Ang Bagon at ang Bangin, ni Robert Bly

Salin ng “The Wagon and the Cliff,” ni Robert Bly
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bagón at ang Bangín

Pumalya ang túlos at nahulog sa bangin ang bagón.
Umalis sandali ang doktor at namatay ang bata.
Mauusisa natin si Emerson sa ganitong pagkakataon.

Huwag isiping ang mga tao lámang ang masiba.
Kapag umimbulog ang uwak, ang kakatwang pakpak
Nito’y maisasakay ang libong Mandela sa Pulô.

Labis na tinalikdan ni Hipppolitus ang mga babae
At ang Dilag ng Dagat ay nagpasiya laban sa kaniya.
Nayag ang mga kabayo niyang kaladkarin siya sa batuhan.

Umawit ang mga punay mula sa mga poste ng bákod
Noong paslit akong pinupukaw ang buong nayon.
Ngunit ang buto sa dibdib ng punay ay katedral ng mithi.

Ginagawa tayo minsan ng mga santo na tila mas mabuti.
Ang mga ninuno natin, sa mga retrato sa pasaporte nila,
Ay batid ang paswit ng ibong inihuhulog palabas ng pugad.

Sapagkat nakasanayan ko na ang mabigo,
Humihihip sa mga tulang ito ang usok ng kalungkutan.
Ang mga tulang ito’y bintanang binuksan ng simoy-taglamig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Randy Fath @ unsplash.com

Isang Gabi ng Tag-araw, ni Antonio Machado

Salin ng “Una noche de verano,” ni Antonio Machado
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi ng Tag-araw

Isang gabi ng tag-araw—
noong bukás ang pinto ng aking balkon
at gayundin ang tarangkahan ng bahay—
ay biglang pumasok si Kamatayan.
Lumapit ito sa tabi ng kama ng anak ko—
nang hindi niya ako napapansin—
at pinalagitik sa mayuyuming kamay
ang kung anong maselang bagay.
Walang kaimik-imik na tumitig sa akin,
ang kamatayan ay tumawid sa ikalawang
pagkakataon. Ano ang ginawa mo?
Hindi siya sumagot.
Panatag ang anyo ng anak kong babae,
ngunit ang puso ko’y ano’t napakabigat.
Alam ko kung ano ang nilagot ni Kamatayan.
Ang hiblang nag-uugnay sa aming dalawa!

The Lost Child (1866) by Arthur Hughes. Photo by Birmingham Museums Trust @ unsplash.com

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Ang Bata, ni Vladimír Holan

Salin ng “Dítě,” ni Vladimír Holan ng Czech Republic
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata

Nakadait sa rabaw ng riles ang tainga ng bata
at pinakikinggan ang dagundong ng tren. . .
Nahatak ng mala-anitong musika,
siya’y ano’t walang kapaki-pakialam
kung paparating o papaalis ang tren.
Ngunit malimit asahan mo ang kung sino,
na palaging iiwan nang sadya ang isang tao,
hanggang makita ang sarili at wala saanman.  .  .  .

Ang Hinagpis ng Hukluban, ni Charles Baudelaire

Salin ng “Le Désespoir de la vieille,” ni Charles Baudelaire
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hinagpis ng Hukluban

Natuwa ang maliit na huklubang babae nang makita ang magandang batang kinagigiliwan ng lahat at sinisikap amuin—ang kaakit-akit na nilalang na sinrupok ng maliit na matandang babae, na bungal at kalbo. At lumapit siya sa bata, upang masilayan ng bata ang tuwa sa kaniyang mukha, at makisaya sa piling nito. Ngunit ang nahintakutang paslit ay pumiglas palayo sa mga haplos ng maliit na huklubang babae, at nagngangawa na lumukob sa bahay. Pagdaka’y napaurong ang matandang babae at nagpasiyang mag-isa, at napagibik sa sulok, saka winika: “Ay, lumipas na ang panahon, para sa aming matatanda, na mapaligaya kahit ang isang musmos; at ngayon, sinisindak namin ang mga paslit na batang ibig naming mahalin.”

No to military junta. No to coup d’état. No to dictatorship. Yes to humanity. Yes to poetry!

Ang Arina, ni Gabriela Mistral

Salin ng “La Harina,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Arina

Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Malinaw na arina mula sa bigas, na kumakaluskos gaya ng pinong seda; ang tinaguriang gawgaw, na kasingsariwa ng tubig mula sa niyebe at nagpapabawa ng pasò. Mula sa abang patatas, ang arina ay kasingdulas ng pilak. Anung kinis ng arina!

. . . . . .Arinang siksik, na gawa mula sa pighati ng mga butil ng bigas o senteno, ay kasimbigat ng luad, ang luad na kusang makalilikha ng landas ng gatas para sa mga nilalang na walang kasalanang orihinal.

. . . . . .Arinang makinis, na tahimik na dumadausdos kaysa tubig, ay makatatakip sa hubad na bata nang hindi siya mapupukaw.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Arina ng ina, tunay na kapatid ng gatas, na babaeng nasa rurok ng kaganapan, burgis na ilaw ng tahanan na puti ang buhok at súsong mapipintog; matatandaan niya ang oyayi kapag inihimig mo sa kaniya; nauunawaan niya ang lahat ng bagay hinggil sa pagkababae.

. . . . . .Iniwan nang mag-isa sa daigdig na ito, pasususuhin niya sa kaniyang bilugang mga suso ang planeta.

. . . . . .Mapagbabanyuhay niya ang sarili na maging bundok ng gatas, ang mapagpalang bundok na kinatitisuran nang paulit-ulit ng mga bata.

. . . . . .Ang inang arina ay isa ring batang eternal, na idinuduyan sa mga bukirin ng palay, ang munting paslit na pinaglalaruan ng simoy nang hindi siya nakikita, at humahaplos sa kaniyang mukha nang hindi napapansin.

. . . . . .Arinang malinaw. Maiwawagwag ito sa aba, itim, sinaunang lupa, at gaganti siya sa pagbibigay ng malawak na bukirin ng margarita, o kaya’y sasaplutan iyon sa elada.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Kung maglalakad siya, walang makaririnig sa yabag ng kaniyang mabulak na paa na bumabaon sa lupa; kung sasayaw siya, babagsak ang kaniyang namimigat na mga kamay; kung ibig niyang umawit, ang awit ay babará sa kaniyang makapal na lalamunan. Ngunit hindi siya naglalakad o sumasayaw o umaawit. Kung ibig niyang magkapangalan, kailangang umimbento tayo ng ngalan para sa kaniya na nagtataglay ng tatlong B, o tatlong malalambot na M.

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Album ng Pamilya, ni Najwan Darwish

Salin ng tulang tuluyan mula sa wikang Arabe ni Najwan Darwish.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Kareem James Abu-Zeid.

Album ng Pamilya

Pinigil niya ako nang magkita kami sa piging at winika, “Mabuti pang bitayin ako kasama si Omar al-Mukhtar kaysa makihalubilo sa mga espiya na nagsasalita sa ngalan namin.

Pinigil niya ako at nagtanong sa pangalan ng kapitbahay kong tindero noong ako’y bata pa. Pagkaraan ay binunot niya ang isang munting album mula sa bulsa ng kaniyang abrigo at ipinakita ang mga larawan ng mga batang takot na takot, saka sinabing iyon ay pag-aari ko lahat.

Winika niyang nagbalik dapat ako ilang taon na ang nakalilipas, at ang aking kabiyak (na tinawag niyang anak) ay matapang na pinalaki ang mga bata noong ako’y nawawala.

(Sinabi rin niyang siya ang kapitbahay na tindero, at isa sa mga takot na takot na bata ang humahaliling magtinda habang nagsisiyesta siya.)

Hiyang-hiya akong itanong sa kaniya ang mga pangalan ng aking mga anak. Hiyang-hiya din akong itanong ang pangalan ng kanilang ina. Kumilos lamang ako na parang umalis ng bahay nang umagang iyon.

Bumuntong-hininga siya at tumitig sa malayo, gaya ng aktor sa dulang pantelebisyon, at sinabi sa akin na huwag ibunyag sa sinuman kung anuman ang naganap habang magkapiling kami, o kaya’y na siya ang pasimuno ng piging na ito—pinili niyang gumanap sa papel ng isang kapitbahay na tindero.

“Pipiliin kong mabitay kasáma si Omar al-Mukhtar kaysa manatili rito,” sambit niya nang sumusungaw ang mga luha sa kaniyang paningin. Bigla siyang humangos palabas ng pinto at iniwan ako sa piging.

Habang nag-iisa, binuklat ko ang kaniyang album, at tinitigan ang mga mukha ng aking mga anak.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights, specially of the poor and powerless! Where are you, o my people?