Ang Bagon at ang Bangin, ni Robert Bly

Salin ng “The Wagon and the Cliff,” ni Robert Bly
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bagón at ang Bangín

Pumalya ang túlos at nahulog sa bangin ang bagón.
Umalis sandali ang doktor at namatay ang bata.
Mauusisa natin si Emerson sa ganitong pagkakataon.

Huwag isiping ang mga tao lámang ang masiba.
Kapag umimbulog ang uwak, ang kakatwang pakpak
Nito’y maisasakay ang libong Mandela sa Pulô.

Labis na tinalikdan ni Hipppolitus ang mga babae
At ang Dilag ng Dagat ay nagpasiya laban sa kaniya.
Nayag ang mga kabayo niyang kaladkarin siya sa batuhan.

Umawit ang mga punay mula sa mga poste ng bákod
Noong paslit akong pinupukaw ang buong nayon.
Ngunit ang buto sa dibdib ng punay ay katedral ng mithi.

Ginagawa tayo minsan ng mga santo na tila mas mabuti.
Ang mga ninuno natin, sa mga retrato sa pasaporte nila,
Ay batid ang paswit ng ibong inihuhulog palabas ng pugad.

Sapagkat nakasanayan ko na ang mabigo,
Humihihip sa mga tulang ito ang usok ng kalungkutan.
Ang mga tulang ito’y bintanang binuksan ng simoy-taglamig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Randy Fath @ unsplash.com

Tagsibol ng Mapuputik na Daan, ni Joseph Brodsky

Salin ng tula ni Joseph Brodsky ng Russia at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tagsibol ng Mapuputik na Daan

Pinagbanyuhay ng ulan ang mga daan
na maging ilog.
Ikinarga ko ang sagwan
sa bagon.
Nilangisan ko ang kolyar ng kabayo,
ang suot-pangkaligtasan.
Para sa biglaang pangangailangan.
Maingat lang ako.

Kasingsutil ng landas
ang ilog.
Parang lambat-pangisda
ang anino ng itangan.
Ayaw tikman ng aking kabayo
ang sisidlan ng putikang sopas.
Tinanggihan iyon nang ganap
ng mga humahalakhak na gulong.

Hindi pa tagsibol, ngunit tila gayon
ang pakiramdam.
Kalat-kalat ang daigdig ngayon,
at balu-baluktot.
Ang mga gusgusing nayon
ay iika-ika.
Ang tanging tuwid lamang
ay ang nababatong mga sulyap.

Kumaskas sa bagon
ang mga sanga ng kalumpang.

Dumampi ang nguso ng kabayo ko
sa kaniyang suot-pangkaligtasan.
Sa itaas ng tigmak na batok ng aking
kabayo’y walong higanteng típol
ang lumilipad pa-hilaga.

Tumingin sa akin, o kaibigan,
o hinaharap:
Armado ng mga de-taling tadyang
at ng mga bakás,
nasa kalagitaan ng daan
tungo sa kalikasan—
sa edad kong dalawampu’t lima—
ako’y pakanta-kanta pa.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity