Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo, ni Anne Sexton

Salin ng “Noon walk on the asylum lawn,” ni Anne Sexton ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo

Ang sinag ng tag-araw
ay pumaling sa mapagdudang punongkahoy,
bagaman binabagtas ko ang lambak ng anino.
Hinigop nito ang hangin
at hinanap-hanap ako.

Nagsalita ang damo.
Dinig ko ang damuhang humihimig maghapon.
Di ako takot sa masama’t walang masamang
kinasisindakan.
Ang mga dahon ay humahaba
at inaabot ang aking dinaraanan.

Napunit ang kalangitan.
Lumaylay ito at huminga sa aking mukha
sa harap ng mga kaaway ko, kaaway ko.
Ang daigdig ay hitik sa mga kaaway.
Wala nang ligtas na pook.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Casey Botticello @ unsplash.com

Araw, ni Roberto T. Añonuevo

Araw

Roberto T. Añonuevo

Kapág umíbig ka, ang bató ay nagkakábagwís úpang maabót
Ang úlap, at pagkaraán, uulán díto sa áking kinatatayûan.
. . . . . . . .Kapág umíbig ka, ang luhà ay nagíging sariwàng talón
Sa galaktíkong bundók, at maiinggít ang sinaúnang disyérto
Na naípon sa áking loób na nahahatì sa poót at lungkót.
Kapág umíbig ka, ang búkid ay elektroníkong kabáyo
Na tumatakbó, at isinasakáy akó pára mabatíd ang igláp.
Kapág umíbig ka, ang kisáp ay eternál sa walâng bisàng baít.
Kapág umíbig ka, kumukulóg at kumikidlát, at humahángin
. . . . . . . .Nang malakás; at kung itó ang áking muntîng wakás,
Ang pag-íbig mo’y kay lamíg sa nilalagnát na gabí ng mgá aklát.

Kapag walang takot ang diwa, ni Rabindranath Tagore

Salin ng “Chitto Jetha Bhayshunyo,” ni Rabindranath Tagore ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag walang takot ang diwa

Kapag walang takot ang diwa at taas-noo ang paglalakad
Kapag malaya at ni walang sukal ang mga karunungan;
Kapag ang mundo’y hindi na muling magkakadurog-durog
Sa makikitid na panloob na moog na matatayog;
Kapag ang salita’y umaahon sa pusod ng katotohanan;
Kapag iniunat nang ganap ang matitiyagang kamay;
Kapag hindi naliligaw ang malinaw na batis ng bait
Sa madidilim na disyerto ng mga patay na kaugalian;
Kapag ang isipan ay kinakasangkapan nang pasulong
Tungo sa papalawak na pagninilay at pakikibaka,
Tungo sa kalangitan ng minimithi’t inaabangang kalayaan,
Ama ko, pukawin mong lubos ang aking lupang tinubuan.

“Gabi,” ni Agostinho Neto

Gabí

Salin ng “Noite,” ni Agostinho Neto ng Angola.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Namumuhay ako
sa madidilim na baryo ng mundo
nang walang liwanag at búhay.

Pakapâ-kapâ ako habang naglalakad
sa mga lansangan
sumasandig sa bulong ng pangarap
natatalisod sa kaalipnan
sa hangad na makamit ang pag-iral.

Mga baryo ng pang-aalipin
mga mundo ng pagdurusa
mga baryo ng karimlan.

Doon nalulusaw ang bait
at nalilito ang mga tao
sa kung ano-anong bagay.

Naglalakad ako
nang hindi nadarapa
sa mababatong lansangang
ni walang ilaw
ngunit may lihim na hiwaga
at lagim ng mga multo.

Malamlam ang magdamag.

Ang Hilig ng mga Lalaki

Salin ng tulang “What Men Want” ni Laura McCullough
Salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG HILIG NG MGA LALAKI

Hindi naman ito misteryo. Tsupain lamang.
Kausapin ang sinumang lalaki na maluwag
magkukuwento sa iyo ng mga usapang barako,
at aamin siya. Kainin. Tsupain siya.
Makipaghuntahan sa aling pangkat ng babae
at kukumpirmahin nila ang katotohanan.
Pagkatapos sumang-ayon, magbibiro sila
hinggil sa pagkaubos ng dugo sa utak,
at aastang nakaamoy ng mga bayag na hindi
lamang angkin ng mga lalaki. Makipag-usap
sa mga lalaki nang mag-isa, o may kapares;
magiging tapat sila, at waring magugulat,
at pabulong na magwiwika para maglingid.

Ang binatilyong isinusupot ang iyong pinamili,
ang matandang lalaking naghahatid ng pizzang
hindi mo na kayang iluto, ang kabataang kawal
na galing sa Iraq at kuyom ang kaniyang betlog,
ang anak na lalaki ng iyong kapitbahay
na sabik sumama hangga’t makakaya niya:
ngitian sila, anuman ang kanilang sabihin
hinggil sa mga anyo ng ngiti at panunupil.
Hipuin sila, at kung makalulusot ka,
halikan sila, halikan nang halikan silang lahat,
magpaalam, mangumusta, sa lahat ng publikong
pagtitipon na libre ang beso-beso, at bumulong
ng mga salitang hindi ginagamit na hudyat
sa kanilang mga kapisanan sa mga kahuyan.
Magsimula sa salitang misteryo. Huwag huminto.

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré

"Pagpapalayas kina Eba at Adan sa Paraiso," ni Paul Gustave Doré