Ikalabintatlong Aralin, ni Roberto T. Aňonuevo

Ikálabíntatlóng Aralín

Roberto T. Aňonuevo

Nabubúhay ang mga salitâ sa gabí ng lamayán, tinútumbasán ng mga panúto, at kung nagkátaóng tawágin itó na dúplo ng Bíyernes Sánto ay sapagkát hinihingî ng pagkakátaón na patayín ng mga talinghagà ang iníp at hápis, bukód sa pinábubukál ang tamís at galák sa pánig ng bálo’t mga náulilà sa pamámagítan ng hánay ng mga bélyakang ináasintá ng mga bélyako na kung makátikím man ng pálmatóryá ay katanggáp-tanggáp sa matatálo. Ang mga salitâ ay isá ring tulâ, pinagsásalúhan ng madlâ at pinagníniláyan at biníbigkás nang buông talísik at tiwalà (imbés na ikulóng lámang sa papél pára págpistahán ng iiláng mahílig magkulóng sa silíd at magbasá, bukód sa tátanggí itó sa monopólyo ng ímprenta at elektrónikong padér). Túlad mo’y may kakayahán itóng magbanyúhay na kulasisì na mátagintíng ang tínig at kay lamyós bumírit sa sandalîng sagápin ng ísip itúring mang kagilá-gilalás na guníguní o panagínip, na maráhil makapagpápabángon sa bangkáy mulâ sa ataúl kung hindî man ng líhim sa maluwág na pantalón. Hábang lumalálim ang gabí, at nagsísimulâng kumalás ang buwán sa úlap, magdáraán ang máhalumigmíg na símoy, sakâ madáramá nang sagád sa butó ang paligsáhan sa pukól ng mga páhiwátig, na maglílitánya ng parátang at maglálantád ng mga pasaríng at palipád-hángin úpang sagutín ng kalában, hinahámon ang kaúsap mag-isíp nang walâng kútelo’t pabúlik-búlik, at hinahátak ang mga saksí na mapániwalà, mapáhangà, mapáhagikgík. Ang lamayán ang últimong larángan ng talinghagà, isáng ehersísyo ng paghúgot ng sundáng o káli, na karugtóng ng masíning na pagwáwasíwas sa hángin bágo magpakáwalâ ng búhat-áraw úpang salagín ng kátunggalî, ngúnit walâng dugông dadának, walâng búbulagtâ, at sa halíp, aápaw pa ang galák at hiyáwan sa muntîng bakúran. Sapagkát tulâ ang mga salitâ, ang répresentasyón nitó’y may kakayaháng magpátalón-talón sa ibá’t ibáng panahón, na ang halímaw ay hindî manánatíling asuwáng o león hábambúhay, bagkús pápaloób din sa gáya ng matiník maglarô ng básketbol o maglutò ng sinigáng. Ngúnit ang lahát ng itó’y pánandalî samantálang nalálaós ang ritwál ng paglalámay at nauúbos ang mga kaibígan sanhî ng digmâ at sálot. Kapág walâng pagpapáhalagá sa mga alaála at kamatáyan, walâ na ring silbí pa ang lamayán káhit sa nabubúhay kundî manghingî ng abúloy o magíng katwíran sa pagpúpusóy. Sa gabí ng lamayán, tangìng makatà ang makákaniíg mo—ngayón man o sa hináharáp—na magpápasiyáng ilibíng ka sa papél at mahalín at gawíng ínmortal nang higít sa balagtásan, iníwan man siyá ng kaniyáng músa na tumákas at nagtagò sa iláng.

Alimbúkad: Epic wave poetry solidarity with Ukraine. No to Wars! Yes to Humanity! Photo by KoolShooters on Pexels.com

Balagtasan para sa Madla

Mababago ang topograpiya ng pag-aaral sa balagtasan nang ilathala ng Ateneo de Manila University Press ang Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) ni Galileo S. Zafra. Pambihira ang aklat ni Zafra dahil sa angkin nitong mapaghawang saliksik, sariwang pagbasa ng datos, at matalim na pag-urirat sa estetika at ugat ng balagtasan. Bagaman ang mga halimbawang balagtasan sa naturang aklat ay binawasan ng pabliser dahil sa pagsasaalang-alang sa badyet, hindi nagkulang ang aklat sa dapat nitong lamanin. Ang aklat ni Zafra ay inirerekomenda kong ihalili sa mga pag-aaral ng balagtasan, imbes na pagtiyagaan ang mga halimbawang tekstong inilalahok sa mga teksbuk sa matataas na paaralan sa kasalukuyan.

Hari ng Balagtasan

Jose Corazon de Jesus: Hari ng Balagtasan

Bumunsod ang balagtasan mula sa popular noong “duplo,” ayon kay Teodoro E. Gener, at ginamit ang elemento ng pagtatagisan ng dunong at bait sa pamamagitan ng mabubulaklak na pananalita at matatalim na pananalinghaga.  Ang “duplo” ay isang uri ng larong patula tuwing may lamay na laan para aliwin ang mga naulila’t bisita, at karaniwang ginaganap sa loob ng bakuran o kamalig. Ang balagtasan, na ikinabit sa pangalan ni Francisco (Balagtas) Baltazar, ay masasabing isang uri ng pagpaparangal at paggunita sa dakilang makata ng Katagalugan at pagpapahalaga sa pampanulaang pamanang iniwan niya sa sambayanan.

Kung ang duplo ay gumagamit ng mga tauhang gaya ng “Hari” (patnugot ng duplo),  “Manduduplo” (na tinatawag ding “duplero” o “duplera”), “Belyako” (lalaking makikipagduplo), “Belyaka” (babaing makikipagduplo), “Piskal” (tagausig), “embahador” (tao na nananawagan sa dakong labas at ibig lumahok sa laro), ang Balagtasan ay kumasangkapan ng mga salitang gaya ng “Lakan Diwa”, “Lakan Ilaw,” at “Gat Payo” o “Gat-Usig” na pawang pinakalupon ng Katarungan; dalawang makatang magtatagisan; at isang “Paraluman” (ang babaing ipinagsasakdal o ipinagtatanggol ng makata).

Hindi umano sumangguni sa anumang aklat ang Kapulungang Balagtas—na pangkat ng mga makatang Tagalog na unang pinamunuan ni Rosa Sevilla—nang gamitin nito ang salitang “Balagtasan.” Ngunit nakalahok na sa diksiyonaryo ni Don Pedro Serrano Laktaw ang salitang “Balagtasan,” “Balagtasin,” at “Balagtas” noon pa mang 1914, may sampung taon ang tanda bago itanghal ang kauna-unahang balagtasan sa Instituto de Mujeres sa Tayuman, Tundo, Maynila. Ang naturang mga lahok sa diksiyonaryo ay sinipi ni Gener nang buo. Ang “Balagtas” ay dagdag na apelyido (sobrenombre) ni Francisco Baltazar na awtor ng Florante at Laura. Ang “Balagtasin” ay ang pananalinghaga o pahayag na enigmatiko at may kubling pakahulugan. At ang “Balagtasan” ay tumutukoy sa pagkamalinaw, bukod sa singkahulugan ng “agtas,” “bagtas” “balatas,” “tapat,” at “tula.”

Walang sinulat na balagtasan si Balagtas. Kay Patricio A. Dionisio ikinabit ang karangalang sumulat ng kauna-unahang balagtasan sa Filipinas, nang ilathala ng Bagong Lipang Kalabaw noong 5 Abril 1924 ang kaniyang piyesang “Ibig-Sumali-Kung-Maaari.” Inilahok din ang panawagan sa mga makata na lumahok sa balagtasan, at kabilang dito ang pares na sina Rafael Olay at Tomas L. de Jesus; sina Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Pinakatanyag ang kina De Jesus at Collantes dahil kinakatawan nila ang dalawang samahan ng mga manunulat, ang “Ilaw at Panitik” at ang “Bulalakaw.”  Ang dalawang makatang ito ang kababaliwan ng madla, at hahabulin ng mga dalaga, dahil sa angking kisig, talino, at tinig bilang mambabalagtas.

Magkaibigang matalik sina De Jesus at Collantes, ngunit sa oras na umakyat sila ng entablado upang magbalagtasan ay animo’y mortal na magkaaway. Inilarawan ni Hernandez ang nasabing magkatunggali na tila “dalawang mandirigmang mabalasik at walang habag, na nagbabaka nang totohanan at walang pasintabi. Hindi ang gantimpalang salapi ni ang ngiti ng isang paraluman ang sa kanila’y mahalaga, kundi ang tunog ng palakpak ng kalahatan, ang sama-samang paghanga’t paggiliw ng madlang nanonood, ang matamis na tagumpay na gawad ng bayang tagahatol.” Anuman ang maging hatol sa balagtasan, dagdag ni Hernandez, ang dalawang makisig na makata’y walang imik na bababa sa entablado’t sasakay ng awtomobil nang hindi nag-uusap. Tahimik na tahimik ang paglalakbay. At magwawakas lamang ang gayong pananahimik kapag nagsalo na sa agahan ang mga makata sa Plaza Lunch o El Refugio, o saanmang sikat na restoran sa Escolta.

Magiging maalamat ang pagtatalo nina De Jesus at Collantes, dahil hindi lamang sila magtatagis sa ibabaw ng entablado hinggil sa isang “bulaklak” (babae) o “bituin” (reyna ng pista), bagkus papaksain kahit ang maiinit na usapin sa lipunan, mulang kultura at politika hanggang ekonomiya at kasaysayan. Ang balagtasan ay hindi lamang tagisan ng argumento, bagkus kasangkapan din para aliwin ang madla, at ipagparangal ang wikang umuugat sa ambag ng Tagalog. Hindi lamang sa Tagalog itatanghal ang balagtasan bagkus tatagos kahit sa Iluko (Bukanegan), Kapampangan (Crissotan), Sebwano, Ilonggo, Espanyol, Ingles, at iba pang wika. Pinakasukdulan ang ganapin ang mariringal na balagtasan sa gaya ng Olympic Stadium, Opera House, at Teatro Zorilla na pawang maluluwang na lunsaran ng pagtatanghal at pinupuno ng libo-libong tao mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Hindi maglalaon ay magiging inspirasyon din ang balagtasan para itanghal sa teatro, radyo, telebisyon, at isaplaka sa ilang pagkakataon.

Naging tanyag ang balagtasan dahil sa mga sumusunod na elemento: una, ang pang-aliw sa madla; ikalawa, ang pagpapamalas ng talas ng pangangatwiran; ikatlo, ang pagtatampok ng mga pambihirang kaalaman sa madla;  ikaapat, ang kadalubhasaan sa sining ng tula at pabigkas na pagtula; ikalima, ang pagiging patas sa pagpapasiya kung sino ang magwawagi, alinsunod sa itinakdang patakaran ng tagisan; at ikaanim, ang pagsangkot sa madla bilang kabahagi ng gayong masining na pagtatalo. Sumikat sina De Jesus at Collantes, halimbawa na, dahil bukod sa pagiging guwapo at makisig ay batid nila ang sining ng pagtula. Hindi humaharap sa madla ang dalawa nang walang puspusang paghahanda, at itinuturing ang bawat laban na tila iyon na ang pangwakas nilang paghaharap. Ang gayong mataas na paggalang sa taumbayan ay mahirap nang mapantayan sa ngayon, kahit ng mga politikong nagtatalo-talo sa batasan.

Hindi lahat ng balagtasan ay seryoso ang paksa. Hindi rin lahat ng balagtasan ay sinulat ng dalawa o higit pang tao. Ang mga sikat na mambabalagtas noon, gaya nina De Jesus at Collantes, ay siyang sumusulat ng isang mahabang balagtasan. Sa kasalukuyan, tanging sina Teo T. Antonio, Michael Coroza, Vim Nadera, Raul Funilas, at kung minsan ay si Rio Alma na lamang ang paminsan-minsang nagpapaunlak ng balagtasan. Nagtungo ang pangkat, maliban si Funilas, minsan sa Honolulu, Hawai’i , at doon ipinamalas sa mga manonood kung bakit kahali-halina ang balagtasan.

Sanggunian
1. Collante, Gloria T. “Ang Pagkaunlad ng Balagtasan”. Makinilyado, walang tiyak na petsa, at hango sa koleksiyon ni Florentino T. Collantes na nasa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
2. Gener, Teodoro E. Duplo’t Balagtasan. Manila: Institute of National Language, 1949.
3. Hernandez, Amado V. “Batute at Collantes: Dalawang Hari”. Mayo 25, 1958. Makinilyado na may lagda ni Hernandez.
4. Zafra, Galileo S. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.

Ang Dakilàng Makatà

José Corazón de Jesús

José Corazón de Jesús

Maálinsángan ngúnit nánanabík ang buông plása nang gabíng iyón. Nagsimulâ nang magtípon-típon ang mga táo. Nagháhabulán ang iláng batàng uhugin paikót sa mga kawáyang upúan. May limá o ánim na dalágang naghuhuntahan, hábang nágpapaypáy, sa tabí ng póste ng koryénte. Samantála, ang mga  binatà’y nagsimulâng umáwit ng kundíman, at tíla nagpápalipád-hángin. May mga tindérang naglalakò ng kakanín, tabáko, ngangà, tinápay, at ibá pang bágay sa halagáng isá o dalawáng kusíng. Hábang lumaláon,  lumakás nang lumakás ang lagitík ng mga bakyâ sa loób ng plása. At ang gabí’y may kung anóng kutítap pára sa bituíng pandangál.

Mayá-mayá pa’y dumatíng ang kalésa na hinihíntay ng lahát.

Bumabâ sa sasakyán si José Corazón de Jesús na nakabaròng Tagálog na yarì sa husì, at binagayan ng putîng pantalón at sapátos na putî. Pinagkáguluhán si Huséng Batutè—ang paláyaw ng makatà—ng mga dalága, at humintô ang awítan ng mga binatà. May tatló o ápat na laláking umalálay sa nasábing makatà paakyát sa entabládo. Magálang na bumatì si Huséng Batutè sa mga táo, at tinugón namán siyá ng mga sigáw, paswít at palakpák. At nang siyá’y magsimulâng tumulâ nang maálab, lálong napaíbig ang mga binibíni. Humangà ang mga kabatáan. Nápailíng ang alkálde’t kapitán. Natigalgál ang kúra paróko’t napápalakpák ang matatandâ’t batàng matiím na nakíkiníg. 

Kumálat ang sarì-sarìng opinyón úkol sa nasábing makatà, makaraáng bigkasín niyá ang mga tulâ ng pag-íbig at pagbabalík. May iláng napaluhà at naantíg. At may iláng natuwâ, hábang ang ibá namán ay nainís, sa mga usápang walâng kaugnáyan sa pánitikán o tulâ. Lumagánap din ang ibá’t ibáng puná, balità o tsísmis, na pawáng nagpatingkád sa alamát at gayúma ni Huséng Batutè. Ngúnit may iláng nayamót, at nainggít. “Síno ba iyáng binatà?” usig ng isáng dáyong nagpakilálang si Alejandro. “Nawá’y si Huséng Batutè’y hindî multó lámang niná Huséng Sísiw at Balagtás!”

Batutian: Diyalogo sa Tula

Malaki ang naging impluwensiya ng balagtasan sa buhay ng mga Filipino noon, dahil sa unang pagkakataon ay nasilayan sa entablado ang paligsahan sa pagtula at pangangatwiran ng dalawang makata. Ang balagtasan, na hango sa pangalan ni Francisco Balagtas, ay lumitaw noong 1924, at lumunsad sa dating popular na duplo. Pinakatanyag sa lahat ang pares na Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes, na walang makahihigit hangga ngayon. Ngunit hindi magtatagal ang balagtasan, dahil na rin sa pagsulpot ng radyo at telebisyon, na pawang pumatay sa halina ng entablado.

Ang mahika ng balagtasan ay malilipat sa mga magasin o pahayagan, at ilalathala noong 1940 sa magasing Mabuhay Extra ang balagtasan nina De Jesus at Amado V. Hernandez, kahit may walong taon na ang nakalilipas nang yumao si Batute. Samantala, lilitaw ang isa pang uri ng balagtasan, na tatawagin noong “batutian” na hinango naman sa pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus.

Kabilang sa mga katangian ng Batutian na lumabas sa mga magasin noon ang pagtataglay ng siste, ang pagtalakay sa kasalukuyang isyung pampolitika o pangkultura, ang pag-antig sa damdamin ng mambabasa, ang pagpapalitan ng katwirang maaaring taglayin ng magkatunggaling sektor. Ang daloy ng pangangatwiran ay maluwag ang lohika, at hindi tulad sa mga tekstong prosa. Heto ang halimbawa ng Batutian na nalathala sa Sinag-Tala noong 1946, at isinulat ng di-nagpakilalang awtor, na makikilala pagkaraan na si Manuel Principe Bautista na noon ay katuwang na editor sa naturang magasin.

Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa (Batutian)

Lakambini (kay Huwan):

Namamanaag na sa dakong silangan
Ang kulay ng iyong magandang liwayway;
Bukas, sa pagsikat ng palalong araw,
Isa kang watawat na mamamagayway!

Mula sa Kanluran: dinala ng alon
Sa iyong pasigan ang tapat na layon;
Sa buton ng abo: ikaw ay babangon
Na malayang bayan sa habang panahon.

Paulo:
Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod
Ng isang kasama sa tuwa at lungkot,
Binabati kita: ang tapat na loob
Ay madarama mong laging naglilingkod.

Huwan:
Tapat na dibdib ay iyong damahin
At pasasalamat ang tibok na angkin
Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim
Habang ang silangan ay silangan pa rin.

Paulo:
Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo,
Ako ay may isang mungkahi sa iyo:
Tagolog na ingles ang panukala ko
Na wikang gamitin-du yu get mi ako?

Huwan:
Ano, mister Paul, nalalaman mo ba
Kung ano ang iyong tinuran kanina?

Paulo:
Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds
Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles?

Huwan:
Sa iyong sarili’y manainga ka nga,
Kung ano ang iyong dinalit na wika;
Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa:
Anong wika iyan-mestisong baluga?

Paulo:
Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan
Ang ingles na wika ay pangyunibersal;
Bilang isang nesyon: kinakailangan
Na maanderstan ka ng iba pang bayan.

Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang,
Di maikukumper sa Ingles, mister Wan;
At sa diplomatik na mga usapan,
Magagamit mo ba ang langweds mong iyan?

Huwan:
Dapat mong mabatid na ang pagkabansa
Ay makikilala sa sariling wika,
Bakit pipiliting ako’y magsalita
Ng wikang di akin-hiram at banyaga?

Paulo:
Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap
Ay wikang mula pa sa ibayong dagat?
Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad
Gayong wikang hiram ang aming binigkas!

Huwan:
Kung iyan ang iyong wikang sinasabi,
Wikang pinagmula’y higit na mabuti.

Paulo:
Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi
Ang ginamit lamang ay wikang sarili;
En wat is di risolt op dat pangyayari,
Natutong sulatin ay magulong kandyi.

Huwan:
Nakakatawa ka, hindi naging hadlang
Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal;
Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan
Ay dala ng kanyang mga kaimbutan.

Paulo:
Kaya tingnan natin kung saan hahantong
Ang nasyonal langweds na onli por pinoy.

Huwan:
Ang nakakatulad nitong pagtatalo:
Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo;
Ang wikang Tagalog naman ay adobong
Masarap sa akin nguni’t di mo gusto.

Dapat mong malamang ang wikang pambansa
Ay kinamulatan mulang pagkabata;
Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . .
Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa!

(Wakas)

Mula sa Sinag-Tala, Hunyo 20, 1946, pahina 8, at orihinal na akda ni Manuel Principe Bautista. Malalathala muli ito sa aklat na 2: Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo (UP Press, 1998, mp. 68–72).