Pulo ng Gawis, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Gáwis

Roberto T. Añonuevo

Sa panahón ng pangungúlilà, ang isáng butikî ay nagigíng dambúhalàng butikáw sa masúkal na kagubátan ng iyóng paningín. Ang palígid ay láging kulimlím; ang símoy ay warìng úsok mulâ sa kaingín. At ang butikáw ay didilà-dilà sa hángin, pagkáraán ay gagápang nang maráhan na párang sumásayáw, at kung nagkátaóng amóy ságing ka o susô na umáhon sa bátis ay hahabúlin ka niyá, sa átas ng gútom at pagkábagót, úpang págpistahán sa óras na hindî ináasáhan. Kailángang harapín mo ang tadhanà ng iyóng butikáw. Mágtatangkâ ang butikáw na pumások sa íyong sikmurà, at pagkáraán ay lalamúnin ang lahát ng íyong ágam-ágam at pag-aálalá na lulúsaw sa iyóng pagkatáo. Kung hindî alísto’y matátaúhan kang isá nang butikáw, na lumálakí nang lumálakí sa alaláhaníng hindî namán karápat-dápat paglaánan ng pansín. Ganiyán ang pakíramdám kapág sumápit sa Pulô ng Gáwis. Sa poók na itó, tutupúkin ka ng lungkót sa pág-iisá, at ang pangungúlilà ay tíla tipák ng batóng natapyás mulâ sa gulód at pumisák sa mga bahayán. Sa sandalî ng pangungúlilà, ang buntóng-hiningá ay maísasákatagâng tagulayláy na tátangayín ng amíhan at makáraratíng sa iyóng minámahál. Ngúnit bágo makáratíng iyón sa kaniyá, ang tagulayláy ay maaarîng magbágong anyô at magíng isáng balitáw, na isásayáw ng tandáng para sa dumalága, at mulâ roón ay hindî na mabábahíran ng pighatî o bagábag, bagkús isáng pagdiríwang túngo sa nakásasabík na págtitipán. Kayâ kailángang higtán mo ang saríli at maglakád at maghanáp hanggáng ang báwat bangúngot ay magwakás sa pagigíng bangúngot at maghúnos na halakhák o hagikgík ng mga paslít na náglalarô sa párang. Káhit ang pinakámatípunông mándirigmâ’y tumítiklóp kapág napurúhan ng suntók sa kaniyáng gáwis, na tíla binughán ng mángkukúlam hábang tirík na tirík ang áraw. Ngúnit kapág natutúhan mong pálakasín ang iyóng gáwis, ang pangungúlilà ay maítatawíd sa ibáyo sa anyô ng pámbihiràng inabél at hablón, o pinandáy na kárit at baróng, o hinúbog na abrám at palayók, o kamá-kamálig na balátináw na makapágpapálusóg sa buông ílihan. Sa Pulô ng Gáwis, matagpûan mo man o hindî ang iyóng minámahál ay tiyák na titíbay ang kaloóban—kapág napáamò at napásunód ang sasápit sa iyóng dambúhalàng butikáw.

Alimbúkad: Poetry tsunami without warning. Photo by Francesco Ungaro on Pexels.com

Kung ang Araw Noon, ni Roberto T. Añonuevo

Kung ang Araw Noon

Roberto T. Añonuevo

Kung ang araw noon ay araw ngayon,
malalasing ako sa iyong mga salita
na ang totoo’y ang iyong hulagway;
at ang oras ay tatakbo,
tatakbo nang tatakbo, nang hindi
nababahala
sa magaganap sa iyo o kaya’y sa akin,
at kapuwa tayo magpapahiwatig
na parang mga bituin,
kumikislap ngunit hindi umiimik,
at sa gitna ng dilim
ay tumitibok ang malawak na espasyo.

Magsasalita ka at makikinig ako;
o magsasalita ako at makikinig ka,
at anuman ang mapag-usapan natin
ay magsasara ng berso o uniberso—
isang dambuhalang anyo ng bayawak
na iginuhit paukit sa noo ng bundok
para sa isang hapunan o kaarawan.
At wala nang ibang mapapansin
(kahit nasa tabi ang mga bathala)
malango man ang lahat ng nakatingin.

Ngunit ang panahon ay nakaiimbento
ng mga lihim na laberinto at medida,
sumusubok sa baitang o bulaklak,
naiiwang katakatayak at disyerto,
nagtatayo ng parmasya o aklatan
sa dalawampung minuto,
hindi nagsisisi sa dugo o ihi o batik,
at sumusuway sa sinaunang simoy
at pangako,
na parang pelikula o hudhud
na umaandar at tumatanggi sa wakas.

Ang araw na ito ang araw din noon:
Isang sinasagupang bagyo o nakaiinip
na kuwarentena
na sinasadya at dahilan sa isa’t isa.
At babalikan ang mga lumang retrato,
aapuhapin ang artsibo ng mga lakad,
upang sabihing
sariwa ang ngiti at tama ang timbang,
at itim na itim
ang buhok na humaba sa paghihintay.

Iniiwan tayo ng panahon
na hindi lingid sa atin
kahit ibig nating humabol at tumutol.
Isang araw ay lilitaw at lilitaw ang bagong
ako at ikaw,
na lumalampas sa hilaga at timog,
hungkag na hungkag ngunit sapat,
na iba ang mga pangalan at edad,
marahil ay nasa ibang planeta,
naglalakad,
nagbibiruan,
ikinakasal na waring mga tikbalang
sa punto blangko
ng hinaharap—
at lumilikha ng kakaibang epiko
para sa mga salitang ikaw, ako, mahal.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity