Sentrong Pamilihan, ni Tendai Kayeruza

Salin ng “Shopping Centre,” ni Tendai Kayeruza ng Zimbabwe
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sentrong Pamilihan

 Nakasusulások ang panghi ng mga ihì
 sa likod ng mga tindahan ng alak;
 gabundok ang talaksan ng basura sa likod
 ng mga puwesto sa palengke,
 habang abala sa suki ang mga tindera.
 Isang bungangera ang bumuga ng mura
 sa isang lasenggo na sakál-sakál ang bote 
 ng serbesa at nakalaylay sa mga labi nito
 ang halos maupos na sigarilyo,
 ngunit ni hindi ito makaganti ng salita.
 Sabik na pumalibot ang mga bata sa lasing,
 at ang iba’y pabirong pumukol ng bato.
  
 Malapit sa tabi ng siraulo’y may kung sinong
 abalang-abala sa trabaho, habang nililikom 
 ang mga upos ng sigarilyo at hungkag na lata.
 Mag-ingat sa kaniyang walang habas na salita
 na puwedeng lumabas sa bibig niyang kakatwa.
 Doon sa sulok, lumitaw ang mga wáis kong ate,
 na hapít na hapít ang kahanga-hangang damít,
 kumekembot at pinaaalon ang mga puwit
 na pinalakpakan ng mga lalaking nag-iinuman,
 nang-uudyok ang mga titig
 na handang magpatomà at mag-ihaw ng karne.
  
 Mga kapatid ko’y paikot na nakaupo lahat
 sa abandonadong terminal ng bus,
 hali-haliling tumatagay ng bawal na serbesa
 mula sa marurungis na basurahan,
 samantalang nakikipagsugal 
 at paldo-paldo ang perang nakalatag sa sahig.
 Hindi ko alam kung saan nila kinuha iyon,
 gayong lahat naman sila ay tatambay-tambay.
  
 Tumawid ako. 
Alimbúkad: Hungry young poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Alak, ni Roberto T. Añonuevo

Alak
 
Roberto T. Añonuevo
 
Malalanghap ang mansanas, peras, at ubas,
ang pambihirang sebada na magluluwal
ng malta,
ang salamangka ng tubig sa lihim na batis
mula sa islang malayo sa paningin—
gaya sa pawis ng mga obrero’t trobador.
 
Pinahinog sa bariles ng pinong robledo,
ito ngayon ang ipinasusubasta sa madla
para tikman ng mga pribilehiyado o lasenggo
at pag-imbutan sa negosyo at elegansiya.
 
Maisasalin sa baso ang komunidad
ngunit mabubura ang karukhaan,
at liligwak sa isip ang langit, ang koleksiyon
ng pulang alak na edad pitumpu’t apat.
 
Isang milyong dolyar marahil ang katumbas,
matanda pa sa akin ngunit buháy na buháy,
magpapasulak ng dugo,
magpapatigas ng uten,
magpapaputok ng bátok,
ngunit makapapasá sa dila ng mga konosedor.
 
Paano ito nakaligtas sa digma, salot, tagsalat?
 
Sasagutin iyan ng espiritung maglalandas
sa lalamunan at maiiwan sa hininga,
palalawigin ng mga kuwento
at pakikipagsapalaran kahit kabulaanan,
ngunit kung ano man ang kasaysayan nito
ay hayaan para sa naghuhukay ng kalansay.
 
Nalilikha ang alak para malasing ang mga diyos
at sila’y minsan pang magbalik na mortal
o ito’y hakang marapat na ipawalang-saysay.
 
Kapag iniharap ang matandang wisking ito
sa aking lambanog na hinog na hinog,
ang suwabe ay sagradong niyugan at palaspas,
ang nunal na hindi mabura-bura ng mababangis
na bagyo, sakit, at pananakop
bagkus ay patuloy na bumabangon, tumatatag——
mula sa liblib na baybay o dalisdis ng bundok,
mula sa mga bisig na kumakarit ng mga bituin,
mula sa mga binting nanunulay sa alanganin,
mula sa mga himig na sumasayaw sa guniguni,
mula sa pag-asang subók sa iba’t ibang simoy.
 
Nakapapasò ang guhit at sumisipa
nang marahan,
ang lambanog na ito pagkalipas ng isang siglo
ay epiko ng komunidad na babalik-balikan ko.
Alimbúkad: Unspoken poetry imagination. Photo by Elina Sazonova on Pexels.com

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig, ni Nâzim Hikmet

Salin ng “Dünyanin en tuhaf mahluku,” ni Nâzim Hikmet ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kakatwang Nilalang sa Daigdig

Para kang alakdan, kapatid,
duwag kang namumuhay sa dilim gaya ng alakdan.
Para kang maya, kapatid,
na pumapagaspas gaya ng maya.
Para kang talaba, kapatid,
nakapinid ang takupis at panatag na panatag.
At nakatatakot ka, kapatid,
gaya ng bunganga ng patay na bulkan.

Hindi isa,
. . . . . . . . . hindi lima,
. . . . . . . . . . . .  .  .bagkus milyon-milyon ang bilang mo.

Para kang tupa, kapatid,
kapag itinaas ng nakabalabal na pastol ang patpat,
mabilis kang sumasapi sa kawan
at tumatakbo, halos nagmamalaki, pa-katayan.
Kakatwa kang nilalang sa daigdig
higit na kakatwa sa isda
na hindi makita ang karagatan para sa tubig.

At ang kaapihan sa daigdig na ito
. . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . .ay ipinagpapasalamat mo pa.
At kung tayo man ay nagugutom, pagod, duguan,
at dinudurog na tila mga ubas para maging alak,
kasalanan mo iyan—
. . . . . . . . . .na hindi ko kayang bigkasin—ngunit
ang karamihan ng sala ay dahil sa iyo, kapatid!

Alimbúkad: Uncensored poetry imagination for humanity. Photo by Mita Park.

Ang Ginintuang Kalis: Barrabás, ni Georg Trakl

Salin ng “Aus goldenem Kelch. Barrabas,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang ginintuang Kalis: Barrabás
Isang Pantasya

. . . . . .Naganap iyon sa parehong oras, habang inilalabas nila ang Anak ng Tao tungo sa Gólgota; ang pook na pinagdadalhan sa mga magnanakaw at salarin para bitayin.

. . . . . .Naganap iyon sa parehong dakila at maningning na oras, habang natutupad ang kaniyang gawain.

. . . . . .Naganap iyon, nang sa parehong oras, ang makapal na lipon ng mga tao ay tumatawid sa mga lansangan ng Jerusalem at naghihiyawan—at sa gitna ng mga tao ay naglalakad si Barrabás na salarin, at taas-noo sa himagsik.

. . . . . .At sa palibot niya ay naroon ang mga puta na bihis na bihis, pulang-pula ang mga labì at de-pulbo ang mga pisngi, at hinablot siya. Naroon din ang mga lalaking lango sa alak at bisyo. Ngunit sa kanilang pananalita’y nakakubli ang kasalanan ng kanilang lamán, at sa kabulukan ng kanilang muwestra ay nakahimlay ang pahayag ng kanilang iniisip.

. . . . . .Marami sa nakakita sa lasing na prusisyon ay nakihalubilo at sumigaw: ‘Mabuhay si Barrabás!’ At naghiyawan lahat sila: ‘Hayaang mabuhay si Barrabás!’’ May kung sinong sumigaw ng ‘Osana!’ May isa pang tao, gayunman, na pinaghahataw nila—dahil ilang araw lámang ang nakalilipas nang sumigaw sila ng ‘Osana!’ sa isang Tao na pumasok bilang hari sa bayan, at may mga sariwang palaspas sa kaniyang nilalakaran. Ngunit ngayon ay lumikha sila ng tirintas ng mga pulang rosas at malugod na nagsisigaw: ‘Barrabás!’

. . . . . .At nang lumampas sila sa palasyo, narinig nila ang pagpapatugtog ng mga bagting at ang halakhakan at ang ingay ng pagdiriwang. At lumabas sa bahay na ito ang isang kabataang nakabihis para sa pagsasaya. Ang kaniyang buhok ay kumikinang sa mahalimuyak na langis at ang katawan ay may pabango ng pinakamahal na oleo ng Arabia. Kumikislap ang kaniyang mata mula sa tuwa sa pista at ang kaniyang ngiti ay may pagnanasa mula sa mga halik ng kaniyang mangingibig.

. . . . . .At nang makilala ng kabataan si Barrabás, humakbang siya pasulong at nagwika sa ganitong paraan:

. . . . . .‘Pumasok sa aking bahay, O Barrabás, at makahihiga ka sa pinakamalambot na unan; pumasok, O Barrabás, at ang aking mga alipin ay lalangisan ang iyong katawan sa pamamagitan ng mamahaling nardo. At sa iyong paanan ay magpapatugtog ng pinakamayuming melodiya ng laud ang dalagita at mula sa pinakamahal kong kopa ay ihahain ko sa iyo ang aking malinamnam na alak. At mula sa alak na ito ay ilulubog ko ang aking kahanga-hangang mga perlas. O Barrabás, tumuloy ka bilang panauhin ngayon—at ang aking sinta’y laan para sa aking panauhin ngayon, siya na higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol. Pumasok, O Barrabás, at hayaang putungan ka ng mga rosas, magdiwang sa araw na ito sa sandaling dapat siyang mamatay na ang ulo’y kinoronahan ng mga tinik.’

. . . . . .At makaraang magsalita ang kabataan, ang mga tao’y sumigaw sa kaniya sa labis na tuwa at umakyat si Barrabás sa mga baitang na marmol gaya ng isang nagwagi. At ang kabataan ay kinuha ang mga rosas at ipinutong sa ulo nang abot hanggang kilay ni Barrabás, na salarin.

. . . . . .At pagkaraan ay kasáma niyang pumasok sa bahay si Barrabás, habang naglulundagan sa tuwa ang mga tao.

. . . . . .Humilig si Barrabás sa malalambot na unan; nilangisan ng mga alipin ang kaniyang katawan mula sa piling nardo at sa kaniyang paanan ay mayuming tumipa ng mga bagting ang dalagita, at sa kaniyang kandungan ay umupo ang babaeng sinta ng kabataan, ang babaeng higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol.

. . . . . .Umalingawngaw ang halakhak—at ang mga panauhin ay nalasing sa di-akalaing kaluguran, silang lahat na pawang kaaway at manlilibak sa Isang Natatangi—ang mga fariseo at basalyo ng mga pari.

. . . . . .At sa itinakdang oras ay nag-utos ng katahimikan ang kabataan at huminto ang panawagan. Pagdaka’y sinalinan ng kabataan ang kaniyang ginintuang kopa ng pinamalinamnam na alak, at sa sisidlang ito ang alak ay naging tulad ng kumikinang na dugo. Inihagis niya rito ang perlas at inialok ang kopa kay Barrabás. Ang kabataan, gayunman, ay tangan ang kopa na yari sa kristal at itinaas niya ito para kay Barrabás:

. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At lahat ng nasa silid ay sumigaw sa galak:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At nagsigawan ang mga tao sa mga lansangan:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’

. . . . . .At biglang naglaho ang araw, nayanig ang lupa hanggang pinakapundasyon nito, at ang makapangyarihang sindak ay naglandas sa buong daigdig. Lahat ng nilalang ay nangatal. At sa parehong oras, naganap ang gawain ng pagliligtas!

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Jametlene Reskp @ unsplash.com

 

Usapang Nietzsche at Goethe, ni Christian Morgenstern

Salin ng dalawang tula ni Christian Morgenstern ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Para kay Nietzsche

[An Nietzsche]

Mauuna kang bumagsak dahil sa kahangalan;
Para sa akin, ikaw nga ang alak at tinapay.
Anumang dulot sa akin ay dulot mo sa lahat
Kung sadya silang kauri ko at pawang kaantas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Image courtesy of Boston Public Library @ unsplash.com

Ang Iskolar at si Goethe

[Der Gelehrte und Goethe]

Anumang petsang banggitin ay batid ko ang teksto;
Ngunit ang kalooban ko’y hindi niya ginulo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Marcel Strauß @ unsplash.com

Ulan sa Madaling-araw, ni Du Fu

Salin ng “朝 雨,” ni Du Fu ng People’s Republic of China
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulan sa Madaling-araw

Sumisipol sa liwayway ang malamig na hangin
na tangay ang mga ulop ng ilog, sakâ dumilim.
Nagtago ang mga bibe sa karatig na pulô;
sa tigmak na sanga, mga layanglayang ay nupò.
Sina Huang at Qi sa wakas ay lumiban sa Han ;
di nakipagkita sina Chaofu at Xu You kay Yao .
Natitira sa kubol ko ang isang basong alak;
mabuti’t nakaraos sa maginaw na magdamag.

Ang Limang Daliri ng Kamay, ni Aloysius Bertrand

Salin ng “Les doigts de la main,” ni Aloysius Bertrand ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Limang Daliri ng Kamay

Ang kagalang-galang na pamilya, na hindi nabangkarote ang ni isang kasapi, at ni isa’y hindi binitay.
—Ang Angkan ni Jean De Niville

Ang hinlalakí ay Flamenco na may-ari ng kabaret—mataba, malibog, at magaspang magbiro, naninigarilyo sa tabi ng kaniyang pintuan at sa ilalim ng paskil na naghahayag ng mga serbesa ng Marso na doble kung sumipà.

Ang hintuturò ay ang kaniyang asawang mukhang daga na sintigas ng lumang tuyô, na tuwing umaga’y sinasampal ang kaniyang katulong na pinagseselosan niya, at mahilig humimas sa bote ng alak.

Ang hinlalatò ay ang kanilang anak, ang mapusók na binatang naging sundalo sana kung hindi naging tagatimpla ng alak, at naging kabayo sana kung hindi naging tao.

Ang palasingsingan ay ang kanilang anak na babae, ang maanyubog ngunit tusong si Zerbina, na naglalakô ng kaniyang engkahe sa mga dalaga, ngunit umiiwas ngumiti sa mga kabalyero.

At ang hinliliít, at sakít ng kalingkingan, ang bunso sa pamilya at sutil bukod sa iyaking paslit, na palaging nakabuntot sa kaniyang ina, at waring sinagpang ng mga pangil ng manananggal.

Kapag pinagsama-sama, ang limang daliri at ang kamay ay makapagbibigay ng lumalagapak na sampal sa dangal doon sa mga hardin ng kagalang-galang na lungsod ng Haarlem.

Mittelbergheim, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Mittelbergheim,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mittelbergheim

Nahihimbing ang alak sa bari-bariles na roble ng Rhine.
Pinukaw ako ng batingaw ng kapilya sa ubasan
Ng Mittelbergheim. Nauulinig ko ang lagitik ng bukál
Na pumapatak sa balón sa bakuran, ang takatak
Ng mga bakya sa lansangan. Nakabilad ang mga tabako
Na nakasabit sa badungan; at ang mga araro’t kariton
At dalisdis ng bundok at taglagas ay nasa aking piling.

Pumikit ako. Huwag mo akong madaliin, o, apoy, lakas,
Gahum, dahil kay-aga pa. Namuhay ako nang maraming
Taon, at sa gaya nitong pananagimpan, ramdam kong
naaabot ang gumagalaw na hanggahan, na nakahihigit
sa kulay at tunog na magiging totoo, at ang mga bagay
sa daigdig na ito ay nagtutugma’t nagkakaisa-isa.
Huwag mo akong piliting buksan ang aking bibig.
Magtiwala at manalig na maisasakatuparan ang gawa.
Hayaan akong magpagala-gala dito sa Mittelbergheim.

Batid kong dapat gawin iyon. Kapiling ko ang taglagas
At mga kariton at ang mga tabako ay pawang nakabitin
Sa bandungan. Dito at saanman lumingon ay bayan ko,
Kahit saan pumihit, at anumang wikang aking naririnig
Ay awit ng paslit at huntahan ng mga magsing-irog.
Higit akong masaya ihambing man sa iba’t nasasagap
Ang sulyap, ang ngiti, ang bituin, ang sutlang kumulot
Sa tuhod. Panatag ako’t nagmamasid habang tinatahak
Ang mga buról na banayad na sinisinagan ng araw
Na nasa ibabaw ng tubigan, lungsod, kalye, kaugalian.

Sa Tiendesitas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Tiendesitas

Roberto T. Añonuevo

Kung ako ang ama ng daigdig na ito, ikaw pa rin ba ang anak ko sakali’t magunaw ang kinatatayuan mo? Sasagutin mo ako ng ngiti, na waring ang ngiti ay pagsasabi na hindi kailanman magaganap iyon, na katumbalik ng alak na nasa hapag.

“Iba ang planeta ko,” isisingit mo, at tayo’y malalasing sa espiritu at salita. “Bakit mo inakalang ikaw ama ng daigdig na ito kung ang realidad na ito ay nasa loob lámang ng iyong guniguni? Paano kung ang daigdig na ito ay sirang plaka na paulit-ulit umiikot, at nagsasabing ang Ama ay hindi ang lumikha ng lahat, bagkus ang laláng ng Salita para lapatan ng katwiran ang adelantado at alibugha?”

“Anak ka talaga ng putang ama!” sambit ko sabay yugyog sa balikat mo, habang isa-isang humihiga ang mga bote ng wiski.

Stop weaponizing the law. Yes to humanity. Yes to human rights!

Kumusta, ni Benjamin Péret

Salin ng tulang “Allo ,” Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kumusta

ang eroplano kong nagliliyab ang kastilyo kong lubog sa alak
ang itim kong alikmatang ghetto ang aking taingang kristal
ang bato kong ipinukol sa buról ang dudurog sa pulis
ang ópalo kong susô ang aking lumilipad na lamok
ang burda kong ibon-ng-paraiso ang buhok na bulang itim
ang puntod kong bumukad ang pulang tipaklong na ulan
ang aking lumilipad na pulô ang aking turkesang ubas
ang kotse kong binangga ang kama ng ilahas na bulaklak
ang pistil ng amargon ko ang nakatimo sa aking mata
ang aking búko ng sibuyas ang nasa aking utak
ang aking usá ang gumagala-gala sa ilang sinehan
ang aking ataul ng araw ang aking prutas na bulkan
ang tawa kong kubling sanaw na lumunod sa propetang baliw
ang umaapaw kong groseya negra ang lilim na paruparo
ang bughaw kong talón ang daluyong sa tagsibol
ang nguso ng rebolber ko ang umaakit na sariwang balón
sinlinaw ng salamin na tinitigan mo ang mga tariktik
ng sulyap
na tumatákas at nangaglaho sa linong tabing na ikinuwadro
sa mga ibinurong bangkay
mahal na mahal kita

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig