Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon, at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.
Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung hindi man Harry Potter.
Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:
Biba Panyaaaaaaaaaa!
Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!
Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.
El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.
El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.
Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.
Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.
Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.
Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).
Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.
Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.
Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.
Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.
Ang Sasabitan ng ating Bandera
“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham
Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos
Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.
Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.
At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.
Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.
Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.
Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.
Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.
Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.
Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.
Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.
Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .
Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.
Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.
Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong
Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.
Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.