Araw, ni Roberto T. Añonuevo

Araw

Roberto T. Añonuevo

Kapág umíbig ka, ang bató ay nagkakábagwís úpang maabót
Ang úlap, at pagkaraán, uulán díto sa áking kinatatayûan.
. . . . . . . .Kapág umíbig ka, ang luhà ay nagíging sariwàng talón
Sa galaktíkong bundók, at maiinggít ang sinaúnang disyérto
Na naípon sa áking loób na nahahatì sa poót at lungkót.
Kapág umíbig ka, ang búkid ay elektroníkong kabáyo
Na tumatakbó, at isinasakáy akó pára mabatíd ang igláp.
Kapág umíbig ka, ang kisáp ay eternál sa walâng bisàng baít.
Kapág umíbig ka, kumukulóg at kumikidlát, at humahángin
. . . . . . . .Nang malakás; at kung itó ang áking muntîng wakás,
Ang pag-íbig mo’y kay lamíg sa nilalagnát na gabí ng mgá aklát.

Nobyembre, ni Giovanni Pascoli

Salin ng “Novembre,” ni Giovanni Pascoli ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nobyembre

Ga-hiyas ang hangin, napakaliwanag ng araw
at naghahanap ka ng mga punong khubani
na namumulaklak, at bigla mong naramdaman
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang pait ng tusok ng espino. . .

Ngunit tuyot ang tinik, at ang dawag sa tabi’y
itim na lambong ang iminarka sa mga ulap;
hungkag wari ang langit, at ang lupa’y mabini
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa yabag na umaalingawngaw.

Tahimik ang paligid: ang hanging humahampas
ay dinig sa malayo, doon sa mga hardin at werta’y
pigtal na dahon ang tumakip. Tag-araw na ganap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .na malamig na sikat ng yumao.

Anino ng mga Higante, ni Kostes Palamas

Salin ng tula ni Kostes Palamas ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Anino ng mga Higante

Narinig ko ang dagat na ano’t umuungol
na tila tinig na umaahon mula sa karimlan:
Anino ba ito ng mga higanteng gumagalaw?
“Anino! Sino ka? Magsalita ka!”
“Ako’y isang Telamonya!
Masdan, sa kalooban ko’y nilulukob
ang buong araw na hindi lumulubog,
bagaman hinihikaban iyon ni Hades;
Huwag nawang lumuha para sa akin!”
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .“At katabi mo siya?”
“Ang puso ng lupain ng Tewtones
ay binuhay muli ako. Ako ang manlilikha,
ang manlilikha ng mga dakilang mundo
ng Olimpus, ngunit naririto sa pusikit
na pusod ng Tartarus:
Uhaw ang puso ko’t sabik sa isang bagay:
Inaasam ko at hanap-hanap ang liwanag!”

Taglay ng kaniyang mga mata, ni Adonis

Salin ng tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Esber) ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Taglay ng kaniyang mga mata

Taglay ng kaniyang mga mata
ang perlas; mula sa wakas ng mga araw
at mula sa mga simoy ay nakapag-iiwi
siya ng siklab; at mula sa kaniyang
kamay, mula sa kapuluan ng ulan,
lumilitaw ang bundok at lumilikha
ng madaling-araw.
Kilala ko siya. Taglay ng kaniyang paningin
ang hula ng mga dagat.
Tinawag niya akong kasaysayan at ako
ang tulang dumadalisay sa pook.
Kilala ko siya: Tinagurian niya akong bahâ.

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw, ni Merle Collins

Salin ng “Because the dawn breaks,” ni Merle Collins ng Grenada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sapagkat bumubukad ang madaling-araw

Nagsasalita kami sapagkat
Kapag bumuhos ang ulan sa kabundukan
Ay marahang lumalaki’t umaapaw ang ilog
At ilang sandali pa’y bubulusok ang agos
Sa mga tipak na bato
Nang lampas sa mga lansangan,
Paguguhuin ang mga tulay
Na maggigiit ng taglay nitong kapangyarihan
Laban sa rumaragasang lakas
Nagsasalita kami dahil kami’y nangangarap

Nagwiwika kami para sa parehong katwiran
Na ang kulog ay nakasisindak sa bata
Na nakayayanig sa punongkahoy ang kidlat

Hindi kami umiimik upang suwayin ang panuto
O upang baligtarin ang inyong mga plano
O pabagsakin ang inyong mga Tore ng Babel
Sa kabila ng katotohanang ginagawa namin ito

Nagwiwika kami dahil kami’y nangangarap
At ang aming mga pangarap ay hindi  maipipiit
Sa kural ng baboy sa kanino mang bakuran
Hindi para sumalo ng mga mumo sa mga mesa
Hindi para gumapang nang walang hanggan
Sa walang katapusang linya ng mga langgam
Upang lumihis palayo sa isang biglang liko
Kapag ang paa ng elepante’y biglang lumagapak
Hindi para umurong at tumakbo palayo
Kapag ang malansang simoy ng kamatayan
Ay nakasusulasok na sa aming mga pandama
Hindi para makibaka nang walang katapusan
Upang gagapin ang hulagway ng inyong mga diyos
Sa loob ng aming likha

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Sa Uxmal, ni Octavio Paz

Salin ng “En Uxmal,” ni Octavio Paz ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Uxmal

1.  ANG BATO NG MGA ARAW

Araw ang oras;
Oras: araw ng bato;
Ang bato’y dugo.

2. TANGHALING-TAPAT

Dilát ang sinag.
Basyong minuto’ng oras.
Ibon sa eyre.

3. HÁPON

Pusyaw ang sinag,
Mga haligi’y gising,
Sayaw na pirmi.

4. GANAP NA ARAW

Bakát ang oras:
Di man kíta ang ibon,
Kulay ang awit.

5. MGA GINTONG KUSING

Ang ulan, sumasayaw, mahaba ang buhok,
May mga galáng ng kidlat ang bukong-bukong,
Ay lumusong sa saliw ng mga kalatong:
Dumilat ang mais, at marahang lumusog.

6. ANG AHAS NA UKIT SA MOOG
Huminga, nanginig, umalon ang moog sa araw
Ang fatek na buháy na kabiyak ng kalangitan:
Tinungga ng tao ang araw, ang tubig, ang lupa.
At lahat ng búhay ay taglay ng ahas na gigíl
Sa ulong sakmal-sakmal ng kaniyang mga pangil:
Lumalamon ng dugo’t tao ang mga bathala.

Pangitain, Ali ibn Musa ibn Sa’id

Salin ng tula ni Ali ibn Musa ibn Sa’id  ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pangitáin

Masdán ang áraw sa panganórin; tíla itó banóg
na ang mga bagwís ay lumúkob sa rabáw ng loók.

(Alcalá la Real, 1213-1286 CE)

Resist Chinese occupation of the West Philippine Sea! No to Chinese imperialism! No to Chinese spies!