Anino, ni Roberto T. Añonuevo

Anino
  
Roberto T. Añonuevo
  
 Isinakay sa bangka ang mga alaala, 
 at lumayo ang mga alon
 na tila naghahanap ng bagong
 pampang o payew
 na palulubugin
 upang pagkaraan ay isalalak
 sa tulong ng galít na habagat
 ang mga hungkag na ataul 
 sa matatarik na bangin ng bag-iw.
  
 Maaaring ang tagpo’y pangitain
 ng isang Macli-ing Dulag
 noong harapin niya ang tadhana
 mula sa digma ng mga paniniwala,
 ngunit hindi. 
 Iyan ang pumapasok 
 sa aking loob
 nang agawin mo 
 ang aking hulagway at pangalan 
 nang maarok ang dalóm
 at habulin ang mga guniguning
 paraluman,
 habang pigíl na humahagikgik
 ang kawan ng palaboy na kanaway. 
Alimbúkad: Fearless poetry without peer. Photo by Anjeliica on Pexels.com

Kundiman Libing, ni W.H. Auden

Salin ng “Funeral Blues,” ni W.H. Auden ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Kundiman Libing
 
Itigil ang orasan, putlin ang telepono
Sawayin mo ang aso at alukin ng buto;
Busalan ang piyano at sa sikil na tambol,
Nagluluksa’y tawagin — ilabas ang ataul.
 
Eroplano’y hayaang lumipad, umatungal
At isulat sa langit na Siya ay Namatay,
Kalapati’y damitan ng láso na makutim
Ipasuot sa pulis ang guwantes na itim.
 
Siya ang aking timog, at silangan, hilaga,
At kanluran, trabaho, at araw sa paggala,
Ang hápon, hatinggabi, huntahan ko at awit;
Mali ang akala ko: Walang wakas umibig.
 
Mga tala’y patayin at di na kailangan;
Isilid pa ang buwan at baklasin ang araw;
Ibuhos yaong dagat at hiklatin ang gubat;
Wala na ngayong bagay ang hihigit, sasapat.
Alimbúkad: Empowering Filipino language through translation. Photo by Rene Asmussen on Pexels.com

Kumusta, ni Benjamin Péret

Salin ng tulang “Allo ,” Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kumusta

ang eroplano kong nagliliyab ang kastilyo kong lubog sa alak
ang itim kong alikmatang ghetto ang aking taingang kristal
ang bato kong ipinukol sa buról ang dudurog sa pulis
ang ópalo kong susô ang aking lumilipad na lamok
ang burda kong ibon-ng-paraiso ang buhok na bulang itim
ang puntod kong bumukad ang pulang tipaklong na ulan
ang aking lumilipad na pulô ang aking turkesang ubas
ang kotse kong binangga ang kama ng ilahas na bulaklak
ang pistil ng amargon ko ang nakatimo sa aking mata
ang aking búko ng sibuyas ang nasa aking utak
ang aking usá ang gumagala-gala sa ilang sinehan
ang aking ataul ng araw ang aking prutas na bulkan
ang tawa kong kubling sanaw na lumunod sa propetang baliw
ang umaapaw kong groseya negra ang lilim na paruparo
ang bughaw kong talón ang daluyong sa tagsibol
ang nguso ng rebolber ko ang umaakit na sariwang balón
sinlinaw ng salamin na tinitigan mo ang mga tariktik
ng sulyap
na tumatákas at nangaglaho sa linong tabing na ikinuwadro
sa mga ibinurong bangkay
mahal na mahal kita

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Pasimula, ni Silvio Giussani

Salin ng tulang tuluyan ni Silvio Giussani.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PASIMULA

Tinahak ng mga tren ang nagmamadaling mga tulay na ang hangin ay nilalabanan ang antok sa karimlan, patungo sa tahol ng mga aso na ang pahiwatig ng kisapmatang pangalan ay umiiral. Nakapagkit ang nomena sa mga puwang na waring mga anino sa aking isipan.

Sumilang ang luma’t marupok na awit kung saan-saan. Matamang naghintay ang mga bahayan ng tiyak na sandaling darating o lilipas. Ngayon, sa pagitan ng mga sanga, ang simoy ay sumisipol ng mga heograpiya ng sarili at tinatangay ang mga kaluluwa sa hanggahan ng panginorin.

Ako’y nasa labas ng anumang isipan na pinaniniwalaang angkin ko, at nang higit sa lahat nitong gawi. Napangiti habang nakaupo ang aking ama sa kaniyang ataul. Sumalpok ang baha-bahagdang tikatik laban sa panahong pinabagal—ang yungib na pinapasok namin sa pagbabalik.

Mga nimpa sa yungib ng unos, ni Edward John Poynter

Mga nimpa sa yungib ng unos, ni Edward John Poynter