Unti-unting nabubura sa gunita ang salitang “anlowagi,” bagaman nananatili sa malalayong lalawigan, at ang humalili ay ang popular ngunit hiram na salita sa Espanyol. Kabilang ang “anlowagi” sa mga sinaunang Tagalog na itinutumbas sa salitang “karpintero,” ayon sa Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang salita ay binaybay noon sa paraan ng pagbaybay ng Espanyol, “anlouagui” na maaaring maghunos na pandiwa kapag nilapian ng unlaping \mag-\, samantalang tumutukoy din sa bagay na ginagawa, halimbawa sa salitang “pinag-aanlowagihan.” Ipinapahiwatig naman ang lugar ng gawaan kapag nilapian ng hulaping \-han\, ang anlowagi, gaya ng sa “anlowagihan.”
Ang “anlowagi,” na sa kasalukuyang panahon ay binabaybay na “anlowage,” “anluwage,” “anloagi,” “alwagi,” at iba pa, ay kumitid ang pakahalugan kung babalikan ang mga kasalukuyang diksiyonaryo at tesawro, at ikinakabit na lamang sa mga gumagawa ng muwebles na yari sa kawayan, yantok, at nipa, gaya ng papag, dulang, duyan, at kubol. Ang kapalaran ng anlowagi ay parang naging kapalaran ng “panday,” na noong sinaunang panahon ay hindi lamang sumasakop sa paggawa ng metalikong bagay bagkus kahit sa paggawa ng bahay, muwebles, at iba pang kasangkapan sa karpinterya at agrikultura.
Makapangyarihan ang hulagway ng anlowagi sapagkat ikinakabit sa kaniya ang naging kapalaran ni Hesus sa Bagong Tipan, na naging Kristo pagkaraan, at isinakripisyo ang sarili para sa kaligtasan ng sambayanan.
Maituturing na sining ang pag-aanlowagi, at gaya sa paggawa ng tula, ay nangangailangan ng sapat na plano ng arkitekto at siyentipikong gabay ng inhinyero, bukod sa tumpak na pagsasakatuparan ng karpintero at peon. Kung paniniwalaan ang batikang eskultor na gaya ni Jerusalino “Jerry” Araos, dapat alamin kahit ang uri at tanda ng kahoy, saka sundin ang mga linya ng himaymay sa pagtabas, pag-ukit at pagbuli, upang ang likás na kariktan ng kahoy ay lumitaw at maikubli ang panghihimasok ng tao sa kalikasan. Upang maisagawa ang masining na pag-aanlowagi, kinakailangan ang mga kasangkapan at pagsasanay sa panig ng anlowagi.
Sa paggawa ng tula, ang plano ay panloob na disenyo na binubuo sa isip at isinasalin sa papel ng makata. Nakasalalay sa plano ang magiging daloy, lohika, at wakas ng tula. Upang maging kapani-paniwala ang tagpuan at persona, ang plano ay dapat naglalatag ng mga hulagway at pahiwatig na sa unang malas ay payak, ngunit kapag pinagtambal-tambal at pinagbulayan nang matagal ay nagbubunyag ng kagila-gilalas na kabatiran. Ang pag-urirat ng plano ay higit na kailangan ng makata imbes ng mambabasa, dahil ang mambabasa ay malimit na natatangay ng damdamin imbes na lohika sa pagbasa. Ihalimbawa natin ang piyesang “Anluwage” ni Alvin Capili Ursua, na nagwagi ng titulong “Makata ng Taon” sa Talaang Ginto ngayong 2012.
Ang obra ni Ursua ay binubuo ng tatlong saknong, na ang maiikling una at ikatlong saknong ay iniipit ang ikalawang mahabang saknong. Walang sukat at tugma, ang tula ay nagtatangka wari sa eksperimento ng tuluyan, na ang tagapagsalaysay ay nakauunawa sa katauhan ng anlowagi. Ang tagapagsalaysay, na may omnisyenteng pag-iral, ang susi sa pag-unawa ng tula. Kung sisipatin mula sa labas ng tula, ang tagapagsalaysay ay puwedeng basahin na tagapagbunyag sa katauhan ng pambihirang anlowagi (tingnan, taludtod 101-102), alinsunod sa kumbensiyonal at di-kumbensiyonal niyang pagkakakilala, at ang anlowagi ay nakasalalay ang kapalaran sa punto de bista ng tagapagsalaysay. Kung sisipatin mula sa loob, ang anlowagi—na ipinakilala ng tagapagsalaysay—ay umaangkas sa realidad na maaaring timbangin ang sining batay sa mga kinatalogong salita, hulagway, at pangyayaring buhat pa rin sa pananaw ng malikhaing tagapagsalaysay na nakikisimpatya sa kapalaran ng anlowagi. Sa loob ng tula, ang husay ng tagapagsalaysay ay puwedeng suriin alinsunod sa ginawa niyang rendisyon sa buhay ng anlowagi. Ngunit sa labas ng tula, ang anlowagi ay maaaring kabitan ng mga pahiwatig at interpretasyon, kahit yaon ay malayo sa hinagap ng tagapagsalaysay.
Kung ang inilarawang anlowagi ay hindi karaniwang anlowagi, ayon sa tagapagsalaysay, ano ang mga katangian niya para masabing higit siya sa karaniwan? Maaaring balikan ang tula na binubuo ng 125 taludtod, at pigain sa mga sumusunod:
1. Umuwing pagod ang dukhang anlowagi mula sa pagawaan.
2. Mapagtiiis ang anlowagi pagsapit sa bahay kahit mahirap.
3. Ang katatagan ng anlowagi ay kawangis ng munting bahay na matibay anuman ang simoy ng panahon.
4. Ang anlowagi ay mapagmahal sa kaniyang pamilya.
5. Ang anlowagi ay inuuna ang tungkulin sa bayan kaysa pamilya kapag may sakuna.
6. Hindi mapagsamantala ni mapanira ang anlowagi.
7. Ang anlowagi ay pagpapatuloy sa henerasyon ng pagiging anlowagi ng kaniyang ama.
8. Mahina na ang pisikal na katawan, bukod sa nasisiraan ng loob, ang anlowagi.
Hindi payak ang paglalarawan sa anlowagi, dahil ang tagapagsalaysay ay nagpapasok ng kaniyang saloobin hinggil sa naturang tao. Mapapansin ito sa mga sumusunod na taludtod:
1. Ang anlowagi ay lunan ng tunggalian at himagsikan sa pagsapit ng modernisasyon (taludtod 17-18).
2. Ang tagapagsalaysay, na may kolektibong tinig, ay posibleng kaanak ng anlowagi ngunit muslak wari sa paghihirap nito (taludtod 21-31).
3. Ipinaaalam wari ng tagapagsalaysay na may tungkulin ang anlowagi sa lipunan, at maipapalagay na pagpapasan ng krus gaya ng ibang dukha (taludtod 40-42).
4. Iniisip ng tagapagsalaysay na maaaring nagbubulay din ang anlowagi sa rebolusyon na nagaganap sa kabila ng kabundukang tanaw nito (taludtod 59-61).
5. May namumuong poot sa loob ng anlowagi ngunit hindi malinaw kung bakit at ano ang ugat nito (taludtod 66-69).
6. Ang anlowagi ay inihambing sa makata na puspos ng damdamin at masatsat (taludtod 70-74).
7. Layon ng anlowagi na komponihin ang lahat ng sirang bagay, ngunit ang kaniyang sakiting katawan ay nabigong paginhawahin ng lipunan (taludtod 105-110).
8. Nananawagan ang tagapagsalaysay sa anlowagi na huwag mawalan ng pag-asa, manalig na ang daloy ng kasaysayan ay panig sa mga dukha, at maisiwalat sa darating na panahon ang mga lihim ng pagpupunyagi ng anlowagi (taludtod 113-125).
Kung sisipatin mula sa labas, ang tula ay nagsisikap na ipakita ang de-kahong paglalarawan ng pakikibaka ng isang tradisyonal na anlowagi na inabutan ng modernisasyon sa lipunan. Salát ang anlowagi sa bukál ng yaman na makaiimpluwensiya sa produksiyon ng mga bagay sa lipunan, at ang anlowagi ay nananatiling munting piyesa sa dambuhalang mekanismong nagpapaandar ng matalinghagang makina. Ngunit kung sisipatin sa loob, ang tula ay malaki ang pagkukulang upang maitanghal ang katangian at kasaysayan ng anlowagi na dumanas ng deshumanisasyon at humaharap ngayon sa napipintong rebolusyon sa kahirapan. Higit na mapapansin ang panghihimasok ng tagapagsalaysay— na puwedeng ipagpalagay na matalik sa anlowagi—sa agos ng salaysay o paglalarawan at pilít ang paglalahok ng mga diwaing magbibigay ng katwiran sa pag-aaklas.
Nakapanghihinayang na ang obra ni Ursua ay masatsat at waring hindi gawa ng anlowagi bagkus ng bagitong peon. Ang madulaing tagpo na binuksan sa unang taludtod, na ipinahihiwatig ng langay-langayan, at inulit sa pangwakas na taludtod, ay lumalaylay. Ito ay dahil ang umuwing anlowagi ay nakulong sa deskripsiyon sa loob ng bahay, at upang makawala sa naturang tagpo ay kinakailangang manghimasok at magbigay ng saloobin ang tagapagsalaysay. Ngunit ang gayong taktika ang sumiki rin sa tagapagsalaysay, na nagbulalas ng kabatirang katulad ng sa kabataang aktibista na nakipamuhay sa pamayanan (tingnan, taludtod 40-51).
Mapahuhusay pa ang akda ni Ursua kung susubuking tabasin ang mga taludtod, pungusin ang walang saysay na kabulaklakan, at linangin ang tagapagsalita sa tula. Maimumungkahing gumawa ng krokis si Ursua, at mula roon ay mailalatag niya ang disenyo ng kaniyang tula: mulang pagkamulat sa abang kalagayan hanggang pag-aaklas na indibidwal o kolektibo hanggang pagbubuo ng bagong tahanan na ang mga kasapi ay lumalasap ng pantay-pantay na karapatan.
Mahalaga ang pangmaramihang tinig na tagapagsalaysay—na dapat isaalang-alang muli ng makata—dahil ito ang magbubunyag sa katauhan, kamalayan, desisyon, at pagkilos ng anlowagi. Bago sumapit sa yugto ng pag-asa, ang anlowagi ay dapat makita sa kaniyang sarili at kaligiran ang mga pahiwatig na magbibigay sa kaniya ng lakas ng loob upang maniwala sa kinabukasan. Hindi makapagbibigay ng pag-asa ang sakiting katawan; maliban na lamang kung ang iba pang anlowagi o kaanak o kaibigan ng anlowagi ay mabubuksan ang kamalayan sa abang kalagayan ng buhay-anlowagi na magtutulak sa kanila upang mag-aklas. Kung magagawa iyon ni Ursua sa kaniyang tula, maitatampok ang kaniyang anlowagi nang tapat at hindi romantisado, at maipamamalas sa masining na paraan, nang walang pangamba anuman ang ideolohiya o politikang kinaaaniban.