Curriculum Vitae, ni Blanca Varela

Salin ng “Curriculum Vitae,” ni Blanca Varela ng Peru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Curriculum Vitae

sabihin nang nagwagi ka sa karera
at ang premyo
ay iba pang karera
hindi mo natikman ang alak ng tagumpay
bagkus ang iyong asin
hindi ka nakarinig ng sigaw ng papuri
bagkus tahol ng mga aso
at ang iyong anino
ang natatangi
at taksil mong karibal

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Renobasyon, ni Edwin Thumboo

Salin ng “Renovation,” ni Edwin Thumboo ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Renobasyon

Ibig kong damhin ang dalisay na hanging
pinakislap ng mga aninong nagsasalaysay
sa piling ng mga aguhong kumunat sa asin.

Ibig kong makita ang kalawanging banug
na matatag, marikit, nakamamatay
at binubuksan ang walang-malay na langit.

Ibig kong marinig ang nagsasangang dila
mula sa lumalargang ikid ng katawang
hanap ang malilibog na kuliglig sa luad.

Ibig kong hipuin ang bughaw na ulop
na nagpapadilim sa Karimon, at abutin
ang kalág na tagaytay na tila mahiwaga.

Ibig kong lasahan ang askad ng patani
mula sa bumaluktot na balát ng buto
upang itago ang nayon sa aking bibig.

Ibig ko ang ganitong limang pagsisimula.

Mga Tagapulô, ni Nora Nadjarian

Salin ng “The Islanders,” ni Nora Nadjarian ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tagapulô

Lumaki silang pinanonood ang lipad ng kanaway na nakasasaboy ng asin,
ang panganorin, at ang ngitngit ng alon. Sa umaga, hinintay nila ang mga barko.

Tuwing gabi, kapag ang daigdig ay mahimbing na natutulog,
naglalakad sila patungo sa dagat. Tila iyon pagpasok sa kanilang nakalipas.
Naglalaho muna ang kanilang mga paa, pagdaka’y mga hita, leeg, at labì.

Ibig nilang isipin na sa kung saang malalim na karimlan
ay maaarok nila ang kanilang simula, na mapagiginhawa sila sa wakas.

aw

Pasiya

Nakatimo sa kaniyang ulo ang pinagmulan, at ang paglingon ay katumbas ng lungsod ng asin at pag-ulan ng mga bulalakaw. Siya, na naglandas sa hanggahan ng bawal, ang nakauunawa ng pag-ibig na hinaharang ng mga tabak at tinik na makamandag. Hinahatak siya ng dibinong tinig pakiling sa kaligtasan—para manahan sa bagong bahay at lumang buhay—kahit ang kumukutob sa kaniyang loob ay walang langit na hihigit sa kandungang sariwa’t tigmak sa mga hamog ng madaling-araw. Lumalakad siya ngayong nakatungo at nakatukop ang mga tainga, wasak ang budhi at mithi, habang ang mga mata’y nakapinid na tinatakasan ng mga luha. Nalango siya isang gabi kapiling ang dalawang anghel, at isinuko niya ang lakas sa kanilang nakapapasong dibdib. Lumingon ka, sabi ng kaniyang sintang maalat ang labì at sintigas ng bato, mahal na mahal kita; at siya’y walang nagawa kundi pisakin saka dukitin ang sariling mga mata bago lumingon nang duguan ang pananaw sa nagliliyab na lupaing dating sinisipingan.

“Pasiya,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 25 Hunyo 2011.
Girodet-Mademoiselle-Lange-as-Venus-1798-590x1174

Binibining Lange bilang Venus, ni Anne-Louis Girodet de Roussy-Trioson (1767-1824)

Dagat Portuges, ni Fernando Pessoa

salin ng “Mar Português” ni Fernando Pessoa (Fernando António Nogueira de Seabra Pessoa).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

DAGAT PORTUGES

O maasing dagat, asing kumakapal
Ang luha sa pisngi mula sa Portugal!
Para ka matawid, ilang bigong anak
Ang pilit naghintay, at ina’ng umiyak!
Ilan ang babaeng tumandang dalaga
Hanggang hukay, dagat, upang maangkin ka!

Sapat ba ang gayon? Sapat nga ang gawin
ang lahat kung hindi munti ang diwain.
Sino man ang nais maglayag sa Tangos
Ay dapat magdusa’t di makararaos.
Abismo’t sakuna ang likha ng langit
Subalit salamin kung ika’y tititig.

Si Kristo sa unos sa laot, pintura ni Rembrandt van Rijn, 1633

Si Kristo sa unos sa laot, pintura ni Rembrandt van Rijn, 1633