Bahay
Roberto T. Añonuevo
Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan
ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat
ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin
nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.
Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.
Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.
Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.
Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang
nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?
Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.
Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.
Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.
Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason
sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.
Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo
para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.
