Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Marina
Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?
Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.
Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan
Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook
Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan
Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.
Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.
Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.
Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.
Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing