Sa Pantalan ng Santa Lucía, ni Julián Malatesta

Salin ng “En el Puerto de Santa Lucía,” ni Julián Malatesta ng Colombia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Pantalan ng Santa Lucía

Baliw ang barkong ito.
Kahapon, nakita namin ito patungong timog
Pagdaka’y nasilayang naglalayag sa búrol ng araw
At nililikom ang magdamag sa kilya nito.
Ngayon naman ay pahapay-hapay sa daungan.

Baliw ang barkong ito.

Hatid nito ang isang bangkay na isinakay,
Ngunit ayaw ng kapitang itapon iyon sa dagat.
Lumaklak ng bote ng alak ang nasabing lalaki,
At pinasok ng pagkaburyong ang utak.
Ang patay na lalaki’y nagsayaw sa kubyerta,
Niliglig ang gunita ng barko’t nilito ang kompas.

Baliw ang barkong ito.

Sa pantalan ng Santa Lucía—ang patron ng bulag—
Ang mga tripulante’y lumalaboy at walang magawa,
Dahil kahit batikan na sila’t mahusay kumayod
Ay walang kumukuha sa kanila para magtrabaho.
Hindi sila mapatawad ng mga kompanya ng barko,
Nang iwan nang mag-isa ang sasakyang-dagat.

No to illegal arrest. No to illegal detention. Respect human rights.

Advertisements

“Kapalaran,” ni Tariq Ibn Ziyad

Kapalaran, ayon sa wika ni Tariq Ibn Ziyad

“Mga bagani, bakit kayo tatakas? Nasa likuran ninyo ang dagat,
at nasa harapan ang kaaway!”

—Tariq Ibn Ziyad

Wasak ang taytay
at bangkang patay
ang nasa bungad.
Amoy ng sungad:
pugot na ulo
dito sa dulo
ang iyong uwi,
o siya’y sawi.

Tariq Ibn Ziyad, pintura ni Fareed Suheimat, lapis at tubigkulay, Setyembre 2009.

Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Dalawang Tula ni Andreas Embiricos

salin ng mga tulang tuluyan ni Andreas Embiricos, batay sa saling Ingles nina Kimon Friar at Karen van Dyck.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA UBAS NG TAGLAMIG

Inagaw nila ang kaniyang mga laruan at mangingibig. Napalungayngay siya at halos mamatay. Ngunit ang labintatlong tadhana, tulad ng kaniyang labing-apat na taon, ay inakit ang papalayong kalamidad. Ni walang umimik. Walang tumakbo upang sumaklolo sa kaniya laban sa mga banyagang pating na naglalatag ng balakyot na pakana sa kaniya, gaya ng langaw na nakatitig nang may malisya sa diyamante o sa kabigha-bighaning lupain. Nang lumaon, malamig na kinalimutan ang kuwento gaya ng malimit mangyari, na nakaligtaan ng bantay-gubat ang kaniyang kidlat sa kahuyan.

BITUING MARIKIT

Ang unang anyo na ginamit ng babae ay sala-salapid na lalamunan ng dalawang dinosawro. Nang lumaon, nagbago ang panahon at nagbago rin ang babae. Lumiit siya, naging malambot, na pag-agapay sa dalawahang palo (sa ilang bansa’y tatluhang palo) ng mga barko na lumulutang sa kamalasan ng paghahanapbuhay. Siya mismo ay lumulutang sa mga eskala ng de-silindrong kalapati ng dambuhalang bigat. Nagbago ang mga panahon at ang babae ng ating panahon ay kahawig ng puwang sa isang pilamento.

Fountain

Fountain, mula sa artsibo ng pdphoto.org

Ang mga Barko

Salin ng “Τα Πλοία (The Ships) ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles nina Edmund Keeley/Dimitri Gondicas mula sa kanilang aklat na The Essential Cavafy (1995)

salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Barko

Mula sa guniguni tungo sa Busilak na Papel. Mahirap ang pagtawid, mapanganib ang tubigan. Munti sa unang malas ang kalayuan, ngunit anong uri ng paglalayag, at nakapamiminsala minsan sa mga barkong pumapalaot.

Hango ang unang pinsala mula sa labis na babasaging kalikasan ng produkto na inihahatid ng mga barko. Sa palengke ng Haraya, ang pinakamagagandang bagay ay yari sa pinong salamin at lantay na tisa, at gaano man ang pag-iingat ng daigdig, marami ang nababasag sa paglalakbay, at marami ang nagkakalamat kapag inilunsad sa baybay. Hindi na maibabalik pa sa dating anyo ang anumang napinsala, dahil hindi kailanman isinasaalang-alang na isasauli yaon ng barko at maghatid lamang ng kapantay na uri. Wala nang pagkakataon na makatagpo ng parehong tindahan na magtitinda ng gayong kalakal. Sa palengke ng Haraya, malalaki at mariringal ang tindahan ngunit pansamantala lamang. Panandalian ang mga transaksiyon, ipinagbibili nang mabilis ang mga kalakal, at kisapmata ang palitan ng salapi. Bibihira para sa nagbabalik na barko na makatagpo ng parehong tagapagluwas na may parehong kalakal.

Mahahango ang isa pang anyo ng pinsala mula sa kakayahan ng mga barko. Umaalis ang mga ito sa pantalan ng mariringal na kontinente na kargado nang ganap, at kapag narating ang laot, ay napipilitang itapon ang ilang bahagi ng kargamento upang mailigtas ang kabuuang kargada.  Kaya halos walang barko ang nagagawang dalhin nang buo ang mga kayamanang hinakot nito. Mababa ang halaga ng mga itinapong kalakal, ngunit kung minsan, naihahagis din ng mga magdaragat sa dagat ang mga mamahaling bagay kapag nagmamadali.

Kapag narating ang puting papel na pantalan, kinakailangan ang iba pang sakripisyo. Dumarating ang opisyales ng adwana at sinisiyasat ang kalakal na maaari lamang na ilunsad; nabibigong makaabot sa dalampasigan ang ilang produkto; at ang ilan ay tinatanggap sa kakaunting bilang lamang. Ipinagbabawal ang pag-aangkat ng alak, dahil ang ilang kontinente na pinagmumulan ng mga barko ay lumilikha ng mga alak mula sa mga ubas na nahihinog sa higit na mapagpalang temperatura. Ayaw ng opisyales ng adwana ang naturang alkoholikong kalakal. Nakalalasing iyon. At hindi yaon angkop para sa mga panlasa. Bukod dito, may kompanyang lokal na may monopolyo ng alak. Lumilikha ito ng inumin na kulay-alak ngunit may lasa ng tubig, at matutungga mo lahat iyon sa buong araw ngunit hindi ka man lang magiging malagihay. Luma na ang kompanyang iyon. Matindi ang pagdakila sa kompanya, at ang mga paninda nito’y labis ang taas ng halaga.

Gayunman, matuwa tayo kapag pumasok ang mga barko sa pantalan, sa kabila ng lahat ng sakripisyo. Dahil sa pagbabantay at pag-iingat, ang ilang nabasag o itinapong kalakal ay mababawasan sa panahon ng paglalakbay. Ang mga batas ng bansa at patakaran ng adwana, gaano man karahas sa kabuuan, ay hindi ganap na mapagbawal, at nailulunsad ang mahuhusay na bahagi ng kargamento. Masasabi ring ang opisyales ng adwana ay nagkakamali: ang ilang kalakal na nakapapasok ay sablay ang tatak ng kahon na nagsasaad ng isang bagay ngunit iba ang laman; at ang ilang piling alak ay inaangkat mula sa piling pagtitipon.

May ilang nakalulungkot, at napakalungkot. Iyon ay kapag ang ilang malalaking barko—na may palamuti ng korales at kamagong, na nakaladlad ang malalapad na watawat na pawang puti at pula, at namimigat sa mga kayamanan—ay nabigong makalapit sa piyer dahil ang lahat ng kargamento nito ay bawal o dahil ang pantalan ay mababaw para tanggapin ang bagong salta. Kaya magpapatuloy sa paglalayag ang mga barko. Hihipan ng mapagpalang habagat ang mga sedang layag, pakikintabin ng araw ang maringal na ginintuang proa, at maglalayag ang mga barko nang tahimik, kagalang-galang, palayo nang palayo sa atin at sa ating masikip na pantalan.

Mabuti na lamang at kakaunti ang ganitong uri ng mga barko. Makakikita tayo ng dalawa o tatlong gayong sasakyang-dagat sa tanang buhay natin. At mabilis nating malilimutan yaon. Katumbas ng ningning ng pananaw ay ang bilis ng paglalaho. At makalipas ang ilang taon, habang nakaupo tayo nang panatag at nakatitig sa liwanag o nakikinig sa katahimikan, kung sakali’t magbalik ang ilang nakapupukaw na tula at pumaloob sa pandinig ng ating diwa, hindi natin makikilala iyon kaagad at pahihirapan natin ang alaala na balikan kung saan natin unang narinig ang mga salita. Sa matinding pagsisikap ay mapupukaw ang ating paggunita, at matatandaan natin ang mga tula na binibigkas ng mga magdaragat, makikisig gaya ng mga bayani ng Iliad, noong ang maririkit na barko ay nakikipagsapalaran kung saan-saan.