Salin ng “Hawamish ʿala Daftar al-Naksa” ni Nizar Qabbani ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig
I
Mga kaibigan, ikinalulungkot ko ang sinaunang wika
At mga antigong aklat.
Ikinalulungkot ko
Ang warak na mga salita, gaya ng lumang sapatos,
Ang mga parirala ng kalibugan, paninira, at panlalait.
Ikinalulungkot ko
Ang wakas ng kaisipan na nagbunga ng pagkalupig.
II
Maaalat ang tula sa ating mga bibig,
Maaalat ang tirintas ng mga babae,
At ang gabi, at ang lambong, at ang mga puwit.
Maaalat ang mga bagay na nasa harapan natin.
III
Bayan kong kawawa,
Binago mo ako sa kisapmata
Mulang makatang nagsusulat ukol sa pag-ibig at pananabik
Tungong makatang nagsusulat nang may tangang patalim.
IV
Dahil mabigat ang niloloob kaysa ating mga aklat
Ay marapat lámang na ikahiya ang ating mga tula!
V
Hindi kakatwa kung matalo man tayo sa digmaan:
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lahat ng silanganing sining ng retorika
At kabayanihang ni hindi nakapatay ng isang niknik.
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lohika ng mga tambol at rebab.
VI
Ang lihim ng ating trahedya
Ay nakatutulig ang ating sigaw kaysa ating mga tinig
At higit na matangkad sa atin ang sariling mga espada.
VII
Ang kalagayan
Ay malalagom sa isang kasabihan—
Isinuot natin ang sibilisadong balát
bilang panakip sa kaluluwang pagano.
VIII
Hindi matatamo ang tagumpay
Sa pamamagitan ng plawta at pipa!
IX
Ang improbisasyon natin ay nagsilang
Ng limampung libong bagong tent.
X
Huwag sumpain ang langit
Kung pinabayaan kayo,
Huwag sisihin ang pangyayari,
Dahil idinudulot ng Diyos ang tagumpay saanman niya naisin—
Ngunit wala kayong panday na makalilikha ng mga patalim.
XI
Kay sakit marinig ang mga balita sa umaga,
At masakit sa akin kapag narinig ang tahol.
XII
Hindi tumawid ang mga Hudyo sa ating hanggahan
Ngunit nagsigapang,
gaya ng mga hantik, sa pamamagitan ng ating kahihiyan.
XIII
Sa loob ng limang libong taon
Ay namuhay tayo sa malalim na lungga
At nagpahaba ng balbas, at lingid ang pananalapi,
At naging lagusan ng pulgas ang ating mga mata.
Mga kaibigan,
Buwagin ang mga pinto!
Hugasan ang pag-iisip, at labhan ang mga damit!
Mga kaibigan,
Subuking magbasa ng aklat,
O sumulat ng aklat,
Magtanim ng mga liham, granada, ubas,
Maglayag sa mga bansang maulop at maniyebe!
Walang nakakikilala sa inyo sa labas ng lungga.
Akala ng mga tao roon, kayo ay mga lobo.
XIV
Manhid ang ating balát sa mga pakikiramdam,
Nagrereklamo ang ating diwa sa pagkabangkarote,
Ang mga araw natin ay umiinog sa mga pagdalaw,
Paglalaro ng ahedres, at nakasanayang siyesta.
XV
Tayo ba “ang pinakamahusay na bansang nilikha”?
Ang mga lumigwak nating krudo sa disyerto
Ay makapagsisilbi bilang umaapoy na patalim . . .
Ngunit
Naging kahihiyan ito sa mga maharlika ng Quraish,
Naging kahihiyan ito sa timawa ng Awse at ng Nizar
Dahil ibinubuhos para yapakan ng mga aliping babae.
XVI
Nagsisitakbuhan tayo sa mga lansangan,
At ipit-ipit ng kilikili ang mga lubid.
Kay hihina nating mga karpintero!
Binabasag natin ang mga salamin at kandado.
Pumupuri tayo gaya ng mga palaka,
Sumusumpa tayo gaya ng mga palaka.
Ginagawa nating bayani ang mga unanò
At ang mga duwag ng mga Maharlika.
Nagtitindig tayo ng mga bayaning balyan . . .
Mga tambay,
Tayo’y umuupo sa loob ng mga masjid
Bumabása ng mga berso, o kumakatha ng kawikaan
At namamalimos ng tagumpay laban sa kaaway
Mula sa kamay ng Maykapal.
XVII
Kung sinuman ang magbibigay sa akin ng pahintulot—
Kung makakapanayam ko lamang ang Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: O panginoong Sultan,
Ang mababalasik mong aso’y pinunit ang damit ko.
Ang mga ahente mo’y malimit nakabuntot sa akin,
Nasa likuran ko ang kanilang mga mata,
Nasa likuran ko ang kanilang mga ilong,
Nasa likuran ko ang kanilang mga paa.
Tulad ng hindi matatakasang kapalaran,
Binubugbog nila sa tanong ang aking asawa,
At itinatala sa kanilang mga aklat
Ang mga pangalan ng aking mga kaibigan.
O panginoong Sultan,
Dahil dumulog ako sa mga piping pader ng iyong lungsod—
Dahil sinikap kong ibunyag ang pighati at ang kagipitan—
Pinagpapalo ako ng sapatos.
Pinilit ako ng mga kawal mong kainin ang aking sapatos!
XVIII
O panginoon,
Ang aking panginoong Sultan,
Dalawang ulit kang nabigo sa digmaan
Dahil walang dila ang kalahati ng buong sambayanan.
Ano ang silbi ng mga tao na wala namang dila?
Kalahati ng populasyon ng mga mamamayan
Ay sinusukol na gaya ng mga langgam at daga
Sa intramuros.
Kung pahihitulutan ako ng sinuman para makaraan
Sa mga kawal ng Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: Dalawang ulit kang bigo sa digmaan
Dahil bumukod ka nang malayo sa bawat kondisyon ng tao.
XIX
Kailangan natin ang napopoot na salinlahi.
Kailangan natin ang salinlahing lumilinang ng panganorin
At hinuhukay ang kasaysayan mula sa pinag-ugatan nito,
Hinahalukay ang kaisipan mula sa kailaliman—
Kailangan natin ang susunod na salinlahi
Na may naiibang tabas ng katangian
Na hindi nagpapalusot ng mga mali, hindi nagpapatawad,
Hindi yumuyukod
At hindi natututong magsinungaling.
Kailangan natin ang dambuhalang
Salinlahi
Ng mga paglisan.
XX
Mga anak,
Mulang Atlantiko hanggang Karagatang Indiyo,
Kayo ang lungtiang trigo:
Kayo ang salinlahi na lalagot sa mga tanikala,
Ang magwawakas nang lubos sa opyo sa mga utak
At papaslang sa mga ilusyon.
Mga anak, mga inosente pa kayo
At gaya ng hamog ay dalisay.
Huwag basahin ang hinggil sa aming bigong salinlahi.
Mga anak,
Bigo kami . . . walang saysay tulad ng butong pakwan,
Nabubulok gaya ng lumang sapatos.
Huwag basahin ang aming mga balita,
Huwag sambahin ang aming mga monumento,
Huwag tanggapin ang aming mga diwain.
Kami ang salinlahi ng trangkaso, sipilis,
At tuberkulosis.
Kami ang salinlahi ng mga impostor, mananayaw
Sa mga lubid.
Mga anak!
Ulan sa tagsibol, mga sibol ng pag-asa!
Kayo ang malulusog na butil sa aming tigang na búhay,
Ang salinlahing lulupig sa aming pagkalupig!
(1967)
