Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo, ni Pablo Neruda

Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo

Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ewropa, ni Werner Aspenström

Salin ng “Europa,” ni Werner Aspenström ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ewropa

Mga huklubang bangkô at katedral,
Mga kornamusa at Zeppelin,
Mga molinong walang mga bagwis.
Mga lalaking nakagora ng balát ng oso.
Mga babaeng may putong na paboreal.
Mga batang mas mapayat sa alambre.

Paano gugunitain ng kapitan ng barko
Ang lahat ng alamat ng nangaglahông isla?
Ewropa?
Anong taon iyon?
Tag-araw ba iyon o taglamig?

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Ang mga Tuta, ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Tuta

Roberto T. Añonuevo

Walong tuta ang nananaginip ng mga utong,
ito ang haka mo, at ang gatas ay napakalayong
pantalan na dapat tawirin — sa kisapmata.

Umihip ang simoy, at mula sa alimbukay
ng alikabok ay tumatakbong naghahanap
ang isang aso,
na sa iyong tanaw ay naging tao,
at ito ang paraiso sa mga supling ng lupa,
o kung hindi’y bunganga ng impiyerno.

Umiiyak ang mga tuta, at umiiyak
ang lupa na yumayanig wari dahil sa awa.
Mga bulag silang nilalang na gumagapang.

Tumalikod ka ngunit naririnig mo ang tahol
ng paghangos at pagkalinga.
Ang tahol ay paos, at tumatagos sa balát.
Maya-maya’y umalulong ang karo ng dyip.
Lumakad ang nagdadalamhating mga gulong,
at sa bodega ng iyong gastadong guniguni
ay pumaloob ang mga nagugutom na hayop.

Kinusot mo ang iyong paningin.
At nang buksan mo ang kalooban sa tagpo,
ang mga tuta’y iba-iba ang kulay sa malay.

Parang tao, wika mo, na alipin ng burukrata
o pangulo, at naghahanap ng pangako ng gatas
at pulut upang makaraos sa gutom at pangamba.
Ngunit ang gayong kuro-kuro ay kalabisan
sapagkat walang pakialam ang mga hayop
sa pagtitindig ng burukrasya at politika,
at hinding-hindi sasawsaw sa agawan ng poder.

Kinusot mo muli ang iyong paningin.
Gumapang ang walong tuta sa walong daan
tungo sa sariling kaligtasan, at higit kang nalito.

Ang walong tuta, sa pakiwari mo, ay kapatid
mong iniwan sa kangkungan isang gabi,
habang gutom na gutom ang kalan,
at kumikislap ang patalim sa paminggalan.
Nauulinig mo ang sumisiyap-siyap na motor.
Naghahalakhakan ang mga lasenggo,
at ang hapag ay nabuburyong sa liwanag
mula sa mga berso ng makatang San Miguel.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Tula ng Pag-ibig 8, ni Darío Jaramillo Agudelo

salin ng “Poema de amor 8,” ni  Darío Jaramillo Agudelo  mula sa Republic of Colombia.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Tula ng Pag-ibig 8

Ang dila, ang dila mong matalino na umimbento ng aking balát,
ang dila mong apoy na nagpaliyab sa akin,
ang dila mong lumikha ng kagyat na pagkabaliw, ng deliryo
ng katawang umiibig,
ang dila mo, sagradong latigo, matamis na bága,
panambitan ng apoy para mawala ako sa sarili, at magbanyuhay,
ang dila mong malaswa ang lamán,
ang dila mong sumusukò at naghahangad ng lahat ng sa akin,
ang dila mong akin lamang,
ang marikit mong dila na kumokoryente ng aking labì, at humuhubog
sa iyong katawan para dumalisay,
ang dila mong naglalagalag at tumutuklas sa akin,
ang napakaganda mong dila na nagwiwika kung paano ako iibigin.