TagápamagítanRoberto T. Añonuevo
Nakahápay ang estátwa, warìng sumísigáw
doón sa kabilâng pampáng.
Ngúnit mulâ sa kinatátayûán mo,
ang estátwa ay hindî estátwa bagkús
talísay—tagilíd na lumulútang sa lamíg at úlap,
warìng sísingháp-singháp ang mga dáhon—
o itó ang paníniwalà mo
sa kabilâ ng ágam-ágam na yapós-yapós ka.
Náriníg sa isáng latîán ang alingawngáw
ng paghingî ng salbabída
at pahimakás.
Maragsâng tinangáy ng mga álon
ang ináasáhang katagâ
at bangás na batóng luklúkan.
Lumíkas kung saán ang mga háyop at táo,
ni hindî lumílingón at hindî mapígil,
úpang unáhan ang nabubûang na bagyó
at hamákin ang libíngan.
Pinílit mong tumindíg díto sa iyóng pampáng;
umiíkot ang palígid na kung hindî sumásayáw
ay lasíng na lasíng
sa tikatík ng ulán.
Lilipád iláng sandalî pa ang mga yéro at halígi
habàng kumákatál
ang bundók sa hagunót at sípol ng buhawì.
Walâ kang bangkâ o sinaúnang taytáy.
Ang pagítan mo
sa daigdíg ay napakaláwak ngúnit hanggitnâ
pára isáhimpapawíd sa rádyo;
pára ka ngayóng rébultong pinágpalàng
gumaláw ang mithî
dáhil sa pangárap na túlong mulâ sa ibáyo
na mahírap bagáng máunawàan dáhil naligáw
kung saán ang mga sugò at anúnsiyó
sa kung anóng katwíran—
ang ekídistánsiyá ng sukdól at mga tanóng
pára sa kahulugáng laán sa sapantahàng
madlâ na wikà mo’y iyó
at áarók sa iyó.
Higít kailanmán ang silbí ng tagápamagítan:
ang tagápamagitán sa estátwa at talísay,
ang tagápamagítan sa magkabilâng pampáng,
ang tagápamagítan sa pagsagíp,
ang tagápamagítan sa pagságap ng tingín,
ang paningín mong íbig iparatíng sa ákin.
Walâ akóng pakíalám kung itó ang marmól,
salapî, kartón, pelíkulá, sex, líham
o kung itó ang Potemkin ng isáng Putin,
bastá humíhingá at ang kapangyaríhan
ay nása iyóng pálad at pasiyá.
Ang makíta mo’y maáarìng másalát din
ng bulág—
ang nilaláng mong kay hírap mang sakyán
ay kusàng lumílikhâ ng kahulugán
o sabíhin nang páhiwátig
na hindî man totoó’y sadyâng paníniwalâan,
túlad ng umuúrong na hukbó
sa kung saáng larángan.
Alimbúkad: Epic poetry meditation beyond Filipinas. Photo by Sami Aksu on Pexels.com
Ang Pagkagúnaw, bílang Ikátatlúmpû’t dalawáng Aralín
Roberto T. Añonuevo
Maáarìng naísalaysáy na itó ni Solon noóng malasíng siyá sa píling ng kaniyáng músa—makalípas makapáglakbáy sa malalayòng kípot o lupálop; at naisálin sa kaniyáng matálik na kaibígang Dropides, na magsasálin din sa mga anák nitó hanggáng matatapát na kaának, ngúnit pagsápit sa pinakámakulít na kaapú-apúhang si Critias ay durugtungán ang kuwénto hinggíl sa máalamát na poók na ngayón ay inílilíhim na lámang ng mga tangríb, lúmot, taliptíp, at álon. “Maráming kapáhamakán,” wíwikâin ni Critias kay Socrates, “ngúnit pinakámalubhâ ang hatíd ng apóy at túbig!” Dugûán at lupaypáy ang mga salitâ nang pumások sa pándiníg ni Socrates na nag-iíngat noón ng mga gantíng-tanóng nang matiyák ang katotohánan sa Atlántis; at kung hindî man náilahók ni Timaeus sa kaniyáng talâán ang láwak ng salantâ, bukód pa ang mga paglúpig na sinundán ng pagbíhag sa mga káwal úpang gawíng alípin sa pagtátayô ng díke at moóg ay maráhil dáhil na rin sa líhim na kíling ni Platon sa pinápanígang dáloy at diín ng pagkathâ. Ngúnit hindî itó kámukhâ kung anumán ang nakikíta sa Ehipto, áyon pa kay Solon, at hindî pag-áaksayahán ng panahón ng mga kopyadór nina Homer at Hesiod sakalì’t nagtúturò sa mga paslit doón sa Gibraltar. Nagkusà nang lumísan at lumípat sa ibáng pulô ang mga táo; at ang ibáng tumanggíng umalís ay tinanggáp ang kapaláran na magsísimulâ sa lábis na pagkaúhaw gayóng lubóg sa bahâ ang mga kálye sa kabilâ ng mahabàng tág-aráw, hanggáng sa pag-áalagà ng sínat, buláte, at galís na warìng nakakásanáyan ng patpáting katawán. Nagsawà sa matúbig na tanáwin ang mga táo na tíla ba walâ nang pakíalám kung hindî man maligò o magsepílyo. Habàng lumaláon, ang pagkáti ng túbig ay nagíging katumbás ng pribílehiyó at suwérte; ang mga áraw ay dumadáko sa pagsasánay sa pagpapátubò ng hásang at kaliskís. Ang kinálakihán mong pulô ay untî-untîng nalulúnod na hindî máitátatwâ ng métro; sísingháp-singháp ang nakátayákad na aklátan na warìng hindî maáabót ng áhas o ánay; at ang mérkado ng mga pródukto at pananálig ay náidídiktá ng mga salbabída’t bangkâ. Isáng súperbagyó ay sapát na úpang pawìin sa mápa ang mga baláy at bukirín. Mahál mo ang lupàíng iyón, ngunit ang lupàín mo’y tinakpán ng mga dalúyong. Walâ kang báon o muntîng balútan paglíkas; tangìng madádalá mo’y gunità na kung mápadáko man sa Mariláw ay itútulâ ng kahímig ng brúskong tínig ng Pearl Jam. “Sa lupàín ng mga harì,” ibúbulóng sa iyó ng isáng tokáyo ni Critias, “ang pag-áaklás ng mga obréro at anákpáwis ay túngo sa pagpápandáy ng bágong kaayusán at kamalayán!” Madáragdagán pa ang salaysáy na párang pag-uúlit ng kuwénto ni Solon kay Dropides, na tinútuligsâ ang sálinlahì ng mga harì na walâng ginawâ úpang lutasín ang sistémikóng pagbahâ at mga digmâng walâng kapára. Ngúnit bágo pa makapágkuwénto si Dropides sa kaniyáng anák ay púputúlan ng dilà at mga kamáy—alínsúnod sa útos ng kataás-taásan—úpang tuldukán ang alamát ng pagkagúnaw.
Alimbúkad: Epic poetry upheaval across the world. Photo by hitesh choudhary on Pexels.com
Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.
1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.
2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.
3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.
At isáng áso
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.
4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!
Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.
5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.
Tináwag kitá, ngúnit
kinárit ang klínika.
6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.
“Huwág matákot!” at párang sumagì
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.
7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.
At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.
8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.
Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.
Ngunit tumírik, kahápon pa,
ang makína
ng áking ísip
sa makapál na banlík.
9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.
Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.
10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.
At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com
Salin ng “Zurita,” ni Raúl Zurita ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoZurita
Gaya sa panaginip, nang maglaho na ang lahat,
winika ni Zurita na aaliwalas din ang paligid
sapagkat sa kailaliman ng gabi’y
nakakita siya ng isang bituin. Pagdaka,
habang nakahalukipkip ako sa tabi ng mga tabla
ng kubyerta ng barko, tila pagniningasin muli
ng liwanag ang aking matatamlay na mata.
Sapat na iyon. Lumambong sa akin ang himbing.
Alimbúkad: Raging beauty, raging poetry. Photo by Nuno Obey on Pexels.com
Ang Araw
Itinitindig sa rabaw ng palad
ang mga templo, at kung ito’y mito,
nagaganap ang lahat sa kisapmata.
Inilaan laban sa lindol at bagyo,
o mababagsik na digma at salot,
ang kagila-gilalas na impraestruktura
ang magiging anyo mo
at magiging amo ng susunod sa iyo:
Planado ang mga haliging tugmâ’t sukát,
na tinuklas marahil ni Pingala
sa balangkas ng Maatra Meru,
para itong reenkarnasyon o kombinasyon
ni Hemachandra at ni Balagtas
sa laberinto ng mauulap na payëw,
inaagusan ng batis ng sinaunang lingam
ngunit pagsusumundan gaya sa Darangën
at balagtasan.
Ang mga salita sa iyong mga kamay
ay mamamatay at mabubuhay
o mabubuhay at mamamatay
nang paulit-ulit,
madaragdagan, mababawasan
ng libo-libong pahiwatig,
ng libo-libong pakahulugan,
mahuhulaan, at magiging muhon,
hanggang suwayin muli ang wakas.
Ang mga templo ay kukuyumin mo,
at maglalaho nang kung ilang siglo—
upang sa takdang araw
ay muling sumilang sa ngalan mo,
maalindog at imperyal,
at itanghal sa isang pagdiriwang
na susulatin kong epiko para sa iyo.
Alimbúkad: Poetry passion unlimited. Photo by Chevanon Photography on Pexels.com
PasakalyeRoberto T. Añonuevo
Naglalampungang
pusàkalye sa ibabaw ng bubungan
nitong lungsod ang bagyo,
masungit na rambol ang kalmot at kagat,
waring may sampung askal na kaaway,
gayong ramdam na init na init,
taglay ang alimpuyo’t dagudog,
hindi kami pinatulog kagabi
habang pinalulubog kami
sa sindak
kasabay ng hagibis ng agos ng ilog
na pinagpapantay sa baha ang mga bahay.
Nang makaraos ang kalikasan,
para kaming kuting na iniluwal sa banlik,
kumakawag-kawag, nang dahil sa pag-ibig.
Alimbúkad: Unwavering poetry soul. Photo by Aleksandr Nadyojin on Pexels.com
Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoBago Sumapit ang Bagyo
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com
Salin ng “Über die gewalt,” ni Bertolt Brecht ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. AñonuevoHinggil sa Karahasan
Tinaguriang marahas ang rumaragasang batis
Ngunit ang kama ng ilog na kumukulong dito
Ay hindi tinatawag na marahas ng sinuman.
Ang bagyong nagpapayuko sa mga adebul
Ay maluwag na tinatanggap na marahas
Ngunit paano naman tatanawin ang bagyo
Na nagpapakuba sa mga manggagawa sa kalye?
Alimbúkad: No to dictatorship. No to Martial Law. Yes to Filipino. Yes to poetry. Photo by Emre Kuzu on Pexels.com
Salin ng “Found in a Storm,” ni William Stafford ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Napulot sa Isang Bagyo
Ang bagyo na nangangailangan ng bundok
ay natagpuan ito sa kinaroroonan natin:
Ginising tayo ng humahaginit na hangin
na nakikipagtalo sa ating tent,
at ang lahat ng nahimok na niyebe
ay bumalatay pahaba, at kinapa ang lupa.
Umatras tayo sa gayong kortina at bumaba.
Ngunit minsan, pipihit tayo pabalik
sa kortina at pilit yayao
ayon sa plano kahit may di-inaasahang bagyo,
maglalaho sa panahong malamig,
mga kahulugang naghahanap ng daigdig.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Tiko Giorgadze @ unsplash.com
Pantalan ba ito na nag-aabang ng barko
na kung hindi hinalihaw ng tribunada’t bagyo
ay dinakip ng lungkot ang mga tripulante?
Tatanawin ko ito nang walang pagkapagod,
na tila dayaray na naglalagos sa baláy.
Sapagkat ang pagsubaybay ay mga alon
na dumarating at lumalayo nang paulit-ulit—
isang ritwal na tigmak sa pag-asa’t pananabik,
at ikaw ang hulagway na aahon sa guniguni.
Ang oras ang tumatayog na bundok ng inip,
at ang espasyo sa puso ay lalong lumalamig.
Ngunit darating ka, gaya ng isang dalubhasa
sa ahedres na nagsusulong matapos magbúlay
at pigain ang posibilidad ng hakbang at pasiya.
Mauuna marahil ang iyong mga liham at tula
na tumatawid sa maaliwalas na himpapawid.
Susunod ang iyong mga pangarap na nakaipit
sa kuwardernong gulanit, at ang isang pabatid,
nagmula man sa hari o hukom o hunghang.
Matutulog ako para kita makita. Matutulog ako,
at ikaw ang pupukaw sa daigdig kong giniginaw.