Kumusta, ni Benjamin Péret

Salin ng tulang “Allo ,” Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kumusta

ang eroplano kong nagliliyab ang kastilyo kong lubog sa alak
ang itim kong alikmatang ghetto ang aking taingang kristal
ang bato kong ipinukol sa buról ang dudurog sa pulis
ang ópalo kong susô ang aking lumilipad na lamok
ang burda kong ibon-ng-paraiso ang buhok na bulang itim
ang puntod kong bumukad ang pulang tipaklong na ulan
ang aking lumilipad na pulô ang aking turkesang ubas
ang kotse kong binangga ang kama ng ilahas na bulaklak
ang pistil ng amargon ko ang nakatimo sa aking mata
ang aking búko ng sibuyas ang nasa aking utak
ang aking usá ang gumagala-gala sa ilang sinehan
ang aking ataul ng araw ang aking prutas na bulkan
ang tawa kong kubling sanaw na lumunod sa propetang baliw
ang umaapaw kong groseya negra ang lilim na paruparo
ang bughaw kong talón ang daluyong sa tagsibol
ang nguso ng rebolber ko ang umaakit na sariwang balón
sinlinaw ng salamin na tinitigan mo ang mga tariktik
ng sulyap
na tumatákas at nangaglaho sa linong tabing na ikinuwadro
sa mga ibinurong bangkay
mahal na mahal kita

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Advertisements

Sa Pantalan ng Santa Lucía, ni Julián Malatesta

Salin ng “En el Puerto de Santa Lucía,” ni Julián Malatesta ng Colombia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Pantalan ng Santa Lucía

Baliw ang barkong ito.
Kahapon, nakita namin ito patungong timog
Pagdaka’y nasilayang naglalayag sa búrol ng araw
At nililikom ang magdamag sa kilya nito.
Ngayon naman ay pahapay-hapay sa daungan.

Baliw ang barkong ito.

Hatid nito ang isang bangkay na isinakay,
Ngunit ayaw ng kapitang itapon iyon sa dagat.
Lumaklak ng bote ng alak ang nasabing lalaki,
At pinasok ng pagkaburyong ang utak.
Ang patay na lalaki’y nagsayaw sa kubyerta,
Niliglig ang gunita ng barko’t nilito ang kompas.

Baliw ang barkong ito.

Sa pantalan ng Santa Lucía—ang patron ng bulag—
Ang mga tripulante’y lumalaboy at walang magawa,
Dahil kahit batikan na sila’t mahusay kumayod
Ay walang kumukuha sa kanila para magtrabaho.
Hindi sila mapatawad ng mga kompanya ng barko,
Nang iwan nang mag-isa ang sasakyang-dagat.

No to illegal arrest. No to illegal detention. Respect human rights.

Alin ang totoo?, ni Charles Baudelaire

salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alin ang totoo?

May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.

Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.

At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”

Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, sumikad ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa sariwang tabon sa hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.

Destiyero at Digmaan, ni Hassan Najmi

salin ng mga tula ni Hassan Najmi mula sa Morocco.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Destiyero

para kay Abbas

Mga palad nila’y pawang ataul
At ang mga ulo’y salakot ng malalayong ulap.
At sa kanilang likod ay naroon ang panahon
Na walang mga paso ng bulaklak
O mga sandata
na pawang naiwan nila kung saan.
At ang pag-alis ay siya ring pagbabalik
Bagaman hindi na sila magbabalik pa.

Ang Digmaan

Hinanap ko ang ligtas na pook
para sa halimuyak ng aking ina
At itinago ang rosas sa aking dugo.

Tahimik na sumapit
ang aking ina sa aking panaginip.
Hinagkan niya ang aking noo
at nag-iwan ng asin sa ilalim ng unan.

Sumagitsit sa langit ang elektrisidad.
At ang lupain ay sumisibol
sa dugo ng isang martir.

Nasilayan ko ang mukha ni ina.
Nakita ko iyon sa tren na dumaan
kanina na sakay ang mga bangkay.

Maliit na Babae

Sa maunos na gabi’y umiyak siyang nakatayo.
Gaya ng walang patid na ulan siya’y lumuha.
Ipinako ko ang mga mata doon sa aklat.
Hindi ko pinahid ang kaniyang mga luha.
Bago ako humiga para matulog,
lumitaw siya sa dulong kabanata ng nobela.
Upang hindi na siya umiyak pa,
ipininid ko ang aklat, at tinakpan ng unan ang ulo.

Parang Ganiyan, ni Nicanor Parra

salin ng tula ng makatang Chileno Nicanor Parra.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PARANG GANIYAN

Natatawa si Parra na tila kondenado sa impiyerno
ngunit kailan hindi natawa ang mga makata?
Kahit paano’y inihayag niyang tumatawa siya

pinalipas niya ang mga taon
ang mga taon
kahit paano’y waring lumilipas
hindi ito hungkag na hinuha
umiiral ang lahat na waring dumaraan

ngayon magsisimula na siyang maluha
makakaligtaan na siya’y laban-sa-makata.

0

Huwag mo nang pigain ang utak [sa kasusulat]
walang nagbabasa ng mga tula ngayon
hindi mahalaga kung mabuti o masama iyon

0

Apat na kahinaang di ako patatawarin ni Ophelia:
matanda
dukha
komunista
at Pambansang Premyo ng Literatura

<<maaaring patawarin ka ng aking pamilya
sa unang tatlo
ngunit hindi kailanman para sa pangwakas>>

0

Ang bangkay ko at Ako
ay nauunawaan ang bawat isa nang kahanga-hanga
tanong sa akin ng bangkay: naniniwala ka sa Diyos?
at tumugon ako nang malakas HINDI
tanong sa akin ng bangkay: naniniwala ka sa gobyerno?
at sumagot ako ng karit at martilyo
nagtanong ang bangkay ko: naniniwala ka sa pulis?
at sinagot ko siya ng malakas na bigwas sa mukha
tumindig siya at lumabas ng kaniyang ataul
at magkakawit-bisig kaming nagtungo sa altar

0

Ang tunay na problema ng pilosopiya
ay kung sino ang naghuhugas ng pinggan

wala nang labas sa daigdig ang mahalaga
. . . Diyos
. . . . . . ang katotohanan
. . . . . . . . . ang paglipas ng panahon
ang ganap
ngunit bago ang lahat, kung sino ang naghuhugas-pinggan

sinuman ang nais gumawa nito, sige magpatuloy
magkita muli tayo, buwaya,
at magbabalik tayo bilang magkaaway

0

Gawaing bahay na takdang aralin:
sumulat ng soneto
. . . na nagsisimula sa sumusunod na sukat:
. . . nais kong mamatay nang una sa iyo
at magwawakas sa karugtong na taludtod:
. . . ngunit mabuti nang kasunod mo ako

0

Batid mo ba ang naganap
habang nakaluhod ako
sa harap ng krus
at nakatitig sa Kaniyang mga sugat?

ngumiti Siya sa akin at kumindat!

akala ko dati’y hindi Siya humahalakhak:
ngunit ngayon ay nananalig ako nang tapat

0

Isang uugod-ugod na matanda
ang naghagis ng mga pulang klabel
sa ibabaw ng ataul ng mahal niyang ina
ang naririnig ninyo, mga binibini’t ginoo:
isang huklubang lasenggo
na binobomba ang libingan ng ina niya
ng mga kuwintas ng mga pulang klabel

0

Huminto ako sa isports kapalit ng relihiyon
(nagsisimba ako tuwing Linggo)
ipinagpalit ko ang relihiyon para sa sining
ang sining para sa matematikong agham

hanggang sumapit ang liwanag ng isipan

at ngayon, naglalandas na lamang ako
na walang pananalig sa kabuuan o bahagi nito

Hulagway ng Digmaan ni Semezdin Mehmedinovic

Mga tula ni Semezdin Mehmedinovic
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ALIFAKOVAC

Sa may silangang gilid ng Sarajevo
kipkip ng bata ang bungkos ng rosas—

Ito ang Bajram at ang munting maglalako
ay patungong libingan na hitik sa mga rosas

na kargado ng laksang uri ng mga rosas
na tulad ng libingang kahuhukay pa lamang

Gaya ng libingan sa araw nang hukayin ito,
ang bata ay pilit inaakyat ang Alifakovac

SA GILID NG BAYAN

Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang trak na labi sa nakaraang digmaan
na nauupos sa pagitan ng mga álamo.
Isang bilanggo na may mumo sa balbas
ang hinatak palabas sa dyip ng militar.
Tala-talaksan sa loob ng bodega
ang kamatayan, na singsinop ng soneto.

Sa gilid ng bayan ay matatanaw mo
ang siklistang humahagis na humatak
sa bubong ng kubol na may VULCANIZER
na nakasulat sa ibabaw niyon. At marami
pang hulagway na hitik sa kabaliwan
ang may kung anong layon at titig na malawak.
Gaya ng bubong ng mga bahay sa paliparan
na pinintahan ng pula at puting pari-parisukat.

Apat na Tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Asbar)

salin ng mga tula ni Adonis (alyas ni Ali Ahmad Said Asbar)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAMATAYAN

Papanaw tayo maliban kung lilikha ng mga diyos.
Papanaw tayo maliban kung papatay ng mga diyos.
O, kaharian ng nalilitong bato!

DALAWANG BANGKAY

Ililibing ko sa busabos mong sikmura,
ulo, kamay, at mata
ang minarete;
ililibing ko ang dalawang bangkay:
ang daigdig at ang kalangitan.

O tribu,
O, sinapupunan ng mga putakti,
At ang kahungkagan ng hangin.

SASABIHIN KO SA IYO

Sasabihin ko sa iyo:
Nakinig ako sa karagatan
na binibigkas sa akin
ang taglay nitong mga tula;
Nakinig ako sa mga batingaw
na humihimbing sa takupis
ng mga talaba.
Sasabihin ko sa iyo:
Inawit ko ang aking mga awit
sa kasalan ni Satanas
at sa pista ng pabula.
Sasabihin ko sa iyo:
Tinitigan ko
sa buhos ng kasaysayan
at sa ningning ng ibayo
ang diwata at ang tirahan.
Dahil naglalayag ang aking mata,
sasabihin ko sa iyo
na nakikita ko ang lahat
sa unang hakbang ng kalayuan.

BAYAN KO

Sa mga mukhang nangunguluntoy sa maskara ng pighati,
yumuyukod ako.
Sa mga lansangang nalimot ko ang aking mga luha,
sa ama na namatay na sinlungti gaya ng ulap
na may layag sa ibabaw ng kaniyang mukha,
yumuyukod ako.
At sa batang ipinagbibili
upang makapagdasal at makapagpakintab ng sapatos,
(sa bansa namin, nagdarasal kami lahat at pinakikintab
ang mga sapatos),
at sa mga bato na iniuukit ko sa rabaw ang aking gutom
at nagiging mga kidlat at ulan
na gumugulong sa mga talukap ng aking paningin,
at sa bahay na ang lupa’y dinadala ko sa mga paglalakbay,
yumuyukod ako.
Lahat ng ito ay bayan ko,
hindi ang Damascus.