Lungsod, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Ville,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lungsod

Pansamantala ako, at hindi gaanong malungkot tulad ng mamamayan ng metropolis na itinuturing na moderno, dahil lahat ng kilalang panlasa ay iniwasang mabakás sa mga muwebles at eksteryor ng mga bahay, gayundin sa pagkakadisenyo ng lungsod. Wala ritong matatagpuang anumang monumento ng pamahiin. Pinapuról sa mga payak na pananalita ang moralidad at wika, sa wakas! Ang milyon-milyong tao na ito, na ni hindi magkakakilala, ay nagsasabúhay ng edukasyon, kalakalan, at pagtanda nang magkakahawig, na ang landas ng kanilang búhay ay ilang beses na maikli ang haba kung ihahambing sa isinisiwalat ng mga gagong estadistika na laán sa mga tao ng kontinente. Samantala’y tanaw ko mula sa bintana ang mga bagong multong tumatawid sa makapal at eternal na usok-karbon ng lungsod—ang lilim ng ating kahuyan, ang gabi ng tag-araw!—ang bagong Erinyes sa harap ng aking tirahan na bayan ko at lubos na itinatangi ng loob yamang kahawig nito ang lahat!—ang kamatayang hindi natumbasan ng luha, ang masisigasig nating anak at alila, ang desperadong Pag-ibig, at ang nakabibighaning Krimen na sumusungaw sa maputik na kalye.

Aliw-iw

Aliw-iw

Humahagibis ang sasakyan palabas sa kumikislap, maalinsangang lansangan. Umalimbukay ang alikabok na tumakip sa nakaraan, at pumasok sa aking guniguni ang iyong lastag, mamula-mulang talampakan. Sinundan ko ang bakás ng mga paa sa kung anong katwiran, lumundag-lundag sa gusot-gusot na palaisipan, saka nang mapaluhod at magutom ay pusong mamon ng birheng matimtiman ang nalasap nang taliwas sa inaasahan.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 18 Nobyembre 2009.

Kuhang larawan ni Jon Sullivan, at hango sa Public Domain Photos.com