Wika ng Sining, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Síning

Roberto T. Añonuevo

Sumasápit táyo sa wakás, na hindî talagá wakás, sapagkát kailán pa namatáy ang mga bathalà? Paná-panahóng itinátakwíl ang isáng bathalà, na tinátapyás ang ilóng ng rébulto kung hindî man sinusúnog ang dambanà nitó, tuwíng may bágong mga mánlulúpig ngúnit magbabalík siyáng umáalimbúkad na salitâ na mangánganák ng mga salitâ na higít sa káyang lamanín ng díksiyonáryo—lumúlundág sa báwal, lumálagók ng láson, lumálagót sa batás—at láhat ng sumumpâ sa kaniyá ay lílibakín niyá gáya sa épiko na nagkúkunwáng pulút kung hindî man pigíng, hanggáng magíng lángit na pahiwátig ang lumálagabláb na lungsód sa pagkáligálig. Hiníhingíng mabalíw ang maláwak na madlâ nang maníwalà itóng walâng tulâ noóng úna pa man. Hindî nágkukublí sa likód ng telón, ni walâng kristál na kahón, ang bathalà’y hindî nalúlungkót ni nalúlugód, ngúnit batíd ang íkot at tóki ng paglálakbáy túngo sa ibá-ibáng panahón at ibá-ibáng poók, walâng pakíalám kung sambahín siyá ng mga déboto sa pinakámatáyog na kamalayán. Kinákailángan bang magtayô ng tuláy ang mga bathalà sa hanggáhan ng talíno at gunitâ ng kasálukúyan? Hindî. At hindî rin kailángan ng túnay na bathalà ang sinúmang magpapáliwánag sa kaniyáng pagkábathalà, íyan ay tungkúlin ng mahílig maghalúkay sa mga ímpiyérno at libíngan ng mga rékwerdo. Umiíral ang mga bathalà hindî úpang sambahín o puríhin, sapagkát sapát na sapát na silá sa saríli, ang tulâ na higít sa makatà. Hindî magíging bathalà ang makatà; ngúnit málilikhâ ng tulâ ang pagpápalàin nitóng magíng ínmortal sa paningín ng madlâ. Samantála, dumáratíng táyo sa yugtô na hindî nakápirmí, párang panánagínip ng digmâan at pág-uuwî ng mga kulimbát, at pagtátawánan siláng nag-íimbót sa luklúkan at kapirásong lupà, o nagháhanáp ng higít na maluwág na bulwágan, na párang walâng términal ang kapángyaríhan. Ang túnay na mga bathalà’y lasíng na lasíng nang hindî kumókonsúmo ng ngangà o lambanóg, paláboy ngúnit pag-áarì ang ibá’t ibáng nasyón, lumílipád ang ísip pára mágpaúbayà sa ibáng ísip, nang mataúhan ang mga ísip na may ísang nág-isíp, na hindî man matúkoy kung kailán nágsimulâ at kung alín ang wikà ay hindî natatákot umísip ng anumáng karápat-dápat pagniláyan ng nagmámasíd sa daigdíg. Mahabàng panahóng nápaníwalà ang mga sálinlahì sa ságradong aklát, na iisá ang bathalà ngúnit may tatlóng pílas o kayâ’y may tatlóng líbong pangálan sa tatlóng líbong perégrinasyón, at sa pag-áaníto ng mga debóto ay inákalà nilá na káhit ang mga bathalà’y nag-aáway at nanghíhimások nang maítanghál ang kaniláng pagkábathalà at maígiít ang paglíligtás. Ang túnay na bathalà’y hindî nangángambá sa paghuhukóm. Ang bathalà kapág nagbanyúhay na salitâ ay kailángang íwan ang pagkátunóg hábang nanánatíli ang guníguníng hímig, sakâ magíng títik o hulagwáy na maisísilíd sa papél. Nakabábató ang éternal na búhay. Kailángang humánap ng kaní-kaniyáng papél ang mga bathalà, gáya nátin, nang káhit paáno’y maípagdíwang ang likót ng mortál at luwálhatì ng sandalî.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry at the edge of the world. Photo by Isabella Mariana on Pexels.com

Pananabik, ni Roberto T. Añonuevo

Pananabik

Roberto T. Añonuevo

1
Ang pananabik ay naikukubli sa paghuhugas ng pinggan
at baso, na tila hindi maubos-ubos doon sa lababo.

Magmamantika ang mga palad mo, at iisipin na lámang
na ang bulâ ng sabon ay balikbayan mula sa ibayo.

2
Ang pananabik ay walang espasyo at panahon.
Minsan, nagpapakita ito sa gitna ng trabaho,
nagbibihis ng papeles na tambak sa harap mo.

Ngunit kay gaan ng iyong puso sa ritmo ng daigdig.

3
Ang pananabik ay napakahaba, napakabagal
na pila, na parang isang kilometrong sawá,

at kung ikaw ang nasa dulo ng buntot,
maiisip ang walang katuparang pangako—
gaya ng mula sa politiko na ibinulsa ang ayuda.

4
Magpapahaba ka ng buhok dahil sa labis na inip,
at di-alintana kung pumuti ang bigote o balbas.

Ngunit kapag sumusuot sa guniguni ang inaasam,
pipiliin mong maging hubad at kalbong naglalakad,

na parang iyon na ang pangwakas na araw
ng lahat ng salon at barberya.

5
Naantalang kartero o sulatroniko ang pananabik.
Silip ka nang silip mula sa bintana,
at bumubungad sa paningin mo ang mga sáko
ng basurang hahakutin ng mga basurero.

Maiinggit ka, sapagkat hindi ikaw ang hinakot nila.

6
Kapag may narinig kang eroplanong nagdaan,
ang akala mo’y dumating na ang hinihintay.

Maririnig sa iyo ang paboritong “Sana, sana. . . “
at hindi na muling manonood ng Koreanobela.

Bakit luluha kung sakali’t wala ang sinisinta?

7
Nakababaliw ang pananabik, kayâ naititindig
ang pinangarap na bahay,
at nakalilikha ng hardin ng mga gulay o bulaklak.

Magninilay ka sa inilatag na mga graba sa daan,
sa munting talón malapit sa pader,
at kapag may naligaw doon na paruparo o maya
magpaparaya ka sa kanilang pulut-gatâ—

na parang ikaw ang Bathala nilang lumuluha.

8
May samyo ng umaasóng sinaing ang pananabik.
Nakahanda ang hapag-kainan at naghihintay.

Susulyapan mo ang selfon at magkukunwari
na ang mahal ay dumating, at ngayon ay kapiling.

9
Mabibigo kang itala sa isip ang iyong pananabik.
Susulat ka nang susulat, kahit sa sahig o dingding,
para tawagin bilang sining,
para tawagin bilang tula,
at lilikha ka ng libong talinghaga hindi man makata.

Sapagkat siya ang iyong walang hanggang pag-ibig.

Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Jack Sloop @ unsplash.com

Ang Pagbabalik ng Awit, ni Lord Dunsany

Salin ng “The Return of Song,” ni Lord Dunsany (Edward John Moreton Drax Plunkett) ng Ireland at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagbabalik ng Awit

. . . . . .“Umaawit muli ang mga sisne,” sabi ng isa sa kapuwa niya diyos. Sa aking mga panaginip ay napadako ako sa marikit at malayong Valhalla, at nang sumilip ako pababa, nakita ko sa ilalim ang maningning na bulâ na hindi naman higit na malaki sa bituing magayon ngunit aandap-andap, at pataas nang pataas mula roon ay bumungad ang palaki nang palaki na kawan ng mga sisneng umaawit nang umaawit, hanggang ang mga diyos ay tila mga ilahas na barkong lumalangoy sa musika.

. . . . . “Ano iyan?” sambit ko sa isang mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos.

. . . . . “Tanging ang mundo ang nagwakas,” aniya sa akin, “at ang mga sisne ay nagbabalik sa mga diyos upang maghandog ng awit.”

. . . . . “Patay,” sabi niya na mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos. “Hindi habang-panahon ang mga mundo; tanging ang awit ang inmortal.”

. . . . . “Masdan mo! Masdan mo!” aniya. “Magkakaroon ng bago sa lalong madaling panahon!”

. . . . . At tumingin ako, at nasilayan ang mga pipit na bumubulusok mula sa mga diyos.

Alimbúkad: Poetry Translation Unstoppable. Photo by Priscilla Du Preez @ unsplash.com

Bumabakhtin Da Dawg, ni Roberto T. Añonuevo

Bumabakhtin Da Dawg

Roberto T. Añonuevo

“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus

Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig,  nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.

Prometheus, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Prometheus,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Prometheus

Takpan sa makakapal na dagim
Ang iyong langit, O Zeus!
At gaya ng paslit
Na pumipigtal ng mga dawag,
Magsanay sa mga roble at tuktok
Ng mga bundok
Kailangan mo pa ring lisanin
Ang aking mundo na buong-buo,
At ang aking munting kubol
Na hindi mo naman itinayo,
At ang aking dapugan
Na ang naglalagablab na init
Ay sadyang kinaiinggitan mo.

Wala na akong alam na hihigit pa
Na kasuklam-suklam sa balát ng lupa
Kundi kayong mga bathala!
Masinop mong pinakakain
Ang iyong dakilang kamahalan
Mula sa mga buwis ng sakripisyo
At hininga ng panalangin
At magdurusa sa kakulangan
Ngunit hindi sa mga bata at pulubi,
O sa mga kaawa-awang hangal!

Minsan, noong bata pa ako’y
Hindi ko alam kung saan susuling,
Tumingala ako sa araw, na tila ba
May taingang makikinig sa hinaing,
Na may pusong gaya sa akin
Na mahahabag sa mga inaapi.

Sino ang tumulong sa akin
Laban sa kahambugan ng mga Titan?
Sino ang sumaklolo sa akin
Mula sa kamatayan, sa kaalipnan?
Hindi ba ang banal at nagniningning
Kong puso ang gumanap ng lahat
Kahit ni walang isang tumulong?
At hindi ba ang musmos at mabuti
Na nandaya ang nagpasalamat
Dahil sa pagkupkop sa kaniya,
Dahil natutulog ang nasa kaitaasan?

Magpupugay ako sa iyo? Para ano pa?
Pinagaan mo ba kahit minsan
Ang pasaning hinagpis ng tao?
Pinahimasmasan mo ba kahit minsan
Ang sindak na taglay ng mga luha ng tao?
Hindi ba ang omnipotenteng Panahon
Ang pumanday sa aking pagkatao,
At ang walang hanggahang Kapalaran
Ang kapuwa natin mga panginoon?

O naiisip mo rin ba marahil
Na kailangan kong kapootan itong buhay,
Tumakas tungo sa mga disyerto
Dahil hindi lahat ng sumisibol
Na pangarap ay ganap na nahihinog?

Narito akong nakaupo, hinuhubog
Ang mga tao mula sa aking hulagway—
Isang lahing kahawig ko:
Ang magdusa, ang tumangis,
Ang magsaya, ang magdiwang
Dahil ni minsan ay hindi ka pinakinggan
Tulad ko!
(1773)

Pamagat: Prometheus Bound. Artist: Frans Snyders. 1618.  Oleo sa kambas.Taas: 242.6 cm (95.5 ″); Lapad: 209.5 cm (82.4 ″) Museo: Philadelphia Museum of Art

Pagtitika sa anumang pagyao, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Remordimiento por cualquier defuncion,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Pagtitika sa anumang pagyao

Malaya sa ating taglay na gunita at sa pag-asa—
walang hanggan, abstrakto, halos hinaharap—
ang patay ay hindi patay: ito ay ang kamatayan.
Gaya ng Bathala ng mga mistiko,
na anila’y kabaligtaran ang mga ipinapahayag,
ang patay saanman ay wala kundi pagkawasak
at kawalan ng mundo. Ninakawan natin ito ng lahat,
at ni hindi nag-iwan ng isang kulay o isang pantig:
heto ang bakurang tinanggihang pukulin ng tanaw,
ang landas na inililigaw ang taglay na pag-asa.
Kahit ang iniisip natin ay maaaring iniisip din nito;
pinagsasaluhan natin, gaya ng mga magnanakaw,
ang kagila-gilalas na yaman ng mga gabi at araw.

Ang Pamilihan, ni Oktay Rifat

Salin ng “Pazar,” ni Oktay Rifat (Oktay Rifat Horozcu) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pamilihan

Kawangis nila ang mga barbarong bathala,
na pawang marubdob, tahimik, at maringal,
suot ang itim na damit at nakagora,
balbasin, at maluwag ang tabas ng pantalon,
yari sa goma ng mga gulóng ang sapatos,
nagtatanghal ng mga kilím na may mga usá,
naglalatag ng mga telang búlak na may pintá,
at háin ang mga piraso ng keso, kamatis, at ígos
na nasa gitna ng kanilang nakangangáng bákol.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Sagradong Erotika, ni Amaru

Salin ng dalawang klasikong tula sa wikang Sanskrit ni Amaru
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,
batay sa bersiyong Ingles ni R. Parthasarathy

Sino ang mananawagan sa mga bathala?

Nagsalabid ang mga buhok, umalog-alog ang mga hikaw,
sakâ nilusaw ng mga pawis ang marka sa noo, ang babaeng
marikit ay ano’t hindi napigil ang mga matang mapatirik
dulot ng luwalhati nang sakyan ang kaniyang mangingibig.
Matagal pa bago ipagsanggalan ka ng kaniyang hulagway.
Brahmā, Viṣhṇu, at Śhiva—Sino ang mananawagan pa ngayon
sa mga bathala?

Laksang Pag-iwas

Nang humarap ako sa kaniya at mukha niya’y nakita
paiwas akong tumungó’t tumitig sa aking mga paa.
Nang nasabik ang mga tainga kong makinig sa kaniya, nagtukop ako.
Nang mamulá ang mga pisngi kong namamawis, tinakpan ko iyon
ng aking mga palad.
Ngunit ano ang magagawa ko, o aking mga kaibigan,
nang ang mga tahî ng aking kasuotan
ay natastas, at napunit ang hablón sa landas ng laksang pag-iwas?

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Saaremaa, ni Helga Jermy

Salin ng “Saaremaa,” ni Helga Jermy ng UK at Australia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Saaremaa

Ninakaw ko ang iyong mga kuwento
sa paraang labis-labis ang paggalang.
Tila pamana iyon matapos akong mawalan,
binabati ng mga punongkahoy na naglalakad
sa mga pabula, sumisilang ang mga bathala
ng Saaremaa sa bumubulusok na bulalakaw,
lahat ng salaysay na ipinadpad mulang dagat.
Tinitingnan ko lamang ang heograpiya habang                                                                  nagmamaneho tungo sa puso ng lupaing ito,
at bawat puno’y may pahiwatig sa DNA nito.
Sinalubong ko ang nauupos-upos na liwanag
habang humihinto itong magpinta ng anino.
Maaabot ko sa wakas ang karimlan dito.
Maalab, matingkad na sípiya ang kulay,
na tila walang kamalay-malay sa kakayahan.

landscape nature rock person light sky night star milky way atmosphere sandstone formation dusk twilight scenic natural space darkness galaxy long exposure moonlight outer space lights astronomy geology stars universe utah midnight arches national park screenshot astronomical object