Maaaring tanawin ang lungsod sa iba’t ibang paraan, at isa sa rito ang pagtatanghal sa punto de bista ng isang tagalungsod na dumadama sa loob ng lungsod at tumatanaw papalabas ng sakop nito at tanging siya lamang makababatid. O kaya’y tingnan ang lungsod mula sa labas nito, nang sa gayon ay mabatid ang kabuuan ng lungsod na hindi mababatid ng tao na nasa loob nito at ang sipat ay limitado. Ang ganitong pagtanaw hinggil sa lungsod ang ipinamamalas ng mga tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Charles Tuvilla at “Talà” ni Phillip Kimpo Jr. Heto ang sipi ng dalawang tula:
Sa Unang Ulan ng Mayo
ni Charles Tuvilla
1 Ito ang pangungumpisal ng lungsod. Gabay
2 ang baha sa mga kasalanan ng tag-araw
3 tungo sa mga esterong barado, habang sinisipon
4 ang pantalong nakasampay sa balikat
5 ng bukas na bintana. Sa isang garahe, umaapaw
6 sa tubig-ulan ang swimming pool, hinihika na
7 mula nang ito’y muling inilabas at pinalobo.
8 Ang nagtatampisaw ngayon ay mga tuyo
9 at malulutong na dahong nagpapadulas
10 mula sa alulod, at sa likod-bahay,
11 ang bata, hinahawi, ibinubuhol ang kurtina
12 ng ambon sa kaniyang harapan. Di tulad ng tag-init,
13 nasasalubong natin ang ganap nitong pagdating:
14 patak. ambon. ulan. patak. ambon. ulan.
15 Masdan: may maglalapag ng baso at hindi
16 pagtatakhan kung bakit lilima na lang
17 ang sahog ng di-na-maubos na halu-halo. Sa pagtila,
18 bumubulong ng sshhhh ang lansangan at mananahimik
19 tayo, gayong tulad ng lungsod, nais din nating maghugas-
20 kamay, lumuha, magsumbong.
░ ░ ░
Talà
ni Phillip Kimpo Jr.
1 Nahiwagaan siya.
2 Tinanong niya tuloy sa kaniyang guro
3 kung bakit sa matataas na lugar
4 itinatayo ang mga obserbatoryo.
5 “Light pollution” daw.
6 “Nilulunod
7 ng labis na mga ilaw ng lungsod
8 ang liwanag ng mga talà.”
9 Lalo siyang nahiwagaan.
10 Pagkatapos ng klase sa umaga
11 at isang buong hapon ng halikwat-basura,
12 inakyat niya ang pinakamatayog na bundok
13 ng mga plastik, lata, karton, burak
14 at iba pang kalabisan ng lungsod.
15 Umupo siya sa tuktok
16 at doon ay pinagmasdan
17 ang mga talà.
Ang tao na tumatanaw sa lungsod at nasa loob nito ay hindi lamang makapagbubulay sa buong lawak ng lungsod, bagkus hinahamon din siya ng kaniyang panahon, kaligiran, at pangangailangan na tumanaw nang higit na malayo sa kaniyang kinaroroonan at sa kayang ipaliwanag ng kaniyang kaalaman upang lumago siya at sumulong. Ang ganitong pagtatangka ay makapagpapalakas ng kaniyang pananalig at pagkatanto sa lungsod na kaniyang ginagalawan; at ang lungsod ay nahuhubog sa malikhaing yugto kapag sinapian ng naiibang pag-akda dulot ng pagsasaharaya ng pook na malayo sa abot nito.
Kung sisipatin naman ang lungsod mula sa labas ng saklaw nito, ang tao na tumatanaw ay maaaring hubugin ang anyo ng naturang lungsod alinsunod sa pagkakaalam niya sa pook na dati niyang naranasan o kinalakhan. Sa gayong pagkakataon, maaaring mabahiran ng anumang kulay, prehuwisyo, haka-haka, at akala ang pagmamasid, kaya ang orihinal na pagkakatanto ng mga tagalungsod sa kanilang lungsod ay maiba ang pagkasagap at mailihis sa kakatwang anggulo. Mula sa labas, ang lungsod ay maaaring tingnan nang papaliit nang papaliit, at maihambing, kahit hindi sabihin, sa iba pang lungsod. Maaaring tingnan nang obhetibo ang naturang pook, gaya ng pagdulog ng sosyologo at antropologo. Ngunit sa tula, ang pagiging obhetibo ay tila banyagang kataga dahil ang makata ay makalalalang ng pambihirang pagdanas na hinugot mula sa kinathang realidad ng lungsod na batay sa makatotohanang lungsod.
Maihahalimbawa ang piyesang “Sa Unang Ulan ng Mayo” ni Tuvilla. Ang naturang tula ay binubuo ng 20 taludtod, na ipinaloob sa limang saknong at walang estriktong tugma at sukat. Ang pamagat ng tula ay maaaring idugtong sa taludtod 1, at masisipat na ang mismong “unang ulan ng Mayo” ay senyales ng “pangungumpisal ng lungsod.” Maipapalagay na ang mga susunod na taludtod ay paglalatag ng mga tagpo hinggil sa kung bakit nangungumpil ang lungsod, na ang personipikasyon at kaugnay ng pangmaramihang persona, ay maaaring nababahiran ng dumi at matalinghagang kasalanan. Sa nasabing tula, ang unang ulan ng Mayo ay malayo sa dating pananaw na ulan-ng-Mayo na ang patak ng tubig mulang kalangitan ay ipinahihiwatig bilang metapisikong basbas at simula ng selebrasyon ng pinakamakulay na buwan ng taon. Ang Mayo ang rurok ng tag-araw, at dito ginugunita ang sari-saring pista na binubuksan ng peregrinasyon sa gaya ng Nuestra Señora de la Paz y Buenviaje, pinaaalab ng La Naval at Senakulo, at winawakasan sa Flores de Mayo at Santakrusan. Sa ibang mapamahiin, ang unang ulan ng Mayo ang mahiwagang handog ng kalangitan, gaya ng luha ni Tungkung Langit para kay Alunsina, kaya sinasahod ito at tila sagradong tubig na itinatago dahil bibihira noong umambon sa tag-araw.
Ngunit nagbago na ang panahon. Nadarama ng lungsod kahit ang di-mapigil na pagtaas na temperatura ng daigdig, at nabago kahit ang dating inaasahang siklo ng tag-araw at tag-ulan. Ang pagbabago sa temperatura ng daigdig ay kasabay din ang pagbabago sa temperamento ng mga tao hinggil sa pista at pagbabalik-loob sa diyos, at ang dating pagpapahalaga sa relihiyon ay naghunos tungo sa ibang pagsagap sa pananalig na karnal, materyal, at panandalian. Ang binanggit na “kasalanan ng tag-araw” ay maaaring tumutukoy sa dating pagmamalabis ng lungsod, na nakapag-ipon ng tone-toneladang basurang walang habas na itinatapon sa estero at ilog ng mga tao.
Idinaraan sa tula ang pagtatagni-tagni ng mga hulagway sa pook-maralita, at ipinamamalas iyon sa paningin ng personang nakapansin sa baradong estero, pantalong nakasabit sa bintana, plastik na swimingpul, mga dahong inanod sa alulod, batang naliligo sa ulan, at laman ng halu-halo. Ang anggulo ng paglalarawan ay tila MTV video, at nagsasalimbayan ang mga larawang maaaring mula sa iba’t ibang lugar. Ang masinop na pagpili ng mga bagay ay maiuugnay sa metonimiya ng kabuuang lungsod at urbanidad ng tao, at nagpapamalas ng pagguho sa inaasahang kaayusan ng kalungsuran. Sa kabila ng lahat, sinasalubong umano nang ganap ng madla ang ulan. Napapansin ang ulan dahil bigla ang pagdating nito sa panahon at pagkakataong hindi inaasahan. At ang ulan ay hindi basta ambon, bagkus malakas na pagbuhos na makapagpapagunita sa maruming nakaraan ng persona at lungsod.
Pinatatahimik ng unang ulan ng Mayo ang lansangan, at ang mga taludtod 19-20 ay nag-iiwan ng palaisipan sa babasa dahil iwinangis ng persona ang sarili nito sa lungsod, na “nais din. . . maghugas-/kamay, lumuha, magsumbong.” Mahirap arukin ang gayong pahayag, maliban kung iisipin na ang persona ay nasa loob ng lungsod, at itinuturing na mikrokosmo ng lungsod, at bilang alter-ego ng lungsod ay nakapagdudulot din ng dumi at rimarim ng lungsod. Doble-kara ang “paghuhugas-kamay” na maiisip na gaya ng ginawa ni Pilato bago ipaubaya si Hesus sa pasiya ng madlang sabik sa dugo. Gayundin ang maiisip sa “pagluha” dahil ang pagluha ay maaaring tapat at maaari ring pagbabalatkayo, gaya ng konsepto ng “luha ng buwaya.” Samantalang ang “magsumbong” ay nag-iiwan ng malikhaing puwang, dahil ipinapalagay dito na may pagsusumbungang awtoridad ang persona o ang lungsod, ngunit kung iaatas iyon sa puwersang sobrenatural ay isang kabulaanan, dahil ang buhay mismo ng lungsod ay lumilihis sa dating pagtingin sa pinananaligang Maykapal.
Walang sermong masasalat sa rabaw at sa loob ng tulang “Sa Unang Ulan ng Mayo.” Ginigitla lamang tayo nito sa ating nakamihasnang pananaw hinggil sa nakapananariwang bisa ng ulan, at sa buwan ng Mayong dating minamahalaga sa buong kapuluan.
Naiiba naman ang rendisyon ng tulang pinamagatang “Talà” ni Kimpo. Binubuo ng 17 taludtod ang tula na nasa malayang taludturan. Ang persona sa tula ay nasa ikatlong panauhan, at mahihinuhang isang batang mangangalahig ng basura ang ikinabubuhay at maaaring nasa elementarya pa lamang. Nabighani ang bata sa hulagway ng obserbatoryo at sa sinabi ng kaniyang guro, na pawang nakasaad sa mga taludtod 2-8. Gayunman, mahihinuhang hindi sapat ang paliwanag ng guro upang maarok ng muslak na isip ng bata ang lahat. Gumawa ng paraan ang bata na isaloob ang pananaw ng obserbatoryo, umakyat sa bundok ng basura makaraang pumasok sa eskuwela at magtipon ng basura para kumita ng ikabubuhay, at nagmasid sa kalangitan.
Muli, walang sermon ang mahihiwatigan sa tulang ito. Matipid ang paglalarawan, na tinumbasan ng pambihirang salaysay hinggil sa karanasan ng bata. Ang pagsisikap ng bata na arukin ang silbi ng laboratoryo ay tila pagsisikap na umahon palayo sa bundok ng basura ng lungsod at basura ng karukhaang bumabalot sa kaniyang pagkatao. Ang basura sa tula ay hindi lamang materyal na basura, gaya ng plastik, karton, bote, garapa, at kung ano-ano pang latak at pagmamalabis ng lungsod, bagkus matatagpuan din sa basurang pag-iisip na nagmumula kahit sa guro na hindi makaagapay sa kalagayan at kaligiran ng mga dukhang mag-aaral na gaya ng persona. Sa ganitong pagkakataon, ang pananaw ng guro ay nagmumula sa labas ng karanasan ng bata, at ang gayong pananaw ay nababahiran ng jargon, pahiwatig, at pakahulugang halos esklusibo sa mga estudyante at akademikong may akses at kontrol ng karunungan.
Ang pagkamangha ng batang persona ay tutumbasan ng kaniyang kasabikan sa paghahanap ng sagot. Mula sa tuktok ng bundok ng basura ay aaninawin niya ang mga talà, na maaaring ikabit sa pisikal na bituin sa kalawakan ngunit maaaring higitin sa mataas na antas na “bituin ng mga pangarap.” Ang pag-upo ng bata sa bundok ng basura ay mahihiwatigang simula ng kaniyang pag-igpaw sa abang kalagayan ng karukhaan, at maaaring sipatin na pag-igpaw din sa mababaw na paliwanag ng guro at pag-unawa sa siyentipikong pananaliksik sa pamamagitan ng maláy at tantiyadong pagdanas sa paligid. Ngunit higit pa rito, ipinamamalas sa tula na ang paghahanap ng karunungan at pag-abot sa pangarap ay hindi nasasagkaan ng kahirapan. May magagawa pa ang tao upang umangat mula sa mababang antas ng kamangmangan at maghanap ng solusyon sa kaligiran.
Ang obserbatoryo na nais mabatid na bata ay waring pahiwatig ng pagtanaw nang higit na malayo sa kabundukan ng basura, at kung paano tutumbasan iyon ng edukasyon ay marahil ipinasasagot sa awtoridad ng lipunan. Maaaring hindi panatag ang bata sa kaniyang kalagayan at nais niyang makatapos ng pag-aaral at maging ganap na siyentipiko. Ngunit higit pa roon, sinasampal tayo ng tula dahil nag-iiwan na tayo ng basurang materyal ay pinalalawak pa iyon sa pagdaragdag ng mga basurang may kaugnayan sa kaisipan, halagahan, at pagkamamamayan. Sa unang malas ay payak ang tulang “Talà” ngunit ang uuriin nang maigi’y hinahatak tayo nito na sipatin ang ating kalagayan nang higit sa nakagawian, at tumanaw sa malayo at abutin ang mga pinapangarap na bituin.