Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo Mga Liyab at Tikatik Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian. Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip ay ibig kong wasakin ka? Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat sulok ay masikip na taniman ng kahulugan, bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala, hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti, kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad, tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin), lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob ay sinasalungat: para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw! Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong ito’y walang saysay na bighani, ngunit hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong bundok, paano ko tatanggapin ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito? Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey, kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay ang naghahatid ng halimuyak pababa, bagkus ang maalab na galak na magsilbi sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal. O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan, makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, ang nakahihilong kompetisyon sa gitna ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit.
