Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.

Marcha Chi ni Gang

Marcha Chi ni Gang

Interliterantibiosemyotik salin mula sa Pidgin Mandarin
Interliterantibiosemyotik salin ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang payaso, na nagpupumilit maging emperador, kahit walang suot ni isang damit.—Ren Zhiqiang

Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Pinulmonya ng Partido Komunistang Salot ang daigdig.
Binilibid ng Partido Komunistang Salot ang Chi ng daigdig.
Humukay ito ng libingang X para sakupin ang bilyong tao.
Ibinaón ng X ang Tao dahil naglaho ang Chi ng liwanag.
Sinupil ng X ang anti-chi para sumigla ang Chi ng bagong siglo.
Naghihirap, nilalagnat ang mga tao dahil sa matinding salot.
Lumawak ang sakop ng Chi sa mga negosyo ng mga kaaway.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.