Pulo ng Kuyukot, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Kuyukót

Roberto T. Añonuevo

Napakáhabà’t napakádilím ang magdamág, na agád na titimò sa iyóng noó, pagsadsád na pagsadsád sa Pulô ng Kuyukót. Warìng inantók nang maága ang mga táo—na igínupò ng maghápong trabáho—at pagsápit ng tinatáyang alás-ótso ay isá-isáng pápatayín ang mga ílaw mulâ sa mga bahayán at mágwawakás sa pagpatáy sa ílaw mulâ sa báhay na bató. Maúulilà ang mga lansángan; mágbabantáy ang kuwágo sa tuktók ng kampanáryo hábang natutúlog ang mga pulís sa presínto; at ni walâng askál na máglalakás-loób na magpaláboy-láboy sa plása. Máglalakád ka nang máglalakád. Mapápansín mo ang lumálagánap na konsiyérto ng mga kuliglíg. Sasáliw ang kókak ng mga palakâng latìan na nágbubunyî sa ambón at hamóg, at sa sagútan ng sitsít ng mga bayákan ay máhuhúgot kung himbíng na ang mga táo. May iláng kabatàan ang líhim na mág-uumpúkan sa ísang liblíb na yungíb alinsúnod sa napágkasundùang págtatagpô, dalá-dalá ang kaní-kaniyáng gitára, pláwta, at tamból, mágsisigâ pára labánan ang lamíg, at sísilabán ang gabí sa kanílang rakrákan. Ang mga áwit nilá’y isusúka ng yúngib, at ang álon ng mga títik ay magpapámulágat sa mga ilahás na ibón na namumúgad sa batuhán kung hindî man nakásampáy sa mga sangá ng matátandâng punongkáhoy. May kung anóng kalúluwá ang mapupúkaw at gagápang mulâ sa bitúka ng karimlán, at isásakáy ng símoy. Áalulóng ang únang áso na makásaságap ng lamíg na magpapátinghás sa mga balahíbo, na magpapáalulóng sa iba pang áso na nakátunóg hanggáng ang íngay ay párang súnog na nagbábantâng tupúkin ang magkakálayông bahayán. Isá-isáng mágsisindí ng ílaw ang mga báhay, na sa malayò’y párang nagkíkislápang bituín. Ngúnit hindî máririníg ng mga itó ang áwit ng mga kabatàan na ngayón ay lasíng na lasíng sa kaniláng síning; ang náririníg ng mga itó’y alulóng ng mga áso at nangábulábog, nangáglilipárang panikì at panggabíng íbon. Mágbubukás ng bintanà ang isáng báhay, na isinísigáw ang ngalán ng nawáwalâng binatà. Mágbubukás ng pintô ang isá pang báhay, at kalapít nitóng kuból, na pawàng isinísigáw din ang ngálan ng mga nawawalâng binatà. Ngúnit walâng tutugón sa mga táwag. Magpápatúloy ang sesyón ng mga kabatàan sa loób ng yungíb, ibibírit ang kaniláng mga lunggatî’t poót na matagál nang sinikíl sa dibdíb, makíkiníg ang mga bató, at kapág hálos sumápit na sa hanggáhan ng nírvana ay biglâ siláng hihintô, sakâ makikíta nilá ang isáng babaéng umaáwit ng áwit na banyagà sa kaniláng pandiníg, ang áwit na maráhil ay ngayón lang sa kanilá nakáyaníg. Mápapatdâ silá sa músa o sa áwit, na kaniláng tatandâan, ngúnit alinmán ang pilîin nilá sa dalawá ay panagínip na pupúkaw sa kaniláng nakámihasnáng panánahímik at hindî na mulî silá mapápanátag lumípas man ang mga áraw sa Pulô ng Kuyukót. Magtanóng-tanóng ka sa mga kabatàan, at kung papalárin, mabábatíd mo kung bákit tíla silá nasirâan ng úlo mulâ nang makilála ang hinahánap mo.

Alimbúkad: Poetry rocking the world. Photo by Kindel Media on Pexels.com

Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Awit, ni António Botto

 Salin ng “Cancão,” ni António Botto ng Portugal
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Awit
  
 Umaalimbúkad ang lupain
 sa hininga ng mga bulaklak at lungting dahon.
  
 Sa malayo, may isang awit ng tao na naglaho
 ang pandama para umibig:
 ng isang napaiyak nang baguhin ng alaala,
 ng isang ngumingiti habang kumakanta.
  
 Ang tagsibol ko! Bughaw na tagsibol
 na naglalaro sa damuhan
 at sa mga kahuyan
 na hitik at mayamungmong,
 sariwa, mumunting supling ng dahon
 na nagpapatalbog ng liwanag,
 pinakikislap ang mga mata ko para mabuhay.
 Tagsibol ko, ilahad sa akin ang mga halik
 na nauupos sa mithing maabot ang kanlungan.
  
 Nahuhulog sa espasyo ang kristal na hamog,
 at may banayad na dibinong
 himig na lumulukob nang walang tinag
 sa mukha ng mga bagay.
  
 Nagbabago ang mga mundo—
 at nananatili sa pook ang kabuktutan ng tao.
  
 Umaahon sa puso ko ang liwanag ng pangarap,
 at ang maiinit na luha ay gumugulong sa pisngi. 
Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mithi, ni Hanane Aad

Salin ng “أمنية” (Wish), ni Hanane Aad ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mithi

May samyo ng paghimbing ang lupain.
Ang awit ay may halimuyak ng kalayaan.
Sabik akong langhapin ang aking kalayaan
Bago sumapit ang sukdulang pagtulog.
Sabik na akong awitin ang aking awit
Bago ako tabunan nang lubos ng lupa.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Rawad Semaan, titled “Douq, Lebanon,” @ unsplash.com

Ang Pagbabalik ng Awit, ni Lord Dunsany

Salin ng “The Return of Song,” ni Lord Dunsany (Edward John Moreton Drax Plunkett) ng Ireland at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagbabalik ng Awit

. . . . . .“Umaawit muli ang mga sisne,” sabi ng isa sa kapuwa niya diyos. Sa aking mga panaginip ay napadako ako sa marikit at malayong Valhalla, at nang sumilip ako pababa, nakita ko sa ilalim ang maningning na bulâ na hindi naman higit na malaki sa bituing magayon ngunit aandap-andap, at pataas nang pataas mula roon ay bumungad ang palaki nang palaki na kawan ng mga sisneng umaawit nang umaawit, hanggang ang mga diyos ay tila mga ilahas na barkong lumalangoy sa musika.

. . . . . “Ano iyan?” sambit ko sa isang mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos.

. . . . . “Tanging ang mundo ang nagwakas,” aniya sa akin, “at ang mga sisne ay nagbabalik sa mga diyos upang maghandog ng awit.”

. . . . . “Patay,” sabi niya na mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos. “Hindi habang-panahon ang mga mundo; tanging ang awit ang inmortal.”

. . . . . “Masdan mo! Masdan mo!” aniya. “Magkakaroon ng bago sa lalong madaling panahon!”

. . . . . At tumingin ako, at nasilayan ang mga pipit na bumubulusok mula sa mga diyos.

Alimbúkad: Poetry Translation Unstoppable. Photo by Priscilla Du Preez @ unsplash.com

Ang Araw ng Tagumpay, ni Rużar Briffa

Salin ng “Jum ir-Rebh,” ni Rużar Briffa ng Malta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Tagumpay

Biglang napukaw ang madla at humiyaw: “Maltés ako!
Sino ang nanlilibak sa akin? Sino ang nangmamaliit sa akin?”
Sabay-sabay umawit ang laksang tao upang sila’y marinig.
Ang pambansang awit ng Malta—at ang tinig ay nagwagi
Laban sa paghimbing noon at sa nakaaantok na kawalang
Pakialam noong tulog kami sa kama na sakop ng banyaga.
At ang kaluluwa ni Vasalli ay bumangon mula sa libingan,
At siya’y sumigaw: “Sa wakas, makapagpapahinga na ako!”

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Magdalena Smolnicka @ unsplash.com

Tatlong Tula ni Federico García Lorca

Salin ng tatlong tula ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawing Walang Awit

[Paisaje sin cancion]

Bughaw na langit.
Dilaw na bukid.

Bughaw na bundok.
Dilaw na bukid.

Sa sunóg na kapatagan
ay bumagtas ang olibo.

Ang solong
olibo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Paolo Chiabrando @ unsplash.com

Panganorin

[Horisonte]

Ang araw na walang sinag
ay nápon sa lungting hipák.

Nasa lilim niyong pampang
ang bangkang nanánagínip,
at ang tapat na kuliling
ay sinusukat ang lungkot.

Sa dati kong kaluluwa
ay tumunog ang maliit
na pinilakang kalatong.

Panganorin [Horizon].

 

Mangingisda

[Pescadores]

Ang mga gugò
ng dambuhalang punòngkahoy
ay namimingwit ng bibihirang
mga tópo sa lupa.

Ang alosay sa likuran ng sanaw
ay namimingwit ng mga ruwisenyor.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Kal Visuals @ unsplash.com

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Marcha Chi ni Gang

Marcha Chi ni Gang

Interliterantibiosemyotik salin mula sa Pidgin Mandarin
Interliterantibiosemyotik salin ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang payaso, na nagpupumilit maging emperador, kahit walang suot ni isang damit.—Ren Zhiqiang

Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Pinulmonya ng Partido Komunistang Salot ang daigdig.
Binilibid ng Partido Komunistang Salot ang Chi ng daigdig.
Humukay ito ng libingang X para sakupin ang bilyong tao.
Ibinaón ng X ang Tao dahil naglaho ang Chi ng liwanag.
Sinupil ng X ang anti-chi para sumigla ang Chi ng bagong siglo.
Naghihirap, nilalagnat ang mga tao dahil sa matinding salot.
Lumawak ang sakop ng Chi sa mga negosyo ng mga kaaway.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.