Ang Ligaya, ni Omar Huenuqueo Huaiquinao

Salin ng “La Alegría,” ni Omar Huenuqueo Huaiquinao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ligaya

Sa balintataw nitong isang ibon,
nasok ang araw sa aking bintana.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Zdeněk Macháček @ unsplash.com

 

Ang Emperador, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperador

Roberto T. Añonuevo

Umiiyak na sanggol ang mga panalangin
Sa pusod ng dambuhalang katedral
Na kapatid
Ng tanikala ng mga barong-barong,
At narinig ito
Ng mga ibon
Ng mga mithi,
At lumipad at tinangay yaon
upang lumapág at humápon sa aking mesa.

Ang tinig, ano’t nagtitinikling
Sa mga lapis at ilang kinuyumos na papel!
Ipinaling ko ang tingin
Sa relo,
At kisapmatang huminto ang inog ng mundo
na tuminag sa aking espasyo.
Makahihindi ba ang langit sa munting anghel
Kung wala rito ang Maykapal?

Nag-iwan ng mga balahibo
Sa balintataw ko
Ang mga paglipad,
Ang pagód na pagód na paglipad,
At marahil, nakasalubong nito ang mag-anak
Na lumiban
Sa hapunan,
Subalit nangangarap ng kaligtasan sa labas
Ng bintana.

Baká tinangay ng mga tuka ang mga uhay
Na magpapasimula
Sa planong bukirin
Para sa mga mangingisda
Na napilitang kumahig sa buhangin?
Sakali’t gayon, ang hinaing ng karpintero
ay dapat tumbasan ng pagbuo ng mga ataul.

Sa papel na nakalapag sa mesa’y nakasulat:
“.  .  . At sa laberinto ng mga balón at yungib,
Kumakawag ang ilang isda na magpaparami
Nang likás para sa nagbabadyang tagsalat.”

Ang inosenteng iyak
Ay tumalbog-talbog sa rabaw ng aking mesa.
Kahit ako magtukop ng mga tainga
At pumikit
Ay naririnig ang sariling tákot na nakabibingi;
Parang mga kampanilya sa des-oras ng gabi
Ang mahabang pila
Ng mga kalansay
Na kumakatok sa guniguni.  .  .
Hinahabol din ako
Ng antigong batingaw
Mula sa mga umaasa’t alaga ng kuwarentenas
Sa ngalan man
Ng nabalam na rasyon ng mga de-lata’t bigas.

Sa akin ba sila maglilintanya ng hinanakit
Kung awtoridad
Na maituturing,
Habang umaalat ang mga pisngi sa pawis
Ng pagtitimpi, pagtitiis?
Ang araw na ito’y ilalaan pa ba sa hukluban?
Tanghalian ba ng mga pating
Ang mga bangkay na magbabalik sa laot?
Ang mga sagot ay anong gandang palaisipan
para sa mga yayao,
lalo’t paunti nang paunti ang mga gatong.

Ngunit kailangan kong dumilat
Sapagkat dapat gampanan
Ang tungkulin ng kataas-taasaan at realidad.
Ipinababa ko ang krus at watawat sa tore
At binasag
Ang hanay ng mga deboto—sa isang utos.
Ngunit hindi tumatahan ang sanggol.
Tumatahan ay hinding-hindi ang sanggol
Hanggang mag-ihit.
Hinipan ng simoy
Ang mga balahibo
Palabas ng bintana pagsapit ng liwayway,
At nagpaginhawa sa akin ang gayong tagpo.

At ako na nakaupo sa paboritong trono
Ay titig na titig nang walang pagkasawà
Sa nakalatag na mapa—
Ang mapa na natigmak sa lumigwak na tsaa
Na wari ko’y pamilyar na dagat
Ng mga luha
Mula sa mga sisinghap-singhap na anghel.
Sa ilalim ng bituin, sa ilalim ng pangalan
At ekis,
Nakaturo ang balani ng iniingatan kong
Paraluman
Sa isla ng Ikaapatnapung Gabi.
Umiiyak na sanggol ang mga panalangin. . . .

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Lisbon, ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Lisbon,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Lisbon

Sa himpilan ng Alfama, umaawit ang mga dilaw na trambiya
. . . . . . . .sa matatarik na dalisdis.
May dalawang bilangguan. Isa ang para sa mga magnanakaw.
Kumakaway sila sa mga rehas ng kanilang mga bintana.
Sumisigaw sila na ibig nilang makunan ng retrato.

“Ngunit dito,” ani konduktor na humahagikgik nang biyak ang loob,
“umuupo ang mga politiko.” Nakita ko ang patsada ang patsada
ang patsada at sa itaas, doon sa may bintana, ang lalaki’y
nakatayo na sumisipat sa teleskopyo at tumatanaw sa dagat.

Nakasampay ang labada sa asul. Mainit ang mga dingding.
Binása ng mga langaw ang mga mikroskopyong liham.
Anim na taon pagkaraan, tinanong ko ang babae sa Lisbon:
“Totoo ba ito, o napanaginipan ko lamang?

Alimbukad: Poetry unstoppable

Panggabing Simoy, ni Federico García Lorca

Salin ng “Aire de nocturno,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panggabing Simoy

. . . . . . .Nahihindik ako
sa mga patay na dahon
sa parang
na tigmak sa hamog.
Matutulog ako.
Kung hindi ako pupukawin,
iiwan ko sa tabi mo
ang malamig kong puso.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Isinuot ko
sa iyong bilugang leeg
ang mga hiyas ng madaling-araw.
Bakit mo ako iniwan
sa landas na ito?
Kapag nagtungo ka sa napakalayo,
umiiiyak ang aking ibon,
at ang lungting ubasan
ay magkakait ng alak.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

. . . . . . .Hindi mo mababatid,
espinghe ng niyebe,
kung gaano kita minahal
sa mga madaling-araw
na bumubuhos ang ulan
at nawawarat ang pugad
sa tuyot na sanga.

. . . . . . .“Ano ang tunog na iyan
mula sa malayo?”
“Pag-ibig.
Ang simoy sa salaming bintana,
Mahal ko!”

Pagsuko, ni Yannis Ritsos

Salin ng tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsuko

Binuksan niya ang bintana. Sumalpok nang pahugóng
ang hangin, at ang kaniyang buhok, gaya ng dalawang
ibon, ay umalon sa kaniyang balikat. Ipininid niya
ang bintana. Lumapag sa mesa ang dalawang ibon,
at tumitig sa kaniya. Sakâ tumungó siya sa pagitan
ng mga ito, at humikbî na waring pigíl na pigíl.

Umaga at Gabi, ni Yannis Ritsos

Salin ng dalawang tula ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Umaga

Binuksan niya ang persiyana. Isinampay niya ang kumot sa pasamano.
Nasilayan niya ang araw.
Isang ibon ang tumingin nang tuwid sa mga mata niya. “Nag-iisa ako,”
aniya.
“Buháy ako.” Pumasok ang babae sa silid. Ang salamin ay bintana rin.
Kapag tumalon ako mula rito’y babagsak ako sa aking mga bisig.

Isang Gabi

Ipininid nang kung ilang taon ang mansiyon,
na unti-unting naagnas ang bakod, kandado’t balkonahe;
Hanggang isang gabi,
ang buong ikalawang palapag ay biglang nagliwanag.
Ang walong bintana nito’y dumilat, ang dalawang pinto
ng balkonahe’y nabuksan at ni walang kortina.

Napahinto ang ilang saksing naglalakad at napatingala.
Tahimik. Wala ni kaluluwa. Nagningning ang bakuran.
Maliban sa antigong salamin—na nakasandal sa dingding—
na may mabibigat na moldurang inukit sa kamagong,
sinasalamin ang nabubulok, nakangangang sahig
na nagbubunyag ng kahanga-hangang lihim ng kailaliman.

Hiwaga ng Langit, ni Max Jacob

Salin ng “Mystère du ciel,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hiwaga ng Langit

Pagkauwi ko mula sa sayawan, napaupo ako sa pasamano ng bintana at pinagnilayan ang langit: ang mga ulap ay wari bang malalaking ulo ng mga huklubang lalaking nakaupo sa tabi ng mesa at isang puting ibon na may maririkit na balahibo ang dinala sa kanila. Tumawid sa himpapawid ang dambuhalang ilog. Isa sa matatandang lalaki ay tumitig sa akin. Magsasalita na lámang siya nang biglang mawalan ng gana, at naiwan ang mga dalisay na bituing kumikislap-kislap.

Sandaling Paghuni, ni Visar Zhiti

Salin ng “Cicerimat e çasteve,” ni Visar Zhiti ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sandaling Paghuni

Anong rikit umawit ang ruwisenyor
Sa pagitan ng mga rehas ng aking bintana,
Pinagbabanyuhay ang mismong mga bakal
. . . . . . . . . . Na malalagong sanga ng kalumpit.

Natakpan ng maraming uod ang sahig.

At ako, habang nakaluhod,
Ay isa-isang pinulot ang mga ito
Tulad ng mga mumo ng tinapay,
. . . . . . . . . . Tulad ng mga mumo ng búhay.

Stop weaponizing the law. No illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Sa mga bakás ng buwan, ni Philippe Jaccottet

Salin ng “Sur les pas de la lune,” ni Philippe Jaccottet ng Switzerland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa mga bakás ng buwan

Ngayong gabi, habang nakasungaw sa bintana,
nakita ko ang daigdig na ano’t napakagaan,
at nangaglaho ang alinmang balakid nito.
Lahat ng pumipigil sa akin kapag umaga’y
tila nakatakdang hatakin ako ngayon
mula sa isang lagusan tungo sa iba pa,
mula sa loob ng tahanan ng tubig
tungo sa kung anong marupok at maningning
gaya ng damuhang nakatakda kong pasukin
nang buong tapang, labis ang pasasalamat
sa taglay na kasariwaan ng mundo,
at sa mga bakás ng buwan ay nawika kong,
Oo, at pagdaka’y tumalilis ako.  .  .  .

Tatlong Tula ni Sagawa Chika

Salin ng mga tula ni Sagawa Chika ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ko

Nagulantang ang mga taganayon nang kumuliling ang telepono.
Ibig bang sabihin nito’y kailangan nating lumipat ng bahay?
Nataranta ang alkalde at hinubad ang kaniyang asul na diyaket.
Oo, totoo ang nasasaad sa listahan ng pangangailangan ni Ina.
Paalam, asul na nayon! Humahabol sa inyo ang tag-araw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng ilog.
Ang tandang na may pulang sombrero’y bumabâ sa walang
katao-taong estasyon.

Kalawanging patalim

Inakyat ng asul na takipsilim ang bintana.
Nagpatayon-tayon ang lampara, gaya ng leeg ng babae.
Naglagos sa silid ang makutim na simoy; inilatag ang kumot.
Ang mga aklat, tinta, at kalawanging patalim ay unti-unting
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ninanakaw ang buhay mula sa akin.

Habang ang lahat ay nakaismid,
ang magdamag ay ano’t napasakamay ko na.

Kabayong bughaw

. . . . . . .  . Sumapit ang kabayong winawasak ang bundok at nauulol. Mula sa araw na iyon ay lumamon lámang siya ng bughaw na pagkain. Tinina ng tag-araw sa bughaw ang mga mata at manggas ng mga babae, pagdaka’y malugod na nagpaikot-ikot sa plasa.

. . . . . . .  .Ang mga suki sa terasa ay humitit ng napakaraming sigarilyo, na nagbunga para isilang ang mumunting bilog na kahig-manok sa mga buhok ng dalaga.

. . . . . . .  .Dapat itapon gaya ng panyo ang malulungkot na gunita. Kung maiwawaksi ko lámang sa isip ang pag-ibig at ang panghihinayang, at ang makikintab na sapatos!

. . . . . . .  .Iniligtas ako sa paglundag mula sa ikalawang palapag.

. . . . . . .  .Bumangon ang dagat tungo sa kalangitan.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.