Mga Panaginip sa Lambak, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Sueños en el valle” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Panaginip sa Lambak

Narito ako, inilayo sa aking yumao,
naligaw sa Lambak Banog,
nilimot ng pewén* at ng bundok.

Nakita ko sa mga panaginip ang dugong
bumalong sa aking tadyang
at ang mga ibong mandaragit
na sumupling sa aking pilipisan
at sumibasib sa mga kamay ko’t dila.

Nagpatubò ako ng ibang mga kamay
at ibang dila
upang muling lamunin lámang,
at di-naglaon, marami pang tumubò
na akin namang ikinubli
sa mga metawe.
Ngunit ang mga metawe
ay natunton din at naabot,
at ang kanilang mga labî
ay isinaboy sa buong lambak.

Kayâ bumangon ako’t nilikha muli
ang parehong mukha,
ang parehong katawan,
ang parehong nagdurusang puso.

Hindi kamatayan
ang nakasisindak sa akin ngayon
bagkus ang layo mula sa kabundukan.
Hindi ako takot sa masisibang taliba—
umaalulong ako sa apat na hangin—
bagkus sa bigong lunggating makabalik
sa mga bangin ng kabundukan.

Narito ako, sa lawas at panaginip
nitong napakailahas na lupain.

Talababa
__________
* Mula sa salitang “pehuén” na siyentipikong pangalang Araucaria Araucana (tinaguriang Monkey Puzzle Tree). Isang uri ng punongkahoy na tumutubo sa kordilyera ng Andes sa timog ng Chile. Kinukuha ng mga Pewenche (mula sa  salitang”Pehuenche” o Mapuche ng kabundukan) ang ubod na pino, na tinatawag ding “ngülliu,” na isang prutas na binubuo ng 85% arina at mataas ang porsiyento ng calcium at iron, at ang pangunahing pagkain ng mga Pewenche.

Iba’t ibang uri ng sisidlang yari sa luad, gaya ng palayok at bornay.

 

Ang Banoy, ni Miltos Sahtouris

Salin ng “Ο αετός” (The Eagle), ni Miltos Sahtouris ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bánoy

Noong natutulog siya
ang bánoy
ay bumulusok
na patay
sa kaniyang higaan
noong natutulog siya
ang kalapati’y
humapon
sa kaniyang kanang
kamay

Ang bánoy
ay itinilapon sa bangin
ng kaniyang duguang
mga daliri
ang kalapati’y
pinipiga at inihahagis
ng kaniyang duguang
mga daliri tungo
sa bákol

Noong nagising siya
ang bánoy
ay nakatindig
nang tuwid
sa kaniyang higaan
noong nagising siya
ang patalim
ay pinutol
ang kaniyang kanang
kamay

Simula ng Pag-ibig, ni Jason Montana

salin ng tulang “Love Beginning” ni Jason Montana.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SIMULA NG PAG-IBIG

Ngayong umaga’y umimbulog ang pulang banog
upang tingnan ang iyong pag-akyat sa kubling bagnos.

Samantala, umaawit ako sa mga ganitong tarik
ng pagmamahal na sumisibol sa Ifugaw na langit.

Naglaho ang maiitim na pangkat ng mga rebelde,
at muling lumitaw ang malilinaw na bukal sa tabi

ng lupain upang magtipon bilang paglalagom
ng daan-daang ilog ng mga masang nagugutom.

Ang Partido ay nasa gitna ng gayong pakikibaka.
Umuulan ng pinilakang anyo ng kamalayang masa

upang dumaloy nang masinop sa bawat payyo,
sa bawat hamlet,  sa mga tao tungo sa bagong hukbo.

Ang saluysoy ng mga batis sa loob ng mga gubat
ay babala sa bulók na rehimeng ito ay babagsak.

Dumarating ang mga taganayon para sa pulong-bayan.
Nabubuo ang mga sirkulo sa lilim ng tatlong bahay.

Ipinapasa ang bilot para sa mga ngangang ngunguyain,
at sasapit ang dambuhalang banog upang lumilim.

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.