Bitukang Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Bitúkang Pulô

Roberto T. Añonuevo

Mákikilála mo si Eduardo, ang amá ng pamilyáng tumanggáp sa iyó, at hábang tumatágay kayó ng sariwàng tubâ ay ituturò niyá na ang hinahánap mo ay walâ sa Pulô ng Atáy, bagkús sa karugtóng nitó, ang Bitúkang Pulô. Mulâ sa Pulô ng Atáy ay makásasakáy ka ng lundáy na yarì sa mga tingtíng. Tibáyan mo ang loób. Kapág nagsimulâng mágbantulót ka’y lulubóg ang lundáy mo at kakaínin ka ng mga álon, at iyán ang sinápit na kapaláran ng mga nangánauná sa iyo. Úpang makaíwas sa anumáng pangánib, ituón mo ang paningín sa diréksiyón na íbig maratíng at huwág kang lumingón ni lumingá-lingá hábang naglálayág. Kapág lumagós ka sa úlop ay makikíta mo ang Bitúkang Pulô. Ang Bitúkang Pulô ay sérye ng mga pulô at batuhan na kung hindî paikíd ay paikót, at doón mo matútuklásan na ang mga bágay ay nása yugtô ng patúloy na pagbabágo. Halímbawà, ang pumások na kanáway sa únang antás ng Bitúkang Pulô ay magigíng malmág, na kapág lumípat sa ikalawáng antás ay magigíng anuwáng, na kapág lumípat sa ikatlóng antás ay magíging nilaláng na may katawán ng táo ngúnit may mukhâ ng pawíkan, na patúloy ang pagbabágo hanggáng ang sukdúlang anyô ay umabót sa perpéktong walâ ngúnit naroón at umiíral. Kayâ kapág kinaúsap mo ang kanáway ay mauúnawàan mo lámang siyá sa wikà ng malmág. Kausápin mo ang malmág at magwíwikà siyá sa talínghagà ng anuwáng. At kapág kinaúsap mo ang táo na may mukhâ ng pawíkan ay kailángang maúnawàan mo na ang mga pahiwátig niyá ay karágatán na kuyóm ang táo o táo na kuyóm ang karágatán. Hindî siyá nagmulâ sa lahìng siréna o siyókoy. Ang táo na nása yugtô ng pagbabágo ay mauúnawàan mo lámang kung anó siyá sa anyông panlabás, at mulâ roón, kailángang sisírin mo ang kaniyáng kaloóban úpang maúnawàan ang líkaw-líkaw na pakikípagsápalarán, ang pakikípagsápalarán na maglulúwal ng barumbárong o kastílyo, na magsisílang ng iba pang mithî, gáya ng gamót, damít, sandáta, pabangó, eropláno, palayán, gusalì, at sangkatérbang hulagwáy na káyang isaísip. Sa Bitúkang Pulô, humandâ kang mamatáy. Humandâ kang mamatáy nang paúlit-úlit. Sa gayóng paraán, matutúto ka kung paáno umangkóp sa kaligíran, at mabábatíd na hindî ikáw ang séntro ng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry metamorphosis making waves. Photo by Mohammad Jumaa on Pexels.com

Sa bayan ng patay, ni Habib Tengour

Salin ng “Au pays des morts (extraits),” ni Habib Tengour ng Algeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa bayan ng patay (mga hango)

Tiresias: Bakit, o sawimpalad, iiwan ang liwanag, at lilisan upang makita
ang patay sa malupit na pook na ito?

Mga Anino 1

Lahat ng patay na ito

sino sa atin ang uusisa sa kanila

kailangan ba ng masaker
at mga luha
nang makita ang daan sa kailalimang babakasin para sa atin

maliban kung ang habagat na pumupunit sa atin
ang magpapalusaw sa ating bait

sa yugtong wala tayong pakialaman hinggil sa pagtatagpo

Mga Anino 2

Lahat ng patay na ito
aling pangalan ang tatawagin papasok sa bilog

nakaunat ang mga kamay sa dasal ng paghihiwalay
gayong nagbabantulot

hindi na tayo humahagulgol gaya ng nakagawian

kayraming tao ang namamatay bawat araw
kaya tumatanggi
ang ating mga puso na magdalamhati

ito ba ang pagbabanyuhay

Mga Anino 3

Lahat ng patay na ito
na hindi natin nakikita
kapalaran ba nila ang mamatay

mga babae bata kabataan matanda at sundalo
marami ang tulad ng kawawang Alpénor
na nabigong mapanatili ang balanse

mga peryodiko’y binibigyan minsan sila ng pitak
sa kabila ng sensura

sinasabing marami sila kaya nililimot natin

Mga Anino 10

Lahat ng patay na ito
na marahang tumatakas sa kanilang buhay
ano ang inihandog natin sa kanila sa panahong ito
nahuhubad ang mga salita upang isilang na tula
mga salitang pinigil ng panghihinayang o ibinitin
ng sindak sa harap ng ating paningin
noong unang panahon pa man gaya sa kawikaan
ang mga salitang ginagamit ay lumalabo sa atin
tatanungin minsan natin ang sarili hinggil sa pagdiriwang
ang ningning nito’y bigong sinagan ang kakatwang mithi sa gunita

Lúpos, ni Forugh Farrokhzad

Salin ng “Reborn,” na isinulat sa orihinal na Farsi, ni Forugh Farrokhzad
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Sholeh Wolpé

Lúpos

Lahat ng aking kaakuhan ay bersong makutim
na inuulit sa iyo hanggang bukang-liwayway
ng di-humuhupang pamumukadkad at paglago.
Binabalani kita sa aking tula pagbuntong-hininga
at pinasusupling sa tubig, apoy, at punongkahoy.

Marahil ang búhay ay isang mahabang abenida
na binabagtas araw-araw ng babaeng nakabasket;
Marahil ang búhay ay isang matibay na lubid
na ipinambibigti ng lalaki sa sarili doon sa sanga,
o isang bata na umuuwi ng bahay mula eskuwela.

Marahil ang búhay ay pagsisindi ng sigarilyo
makaraan ang walang kalatoy-latoy na pagtatalik,
o isang hungkag na sulyap ng dumaraan na itinaas
ang sombrero at bumatìng, Magandang umaga!
. . . . . . . . . . . . . . . . . . nang hindi man lang ngumingiti.

Marahil ang buhay ay pagkabilaok na ang titig ko
ay binubura ang sarili sa loob ng iyong balintataw—
. . . . . . . . . . . . . .Ihahalo ko ang pagdama sa pag-unawa
. . . . . . . . . . . . .  sa buwan at pag-arok sa sukdol-dilim.

Sa silid na kasukat ng kalungkutan,
ang puso ko’y kasukat ng pag-ibig.
Nagbubulay ito sa payak na palusot sa kaligayahan:
ang kariktan ng mga bulaklak na nalalanta sa plorera,
ang supling na itinatanim mo sa ating hardin,
at ang awit ng mga kanaryo—na sinlaki ng bintana.

Naku, ito ang aking kapalaran.
Ito ang aking kapalaran.
Ang kapalaran ko’y langit na naipipinid
sa pamamagitan ng pagsasabit ng kortina.
Ang kapalaran ko’y pagbabâ sa malungkot na hagdan
tungo sa pagkabulok at pagkadurog nang madestiyero.
Ang kapalaran ko’y makulimlim na paglalakad
sa makapal na halamanan ng mga gunita,
at pagkamatay mula sa pangungulila sa tinig
na nagsasabing, Gusto ko ang iyong mga kamay.

Itinatanim ko ang mga kamay sa luad—
Sisibol ako.
. . . . . . . . . . . . . .  . .  . Alam ko. Alam ko. Alam ko!
At sa guwang ng aking mga palad na batik ng tinta
ay hahabi ng pugad ang mga langay-langayan.

Palalamutian ko ng pinitas na tangkay ng kambal-seresa
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . ang mga tainga,
at isusuot ang mga talulot ng dalya sa aking mga kuko.
Naroroon pa rin ang lumang eskinita na ang mga totoy
na minsang minahal ako’y gusot pa rin ang mga buhok,
maninipis ang leeg, at mapapayat ang mga binti,
pinagbubulayan ang mga inosenteng ngiti ng dalagitang
tinangay ng bugso ng hangin isang gabi.

May isang eskinitang ninakaw ng aking puso
mula sa teritoryo ng aking kabataan.

Ang lawas na naglalakbay sa kahabaan ng linya ng panahon
ay tinitigmak ang tigang na pusod ng panahon,
at nagbabalik mula sa pagpipista ng salamin
nang matalik sa sariling hulagway.
Ganito kung paano mamatay, at kung paano manatili.

Walang sinumang naghahanap ang makatatagpo ng perlas
. . . . . . . . . . . . . . . .  sa sapa na dumadaloy tungo sa kanal.

Batid ko ang munti’t malungkuting diwata na nasa laot,
at nagpapatugtog ng kawayang plawta sa kaniyang puso,
nagpapatugtog nang napakalamyos. . .
isang malungkot, munting diwata na namamatay sa halik
tuwing gabi,
at muling isinisilang sa halik pagsapit ng madaling-araw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Banyuhay

Banyuhay

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Matatagpuan ng langit ang apoy, at apoy ang kaluwalhatian sa noo ng karimlan. Ikaw na waring naligaw sa kumbento ng mga Benediktino, ikaw na nakikinig sa himno ng dibino at materyal, ay maglalakad muli upang tumugtog sa mga hagdan tungo sa kaitaasan. Matutuklasan ng simbahan ang iyong mga kamay na kumakalabit ng mga bagting; at mauunawaan ng katahimikan kung bakit nakapaghihilom ng sugat ang bulong, at ang taimtim na panambitan sa himig ng pagmamahal. Magsasalimbayan ang alunignig ng mga kuliglig. Magkakaroon ng mga saray ang sapad na dimensiyon. Magbabago ang anggulo ng mga dingding. Mapipihit ang kindat ng mga sinag. Lalayo at lalapit ka sa tinatanaw. Maghahalo ang tilaok at alulong, at nakaupo ka mang nagbubulay gaya ng yogi ay maglalaho ang silbi ng orasan. Bibiyayaan ka ng pagkain ng simoy, sinag, at hamog. Madarama mo ang mga alon sa guniguni. Pagdaka’y may darapong tipaklong  sa iyong balikat, na waring nangungusap, na panahon nang sumilang ang mata sa loob ng mga mata—para maarok ang apat na panig ng kaliwanagan.

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.