Pulo ng mga Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Báhay

Roberto T. Añonuevo

Pagkáraán sa Pulô ng mga Mukhâ, hindî ka makáiíwas na pansámantálang humimpíl sa Pulô ng mga Báhay nang makapág-ípon ng lakás laló’t masúngit ang panahón. Mahabà ang iyóng páglalayág, at káhit sínong magdáragát ay kailángang mágpahingá, gáya ng mga nandárayúhang balángkawítan. Ang únang aákit sa íyong mga matá ay hiléra ng mga báhay na inúkit sa matátarík na dalámpasígan, ang mga gusalì sa tuktók ng bundók at kondomínyong kóntinentál na ginawàng bintanà ang mga inúkit na yungíb. Taón-taón, nagbábanyúhay ang mga tiráhan, na kung hindî gigibâin ay papatúngan ng bágong mga báhay, kayâ saán mo man pilìing maniráhan ay matútuklásan na ang kinátatayûan ng mga halígi mo ay posíbleng may sandaáng palapág ang lálim sa bubungán ng sinaúnang monastéryo o katedrál, kung hindî man bodéga o kalabósong imperyál. Masásalúbong mo ang mga táo na nagkúkumahóg, patingín-tingín sa reló o sélfon pára habúlin ang trabáho, at walâng makikítang tatámbay-támbay sa lansángan. Pámbihirà, wiwikàin mo, kung gaáno káabalá ang mga táo gáya ng mga langgám o bubúyog, sapagkát ang iniísip nilá ay ang kaligtásan, o higít na tumpák, ang kaligtásan ng réynang pinágsisilbíhan, at ang kaligtásan ng buông burukrásya nilá ay nagigíng butó’t lamán sa arkitéktoníkong disényo ng mga báhay. Maáarìng isá sa mga báhay na parísukát o tatsulók o pabilóg ay dáting tinulúyan din ng hinahánap mo. Áno’t anumán, matútuklásan mo, gáya ng natuklásan ng minamáhal mo, na ang págtatayô ng báhay ay katumbás ng nakámamatáy na pamúmuwísan o kúsang pagpapáalípin; báwat pintô ay ísang lagúsan sa máhiwagàng piítan sa ngálan ng pagsásarilí o pagkámakásarilí; báwat espásyo ay sínghalagá ng bányo o silíd; at báwat bintanàng kristál ay pribílehíyo ng mga maykáya’t sindikáto. May takdâng súkat káhit ang alulód at kanál, at ang bangkéta ay sinlápad ng hapág-kainán. Ang sinúmang hindî magtrabáho ay nakátadhanàng ipatápon sa ibáng poók, úpang doón gumawâ ng kaniyáng báhay kúbo o báhay na bató, at nang hindî makásirà sa magándang tanáwin o magíng ehémplo ng mga lakwatséro at bagámundó. Makítulóy sa mga báhay, ngúnit mabíbigô ka kung anyông gusgúsin o sampíd-bákod na dáyo. Kumatók ka, at sisílip múna sa muntîng bútas ang nása loób úpang tiyakíng hindi ka magnanákaw o masamâng loób. “Táo po!” at mulîng kakatók ka. Mapapágod ka sa kakákatók sa sarì-sarìng tiráhan; at magninílay kung isá ka ngang táo, at mamábutíhin mong magbalík sa iyóng lundáy úpang doón umidlíp, bágo ipágpatúloy ang paglálayág, tawágin man itó na imposíbleng pangárap.

Alimbúkad: Poetry quest for the impossible. Photo by Gotta Be Worth It on Pexels.com

Tahanan, ni Roberto T. Añonuevo

Tahanan
ni Roberto T. Añonuevo

        (Para kay Nanay Luring)
  
 Isinisilid sa bahay na ito ang memorya
 ng gitara ni Tárrega, at kung dadalawin
 mo ay magiging makukulay na retrato 
  
 ng mga batang tumatakbo, naghaharutan,
 maingay ngunit kay gaan pakinggan,
 at tatanawin kita na umiindak sa tuwa,
 o kung hindi’y nagbabasa ng mga tula.
  
 Iyon ang panahon.
  
 Ang bahay, na tumatanda gaya natin,
 ay hindi makumpuni ang sarili,
 ngunit tahimik na naglilihim ng sugat
 at anay
 upang hatakin muli tayo na magpatayo
 ng bagong tahanan.
  
 Nauulinig mo ang alunignig ng mga bagting.
 May musika sa munting sála
 pagsapit ng hatinggabi, at mga aklat
 sa mesa ang mga araw sa ibayong dagat.
  
 Sumisikip ang moog, gaya sa Alhambra.
  
 Walang panahon ang kamalayan,
 at nang wikain mo ito, dalawang tuta
 ang lumapit at ibig magpakalong sa akin.
  
 Napangiti ka.
  
 Umaawit nang buong rubdob
 ang gitara, at ang mga apó mo
 ay lumilikha ngayon ng ibang planeta
 para sa kanilang musika
 na tila matimyás na paghalik 
                     sa kanilang lola.
   
Alimbúkad: Poetry beyond borders. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Pasakalye, ni Roberto T. Añonuevo

 Pasakalye

 Roberto T. Añonuevo

 Naglalampungang
 pusàkalye sa ibabaw ng bubungan 
 nitong lungsod ang bagyo,
 masungit na rambol ang kalmot at kagat,
 waring may sampung askal na kaaway,
 gayong ramdam na init na init,
 taglay ang alimpuyo’t dagudog,
 hindi kami pinatulog kagabi
 habang pinalulubog kami
 sa sindak
 kasabay ng hagibis ng agos ng ilog
 na pinagpapantay sa baha ang mga bahay.
  
 Nang makaraos ang kalikasan,
 para kaming kuting na iniluwal sa banlik,
 kumakawag-kawag, nang dahil sa pag-ibig. 
Alimbúkad: Unwavering poetry soul. Photo by Aleksandr Nadyojin on Pexels.com

Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Paaralan

Roberto T. Añonuevo

Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.

Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.

Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.

Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.

Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Tuhan, ni Roberto T. Añonuevo

Tuhan

Roberto T. Añonuevo

Kasinglaki ng dulo ng hintuturo ang mga kontinente
ng impormasyon—parang panaginip o bangungot—
. . . . . . . . . . . . . . . .  . , ,at sa isang iglap, makagigiba ng dibdib
at bahay; at ang gusali, gaano man katagal ipinundar,
ay nakatakdang magwakas at magsilbi sa pagpapahaba
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga bagong pampang.
Ingatan ang hintuturo.
Baka iyan ang lagusan tungo sa kubling-kamalayan.

Kapag naipit ang iyong daliri, o minalas na maputol
sa kung anong katwiran, ang karunungan ay espasyo
na magdiriwang sa siklo ng alingawngaw at kagutuman.

May sampung daliri, ngunit naiiba ang nakapagtuturo.

Ang memorya mo’y katumbas ng magagarang aklatan,
na magpapanalo sa ahedres at huhula ng mga bagyo.
Gayunman ay hindi ito madarama at walang pandama.

Mag-iisip kang nanunurot, at matututo ng panunumbat
ang bilyong daliring katumbas ng pindot o tinig o alon.

Gagayahin nila ang iyong daliri.

Hindi ba napahihinto ng lagnat ang trapik ng obrero
at ang mga palengke’y kontaminadong libingang
kahihindikang lingunin, kung hindi man dalawin?

Kumusta, kabalikat?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Kung maglaho kang anino’y
tiyaking maililipat sa dulo ng aspile ang utak o haraya,
at mapasakamay ng iba.
(Ganiyan ang pagpapaliit ng uniberso sa isang berso.)
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa gayon, maireresiklo ang lihim
at katangahan at katotohanan, saka maaangkin ng iba
ang mga bantayog at libong limbagan.

Kapag nawala ka’y isisilang ang sangkatauhan.

Mapaiikot na ruleta ang mga lunggating ikinakahon,
ikinakarga, iniluluwas sa ngalan ng mga kasunduan.

Malalaos ang silbi ng raket at submarino, at mauuso
. . . . . . . . . .ang saranggolang lumulupig,
ngunit mananatili ang mga pambihirang hintuturo

para sa kapayapaan.

Ano nga ba iyan kung ihahambing sa maginhawang
paghinga? Magkano ang simoy ayon sa mga baraha
ng hinaharap?

Sapagkat nasa iyong hintuturo ang kawan ng balang
at nag-iisang uwak sa huklubang tuod ng bakood,
ingatan ang daliri.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ingatan ang dulo ng daliri.

At kung ang kabulaanan ay makagagaan ng puso,
makaaasang maitutuwid ng isang hinlalato
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang paghuhugas ng kamay.

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.

Kamatayan sa Tatlong Tinig, ni Edith L. Tiempo

Salin ng “Death in Three Voices,” ni Edith L. Tiempo
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kamatayan sa Tatlong Tinig

Binabaklas natin ang huklubang baláy.
Ang yumaong matatanda ng angkan
Ay dumadagundong sa mga tinig
Na lalong pinaaalab ng pagkakawalay.

Ngunit higit na nagpalalayô
Ang mga hiyaw ng talaksan at hubog,
Ang mga tinig ng mga dingding, ng sahig,
Ang lumang bahay na pinaaalunignig
Ang mga hininga pabalik sa sarili.

Hinubdan natin ito nang lubos
Ng andamyo at balangkas,
Nananatili ang mga tunog
Na nakatali sa kanilang ayós na bilibid,
Para habambuhay na pigain sa plano
Na maging tunay na walang tirahan.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity. Yes to poetry! Pass the word. Make a difference in this world.

Ang Arboleda, ni Octavio Paz

Ang Arboleda

Salin ng “La Arboleda” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dambuhala at solido
…………….. . . . . . . . ……..ngunit umuugoy,
ginugulpi ng hangin
……………. . . . . . .  ……….ngunit nakakadena,
humihikbi ng milyong dahon
na humahampas sa aking bintana.
 . . . . . . . . . . Aklasan ng mga punongkahoy,
sulak ng malamlam, berdeng tunog.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. Ang arboleda,
na biglang nanahimik,
. . . . . . . . . . . ay sapot ng mga pakô at sanga.
Ngunit may maaalab na párang,
. . . . . . . . . . . . . . . . .at ang mahulog sa lambat
nito—balisa,
. . . . . . . . . . . . . . .  .humihingal—
ay marahas at marikit,
isang hayop na maliksi’t mabangis,
ang lawas ng liwanag sa mga dahon:
 . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ang araw.

Sa kaliwa, sa tuktok ng pader,
. . . . . . . . .. .matimbang ang diwa kaysa kulay,
tila langit at hitik sa mga ulap,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . tisang asul na sanaw,
pinaliligiran ng tipak, gumuguhong bato,
. . . . . . . . . . . . . . . dumadausdos ang buhangin
sa embudo ng arboleda.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Sa gitnang rehiyon,
ang malalapot na patak ng tinta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay bumatik
sa papel na pinasisiklab ng kanluran;
itim halos ang naroroon,
. . . . . . . . . . . . . . . . .  .sa dulong timog-silangan,
na ang panginorin ay humahagulgol.
Ang lilim ay naging tanso,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . sakâ kuminang.
. . . . . . . . . . . . . . . Tatlong uwak
ang naglagos sa lagablab at lumitaw muli,
. . . . . . . .  .wala ni sugat,
sa hungkag na sona: hindi sinag o lilim.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Ang mga ulap
ay unti-unting nalulusaw.

Sinindihan ang mga ilaw sa bahay.
Natipon sa bintana ang himpapawid.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ang patyo,
na ikinulong sa apat na dingding,
. . . . .. . . . . . . .  . . . . ..ay naging liblib na liblib.
Ito ang kaganapan ng realidad nito.
. . . . . . . . . . . . . . . .At ngayon, ang basurahan,
ang pasông wala ni halaman,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa bulag na semento
ay walang ibang taglay kundi anino.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Pumipinid ang espasyo
nang kusa.
. . .Marahang naninindak ang mga pangalan.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs! Stand up against the climate of fear.

Ang mga Ikon, ni James K. Baxter

Salin ng “The Ikons,” ni James K. Baxter ng New Zealand
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Ikon

Matigas, mabigat, mabagal, madilim
O yaon ang nabatid ko, ang mga kamay ni Te Whaea

Na tinuturuan akong yumao. Sasapit pagkaraan ang gaan
Kapag ang puso’y nilusaw ang di-makatarungang pag-asa

Para sa natatanging trato. Ngayon, bitbit ko ang balde
Sa binakurang bukirin ng mga musmos na damo,

Na maselan gaya ng malalapad na dahon ng pakô,
at naghahanap ng mga kabute. Sandosena ang nakita ko,

mumunti ang karamihan at kinain ng mga uod ang iba,
Ngunit isasahog ko pa rin sa sopas. Napakatagal na

Mula nang bumagsak ang mga dakilang ikon,
Diyos, Maria, bahay, sex, panulaan,

Alinman ang ginagamit ng ibang tao bilang tulay,
Para tawirin ang ilog na iisa ang pampang,

Kahit ang ngalan mo’y paraan ng pagsasabing—
‘Ang puwang sa loob ng abrigo’— ang dilim na tinawag

Kong diyos, ang dilim na tinatawag kong Te Whaea,
Paanong isasalin ang bughaw, payapang langit ng gabi

Na nilalagusan ng eroplano, gaya ng putakti o baldeng
Tangan, tungo sa kung saan? Naghanap ako ng kabute

Sa mga parang, at bumigwas ang kamao ng pananabik
Sa aking puso, hanggang walang maaninag sa dilim.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights at all costs! The train of change is coming.

Paumanhin, ni Roberto T. Añonuevo

Paumanhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Huwag banggitin ang salita kapag nagbunga ang mga gawa o pagtangging gumawa. Ang iyong mga gawa ay maaaring simbuyo ng mainiping paa o naglalagablab na puso, o balani ng pangarap na simbigat ng lungsod, ngunit ang anumang pasiya mo ay higit sa itinakda naming tama o mali. Mahilig kaming gumuhit ng linya, na maaaring laós at sinauna, at ang linyang ito ang magsasabi kung ano ang dapat ulam na isusubò nang walang pagtatanong, o kaya’y ang damit na isusuot sa okasyong inimbento namin, gaya ng binyag, nang walang pakialam kung ibig ng binibinyagan ang panínindigán niyang pananampalataya—kung sa hinaharap, ito ay maging bibitayan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang iyong mga gawa ay lampas sa haligi ng bahay na bato sa aming isip. Maaaring iba ang iyong muhon sa itinakda naming muhon, at kung ito ay hindi mo nakita sa kung anong katwiran, o hindi namin namalayan sanhi ng nagbabagong simoy, ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay natauhan ka kung paano sasandig sa haligi at makinig sa lindol ng sahig sa tumpak na pagkakataon, at pahalagahan ang ilaw sa minimithing silid may bagyo ma’t may dilim. Magtatayô ka ng sarili mong tahanan balang araw, maghahayag ng sariling batas na tatawagin mong pananaw, at kung hindi kami makasakay sa iyong opinyon o panukala, madali naming huhugutin ang kawikaang paalis ka pa lámang ay nagbabalik na kami sa pook na sinilangan.

Huwag banggitin ang salita, kung ang katumbas niyan ay pahupain ang ulan ng bato’t alimura nagmula man ang utos sa hari. Ang hari ay nakapagsasalita sapagkat inaakala niyang siya ang may-ari ng buong bayan. Kung ang bayan na ito ay napariwara, sanhi man ng digma o bagyo o salot, ang hari ay susurutin ang kaniyang matatapat na kawal o alalay o tagapayo, at ipatatapon ang ilan kung kinakailangan, ngunit hinding-hindi aamin sa kaniyang kakulangan ni katangahan. Huwag banggitin ang salita, at humarap sa hari, at ipamukha sa kaniya na ang kaniyang mga kawal ay sumusunod nang bulag upang manatili sa poder, gaya ng sapilitang pagdukot sa kawawang mamamayan, at paghahain ng kung ano-anong kaso na tinitimpla tulad ng keso.

Huwag banggitin ang salita, kahit nabatid mong nasaktan kami sa iyong pagkawala. Totoong tumitigas ang ulo gaya ng bato (at kailangan iyan para proteksiyon sa utak), ngunit bakit namin palalambutin ang iyong loob sa pamamagitan ng pingot o bugbog? Kailangang tumigas ang iyong ulo, gaya ng kailangang magkasungay ng kalabaw nang maipagtanggol ang sarili. Ngunit matutong mag-isip, na ang hangin na iyong langhapin ay nagiging pangalan mong mahangin—na para sa iba’y hindi basta pagbubuhat ng bangkô, bagkus pagpupundar ng enerhiya kahit nasa tuktok ng mga bundok. Huwag mangamba kung nasaktan ang aming loob. Nasasaktan kami hindi dahil matigas ang iyong ulo. Nasasaktan kami dahil kahit noong tumigas ang aming ulo ay hindi kami nagtangkang sumubok, gaya mo, na tumindig sa tungki ng bangin, at naduduwag kami sa pangitain ng pag-iisa sa sasapit na takipsilim.

Huwag banggitin ang salita, sapagkat sapat na ang iyong titig na nag-iiwi ng libong pahiwatig. Hindi kami naghihintay sa iyong kumpisal, sapagkat sino kami para magbasbas ng kapatawaran? Wala kaming pangakong paraiso, gaya ng Bembaran na nalunod sa limot. Sasabihin ba ng pastol na isa lámang ang itim na kambing, na karapat-dapat maging papaitan? At ano ang dapat maging asal ng kawan ng kambing? Na sumusunod ang bawat isa katumbas ng tubig o damo o sisilungan, at hindi dapat ihain sa darating na pista? Huwag banggitin ang salita, subalit tandaan ang pilat na tinamo sa pagtataksil o pagkadapâ. Tandaan ang patalim, na sumasakyod nang may pagkukunwari, o pumupungos sa iyong paglabay o paglago. Tandaan ang lahat ng bituin na naging patnubay sa kinatha mong paglalayag o pagtatanim. At sa sandaling tumatag ang mga tuhod mo, at lumapad ang mga balikat sa pagpasan ng mundo, huwag pagsisihan ang matataas na pader. Tumindig nang taas-noo. Mabubuwag ang mga pader, at maglalakad kang magaan, gaya ng paslit na isinilang na walang utang, walang batik mula sa wika ng Maykapal.

No to illegal arrest. No to war. Yes to peace and social justice.