Pulo ng Bibig, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Bibíg

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-idlíp ay katumbás ng kaláhatìng síglo, at mamumúlat ka na lámang sa íngay na nagmúmulâ sa Pulô ng mga Bibíg. Sa poók na itó, ang mga táo at kámbal nitóng róbot ay nakápagsásalitâ sa sarì-sarìng wikà mulâ sa ibá’t ibáng pánig ng daigdíg. Báwat isá’y párang tumátakbóng diksíyonáryo at tesáwro, naglálantád ng komúnikásyong galaktíko’t únibérsal, at kung humírit ay bátay sa kodígong alfánumeríko at ípertékstong markádong wikà. Malúlulà ka sa lálim at láwak ng dátos, sapagkát naróroón ang modélo ng intérkonektádong usápan, ang pórtal ng lahát ng karunúngan at kabálbalán na walàng morálidád at walàng hanggá, ngúnit malayàng isíping sinlamíg ng túndra. Mag-íngat. Sa Pulô ng mga Bibíg, ang lumalákad na bibíg ay lalapàin ng ibáng bibíg, na kakaínin din ng higít na malakíng bibíg na lalamúnin ng makapángyaríhang bibíg. Ang bibíg kung gáyon ay hindî na lámang dalúyan ng pagkáin, o kayâ’y órgan para sa kalugurang sensuwal, gáya sa pag-áwit o pakikípagtálik. Idínisényo ang bibíg para manákop, hindî lámang sa malíliít na bibíg bagkús sa matatálas na ísip, at itó ang ilálahád pagkáraán sa mga muséo at ártipisyál na artsíbo. Úpang masawatâ ang ganítong kalákarán, kailángan mong magwikà alinsúnod sa seryálisádong lígoy, na ang isáng kaísipán ay súma ng pangwakás na talínghagà at ng penultímang talínghagà. Dadáloy ang iyóng kaísipán sa kapuwà simetríko at ásimetríkong álon, na alinmán sa mga itó ang pilìin mo, ay lalampás sa prosodyá at lumàng padrón, at magigíng ínmortal. Kayâ kapág hinánap mo ang iyóng mahál, na maráhil ay may tukáyang tatlóng trilyón sa direktóryo ng kasaysáyan, sa kabilâ nitó’y matútuklásan mo pa rin ang isá pára sa iyó—sapagkát tánging siyá ang makáaarók ng líkaw ng iyóng dilà. Tawágin mang reénkarnásyon o repétisyón, ang kaísipán mo ay maísusúlat lámang sa wikàng alám mo, na tutuklásin ng ibá, gáya sa hudhúd at balagtásan, subálit hindî kailánman magagáya, maglutò man silá ng putomáya. Kung íbig mong manaíg sa Pulô ng mga Bibíg, sumakáy sa mga tunóg, lumundág sa gúhit, at magpákawalâ ng alamís na itinítibók ng dibdíb.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Andreas on Pexels.com

Paalam na Hibik, ni Kulleh Grasi

Salin ng “Halam Ikak,” ni Kulleh Grasi (Royston John Kulleh)                        ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paalam na Hibik

Binabayó-bayó
ng mga anino ang iyong ulo
sa dingding,
na himig-balúk sa hangin.
Tinig ng mga bagting ng buktót
ang kabiyak ng hininga
sa mga daliri mong
tumatangis nang hibang.

Agaw-lila’t bughaw ang ulop
na bumaba sa payëw ng langit
at marahang pumasok sa isip.
Inilihim mo ang kamatayan
dito sa higaan na kakatwa:
Anong tamis ng búhay sa iyo!

Ulo sa ulo,
bibig sa bibig,
paulit-ulit kang namamatay:
Ano’ng tamis ng búhay sa iyo?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang Bugsók, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bugsók

Ipagpapalit ko ang lahat sa isang bugsók
na bumabangon tuwing gabi nang taglay
ang kaniyang kudyapi at plawta,
at nang makita ang tangan kong kopa
ay biglang nagwikang,
“Inumin ang duguang bignáy sa bibig ko!”
At ang buwan, na nabiyak na pakwan
sa balabal na itim, ay iginuhit sa bulawan.

Bugsók

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig, ni Nizar Qabbani

Salin ng “Hawamish ʿala Daftar al-Naksa” ni Nizar Qabbani ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig

I
Mga kaibigan, ikinalulungkot ko ang sinaunang wika
At mga antigong aklat.
Ikinalulungkot ko
Ang warak na mga salita, gaya ng lumang sapatos,
Ang mga parirala ng kalibugan, paninira, at panlalait.
Ikinalulungkot ko
Ang wakas ng kaisipan na nagbunga ng pagkalupig.

II
Maaalat ang tula sa ating mga bibig,
Maaalat ang tirintas ng mga babae,
At ang gabi, at ang lambong, at ang mga puwit.
Maaalat ang mga bagay na nasa harapan natin.

III
Bayan kong kawawa,
Binago mo ako sa kisapmata
Mulang makatang nagsusulat ukol sa pag-ibig at pananabik
Tungong makatang nagsusulat nang may tangang patalim.

IV
Dahil mabigat ang niloloob kaysa ating mga aklat
Ay marapat lámang na ikahiya ang ating mga tula!

V
Hindi kakatwa kung matalo man tayo sa digmaan:
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lahat ng silanganing sining ng retorika
At kabayanihang ni hindi nakapatay ng isang niknik.
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lohika ng mga tambol at rebab.

VI
Ang lihim ng ating trahedya
Ay nakatutulig ang ating sigaw kaysa ating mga tinig
At higit na matangkad sa atin ang sariling mga espada.

VII
Ang kalagayan
Ay malalagom sa isang kasabihan—
Isinuot natin ang sibilisadong balát
bilang panakip sa kaluluwang pagano.

VIII
Hindi matatamo ang tagumpay
Sa pamamagitan ng plawta at pipa!

IX
Ang improbisasyon natin ay nagsilang
Ng limampung libong bagong tent.

X
Huwag sumpain ang langit
Kung pinabayaan kayo,
Huwag sisihin ang pangyayari,
Dahil idinudulot ng Diyos ang tagumpay saanman niya naisin—
Ngunit wala kayong panday na makalilikha ng mga patalim.

XI
Kay sakit marinig ang mga balita sa umaga,
At masakit sa akin kapag narinig ang tahol.

XII
Hindi tumawid ang mga Hudyo sa ating hanggahan
Ngunit nagsigapang,
gaya ng mga hantik, sa pamamagitan ng ating kahihiyan.

XIII
Sa loob ng limang libong taon
Ay namuhay tayo sa malalim na lungga
At nagpahaba ng balbas, at lingid ang pananalapi,
At naging lagusan ng pulgas ang ating mga mata.
Mga kaibigan,
Buwagin ang mga pinto!
Hugasan ang pag-iisip, at labhan ang mga damit!
Mga kaibigan,
Subuking magbasa ng aklat,
O sumulat ng aklat,
Magtanim ng mga liham, granada, ubas,
Maglayag sa mga bansang maulop at maniyebe!
Walang nakakikilala sa inyo sa labas ng lungga.
Akala ng mga tao roon, kayo ay mga lobo.

XIV
Manhid ang ating balát sa mga pakikiramdam,
Nagrereklamo ang ating diwa sa pagkabangkarote,
Ang mga araw natin ay umiinog sa mga pagdalaw,
Paglalaro ng ahedres, at nakasanayang siyesta.

XV
Tayo ba “ang pinakamahusay na bansang nilikha”?
Ang mga lumigwak nating krudo sa disyerto
Ay makapagsisilbi bilang umaapoy na patalim . . .
Ngunit
Naging kahihiyan ito sa mga maharlika ng Quraish,
Naging kahihiyan ito sa timawa ng Awse at ng Nizar
Dahil ibinubuhos para yapakan ng mga aliping babae.

XVI
Nagsisitakbuhan tayo sa mga lansangan,
At ipit-ipit ng kilikili ang mga lubid.
Kay hihina nating mga karpintero!
Binabasag natin ang mga salamin at kandado.
Pumupuri tayo gaya ng mga palaka,
Sumusumpa tayo gaya ng mga palaka.
Ginagawa nating bayani ang mga unanò
At ang mga duwag ng mga Maharlika.
Nagtitindig tayo ng mga bayaning balyan . . .
Mga tambay,
Tayo’y umuupo sa loob ng mga masjid
Bumabása ng mga berso, o kumakatha ng kawikaan
At namamalimos ng tagumpay laban sa kaaway
Mula sa kamay ng Maykapal.

XVII
Kung sinuman ang magbibigay sa akin ng pahintulot—
Kung makakapanayam ko lamang ang Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: O panginoong Sultan,
Ang mababalasik mong aso’y pinunit ang damit ko.
Ang mga ahente mo’y malimit nakabuntot sa akin,
Nasa likuran ko ang kanilang mga mata,
Nasa likuran ko ang kanilang mga ilong,
Nasa likuran ko ang kanilang mga paa.
Tulad ng hindi matatakasang kapalaran,
Binubugbog nila sa tanong ang aking asawa,
At itinatala sa kanilang mga aklat
Ang mga pangalan ng aking mga kaibigan.

O panginoong Sultan,
Dahil dumulog ako sa mga piping pader ng iyong lungsod—
Dahil sinikap kong ibunyag ang pighati at ang kagipitan—
Pinagpapalo ako ng sapatos.
Pinilit ako ng mga kawal mong kainin ang aking sapatos!

XVIII
O panginoon,
Ang aking panginoong Sultan,
Dalawang ulit kang nabigo sa digmaan
Dahil walang dila ang kalahati ng buong sambayanan.
Ano ang silbi ng mga tao na wala namang dila?
Kalahati ng populasyon ng mga mamamayan
Ay sinusukol na gaya ng mga langgam at daga
Sa intramuros.
Kung pahihitulutan ako ng sinuman para makaraan
Sa mga kawal ng Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: Dalawang ulit kang bigo sa digmaan
Dahil bumukod ka nang malayo sa bawat kondisyon ng tao.

XIX
Kailangan natin ang napopoot na salinlahi.
Kailangan natin ang salinlahing lumilinang ng panganorin
At hinuhukay ang kasaysayan mula sa pinag-ugatan nito,
Hinahalukay ang kaisipan mula sa kailaliman—
Kailangan natin ang susunod na salinlahi
Na may naiibang tabas ng katangian
Na hindi nagpapalusot ng mga mali, hindi nagpapatawad,
Hindi yumuyukod
At hindi natututong magsinungaling.
Kailangan natin ang dambuhalang
Salinlahi
Ng mga paglisan.

XX
Mga anak,
Mulang Atlantiko hanggang Karagatang Indiyo,
Kayo ang lungtiang trigo:
Kayo ang salinlahi na lalagot sa mga tanikala,
Ang magwawakas nang lubos sa opyo sa mga utak
At papaslang sa mga ilusyon.
Mga anak, mga inosente pa kayo
At gaya ng hamog ay dalisay.
Huwag basahin ang hinggil sa aming bigong salinlahi.
Mga anak,
Bigo kami . . . walang saysay tulad ng butong pakwan,
Nabubulok gaya ng lumang sapatos.
Huwag basahin ang aming mga balita,
Huwag sambahin ang aming mga monumento,
Huwag tanggapin ang aming mga diwain.
Kami ang salinlahi ng trangkaso, sipilis,
At tuberkulosis.
Kami ang salinlahi ng mga impostor, mananayaw
Sa mga lubid.
Mga anak!
Ulan sa tagsibol, mga sibol ng pag-asa!
Kayo ang malulusog na butil sa aming tigang na búhay,
Ang salinlahing lulupig sa aming pagkalupig!

(1967)

Muli, ang Siglo Beynteng Realismo, ni Norman Dubie

salin ng “Again the Twentieth Century Realism” ni Norman Dubie
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MULI, ANG SIGLO BEYNTENG REALISMO

Tumingala ang lobo nang duguan ang bibig
sa may sandaang usa
na nakasapatos na pangniyebe—taggutom
na lampas sa lawa ang lumikha sa kanila nito
gaya ng panaklong na pumipintog
sa de-gradong paaralan na nagbubukod
sa mga nagliliyab na tinghoy ng minero
at sa maiitim na mitsa ng gaas
na kinababaran ng mga ito—

ang mamámaríl sa ibabaw ng kahuyan
ay binabasa ang mga tula ni Tsvetaeva,
pati ang kaniyang prosa, pinapahid ang luha
na hindi nagmumula sa mga mata niya
bagkus sa makakapal na labi, sa mga hibla
ng pilikmatang nagsayelo
na may lungting sanaw ng plema
at bulutong-tubig na lumulundag
sa uwak na nagwiwika
ng panaklong ng dulong taglamig
at lumilipad palayo tungong hilaga sa pagitan
ng pantay, bughaw na hanay ng octane at suklam.

Lobo.

Lobo, larawan mula sa dominyo ng publiko.