw at hingin ang kaniyang kamay. Sa ikaanim na yugto, maghahatid ng dote ang prinsipe para sa prinsesa, at magdiriwang ang buong kaharian dahil sa napipintong pagpapakasal nina Tarhata at Madagaskar. Ngunit bago ang oras ng kasal, naisipan ng prinsesa na dalawin ang kaniyang alagang sawá upang magpaalam. Matapos hagkan ang alaga, at anyong tatalilis na ang dalaga, biglang nilingkis ng sawá ang prinsesa hanggang sa ito’y mamatay.

Ang trahikong wakas ni Tarhata ay katumbalik ng motif sa mga namamayaning awit at korido, na ang babae ay magwawagi sa kabila ng mga pambihirang pagsubok, gaya sa Constance Saga, alinsunod sa pag-aaral ni Alfred Bradley Gough. Sa Filipinas, ayon na rin sa saliksik ni Damiana L. Eugenio, maihahalimbawa ang koridong Buhay ng Kawawa at Mapalad na Prinsesa Florentina sa Kahariang Alemanya, na ang hari ay pagnanasahang pakasalan kung hindi man lurayin ang kaniyang anak na babae, na magiging resulta upang tumakas ang dilag tungo sa kung saan-saang pook, at tutulungan ng mga milagrong sobrenatural mula sa Kristiyanong pananalig, makatatagpo ng angkop na binata, at sa wakas ay magbabalik sa kaharian upang tamuhin ang pagpapalà at kasaganaan dahil sa pagiging matuwid.

Sa tula ni De Jesus, ang hari ay hindi kinakailangang pagnasahan ang dalaga niyang anak, na taliwas sa Constance Saga, at sa halip ay ipinamalas pa ang kaniyang pusong mamon pagsapit sa pagkalinga sa anak. Ang kamalayan ng prinsesa at ng hari ay magkakaroon ng transpormasyon dahil sa pagkakasakit at pagkaraan ay paggaling ng dalaga, at hanggang sa pag-aalaga ng sawá. Ngunit ang kanilang kamalayan ay may kaugnay na limitasyon, gaya ng pagtanaw ng naghaharing uri sa hayop na mahuhuli nito. Para sa prinsesa, ang sawá ay isang laruan o kaya’y kaibigan gaya ng tao; ngunit sa punto de bista ng sawa, ang pagkakakulong nito sa palasyo ay isang pagsalungat sa kalikasan nito bilang hayop at nilalang na dapat ay nasa gubat para panatilihin ang siklo ng búhay. Sa ganitong pangyayari, sinasagkaan ng prinsesa ang kalikasan, at kahit ano pa ang uri ng kaniyang pag-aalaga sa sawá, iyon ay maituturing na taliwas sa itinadhana ng kosmikong kamalayan.

Ang isa pang elemento ng pagiging kontra-kuwentong ada ng tula ni De Jesús ay ang pagkasangkapan sa katutubong talino ng Ita. Sa koridong Ibong Adarna, halimbawa, ang labindalawang Negrito ay pinaglaruan ng hari. Ang ganitong rasista at kontra-katutubong pagtanaw, gaano man kaikli ang banggit sa nasabing korido, ay dapat tinutuligsa sapagkat lumalapastangan ito kahit sa iba pang pangkat etniko na matatagpuan dito sa Filipinas. Kung babalikan ang tula ni De Jesús, binaligtad ang pangyayari sapagkat walang nagawang lunas ang mga dakilang manggagamot at pantas ng palasyo hinggil sa sakit ng prinsesa. At isang alila pa ang magsisiwalat ng katangahan ng naturang pangkat. Sa ganitong pangyayari, iniaangat ni De Jesús ang estado ng Ita mulang alila tungong tagapagligtas, samantalang pailalim na nililibak ang estado ng mga tanyag na manggagamot at pantas.

Walang silbi sa tula ni De Jesús ang makisig at maharlikang kabalyero na gaya ni Prinsipe Madagaskar, na kahit nagwagi sa torneo o digmaan sa ibang bayan ay binigo naman ng isang sawa. Bukod pa rito, ang representasyon sa sawá ay hindi mistikal, bagkus natural, at ang sawáng lumingkis kay Tarhata ay mahahalatang nakasagap ng negatibong enerhiya mula sa dalaga nang ito’y papaalis na upang magpakasal. Sa pananaw ng mga yogi sa India, gaya halimbawa ni Sadhguru, ang mga ahas o sawá ay hindi basta nanunuklaw o nanlilingkis; ang mga ito ay umaayon sa enerhiya ng lumalapit o humahawak dito. Ang pagpapaalam ni Tarhata sa sawá ay maituturing na isang bantâ sa kaligtasan ng sawá alinsunod sa instinct nito; at marahil, kung hindi nagpamalas ng gayong damdamin (na may taglay na negatibong enerhiya) ang dilag ay maaaring hindi siya nilingkis ng sawá. Isa pang nakadagdag dito ay matagal nang nabaling ang pansin ng dalaga tungo sa binata imbes na makipaglaro sa sawá, na marahil ay magpapabago rin ng pagsagap ng sawá sa dalaga.

Ngunit ang pinakamagandang hulagway [imahen] sa tula ay ang mismong sawá. Sa pormalistikong pagtanaw, ang hulagway ay magsisimula sa mapaglarong hugis at haba ng mga taludtod, at sa indayog ng mga salitang waring gumagapang; at sa kalkuladong paglinang sa katauhan ni Tarhata, at sa makulay na paglalarawan sa hari o prinsipe. Lalawak pa ito kung isasaalang-alang ang sinematograpikong pagdulog sa mga tauhan o lunan o panahon, gaya sa videopoema, at kung paanong naisisilid ang panahon sa kakatwang espasyo at aksiyon sa anggulo ni Tarhata. Ang ganitong dinamikong paglalahad ay taliwas sa monotonong pagdulog sa tradisyonal na awit at korido sa Filipinas na pawang nakatuon sa paglinang sa masalimuot na banghay.

Sa arketipong pagtanaw, ang pagbubuwis ng dugo ng isang sawa ay magpapanumbalik ng lakas at sigla ng dalaga; ngunit isang sawa rin ang sa huli’y babawì, at lilingkis at pipiga sa dugo hanggang sa mamatay ang nasabing dilag. Naghuhunos ng balát ang sawá upang isilang muli, gaya ng bagong kamalayan, at ito ang matatagpuan sa iba’t ibang mito sa daigdig, at maihahalimbawa ang kuwento ni Demeter at ng anak niyang si Persephone. Si Tarhata na nakainom ng dugo ng sawá ay magkakaroon wari ng kapangyarihang makapangarap o makapanghulà sa hinaharap, gaya sa katangian ni Apollo, na matapos paslangin ang Delpikong Sawá ay nagkaroon ng kapangyarihang makapanghula. Sa tula ni De Jesús, ang sawá ay hindi tulad ng mga serpiyenteng niyayapakan ng mga santo, bagkus inaaruga upang ang maging estetikang silbi ay umayon sa layaw ng bumihag sa kaniya. Gayunman, maituturing na bipolar ang katangian ng sawá na puwedeng maging tulay ng búhay at kamatayan, gaya sa kasal, na masisilayan sa paniniwala ng mga pangkat etniko sa Kordilyera.

Samantala, sa Marxistang pagtanaw, ang alyenasyon ng sawa at ni Tarhata sa kani-kaniyang kalagayan ay hatid ng uring pinagmumulan nila, at kung paano umiikot ang kanilang kapalaran ay batay lámang sa mga mayhawak ng kapangyarihan sa palasyo at ng yamang taglay ng hari na makapagpapatakbo ng lipunan. Marupok bilang babae si Tarhata kung itatambis sa Constance Saga, na ang babae’y pambihirang nakaliligtas sa kapahamakan dahil sa tulong ng sobrenatural na kapangyarihan at makisig na kabalyero, ngunit ginagampanan lámang ni Tarhata ang realidad ng dalagang nagmula sa naghaharing uri. Ang dalagang prinsesang nakatakdang ikasal ay maglalaho ang katauhan bilang prinsesa at dalaga sa sandaling lingkisin, lamugin, at lunukin ng sawa. Ang sawá ang ultimong pagsasanib ng dalawang identidad, at magreresulta ng pagkalusaw ng dating identidad na naghaharing uri. Ang pagpatay ng sawá sa prinsesa ay masisipat na muling pag-angkin ng sawá sa estado nitong binihag sa mapagkandiling pananakop, at lumalampas sa panuntunan ng moralidad o ideolohiya. Hindi mahalaga kung ano ang magiging wakas ng sawá. Ang higit na mahalaga ay ang tagumpay nitong natamo sa paglaya sa hawla, at ang pagwiwika nito ng pamamaalam alinsunod sa sariling pananaw nito na taliwas sa pananaw ni Tarhata.

Ang napipintong paglamon ng sawá sa babae ay hindi simpleng prosesong biyolohiko, o pahiwatig ng pagsanib ng demonyo sa magandang katauhan ng babae, gaya sa representasyon ni Michaelangelo sa kaniyang pintura sa bobeda ng simbahan, o kaya’y sinaunang simbolo ng pagkalagot ng inmortalidad, gaya sa epikong Gilgamesh, bagkus maituturing na mapaghimagsik sa panig ng sawá na ang silbi sa kalikasan ay nasa pagiging ganap na sawá (at hindi bilang tao o diyos o sobrenatural na katauhan) para mapanatili ang balanse sa ekosistema ng daigdig.

Isang panukalang pagbasa ito sa tulang “Ang Sawá,” at marahil ay bunga lámang ng aking pagkayamot sa nakasasawàng pagkakahon at paulit-ulit na pagpatay kay José Corazón de Jesús—sa pamamagitan ng pagsipi sa makukulay na taguri at palamuti.

black and white girl hair white photography cute mystical female mystic portrait model young darkness black monochrome close up fairy tale dress gloomy fantasy princess dreamy fairy gorgeous emotion fairytale stunning young girl cute girl monochrome photography fantasy girl atmospheric phenomenon

Landas ng Babaeng Minamahal, ni Carlos Barbarito

Salin ng tulang “Tao de la mujer amada” ni Carlos Barbarito.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

LANDAS NG BABAENG MINAMAHAL

1
Babae: misteryo at pinto.

2
Hindi siya kinakagat ng mga putakti at ahas,
hindi siya kinakalmot ng maiilap na hayop,
hindi siya dinaragit ng mga ibong malulupit.

3
Malalambot na buto, nababanat na kalamnan,
misteryo sa misteryo,
mga pinto ng kagila-gilalas.

4
Kanginong anak siya?
Tila higit siyang matanda sa Langit at Lupa.

5
Kahit hindi lumabas sa kaniyang pinto,
alam niya kung ano ang anyo ng mundo.
Hindi man siya sumilip sa bintana,
nababatid niya ang landas ng kalangitan.
Bago ko siya makilala, kilala na niya ako.
Hindi niya ako nakikita, ngunit tinatawag
niya ang aking pangalan.

6
Kapag kumapit ka sa akin, aniya, kakapit ka
sa buhay, maglalakbay ka at hindi masasalubong
ang mga rinoseronte o tigre;
maglalakad ka nang walang sandata o kalasag
sa gitna ng mga mandirigma.
Walang susuwagin ang mga rinoseronte,
o kakalmutin ang mga tigre, o hihiwain ang patalim.
Walang puwang dito ang kamatayan.

7
Pagkaraan, mabubuo ang dilim at liwanag,
mabubuo ang mga anyo nang walang hugis,
ang mga pigurang walang pigura,
walang makakikita sa atin sa harapan,
yamang ang ating mga mukha
ay nasa likod, nasa ating likuran.

Gunita

GUNITA

Iniipon niya ang nakalipas, at pumapaloob sa supot na kung hindi yari sa manipis na katsa ay plastik o balát na hindi tatagasan ng buhangin o tubig. Hindi niya maisasalaysay ang sarili, dahil kung gayon, mistulang ahas siya na lumulunok sa angking buntot. Mauunawaan lamang niya ang kaakuhan kung ipaliliwanag ng Kasalukuyan at babalangkasin ng Hinaharap. Kapuwa pagtitiwalaan at pagdududahan siya, alinsunod sa pakahulugan at pahiwatig ng mga awtoridad. Pawiin siya, at parang sanggol ang kabihasnang mag-iimbento ng kakatwang anino at planeta. Kaligtaan siya, at ang lipi’y magsisimula sa lawas ng wala, at sa matinding bahâng bumubura sa pulo at tagaytay. Gaano man katiwasay ang ngayon, gaano man kakulay ang búkas, magbabalik siya upang maging titis ng sigasig, balak, panibugho, o poot. Mahahalungkat ang dalamhati, at ang maaliwalas na umaga’y biglang magwawakas sa pagluha ni Tungkung Langit. Panghihimasukan niya ang magiging anyo ng mapa, gusali, o gubat. Magtatakda siya ng pamantayan at kumbensiyon sa damit, gamot, at batas; kahit ang pera, aliw, at wika’y pagtatalunan kung para sa henyo at mangmang o maykaya at hampaslupa. Habang tumatagal, ang supot ay maaaring umapaw sa samot-saring nilalang o sapalaran o tadhana. Gayunman, hindi sa habang panahon. Maaaring kumawala sa himaymay ng katsa ang buhangin ng pagkakataon o likidong pangyayari; at siya ay magwawakas na hungkag gaya ng walang silbi’t may lamat na garapon. Iniipon niya ang nakaraan; at kung siya man ay tawarang pansamantala o pangmatagalan, ay ikaw lamang, kaibigan, ang makapagsasadula, habang nagtitinikling ka sa palaisipan ng takipsilim at liwayway.

“Gunita,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Mayo 2010.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

Mga Tulang Tuluyan ni Ridvan Dibra

salin ng mga tulang tuluyan ni Ridvan Dibra mula sa wikang Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAG-IBIG NG MGA ALAKDAN

Taliwas sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na pawang nagtataglay ng lason sa kanilang bibig, ang mga alakdan ay nagtatago ng kamandag sa dulo ng buntot, na nagpapahiwatig na hindi yaon maituturing na lubos na responsable sa mga maibubunga ng lason, gaya ng hindi ganap na responsable ang mga tsuper sa mga aksidenteng sanhi ng likurang gulong ng kanilang sasakyan.

Hindi ba ito magandang dahilan para igalang ang mga alakdan kung ihahambing sa mga tao at ulupong at iba pang hayop na nagtataglay ng lason sa kanilang mga bibig?

TAKIPSILIM

Taliwas sa gawi ng mga hayop na malamyang tumutugon sa mga takipsilim, mga reaksiyon na samot-sari ang anyo at paraan, halimbawa na ang pagsulak ng silakbo sa pakikipagtalik o pagkiling sa pagpapaamo ng kanilang ilahas na kalikasan, na pawang salungat sa mga hayop na nakararanas ng mahihiwagang sandali gaya sa pasibong paglubog ng araw, ang sangkatauhan ay unti-unting nagiging walang pakialam sa gayon, nang hindi ganap na kumbinsido kung ang pagkawalang pakialam ay nadidiktahan o pakunwari lamang, bagaman nakatitiyak ito na ang mga takipsilim ay magpapatuloy sa regular na pagsapit kahit walang pakialam ang tao.

MGA TALUKTOK

Kinakailangan ang matinding buhos ng niyebe at ang pagkalupig ng lahat ng bagay sa makinis na unipormidad para mapansin ng mga tao ang mga taluktok ng bundok.

GRABA

Malungkot na kumikiskis ang mga graba sa aking talampakan: maputi, makinis, wari bang mga diwain ng utak ng kung sinong mababaw na nilalang, at pagdaka, ang buról ay mananatiling nakabukod sa tabi nito, na natitilamsikan ng tubig mula sa ilog.

Naaawa ako sa buról.

Naaawa ang buról sa mga graba.

Ano naman ang tingin mo?

BALÁT NG AHAS

Naghunos ng balát ang ahas, at isinampay ang balát sa sanga ng punong mansanas, saka gumapang nang malaya kung saan.

Napagawi ang tumánggong sa punongkahoy, inamoy ang balát, at nabatid na walang halaga ang balát ng ulupong.

Narinig ng lobo ang pagaspas ng balát ng ahas na nakasampay, ngunit tinalikdan yaon dahil wala iyong dugo.

Kinuha ng tao ang pinaghunusang balát ng ahas at itinahi iyon sa pares na glab para kaniyang kulay-liryo at inosenteng mga kamay.

Alakdan

Alakdan, larawan mula sa artsibo ng Project Gutenberg

Dalawang Tula ni Anna Akhmatova

salin ng mga tula ni Anna Akhmatova, at batay sa saling Ingles ni Daniel Weissbort
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAG-IBIG

Nakaikid ito, katulad ng ahas,
Sa taglay kong puso’t may angking orasyon
Kundi bumubulong nang kung ilang hapon—
Parang kalapati sa bintanang bukás.

Sa ningning ng yelong kusang namumuo,
Paghimbing ng klabél ay may pahiwatig,
Na lahat ng tuwa at gaan sa isip
Ay lihim na agos na nagsusumamo.

Nananabik, tulad ng dasal-biyolin,
Tumangis man ito’y nakabibighanì.
Ito’y nagaganap, na ang isang ngitî’y
May kung anong hatid na takot sa akin.

NAKARINIG AKO NG TINIG

Nakarinig ako ng tinig sa loob, nanawag sa akin
Upang makiramay: “Halika, halika. Dumako ka rito.
Iwan mo ang Rusya, ang maruming bansa, at iyong lisanin
Ang inang bayan mo. At sundin, sundin mo ang iniutos ko.
At huhugasan ko ang dugong bumatik sa angkin mong kamay.
Pupurgahin yaong mga kahihiyan sa loob ng puso;
Ang lahat ng iyong kubling pagkagapi at kirot ng uyam
Ay lalapatan ko ng bagong pangalang di makapapaso.”

Di ako natinag, at tahimik siyang hinarap nang ganap.
At ako’y nagtukop ng mga tainga, nagbingi-bingihan,
Bago pa man niya ako malapastangan, at ganap mawasak
Ang namimighati, sugatang loob ko sa gayong pananaw.

Ahas

Ahas, mula sa artsibo ng http://www.pdphoto.org