Pagbabanyuhay, ni Carmen Alicia Cadilla

Salin ng “Gradación,” ni Carmen Alicia Cadilla ng Puerto Rico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbabanyuhay

Ang dapithapon ay lagás sa mga layang-layang.
Naglalakad nang tulóg, ang kaparangan
ay inilapag ang mga pinsel nitong punongkahoy
sa panganorin ng analina.

Ang dagat ay waring langit na kagampan
na binabagtas ng mga nakatiwarik na anghel.

Nabalisa ang mga tinig
sa paglalim ng gabi
habang marahang nauupos ang tabako sa kirot.

Alimbukad; Wikang Filipino sa panitikang internasyonal

Advertisements

Langit at Lihim ni Carlos Drummond de Andrade

salin ng dalawang tula ni Carlos Drummond de Andrade.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pighati sa Langit

May oras ng pighati sa langit.
Matinding oras na sakop ng duda ang mga kaluluwa.
Bakit ko nilikha ang mundo? naisip ng Diyos,
At ang mga sagot: Hindi ko alam.
Sumalungat sa kaniya ang mga anghel.
Nangalagas ang kanilang balahibo.

Lahat ng ipotesis: grasya, eternidad, pag-ibig
ay bumabagsak. Pawang balahibo lamang iyan.

Isa pang balahibo at mawawasak ang langit.
Napakatahimik, ni walang kaluskos na nagsasabi
ng sandali sa pagitan ng lahat at wala.
Ibig sabihin, ang kalungkutan ng Bathala.

Lihim

Mabibigo kang ihayag ang panulaan.
Manatiling walang tinag sa iyong sulok.
Huwag umibig.

Nauulinig ko na may barilan
Na abot ng ating mga katawan.
Himagsikan ba iyon o pagmamahal?
Huwag umimik.

Lahat ay posible, ako lamang ang imposible.
Umaapaw sa mga isda ang dagat
Na parang naglalakad lamang sa lansangan.
Huwag magwika.

Ipagpalagay na ang anghel ng lagablab
ay sumaklaw sa mukha ng daigdig
at ang mga isinakripisyong tao
ay humiling ng kapatawaran.
Huwag magmakaawa.

Lilith, pintura ni John Collier.

Lilith, pintura ni John Collier. Dominyo ng publiko.

Dalawang Tula ni Alexander Pushkin

salin ng mga tula ni Alexander Pushkin (na binabanghay ding Aleksandr Sergeyevich Pushkin), batay sa saling Ingles ni Yevgeny Bonver
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANGHEL

Sa bungad ng eden, ang mayuming anghel
Ay yukod ang ulo na labis ang ningning;
Habang ang demonyo’y malamlam at poot
Na pumapagaspas sa banging makipot.

Ang masamang loob at diwang balisa’y
Tumitig sa taas na mabuting diwa;
Ang apoy ng pilít na ginhawang taglay
Ay kanyang natalos sa unang tunghay.

“Nakita na kita,” aniyang malakas,
“At hindi nasayang ang hatid mong sinag:
Hindi ako poot sa lahat sa langit,
Hindi ako suklam sa buong daigdig.”

MGA BULAKLAK NG TAGLAGAS

Ang mga bulaklak ng buong taglagas
Ay marikit kaysa tagsibol ng patag.
Dahil mapupukaw yaong niloloob
Na napakalakas, bagaman malungkot,
At gaya ng kirot ng paghihiwalay
Ay higit ang tatag kaysa pagtitipan.

Alexander Pushkin, larawan mula sa http://www.edinformatics.com

“Pinto ng Gabi” ni Cecília Meireles

salin at halaw ng tula ni Cecília Meireles mula sa Portuges de Brazil
salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PINTO NG GABI

Sumasapit ang mga anghel upang buksan ang pinto ng gabi
sa sandaling napakalalim ng ating paghimbing
at malaganap ang katahimikan sa kaligiran.

Mabubuksan ang pinto’t mapapabuntong-hininga tayo.

Sumasaliw ang mga anghel sa kanilang marikit na musika,
habang sumisigabo ang mga tunika sa simoy- kalawakan;
at magkakasala ang kanilang matatas, di-maarok na dila.

Pagdaka, susupling ang mga bunga’t bulaklak sa mga puno.
Magkakasala-salabat ang mga sinag ng buwan at araw.
Matatanggal ang buhol ng laso sa lawas ng bahaghari.
At lilitaw ang lahat ng hayop nang makaniig ang mga bituin.

Dumarating ang mga anghel para buksan ang pinto ng gabi.

At mauunawaan natin na wala nang sapat na panahon,
na ito na ang ating pangwakas at sukdulang pangitain:

na kumakaway na tayo upang isaad ang pamamaalam,
na lumaya na ang mga paa natin mula sa rabaw ng lupain,
lumaya upang umimbulog na inihayag at pinapangarap
mula pa noong tayo’y ipinanganak nang ganap.

Iniaabot sa atin ng mga anghel ang dibinong paanyaya.
At mangangarap tayo na hindi na muling nananaginip pa.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan. Retrato mula sa artsibo ng public domain photos.com

Tatlong Tula ni Rolf Jacobsen

Tatlong tula ni Rolf Jacobsen mula sa orihinal na Norwego
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa saling-Ingles nina Robert Bly at Robert Hedin

Anghel dela Guwardiya

Ako ang ibong kumakampay sa bintana mo tuwing umaga,
ang pinakamatalik na kaibigang mahirap mong mabatid,
ang kumpol ng mga bulaklak na sumisiklab para sa bulag.

Ako ang glasyar na nagniningning sa kahuyan, napakaputla,
at humuhugong na tinig mula sa kampanaryo ng katedral.
Ang diwaing pumapasok sa iyong isip sa tanghaling-tapat,
at nagdudulot sa iyo ng pambihira’t umaapaw na galak.

Ako ang inibig mo nang napakahabang panahon.
Lumalakad ako kasabay mo at matiim na nakatitig sa iyo,
idinadampi nang mataos ang mga labì sa iyong puso
bagaman ni katiting ay wala kang kamalay-malay.

Ako ang iyong ikatlong bisig, ang ikalawang anino,
ang puting hulagway na hindi mo matatanggap,
at ang kabiyak na hindi ka iwawaglit kailanman sa ulirat.

"Pagluluksa kay Icarus" ni Henry James Draper

"Pagluluksa kay Icarus," pintura ni Henry James Draper

Buwan at Mansanas

Kapag yumabong ang punong mansanas,
malimit sumapit ang buwan gaya ng bulaklak,
maputla kaysa alinmang alimbukad,
nagniningning sa ibabaw ng punongkahoy.

Ito ang multo ng tag-araw,
ang puting kapatid ng mga bulaklak na nagbabalik
upang dalawin tayo,
at nagpapalaganap ng kapayapaan mula sa palad
upang hindi ka malungkot kapag may tagsalat.
Dahil ang Daigdig ay bulaklak, aniya,
sa bituing punongkahoy,
maputla na may kumikinang na dagat ng mga dahon.

Kapag sila’y humimbing

Lahat ng tao ay bata kapag nakatulog.
Walang digmaan sa hanay nila.
Ibinubukas nila ang mga palad at humihinga
sa tahimik na indayog na handog ng langit sa kanila.

Ngumingiwi sila gaya ng mga paslit na bata
at ibinubuka nang kalahati ang mga kamay,
maging kawal at estadista, alipin at panginoon.
Nagtatanod ang laksa-laksang bituin
at ang ulop ay tumatakip sa himpapawid
sa sandaling walang sinumang sa kanila’y mananakit.

Kung makapangungusap lamang tayo sa isa’t isa,
kapag ang mga puso natin ay pabuka pa lamang.
Magpapalutang-lutang ang mga salita
gaya ng mga ginintuang bubuyog.
“Diyos ko, ituro sa akin ang wika ng paghimbing.”