Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog sa liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mga Bunganga, ni Aimé Césaire

Salin ng “Cratères,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bunganga

Ang diwa ng mabilis na kalutasan ay pinawalang saysay ng kawalan ng lava, sa kahabaan ng mga ilog na labis na mabato upang hindi maarok ng úhaw ng mga ulupong.

Sabik pumatay na Ewmenides ang walang habas na sumusuyod sa mga dawag hanggang kusang maupos sa ulop ng taglagas.

Hindi ako malilinlang.

Ang hapis ay hindi mapapagod na lumundag-lundag sa malalalim na bunganga, bagaman maililipat yaon nang matagal-tagal para sa kaliwanagan ng nagpapatiwakal na bulkang bumubuga.

Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Simply sophisticated. Photo by Silas Baisch @ unsplash.com

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

Mga Resolusyon, ni Robin Fulton

Salin ng “Resolutions,” ni Robin Fulton ng Scotland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Resolusyon

Buong araw na tumindi ang pang-aalipin ng simoy.
Nagigising ako sa madaling-araw, sa mga bubungan,

sa nagyeyelong dagat ng kapanatagan, habang doon
sa ibaba’y pumapatak ang unang niyebe sa kalye.

Ang simoy ng ibang planeta’y lumapag sa mundo,
malupit nating sinisinghot ang mga batong pamilyar.

Walang puwang para sa lamán. Kaluluwa at buto’y
nagtatagisan, naiipit ang tibay ng loob, at umaawit:

‘Dapat bang gayon?’ Marahil gayon nga, marahil ito’y
tumatalbog gaya ng bola sa munting silid na walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .bintana.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Learn from the master.

 

 

At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com

Snorri Sturluson (1179-1241), ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Snorri Sturluson (1179-1241),” ni Jorge Luis Borges               
ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Snorri Sturluson (1179-1241)

Ikaw, na nagpamana ng mitolohiya
ng yelo at apoy sa gunita ng mag-anak,
na nagtala ng marahas na kadakilaan
ng palabán mong lahing Hermanika,
ay gitlang natuklasan isang gabi
ang mga espadang nagpanginig
sa di-masasandigan mong kalamnan.
Noong gabing iyon, walang kasunod
mong nabatid na isa kang duwag. . .
Sa karimlan ng Islandiya*, ang maalat
na simoy ay binulabog ang tumataog
na dagat. Napaliligiran ang bahay mo.
Tinungga mo hanggang katakatayak
ang di-malilimot na pagyurak sa dangal.
Bumagsak sa may lagnat mong ulo
at mukha ang espada, gaya ng malimit
maganap nang ilang ulit sa iyong aklat.

__________________
*Iceland

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Ricardo Cruz @ unsplash.com

Mga Kawikaan at Awiting Bayan, ni Antonio Machado

Salin ng “Proverbios y Cantares,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kawikaan at Awiting Bayan

Para kay Jose Ortega y Gasset

I
Ang matang nakikita mo ay hindi
mata dahil nakikita mo ito;
mata ito dahil nakikita ka.

II
Kung makikipag-usap ka,
magtanong muna,
sakâ—makinig.

III
Ang narcisismo’y
pangit na pagkakamali,
at lumang bisyo ngayon.

IV
Ngunit manalamin para sa iba,
sa ibang tao na katabi sa paglakad.

V
Sa mga nabubuhay at nangangarap
ay may ikatlong bagay.
Hulaan mo.

VI
Itong Narciso natin
ay hindi makita ang mukha sa salamin
dahil siya ay naging salamin.

VII
Bagong siglo? Nagpapanday
gaya noong nakaraan?
May tubig ba sa agusán
na patungo sa himlayan?

VIII
Bawat kisap ay Nakapirmi.

IX
Nasa Aries ang araw. Bintana ko’y
nakabukás sa malamig na timog.
O, laguklok ng tubig sa ibayo!
Ginigising nitong gabi ang ilog.

X
Doon sa sinaunang kamalig
—ang mataas na tore ng tagak—
ang masintang tunog ay naumid.
Sa iláng na bukid na malawak,
sumaluysoy sa lungkot ang tubig.

XI
Gaya noon, ako’y nakatuon
sa sariwang tubig na inipon;
ngunit ngayon, sa buháy na tubig
na umagos sa bato ng dibdib.

XII
Kapag narinig ang tubig, sinasabi bang
nagmula ito doon sa bundok o lambak,
o sa plasa o kaya’y hardin o lagwerta?

XIII
Ginugulat ako ng natutuksan:
Mga dahon ng halimuyak hardin
ay kasimbango ng hinog na limón.

XIV
Huwag mo nang bakasin ang harap,
o mangamba sa anyong panlabas.

XV
Hanapin mo ang iyong kabiyak
na laging kasabay sa paglakad
at karaniwang iba sa iyo.

XVI
Kapag sumapit ang tagsibol,
magtungo sa mga bulaklak—
Huwag mong sipsipin ang allid.

XVII
Sa aking pag-iisa,
nakita ko nang malinaw ang mga bagay
na pawang kabulaanan.

XVIII
Mabuti ang tubig, gayundin ang uhaw,
Mabuti ang anino, gayundin ang araw.
Ang pulut mula sa bulaklak ng romero
ang pulut din mula sa lastag na bukirin.

XIX
Iisa ang sandigang simbolo:
Quod elixum est ne asato.
Huwag ihawin ang naluto mo.

XX
Umawit, umawit, umawit,
ang kuliglig na nasa hawla
ay anong lapit sa kamatis.

XXI
Sumulat nang masinop at marahan:
Ang paggawa nang napakahusay
ay matimbang kaysa likhang bagay.

XXII
Lahat ay pare-pareho,
oo, lahat ay pareho. . .
Sabi ng susô sa aso:
Atupagin ang pagtakbo.

XXIII
May mga lalaking aktibo!
Ang latian ay nangangarap
ng angking mga lamok nito.

XXIV
Gumising, mga makata!
Ipinid ang alingawngaw
at ang tinig ay simulan.

XXV
Huwag maghanap ng disonansiya;
Dahil wala namang disonansiya.
Sasayaw sa tunog ang may pandama.

XXVI
Hanap-hanap ng makata’y
hindi ang pangunang Ako
bagkus Ikaw na hiwaga.

XXVII
Ang mga matang asam mo—
makinig ngayon, o kasáma—
Ang paninging nutok sa iyo
ay paningin dahil kita ka.

XXVIII
Higit sa búhay at pananaginip
ay may mahalagang isasaisip:
Ang paggising.

XXIX
May isang nakaisip:
Cogito ergo non sum.
Anong pagmamalabis!

XXX
Akala ko’y patay na ang apoy
at kayâ hinalukay ang abó. . .
Napasò ang mga daliri ko.

XXXI
Magtuon ng pansin ngayon:
Ang pusò na basta pusò
ay hindi tunay na pusò.

XXXII
Nakita ko siya sa panaginip:
Bihasang mangangaso ng sarili,
paráting nananambang bawat saglit.

XXXIII
Nahuli niya ang masamang tao:
Siya na kung aliwalas ang araw
ay naglalakad ba nang nakatungó.

XXXIV
Kung tula mo ay maging karaniwan,
ipása ito at walang masama:
Nakalaan sa pera ang bulawan.

XXXV
Kung mabuti ang mabuhay,
mabuti pa ang humimbing.
Higit sa lahat ng bagay:
Si Nanay ay magigising.

XXXVI
Nakabubuti ang liwayway para magising,
ngunit higit ang kampana na dapat piliin—
na sa tuwing umaga ay pinakamagaling.

XXXVII
Malambot sa piling ng igos,
matigas sa piling ng bato.
Kalunos-lunos!

XXXVIII
Sa sandaling ako ay mag-isa
kay lapit ng mga kaibigan;
ngunit kapag nasa piling nila
ay malayo sa kanilang tanaw.

XXXIX
Ano ang hula mo, makata?
Magsasalita búkas ang umid:
Ang puso at ang bato.

XL
. . . . .Ano pa ang sining?
Isang larong lantay at marubdob,
katumbas ng dalisay na búhay,
katumbas ng dalisay na apoy.
Makikita’y bágang sumisiklab.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Rene Bernal @ unsplash.com

 

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Serpiyenteng Araw, ni Aimé Césaire

Salin ng “Soleil serpent,” ni Aimé Césaire ng Martinique
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Serpiyenteng Araw

Serpiyenteng araw na matang bumalani sa aking mata
at ang dagat malasalot na may mga islang pinasabog sa mga daliri
ng apoy-pamuksang
mga rosas at ang aking buong lawas na kinidlatan
ang tubigang nagpaahon sa mga bangkay ng sinag sa naglahong pasilyo
mga buhawi ng lumutang na pilyegong yelong usok na putong
sa mga puso ng mga uwak
ang aming mga puso
ito ang tinig ng alagang kidlat-kulog na nagpaingit sa hugpong ng mga bangin
ang pagsasalin ng hunyango sa tanawin ng mga basag na salamin
ito ang mga bampirang bulaklak na lumalago para makaraos ang mga dapò
ang gamot ng sentral na apoy
apoy na sadyang apoy na gabí na punong-manggang hitik sa pukyot
ang aking mithing suwerte ng mga tigre na nagulat sa asupre
ngunit pagkapukaw láta ang nagpaginto sa sarili sa musmos na ambag
at ang aking katawang graba na kumakain ng isda ang kumakain
ng mga kalapati at pinahihimbing
ang asukal ng salitang Brazil sa kailaliman ng latian.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity