Anino, ni Roberto T. Añonuevo

Anino
  
Roberto T. Añonuevo
  
 Isinakay sa bangka ang mga alaala, 
 at lumayo ang mga alon
 na tila naghahanap ng bagong
 pampang o payew
 na palulubugin
 upang pagkaraan ay isalalak
 sa tulong ng galít na habagat
 ang mga hungkag na ataul 
 sa matatarik na bangin ng bag-iw.
  
 Maaaring ang tagpo’y pangitain
 ng isang Macli-ing Dulag
 noong harapin niya ang tadhana
 mula sa digma ng mga paniniwala,
 ngunit hindi. 
 Iyan ang pumapasok 
 sa aking loob
 nang agawin mo 
 ang aking hulagway at pangalan 
 nang maarok ang dalóm
 at habulin ang mga guniguning
 paraluman,
 habang pigíl na humahagikgik
 ang kawan ng palaboy na kanaway. 
Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Anjeliica on Pexels.com

Pag-ibig at Habilin, ni Saigyō

Salin ng dalawang tula mula sa Shinkokinshū ni Saigyō [Saigyō Hōshi] ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Noong nananahan ako sa malayong pook, ipinadala ko sa isang tao 
doon sa kabisera ang mga tulang ito noong kabilugan ng buwan.
  
 Pag-ibig [Blg. 1267]
  
 Tanging ang buwan
 Doon sa kalawakan
 Ang alaala:
 Gunitain mo ako’t
 Puso ko’y nasa iyo.
  
 Habilin [Blg. 1535]
  
 Kung iwan man ang mundo
 Na hitik sa pighati’y
 Dapat batid ang sanhi—
 Ibalabal, o buwan,
 Sa akin ang taglagas.  
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Maikling Pelikula, ni Ted Hughes

Salin ng “A Short Film,” ni Ted Hughes ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maikling Pelikula

Hindi ito sinadyang ginawa upang makasakit.
Nilikha ito para sa masasayang paggunita
Ng mga tao na napakamusmos pa noon
Upang matuto ng kung ano hinggil sa alaala.

Delikado ito ngayong armas, de-orasang bomba.
Na isang uri ng lawas-bomba, at pangmatagalan.
Sa palabas, ilang tagpong nilaktawan mo nang mabilis.
Tumanda ka nang sampu, at patuloy na lumalaktaw.

Mapusyaw na abo, na yari sa halumigmig at mantsa.
May pino itong mitsa, na hindi ganap na mitsa
Kaysa nakatonong habang-alon, ang elektronikong
Magpapasabog na nasa libingan ng ating loob.

At kung paanong ang pagsabog ay makasasakit
Ay hindi guniguning lagim bagkus pawis na kumislap
Sa rabaw ng balát, ang nagpapaalab sa himaymay
Para sa kung anong bagay na dati nang naganap.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Jakob Owens @ unsplash.com

Sukdulang Luningning, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Ultimo Replandor,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sukdulang Luningning

Malimit nakayayanig ang takipsilim
gaano man ito karangya o kapayak,
ngunit higit na nakayayanig
ang pangwakas, desperadong ningning
na nagiging kalawang ang karaniwan
kapag ang panganorin ay wala nang alaala
ng hambog na rikit ng araw na papalubog.
Kay hirap pigilin ang gayong liwanag,
sagad na sagad at naiiba,
ang naguguniguni ng tao na takot sa dilim
at ipinapataw sa espasyo,
at kisapmatang nauupos
sa sandaling mabatid ang balatkayo nito,
ang paraan na nababasag ang panaginip
kapag natauhan ang himbing sa pananaginip.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Bagong Taon, ni Nazik al-Mala’ika

Salin ng tulang Arabe ni Nazik al-Mala’ika ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Taon

Bagong Taon, huwag dumako sa aming tahanan dahil
mga palaboy kami sa kadungayan, at pinagkaitan ng tao.
Tumatakas sa amin ang gabi; iniwan kami ng tadhana.
Namumuhay kami gaya ng mga gumagalang kaluluwa
na walang alaala,
walang pangarap, walang inaasam, walang pag-asa.
Ang panganorin ng aming mga mata’y naging abuhin,
at ang abong-agos ng kalmanteng lawa’y
kawangis ng aming di-makapangusap na mga kilay:
Walang kislot, walang puso,
at hinubdan ng anumang anyo ng tula.
Nabubuhay kami nang mangmang hinggil sa búhay.

Bagong Taon, lumarga! Mayroong landas
na magpapasimuno sa iyong mga hakbang.
Taglay namin ang mga ugat ng matitigas na tambô,
at walang kaalam-alam hinggil sa kalungkutan.
Ibig naming mamatay ngunit tumatanggi ang hukay.
Ibig naming sulatin ang kasaysayan ng mga taon
kung batid lang sana naming maipirmi sa isang pook,
at alam na makapagdudulot ng taglamig ang niyebe
upang takpan ng karimlan ang aming mga mukha.
Kung nagawa lang sana ng gunita, pag-asa, pagsisisi
na hadlangan ang bansa namin sa tinatahak nito;
kung kinasindakan lang sana namin ang kabaliwan;
kung nabulabog lang sana ang aming búhay
sanhi man ng paglalakbay o pagkagulantang
o kaya’y pamimighati sa imposibleng pagmamahal.
Kung makayayao lang sana kami, gaya ng ibang tao.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Pagkawala, ni Vikaṭanitambā

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vikaṭanitambā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang lumapit siya sa kama, kusang nakalas ang buhol sa aking damit;
lumaylay ang baro ko sa may baywang, at napigil lámang ng bigkis
ng maluwag na sinturon. Iyon lamang ang natatandaan ko, kaibigan.
Ngunit nang ikulong niya ako sa kaniyang mga bisig, hindi ko maalaala
Kung sino siya, o kung sino ako, o kung anuman ang aming ginawa.

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Gunita

GUNITA

Iniipon niya ang nakalipas, at pumapaloob sa supot na kung hindi yari sa manipis na katsa ay plastik o balát na hindi tatagasan ng buhangin o tubig. Hindi niya maisasalaysay ang sarili, dahil kung gayon, mistulang ahas siya na lumulunok sa angking buntot. Mauunawaan lamang niya ang kaakuhan kung ipaliliwanag ng Kasalukuyan at babalangkasin ng Hinaharap. Kapuwa pagtitiwalaan at pagdududahan siya, alinsunod sa pakahulugan at pahiwatig ng mga awtoridad. Pawiin siya, at parang sanggol ang kabihasnang mag-iimbento ng kakatwang anino at planeta. Kaligtaan siya, at ang lipi’y magsisimula sa lawas ng wala, at sa matinding bahâng bumubura sa pulo at tagaytay. Gaano man katiwasay ang ngayon, gaano man kakulay ang búkas, magbabalik siya upang maging titis ng sigasig, balak, panibugho, o poot. Mahahalungkat ang dalamhati, at ang maaliwalas na umaga’y biglang magwawakas sa pagluha ni Tungkung Langit. Panghihimasukan niya ang magiging anyo ng mapa, gusali, o gubat. Magtatakda siya ng pamantayan at kumbensiyon sa damit, gamot, at batas; kahit ang pera, aliw, at wika’y pagtatalunan kung para sa henyo at mangmang o maykaya at hampaslupa. Habang tumatagal, ang supot ay maaaring umapaw sa samot-saring nilalang o sapalaran o tadhana. Gayunman, hindi sa habang panahon. Maaaring kumawala sa himaymay ng katsa ang buhangin ng pagkakataon o likidong pangyayari; at siya ay magwawakas na hungkag gaya ng walang silbi’t may lamat na garapon. Iniipon niya ang nakaraan; at kung siya man ay tawarang pansamantala o pangmatagalan, ay ikaw lamang, kaibigan, ang makapagsasadula, habang nagtitinikling ka sa palaisipan ng takipsilim at liwayway.

“Gunita,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 31 Mayo 2010.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

"Janus," pintura ni Mary Jane Ansell.

Tahanan

Iiwan mo ang pook na ito gaya ng bagáng na kusang napigtal sa gilagid; o dili kaya’y dahil sa pagmamahal na paulit-ulit sinusuklian ng batong tampalasan. Ipagugunita sa iyo ng mga lumang retrato ang sinaunang banggerahang naging kusina’t tanggapan; ang kural ng mga baboy na naging sála; at ang dalawang kuwartong pinaghihiwalay ng kurtina. Matapat na nagsilbi sa iyo ang mga taga sa panahong kahoy na sahig, pinto, at hagdan. Nagpaaliwalas sa loob at isip mo ang malalaking bintana. At bilang pagkilala, lilinisin mo ang mga iyon bago ka magpaalam. Ramdam mong nalulungkot din—at makulimlim—kahit ang bahay na inalagaan mo nang matagal. Ngayong aalis ka na’y tila ang lahat ng kaluluwang nakapaloob doon ay lumisang kasama mo tungo sa bago’t higit na matibay na bahay. Napakabigat iwan ang bahay na iyong kinalakhan; ngunit higit na mabigat sa loob kung hindi mo iiwan ang kapatid o bayaw na sa iyo’y nagtataboy sanhi ng kung anong kasakiman o lihim na dahilan. Alam mong may sariling amo ang bahay. Hindi lahat ng pumapasok sa matandang bahay ay nakalalabas nang buháy, dahil ang bahay ay isa ring ataul—para sa sinumang walang pagkilala sa kahapon o sa iyo o sa sinapupunang pinagmulan.

(11 Setyembre 2004)

Gunita bilang Liksiyon sa tula ni Joseph de Luna Saguid

PANGINORIN

PANGANORIN, kuha ni Beth Añonuevo

Makapangyarihan ang alaala dahil ito ang sisidlan ng nakaraan, ang nakaraang huhubugin ng mga tao na magpapataw ng kanilang angking pananaw sa daigdig kompara sa pananaw ng iba, ang magpapalaganap ng kapangyarihan, at ang magpapanatili ng kakatwang kalagayan ng pag-iral ng mga bagay, paniniwala, ideolohiya, kabuhayan, at katauhan. Hindi estatiko ang nakaraan, gaya lamang na hindi estatiko ang isang pangkat ng mga tao dahil aktibo at kabahagi ito ng mismong ebolusyon ng tao at pangyayari sa paglipas ng panahon. Pawiin ang nakaraan at hindi mauunawaan ang kasalukuyan o hinaharap.

Bagaman mahirap itakda ang hanggahan ng nakaraan at kasalukuyan, maipapalagay na ang lahat ng kahapon ay kabahagi ng nakaraan kung ihahambing sa nagaganap ngayong araw o sandali. Sa gayong pagtuturing, ang nakaraan ay maikakahon sa kronika, sa pagtitipon ng mga salaysay, sa pagsasalaysay ng mga butil ng karanasan o tagpo, at sa pagsasala sa naturang mga karanasan o tagpo upang mapanaig yaong makatutulong sa ipinapalagay na pagsulong ng isang lipi o pangkat, o sabihin nang kultura o bayan.

Ang nakaraan ay maaaring panatilihin at panghimasukan, upang ang dating pangyayari’y maipagpatuloy, at maipagpatuloy alinsunod sa pintig ng kasalukuyang panahon, kung hindi man sa sariwang anggulo, at depende sa mga pangangailangan ng mga kalahok na tao. Ang panghihimasok ay maaaring sipatin ng tagaloob sa kaniyang espasyo, o kaya’y ng tagalabas na ibig palawakin ang sakop na espasyo, at dito maglalaro ang politikang pangkultura na umuurirat sa daloy ng kapangyarihan. Maihahalimbawa ang tulang “Tanawin” ni Joseph de Luna Saguid. Heto ang buong tula:

TANAWIN
ni Joseph de Luna Saguid

1          Nagpumiglas muna ang paslit
2          bago niya tuluyang naihagis sa tubig.

3          Mula sa bangka, nakaamba siyang
4          tumalon sakaling manganib na malunod
5          ang anak na muli’t muli’y lumutang—
6          lumubog, lumutang-lumubog, at muli,
7          siya ang paslit na inihagis sa tubig.

8          Sa gayong pagtanaw, nananariwa
9          sa alaala ang hapong ilang ulit niyang
10        nainom ang alat ng dagat bago
11        natutuhang ikampay ang sariling
12        mga bisig, tulad ng anak na ngayon
13        pa lamang inaangkin ang katawan
14        ng hangad na manatili sa ibabaw.

Nakatampok sa “Tanawin” ang isang paglalarawan ng isang karanasan hinggil sa pagtuturo kung paano magpalutang sa tubig, at lumangoy nang makaiwas malunod at mamatay. Ang paglangoy at pagpapalutang sa tubig ay isang kasanayan na dapat matutuhan ninuman, lalo kung ang kaligiran ay may tubigan, ang tubigang magtatakda sa ikabubuhay at pag-iral ng tao. Hindi kinakailangan ang pag-aaral lumangoy kung nasa gitna ka ng disyerto o nasa kabundukan, bagaman may ilang pagkakataon na ang kabundukan ay maaaring magtaglay din ng mga ilog, sanaw, sapa, talon, at balon na pawang kailangang tawirin ng mga tao.

Dapat ding banggitin na ang unang saknong ng tula ay tila bangka na nakapaibabaw sa tubigan, samantalang ang ikalawang saknong ang anumang bagay na nasa pagitan ng rabaw ng tubig at pinakailalim nito. Ang ikatlong saknong ang mahihiwatigang pinakamalalim na antas ng tubigan, o anumang may kaugnayan dito. Ang masinop na paglalatag ng mga taludtod ay waring umaayon sa marahang paglalatag ng mga tagpo—mulang paghahagis sa paslit sa tubig hanggang pagbabalik sa nakaraan ng magulang na dumaan sa gayon ding karanasan.

Sa tula ni Saguid, ang tubigan ay maipapalagay na malalim dahil may banggit hinggil sa bangka, at ang persona na naghagis ng paslit sa tubigan ay maaaring bihasang manlalangoy. Susubukin ng persona ang kaniyang anak sa kakayahan nitong matutong magpalutang, at ikampay ang mga kamay at paa sa tubig. Ang paghahagis ng persona sa paslit ay may kaugnay na pag-alalay, dahil kahit ang gayong karahas na karanasan ay ipinapalagay na maghahatid ng pagkatuto ng bata na magpalutang nang mag-isa, at magtiwala sa sarili, nang malayo sa paningin ng magulang.

Masisipat din naman sa ibang anggulo na imbes na matutong lumangoy ang batang inihagis sa tubig ay lalo lamang niyang kasuklaman at kahindikan ang paglangoy. Ang trawma na maisasaloob ng bata ang isang pangyayaring hindi magiging katanggap-tanggap sa tagapagturo. Mahihinuhang ang tagapagturo ay nag-aangkin ng pambihirang gunita hinggil sa tubigan at kung paano makapaiibabaw sa alon. Ang naturang gunita ang inaasahang susupil at papawi sa naturang trawma ng bata, upang ang masaklap na karanasan ng pagkakahagis sa tubigan ay maging selebrasyon ng pagbabanyuhay bilang tao na kabahagi ng isang pamilya o lipi o bayan. Sa sandaling matutong lumangoy ang bata, matagumpay na naipasa ng magulang sa kaniyang anak ang kasanayang pinaniniwalaang kailangan nito upang makapanaig sa daigdig.

Maaaring dumudukal ang tula sa klasikong pelikulang Badjao (1957) na obra ni Lamberto V. Javellana, at tinampukan nina Tony Santos, Rosa Rosal, Leroy Salvador, at iba pang mahuhusay na aktor. Sa nasabing pelikula, ipinamalas kung paano itinaas bago inihagis ang bagong silang na sanggol sa dagat, sa saliw ng makapangyarihang tinig na “Sagipin ang bagong badyaw!” at mag-uunahan ang mga maninisid na lalaking sisirin at sagipin ang sanggol. Sakali’t mabuhay ang sanggol makaraang maiahon, pinaniniwalaang may basbas siya ng tadhana’t maykapal at karapat-dapat maging kabahagi ng lipi. Bagaman maganda ang ganitong sinematograpikong tagpo, mapagdududahan ang nasabing kaugalian kung sadyang ginagawa nga ng liping Sama Laut dahil tiyak na magkakaroon ng malubhang pinsala kung hindi man magkasakit ang sanggol kung ihahagis nga sa gitna ng malamig at maalong dagat. Ang nasabing tradisyon—na ritwal ng pagbibinyag—ay mahihinuhang may panghihimasok ng direktor sa kaugalian ng mga Sama Laut, at ang nasabing Sama Laut ang tatatak sa gunita ng taumbayang nakapanood ng nasabing pelikula. Ang karanasan, kung gayon, ay maaaring hubugin ng panlabas na pakikialam ng mga tao na may angking kapangyarihang bumuo ng hulagway ng isang lipi.

Kung uuriin pa nang malalim ang tula ni Saguid, ang magulang na naghagis ng paslit sa ilog o dagat ay bumabalik din sa proseso ng pag-aaral lumangoy. Ang anak ay masasabing ekstensiyon ng magulang, at anumang hirap o pagsubok na daranasin ng anak ay tila magbabalik nang ganap sa alaala ng magulang. Mahihiwatigan sa tula na may bigat ding tinataglay ang magulang sa pagtuturo sa kaniyang anak. Ang magulang at ang anak ay masisipat dito na nagmumula lamang sa isang ugat, at may pagpapalagay na ang estado ng kanilang kalooban, kaisipan, at katawan ay pawang magkapareho lamang noon at magpahangga ngayon. Na mapupuwing sa isang banda, dahil iba ang kalagayan ng bata sa ngayon (na kosmopolitano ang kaanyuan) kompara sa bata noon (na taal na matalik sa likas na kaligiran), at iba na ang sitwasyon ng tubigan noon kaysa ngayon, bukod sa may mga siyentipiko’t masining na tuklas kung paano mabilis na matuturuang lumangoy ang isang paslit.

Ano’t anuman, ipinahihiwatig lamang ng tulang “Tanawin” ang isang tagpong kapupulutan ng karanasan—mabuti man o masama—at ang karanasang ito ay malimit kadikit ng gunita. Ang gunitang ipinapataw ng nakaraan ang dapat sinusuri nang maigi, dahil gaya ng nabanggit kangina, ang nakaraan ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar na parang pelikula at walang makatitiyak ng wakas. Makapangyarihan ang gunita dahil kahit ang mga lumang paniniwala ay maaaring maipagpatuloy sa susunod na salinlahi. At kaya ang salinlahi ay may pananagutan na laging suriin ang nagaganap noon at ngayon, upang masala ang mga karanasang makatutulong sa pag-unlad ng sangkatauhan sa hinaharap, at kalimutan o talikdan na ang mga paniniwalang magpapabansot sa paglago ng lipi o indibidwal. Kung paano sasagapin ng makabagong henerasyon ang isang tiyak na alaala, gaya sa tula ni Joseph de Luna Saguid, ay isang hámon sa lahat upang manatiling lumulutang at matagumpay sa karagatan ng mga pangyayari’t karanasan.