Ang Sayaw, ni Humberto Ak’abal

 
Salin ng “El Baile,” ni Humberto Ak’abal ng Guatemala
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Sayaw
  
 Lahat tayo’y sumasasayaw
 sa gilid ng isang sentimo.
  
 Ang dukha——dahil dukha siya——
 ay mawawalan ng panimbang
 at mabubuwal
  
 at ang iba pang tao
 ay magsisidagan sa kaniya. 
Alimbúkad: Poetry rhythm at its best. Photo by Marko Zirdum on Pexels.com

Baybay Dover, ni Matthew Arnold

 Salin ng “Dover Beach,” ni Matthew Arnold ng United Kingdom
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Baybay Dover
  
 Panatag ang dagat ngayong gabi.
 Malakas ang táog, mabining nakahimlay ang buwan
 Sa mga kipot; sa baybaying Frances, kumukutitap
 Ang liwanag at naglalaho; matitikas ang buról ng England,
 Kumikislap at napakalawak, doon sa kalmanteng look.
 Dumungaw sa bintana. Kay sarap ng simoy-gabi!
 Gayunman, mula sa mahabang linya ng sabukay
 Na ang dagat ay lumalapit sa lupang sablay ang buwan,
 Makinig! Titiisin mo roon ang nakangingilong atungal
 Ng mga grabang itinataboy ng mga alon, at ipinupukol.
 Sa pagbabalik ng mga alon, doon sa kinapadparan,
 Nagsisimula, at humihinto, at magsisimula muli,
 Sa mabagal na kumakatal na indayog, ang paghahatid
 Ng eternal na nota ng kalungkutan.
  
 Narinig ito ni Sopokles noong unang panahon
 Doon sa laot ng Egeo, at pumasok sa kaniyang isip
 Ang labusaw ng táog at káti
 Ng mga gahamang tao; natuklasan din natin 
 Sa pamamagitan ng tunog ang kaisipan,
 At narinig yaon sa malayong panig ng hilagang dagat.
  
 Ang Dagat ng Pananampalataya’y
 Minsan ding sukdulan, at ang pasigan ng mundong bilog
 Ay nakalatag gaya ng pileges sa puting bilot na bigkis.
 Ngunit ngayon ang tangi kong naririnig
 Ay hinaing nito, ang mahaba, lumalayong atungal,
 Umuurong, kasabay ng buga ng hininga
 Ng simoy-gabi, pababa sa malawak na gilid na malamlam
 At lastag na bulutong ng daigdig.
  
 Ay, mahal, maging totoo nawa tayo
 Sa isa’t isa! Yamang ang daigdig, na wari’y
 Lumiliwanag sa atin tulad ng lupain ng mga pangarap,
 Iba-iba, napakasariwa, napakaganda,
 Ay sadyang salát sa tuwa, ni layaw o kaya’y gaan,
 Walang katiyakan, walang kapayapaan, ni gamot sa kirot;
 At narito tayo na parang nasa dumidilim na kapatagan,
 Nalulunod sa pagkabahalang tuliro sa pakikibaka at pagtakas
 Na kinaroroonan ng mga gagong hukbong nagtatagis sa gabi. 
Alimbúkad: Poetry translation challenge for a better Filipino. Photo by Anand Dandekar on Pexels.com

Araw at Tubig, ni Aimé Césaire

Salin ng “Soleil et eau,” ni Aimé Césaire ng Martinique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Araw at Tubig
  
 Ang tubig ko’y ayaw makinig
 ang tubig ko’y umaawit gaya ng lihim
 Ang tubig ko’y ayaw umawit
 ang tubig ko’y nagdiriwang gaya ng lihim
 Ang tubig ko’y nagpapagál
 at sa bawat tambo’y nagdiriwang
 tungo sa bawat gatas ng halakhak
 Ang tubig ko’y paslit na batà
 ang tubig ko’y bingi na mamà
 ang tubig ko’y higanteng hawak ang leon sa dibdib mo
 O alak
 o katak na pinawalan tungo sa iyo tungo sa mga punò
 malawak dambuhala
 sa basilisko ng iyong mapagkutsaba at magarbong titig 
Alimbúkad: World poetry fountainhead for humanity. Photo by elijah akala on Pexels.com

Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy, ni Boris Vian

Salin ng “Quand j'aurai du vent dans mon crane,” ni Boris Vian   ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang hangin
 Kapag binalot ng lungting lumot ang aking mga buto
 Aakalain mong nakita ang ngiting matamlay
 Ngunit higit ka lamang na magugulumihan
 Dahil nahubad ko na 
 Ang kaligirang plastik
 Plastik tik tik
 Na ang mga daga’y nginangata doon
 Ang aking mga laruan, ang pampatalas ng memorya
 Ang aking mga binti, binabalatan ang aking bayúgo
 Ang aking mga hita, ang puwitan
 Na inilalapat ko sa upuan
 Ang aking mga fistula, ang aking buhok
 Ang mga asul na matang kaakit-akit
 Ang matitigas, pantay na panga
 Na ginamit ko sa pagsakmal sa iyo
 Ang matangos na ilong
 Ang aking puso ang aking atay——mga kahanga-hangang
 Bagay na bumubuo ng katanyagang likha ng pangalan ko
 Sa piling ng mga duke at dukesa
 Sa piling ng mga abad at asno
 At ng mga tao na kasama sa hanapbuhay
 Hindi ko na muling tataglayin pa
 Itong munting malambot na posporo
 Itong utak na nagsisilbi sa akin
 At nagbababalang tatakas ang búhay
 Sa mga lungting buto, ang hangin sa moldeng ito
 Ay, nabatid kong sadyang napakahirap ang tumanda. . . . 
Alimbúkad: Living poetry for humanity. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Makalupang Himig

 Salin ng “Nyanyian duniawi,” ni W.S. Rendra ng Indonesia
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Makalupang Himig
  
 Habang katabi ng ubaning mayamang babae ang buwan,
 hinihimas ko naman ang isang dalaga sa manggahan.
 Ilahás at maalab ang kaniyang puso
 na káyang yapakan at lapastanganin ang gutom at uhaw.
 Dahil sa labis na kahirapan ay sinikap naming abutin 
 ang dilim at inihiyaw ng aming anino ang alab ng himagsik.
 Ang kaniyang mabagsik na halakhak
 ay lalo lámang ikinalugod ng aking dibdib.
  
 Sa lilim ng mga punongkahoy
 ay kumikislap ang kaniyang katawan
 gaya ng bulawang usa.
 Ang kaniyang namumurok na súso
 ay bagong pitas na manibalang na bunga.
 Ang halimuyak ng kaniyang katawan
 ay gaya ng sariwang mga damo.
 Niyakap ko siya
 nang tila yumayapos sa búhay at kamatayan,
 at ang kaniyang mabilis, humahabol na paghinga
 ay mga bulóng sa aking tainga.
 Namanghâ siya
 sa bahagharing nasa ilalim
 ng may tabing na talukap ng mga mata.
  
 Ang aming sinaunang mga ninuno’y
 nagsilitaw sa gitna ng karimlan,
 lumapit nang lumapit sa amin
 at suot ang gulanit na mga damit,
 sakâ tumalungkô
 habang kami’y matamang pinagmamasdan. 
Alimbúkad: Poetry passion typhoon. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mga Layanglayang, ni Pedro Serrano

Salin ng “Golondrinas,” ni Pedro Serrano ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Layanglayang

Nakakuyom sa mga kable na animo’y sampayan,
mumunting kanaway na yari sa kahoy,
maliksi at maliit na salungat sa balasik ng bughaw,
nakatakda sa tanghali, sila’y bumubulusok nang isa-isa,
pinakikislot ang mga damit, kamay, ngiti,
puting súso, itim na lambong,
nakahanay ang mga tuwid na pakpak, gusót
nang kaunti ang mga balahibo,
hanggang lumipad ang mga ito maliban sa isa—
na iimbulog pagdaka’y bubulusok pabalik,
gaya ng kisapmatang pamamaalam,
sukdulang pinalalaya ang umaga.
Mananatili ang mga kable, magpaparaya ang langit
na waring kasalan sa nayon kapag linggo,
at pagkaraan ay maglalaho nang ganap.

Alimbúkad: Poetry beautiful, poetry so cool. Photo by Vincent van Zalinge @ unsplash.com

 

Mga Bunganga, ni Aimé Césaire

Salin ng “Cratères,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bunganga

Ang diwa ng mabilis na kalutasan ay pinawalang saysay ng kawalan ng lava, sa kahabaan ng mga ilog na labis na mabato upang hindi maarok ng úhaw ng mga ulupong.

Sabik pumatay na Ewmenides ang walang habas na sumusuyod sa mga dawag hanggang kusang maupos sa ulop ng taglagas.

Hindi ako malilinlang.

Ang hapis ay hindi mapapagod na lumundag-lundag sa malalalim na bunganga, bagaman maililipat yaon nang matagal-tagal para sa kaliwanagan ng nagpapatiwakal na bulkang bumubuga.

Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Simply sophisticated. Photo by Silas Baisch @ unsplash.com

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Snorri Sturluson (1179-1241), ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Snorri Sturluson (1179-1241),” ni Jorge Luis Borges               
ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Snorri Sturluson (1179-1241)

Ikaw, na nagpamana ng mitolohiya
ng yelo at apoy sa gunita ng mag-anak,
na nagtala ng marahas na kadakilaan
ng palabán mong lahing Hermanika,
ay gitlang natuklasan isang gabi
ang mga espadang nagpanginig
sa di-masasandigan mong kalamnan.
Noong gabing iyon, walang kasunod
mong nabatid na isa kang duwag. . .
Sa karimlan ng Islandiya*, ang maalat
na simoy ay binulabog ang tumataog
na dagat. Napaliligiran ang bahay mo.
Tinungga mo hanggang katakatayak
ang di-malilimot na pagyurak sa dangal.
Bumagsak sa may lagnat mong ulo
at mukha ang espada, gaya ng malimit
maganap nang ilang ulit sa iyong aklat.

__________________
*Iceland

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Ricardo Cruz @ unsplash.com