Parabula ng Hubog, bilang Ikatatlumpu’t apat na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Parabúla ng Húbog, bílang Ikátatlúmpû’t ápat na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Nádeskaríl na trén noóng isáng áraw sa mga pálad ni Alberto Giacometti ang lungsód na warì’y kóntaminádo ng láson, digmâ, at sakít. Páiwaráng na tumagilíd ang mga bagón at nabuksán, sakâ nagpulásan ang mga bangkáy at sawîmpálad. Ang makúpad ay tinátapákan sa balíkat; ang áangá-angá ay tinátadyákan sa pangá. Walâng pumansín sa mga tumilápong bagáhe, kagamitán, kargaménto, salapî. Walâng sumigáw o humikbî o umúngol, at báwat isá’y ginampanán ang papél sa pagtákas. Ang rilés ay náunsiyáming pangárap pára sa nagmámadalîng biyahéro o mainíping paslít, at máisásalbá lámang paglipád o paglangóy sa kawalán ng mga pabrikánte o publisísta. Nagíng terminál ang bangín ngúnit itó’y tumamláy káhit sa binansagáng bantulót o matátakutín, samantálang palútang-lútang, paíkot-íkot sa lángit ang mga ípersoníkong uwák úpang surìin ang láwak ng pinsalà sa kaligirán. Pagdáka’y naglakád mulî ang kamatáyan nang walâng pangálan, nakátungó, binabása sa lupà ang katwíran ng alikabók. Nátigmák sa eskarláta ang mga bákal at bató sa áking paanán, at umalingásaw ang amóy na makátitigháw sa gútom ng mga ásong-gúbat. Humakbáng akó papálapít sa iyó. Humakbáng kang páuróng pára makáligtás. Tumítig ka sa ákin, at mulâ sa iyóng mga matá ay sumúngaw ang lungsód na dáting isáng antúking komunidád na kilalá ko. Ináasáhan ko ang isáng pitlág sa kaloóban; ipinágkaít sa ákin ng tadhanà ang magitlâ. Maáarìng ganitó rin ang isínahímig ni Eddie Vedder  sa isáng panahón, na únang itinanghál sa  brúskong tínig ni Tínong Collantes; at kung yumáyaníg ngayón sa malayòng náyon ay hindî dáhil sa lindól o bagyó, bagkús ang náyon ay naúubúsan ng bakúna o doktór subálit dumarámi ang mga káwal at sepúlturéro, bagamán napakálawak na parmasyá ang kagubátan. Sísikáping kumpunihín ang trén, maáarìng sa isáng linggó o sa súsunód na taón, at habàng hiníhintáy ang pagbábalík nitó sa serbísyo, maglálakád ang mga bangkáy nang pálayô sa panawágan, maglálakád nang pugót ang úlo o kayâ’y nakáuslî ang tadyáng, dî-alintána sabíhin mang bulók ang pusò, maglálandás nang pákiwál-kiwál, pagapáng sa iláng pagkakátaón, at kung ipípirmí sa isang estátwa o eskáparáte ay hindî mapipígil ng panlúlumò, pággunitâ, o kalugúrang sensuwál.  

Alimbúkad: Epic poetry rampage in search of humanity. Photo by Gabriela Palai on Pexels.com

Unang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Únang Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa sandalîng sumápit ka “sa isáng madilím, gúbat na mapangláw,” maáarìng malímot mo ang lahát, alagád ka man ni Balagtás, ngúnit hindî maikákailâng nakásuót ka ng kataúhan bílang manlálakbáy. Báwat hakbáng mo’y panínimbáng, na may halòng pangángapâ, at hindî kataká-taká kung mag-ásal kang batà at mamanghâ. Ang isáng malápad, matangkád na punòngkáhoy ay káyang humálang sa iyóng pananáw, na nakapágpapásidhî ng págkilála mo sa saríli bílang pandák, muntî, maliít; at kung mananálig sa múltiplikasyón ay pósibleng umábot nang laksâ-laksâ ang urì ng haláman úpang pigílin kang pumások sa gúbat at magsiyásat. Nakikíta mo ang dilím sapagkát napakálayò mo maráhil sa poók na íbig maratíng. Nasaságap mo ang pangláw sapagkát iyón ang íbig ipáhatíd ng útak na mágsasálin ng hiwátig túngo sa pusò pára humintô mangambá mágbantulót, nang makaíwas sa anumáng péligro na sásalúbong sa iyó. Bákit maníniwalà sa pangánib kung hindî mo ganáp na gagáp ang kátotohánan ng kaligirán? Anó ngayón kung ikáw ay mapáriwará? Isá kang taúhang dápat gumanáp ng tiyák na papél, at kung anumán ang papél na itó ay daraán sa ebolusyón ng húgis. Ang gúbat, gaáno man katiník ang mga dáwag, ay maáarìng mapáliít, at magawâng punggók na baléte o ilahás na ílang-ílang. Nangángambá ka dáhil sa préhuwisyó, kayâ ang gúbat ay nadarámang masikíp, máalinsángang kalabóso sa ilálim ng kástilyo. Ang húni, halímbawà, ng mga balíkasiyáw ay nakátutulíg, at sapát makabásag sa mga pórselánang tása at kristál na bintanà. Naglálandás sa iyóng paningín ang dambúhalàng úwang at alakdán, tátangkâín kang lapàin, at kapág tumakbó ka’y mahuhúlog sa bangín, dádausdós pábalúsok sa bátis na hitík sa mga eléktrikong ígat, mákokóryente ang iyóng útak at bayág, at kapág nawalán ka ng ulirát ay doón magsísimulâ ang iyóng pangárap na gáya ng isáng butó na magsúsuplíng ng mga ugát, sangá’t dáhon sa tumpák na sandalî. Kung ikáw ang taúhan, hindî ba ikáw ang pinakámahalagáng kathâ sa daigdíg? Tátanggí ka sa ganitóng pahayág, at súsubúkin ang iyóng tínig pára ilaráwan ang palígid, pára itangì ang mga grába sa isá’t isá, balíw na balíw sa anyúbog, hanggáng umáhon ang isáng pagóng mulâ sa putikán, pulútin man at itápon itó at tumihayà ay kúsang nakábabángon nang mág-isá, alám na álam ang pérpektong gómbok[*], warìng tinapyás sa salpúkan ng mga álon sa isáng tukóy na tagpûan, hanggáng sumápit sa ékwasyon ng katatagan o di-kakatagan. Taúhan ka subálit isá ka ring daigdíg, tíla alíngawngáw ni Abadilla, at mulâ sa iyó ay maíhuhúgis ang lunán. Ang gúbat ni Balagtás ay higít sa paláugnáyan at nakahíhindík na kaligirán. Ang gúbat ang ebolusyón ng taúhan bílang manlálakbáy, at kung isá ka ngâng túnay na manlálakbáy, hindî ka matatákot máligáw, mapahámak, mamatáy.


[*] Mula sa salitang “gömböc” na hango sa wikang Únggaro, na ginamit ng mga siyentistang sina Gábor Domokos at Péter Várkonyi upang ipaliwanag ang tatlong-dimensiyonal na láwas na omohéneo.  

Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com

Ang Anyo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Anyo

Roberto T. Añonuevo

Tinawag siyang parisukat ngunit kung umasta’y tatsulok
na sindikato ng liwanag tubig buhangin—
nakayayamot unawain gaya ng panghuhula sa darating.
Itinuring siyang kahon ng awtoridad ng kaayusan
at seguridad, binalangkas na bartolina ng sibilisasyon,
gayong inililihim niya ang rebolusyon ng mga planeta.
Silang nakababatid ng kasaysayan at establesidong rikit
ay parang isinilang kasabay at alinsunod sa nahukay
na serye ng mga petroglifo o dambuhalang palasyo,
nagkakasiyá sa subók na taguri, krokis, at lohika,
at hindi nila malunok ang nilalang na sadyang kakaiba.

Bakit siya lapastangan wari at sumasalungat sa batas?
Paano kung maging modelo siya ng umiinom ng gatas?
Ang nagkakaisang salaysay nila ang kuwadro ng simula,
ngunit para sa kaniyang tatlo ang tinig at apat ang panig
bukod sa angking olográfikong hulagway kung paiikutin,
ang larawan niya ay kombinasyon ng wagás-lagás-gasgás,
nililikha paulit-ulit imbes na ituring na Maylikha,
hinuhugot mula sa laboratoryo ng mga eksperimento,
sinusubok itanghal patiwarik pana-panahon,
sinisinop itinatago itinatapon kung saan-saan,
banyaga sa takdang moralidad ngunit malalahukan
ng sagradong likido at linyadong pananalig,
ang bantulot na pedestal na walang sinasanto
at humuhulagpos sa arkitektura ng bahay kubo,
at sumusuway sa ningning at pagsamba sa mga bituin.

Habang lumalaon, dumarami ang kaniyang pader:
oktagono ng kagila-gilalas na diyamante
at kulang na lámang na lapatan ng mga numero,
pala-palapag na palaisipan, o zigzag ng paglalakbay.
Kahit siya’y nagsasawà na sa tadhanang nahahalata;
at ang gayong kapalaran ang kaniyang ikinababahala.
Ituring siyang itim at magpapaliwanag ng bahaghari.
Ituring siyang puti at maglalantad ng pagkakahati.
Sakali’t uyamin muli siyang parisukat ng awtoridad,
hahagikgik na lámang siya at magiging mga tuldok—
tumatakaták—na parang pagsasabi  nang tapat at payak.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Kian Chow @ unsplash.com

Kung ang Araw Noon, ni Roberto T. Añonuevo

Kung ang Araw Noon

Roberto T. Añonuevo

Kung ang araw noon ay araw ngayon,
malalasing ako sa iyong mga salita
na ang totoo’y ang iyong hulagway;
at ang oras ay tatakbo,
tatakbo nang tatakbo, nang hindi
nababahala
sa magaganap sa iyo o kaya’y sa akin,
at kapuwa tayo magpapahiwatig
na parang mga bituin,
kumikislap ngunit hindi umiimik,
at sa gitna ng dilim
ay tumitibok ang malawak na espasyo.

Magsasalita ka at makikinig ako;
o magsasalita ako at makikinig ka,
at anuman ang mapag-usapan natin
ay magsasara ng berso o uniberso—
isang dambuhalang anyo ng bayawak
na iginuhit paukit sa noo ng bundok
para sa isang hapunan o kaarawan.
At wala nang ibang mapapansin
(kahit nasa tabi ang mga bathala)
malango man ang lahat ng nakatingin.

Ngunit ang panahon ay nakaiimbento
ng mga lihim na laberinto at medida,
sumusubok sa baitang o bulaklak,
naiiwang katakatayak at disyerto,
nagtatayo ng parmasya o aklatan
sa dalawampung minuto,
hindi nagsisisi sa dugo o ihi o batik,
at sumusuway sa sinaunang simoy
at pangako,
na parang pelikula o hudhud
na umaandar at tumatanggi sa wakas.

Ang araw na ito ang araw din noon:
Isang sinasagupang bagyo o nakaiinip
na kuwarentena
na sinasadya at dahilan sa isa’t isa.
At babalikan ang mga lumang retrato,
aapuhapin ang artsibo ng mga lakad,
upang sabihing
sariwa ang ngiti at tama ang timbang,
at itim na itim
ang buhok na humaba sa paghihintay.

Iniiwan tayo ng panahon
na hindi lingid sa atin
kahit ibig nating humabol at tumutol.
Isang araw ay lilitaw at lilitaw ang bagong
ako at ikaw,
na lumalampas sa hilaga at timog,
hungkag na hungkag ngunit sapat,
na iba ang mga pangalan at edad,
marahil ay nasa ibang planeta,
naglalakad,
nagbibiruan,
ikinakasal na waring mga tikbalang
sa punto blangko
ng hinaharap—
at lumilikha ng kakaibang epiko
para sa mga salitang ikaw, ako, mahal.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Kasaysayan ng mga Payong, ni Richard Garcia

Salin ng “The History of Umbrellas,” ni Richard Garcia ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kasaysayan ng mga Payong

Gaya ng yoyo at búmerang, ang unang mga payong ay nilikha bilang sandata. Ang mga lastág na bagani, na pintado ng guhitang dugo, ay magsasayaw, habang tangan ang kani-kaniyang payong, nang may anyong nakaamba. Ituturo nila ang mga ito sa langit, iwawagwag nang bukas-sara, at susundot-sundutin pagkaraan ang hangin; gayunman, mababatid nilang matatalisod sila sa kanilang mga payong kapag nagkalituhan sa bakbakan. O, habang sinusugod ang kalaban, maaaksaya nila ang sandali sa pagbubukás ng mga payong. Ang malubha, kapag papalapit na sila sa kalaban at tangan ang mga payong gaya ng parasol, mukha silang baylarina o manunuláy sa lubid, kayâ pinagtatawanan sila ng kaaway. Ilang siglo ang lilipas bago maisip ng sinuman na gamitin ang payong bilang panangga sa ulan. Kahit ngayon, ang mga payong ay nakakaligtaan sa mga paliparan, estasyon ng tren, silid-himpilan, bulwagan, at portiko.

“Ang Ganda’y Walang Saysay,” ni Christina Rossetti

Salin ng “Beauty is Vain,” ni Christina Rossetti ng United Kingdom.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Ganda’y Walang Saysay

Habang ang rosas ay kaypula,
Habang ang liryo ay kayputi,
Dapat bang ang mukha ng dilag
Ay tampok para ikagalak?
Ang rosas ay higit ang tamis,
Ang liryo’y higit na matuwid;
Kung siya’y simpula,  simputi,
Alangan kung siya’y di-sala.

Bilad man siya sa tag-araw
O putlain tuwing taglamig,
Ipamalas ang angking ganda’t
Ikubli sa belo ang mata;
Magkulay mang butó o dugô
Tumayô’t maghúnos na dungô,
Ang panahon ang mananaig,
At dadalhin siya sa hukay.

Pagkamulat, ni Alasdair Gray

Salin ng tulang “Awakening”  ni Alasdair Gray
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nagising akong katabi sa lastag na kama ang kirot,
napakalapit, ang kaniyang ulo, na biniyak sa mapusyaw
na bato, ay ang aking ulo, ang kaniyang utak
ay ang aking utak, at hindi ko maiwaglit sa isipan
ang gayong pagkakalapit. Labis siyang napakatalik
na kasama at waring madaramang pag-iisa.

Sinikap kong buksan ang pinto upang siya’y palayasin,
. . . . . . . . . . .  o suhulan upang umalis,
pero naku po, ngumingiti siya saanmang panig
ako tumingin, sa lahat ng bagay na aking gawin.
Nakita ko ang kaniyang anyo kung saan tayo nagtagpo.
Kumakain siya sa tamang oras, sumesenyas sa bawat
kalye, subalit hindi kayang makatiis
kahit sa isang pisil ng iyong kamay.

Magmadali’t bumalik ka sa akin. Magbabago ako
nang wala ka. Lumalamig ang aking isip at kumikinang
gaya ng buwan. Naiipon ang mga susi, barya, at resibo
sa aking mga bulsa. Lumalaki akong kalmado at brutal
sa serbesa at makakapal na karne.

Ang Babae sa mga sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868.

Ang Babae sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868. Dominyo ng publiko.

Mga Apotegma at Payo, ni Colette Inez

salin ng “Apothegms and Counsels” ni Colette Inez
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA APOTEGMA AT PAYO

Kapag may nagwikang napakapandak o napakaliit mo,
sabihing di nunusok sa karton ang diyamanteng aspile.

Kapag may nagwikang napakalapad ng lawas mo,
sabihing ikaw ay Amazon na ganap na nakalarga.

Kapag may nagwikang malalaki ang suso mo,
sabihing binili mo iyon sa Kathmandu
at nang isukat ay madilim ang mga silid.

Sabihing ang gisantes ay hinahangad sa Prague
kapag may nagwikang maliliit ang utong mo.

Ano ang timbang mo sa araw o kaya’y sa buwan?

Tone-tonelada kung sa araw.
Libra-libra kung sa buwan.
Ginagawa kang magaan ng pagmamahal.

Kapag may nagsabing napakalayo mo,
ikatwiran ang Epektong Doppler,
na isinusulat mo ang kasaysayan ng liwanag
para sa mga anak ni Pythagoras.

Dalawang Tula ni Andreas Embiricos

salin ng mga tulang tuluyan ni Andreas Embiricos, batay sa saling Ingles nina Kimon Friar at Karen van Dyck.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA UBAS NG TAGLAMIG

Inagaw nila ang kaniyang mga laruan at mangingibig. Napalungayngay siya at halos mamatay. Ngunit ang labintatlong tadhana, tulad ng kaniyang labing-apat na taon, ay inakit ang papalayong kalamidad. Ni walang umimik. Walang tumakbo upang sumaklolo sa kaniya laban sa mga banyagang pating na naglalatag ng balakyot na pakana sa kaniya, gaya ng langaw na nakatitig nang may malisya sa diyamante o sa kabigha-bighaning lupain. Nang lumaon, malamig na kinalimutan ang kuwento gaya ng malimit mangyari, na nakaligtaan ng bantay-gubat ang kaniyang kidlat sa kahuyan.

BITUING MARIKIT

Ang unang anyo na ginamit ng babae ay sala-salapid na lalamunan ng dalawang dinosawro. Nang lumaon, nagbago ang panahon at nagbago rin ang babae. Lumiit siya, naging malambot, na pag-agapay sa dalawahang palo (sa ilang bansa’y tatluhang palo) ng mga barko na lumulutang sa kamalasan ng paghahanapbuhay. Siya mismo ay lumulutang sa mga eskala ng de-silindrong kalapati ng dambuhalang bigat. Nagbago ang mga panahon at ang babae ng ating panahon ay kahawig ng puwang sa isang pilamento.

Fountain

Fountain, mula sa artsibo ng pdphoto.org

Salmo Ikatatlo ni Mahmoud Darwish

salin at halaw sa tula ng makatang Palestinong si Mahmoud Darwish
salin at halaw sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

mahmoud_darwish

Salmo Ikatatlo

Noong ang aking mga salita
ay matabang lupain,
kaibigan ko ang uhay ng trigo.

Noong ang aking mga salita
ay nagbubulkang poot,
kaibigan ko ang mga tanikala.

Noong ang aking mga salita
ay matitigas na batong-buhay,
kaibigan ko ang mga sapa.

Noong ang aking mga salita
ay yumayanig na himagsik,
kaibigan ko ang mga lindol.

Noong ang aking mga salita
ay pumait na mansanas,
kaibigan ko ang mababait.

Ngunit nang maging pulut
ang aking mga salita,
nilangaw ang aking bibig.