Kaarawan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaarawan

Roberto T. Añonuevo

Bumukas ang pinto, at humigop ng mga bagwis at amihan
ang himpilan. Lumakad papaloob doon ang isang binata,
at nang lumabas siya pagkaraan ng apatnapung gabi,
ang paligid ay hininga ng hukluban, at ang lupain
ay alingawngaw ng kalembang ng mga banyagang batingaw.
Luminga-linga ang kabataan, sinamyo ang halimuyak
ng mga palumpong at punongkahoy na nakasalubong,
sinalat ng mga talampakan ang maligamgam na lupa,
at waring naramdaman niyang pumatak sa kaniyang maantak
na loob ang malagkit maitim nakalalangong pulut ng ilahas
na kagubatan.

Advertisements

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.

Puri, ni Ribka Sibhatu

Salin ng tulang tuluyang “Verginità” ni Ribka Sibhatu mula sa Eritrea.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Napakahalaga sa paningin ng magiging esposa ang kaniyang birhinidad. Sa aming tradisyon, kapag ang ikakasal na babae’y hindi na birhen, isang araw pagkalipas ng kaniyang kasal ay ibinabalik namin siya sa tahanan ng kaniyang magulang, habang nakasuot ng woncio, at nakasakay sa likod ng buriko. Itinuturing iyon na pagkayurak ng dangal ng buong pamilya. Noong panahon ng digma, tumatakas ang mga tao mulang kalungsuran tungong kanayunan. Kailangan mong magsakripisyo upang makaangkop, gaya ng pagpapasan ng dalawampung litro ng tubig, kahit na ang balón ay dalawampung kilometro ang layo ng pinag-iigiban. Noong 1981, naging bakwet ako sa Adi Hamuscté, may dalawampung kilometro ang layo mula sa Asmara. Dumating isang hápon ang makisig na kabataan at apat na matandang lalaki at nagtungo sa bahay na aking tinutuluyan, at ipinaliwanag na ang binatang ngayon ko lamang nakita ay nais akong pakasalan. Kamakalawa, ani binata, ay minalas siyang matuklasan na hindi na básal ang kaniyang esposa. Kung papayag ang aking ama, at tatanggihan ko ang kanilang panukala, itataya ko ang sarili na magpakasal, o kung hindi’y isusumpa ng aking ama. Ang sumpa ng magulang ang kinasisindakan ng sinumang anak. Biglang sumilang sa aking diwa ang ganito: ihayag na ako mismo’y nakaranas mayurakan ang puri! Hahayaan ko na kayong isaharaya ang reaksiyon ng aking ama, na sa paningin ng pamayanan, ay nadungisan ang dangal. Tumalikod at tahimik na lumakad palayo sa aming bahay ang binata upang ipagpatuloy ang paghahanap ng isang birhen.

Batas, ni W.H. Auden

salin ng tula ni W.H. Auden (Wystan Hugh Auden).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BATAS

Ang batas, ani mga hardinero, ay ang araw,
Batas ang isang bagay
Na tinutupad ng lahat ng hardinero
Búkas, kahapon, ngayong araw na ito.

Batas ang karunungan ng matanda,
Ang sinisigawan ng mga lolong mahina;
Nagsasalapang ang dila ng mga apo,
Batas ang mga pandama ng binatilyo.

Ang batas, sabi ng paring mukhang pari
At nagsesermon sa bayan ng mga tiwali,
Ang mga salita sa aking banal na aklat;
Batas ang pulpito at ang toreng mataas.

Ang batas, ani hukom na lumulobo ang ilong
At malinaw magwika’t mahigpit humatol,
Ang batas na sinabi ko noong sinauna
Ang batas na inaakala kong alam mo na,
Ang batas na ipapaliwanag kong muli
Ay Batas ang Batas.

Ngunit sinusulat ng mga paham na matapat
Sa Batas: Hindi tama o mali ang batas,
Batas ang tanging mga krimeng
Pinarurusahan ng mga pook at panahon natin,
Batas ang mga damit na isinusuot ng tao
Anumang oras, saanmang dako,
Batas ang Magandang Umaga’t Magandang Gabi.

Sabi ng iba, Batas ang ating Kapalaran;
Sabi ng iba, Batas ang ating Kabansaan;
Sabi ng iba, sabi ng iba
Ang batas ay hindi hihigit
Sa pagiging batas na napalis.

At madalas, ang poot na madlang nag-iingay,
Ang nagngangalit at umaatungal
Na Batas ay Tayo,
At malimit mahinhing gagong banayad na Ako.

Kung tayo, mahal, ay nakababatid nang hindi
Hihigit sa kanilang nalalaman hinggil sa batas,
Kung hindi ko alam gaya ng alam mo
Ang dapat gawin at hindi dapat gawin
Maliban kung ang lahat ay sumasang-ayon
Nang masaya o masaklap
Na ang batas ay ito
At ang lahat ay nakababatid nito,
Kung sa gayon, ang isiping ito’y absurdo
Na tukuyin ang Batas sa ibang salita,
Na taliwas sa ginagawa ng maraming tao,
Hindi ko masasabing ang Batas ay muling
Hindi hihigit sa kanilang kaya nating supilin
Ang mithing unibersal na hulaan
O lumihis mula sa ating posisyon
Tungo sa walang pakialam na kondisyon.

Bagaman kaya kong mailugar
ang iyong banidad at banidad kong taglay
Sa pagsasaad nang banayad
Banayad na pagkakatulad,
Maipagmamalaki pa rin natin gayunman:
Gaya ng pag-ibig na aking isinasaysay.

Gaya ng pag-ibig, hindi natin batid kung saan o bakit
Gaya ng pag-ibig, hindi tayo makalilipad o makapipilit
Gaya ng pag-ibig, madalas tayong iiyak
Gaya ng pag-ibig, bihira tayong tumutupad.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.