Elehiya sa Silid-aralan, ni Anne Sexton

 Salin ng “Elegy in the Classroom,” ni Anne Sexton ng USA
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Elehiya sa Silid-aralan
  
 Sa isang payak na silid-aralan, na ang mukha mo’y
 maringal at katumbas ng lahat ng bagay ang mga salita,
 natagpuan ko itong tabatsoy na humalili sa puwesto mo;
  
 at naghunos kang magulo, at tumatalungko sa pasamano,
 at hindi masasalungat ang pagkakaluklok doon,
 gaya ng malaki, matabang palaka,
 na minamasdan kami samantalang nakahugis V
 ang de-lanang mga binti.
  
 Gayunman, dapat kong hangaan ang iyong kahusayan.
  
 Kaaya-aya sa sinop ang kabaliwan mo.
 Hindi kami mapakali sa aming mga upuan
 at nagkukunwang iniisa-isang ilista nang pahanay
 ang katotohanan ng iyong bigating kulam
  
 o balewalain ang mapintog, bulag mong paningin
 o ang prinsipe na kinain mo kahapon
 at siya pa namang mautak, mautak, mautak. 
Alimbúkad: Unbreakable poetry soul. Photo by Tima Miroshnichenko on Pexels.com

Hunyo at Tuhod, ni Tarjei Vesaas

Salin ng “Juni,” ni Tarjei Vesaas ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hunyo

Nababasâ ang mapapayat na binti
sa mga damo ng gabi.
Napukaw ang mga yukod na uhay sa simula
at ikiniskis ang mga hamog nito
sa nagdaraang mga tuhod.
Isang matamis na lihim.

Tatlong mahinang katok sa pinto,
sa tahimik na pagmamadali,
sa mahiwagang gabi.
Sumilang ang ngiti:
Hulí na ba ako?

Tigmak sa hamog ang balát ko,
at mahalimuyak,
At umaalimbukad ang aking katawan
paharap sa iyo.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Salin ng “Dine kine og mine,” ni Tarjei Vesaas ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tuhod Mo’t Tuhod Ko

Mga tuhod mo’t tuhod ko.
At ang maligamgam na lumot.
At ang panahon ng ating kasibulan.

Ang iyong mahiyaing uhaw,
gaya sa akin.
At mabigat gaya sa akin.
Mata ng diyos sa araw
na naglalagablab.
Ang iyong pagkalito
sa akin:
Paalam.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Dalawang Tula ni Tarjei Vesaas

Salin ng “Natta, Gunnar og bjørka,” ni Tarjei Vesaas ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Gabi, si Gunnar, at ang Arnus

Kuminang ang buwan sa kabila ng pader.
Ang arnus ay may mapuputing binti.

Tumindig sa karimlan ang arnus.
Napakadilim ng bintana ni Gunnar.

Ang arnus ay nagtampisaw sa párang.
Humimbing ang batang si Gunnar sa kama.

Walang makalalapit at makasasakit sa iyo.
Nagbabantay ang arnus sa tabi mo.

Arnus, Ifugaw term  for “Birch.” Photo by John Price, titled “Birch grove in the forest,” @ unsplash.com.

Salin ng “Første snø,” ni Tarjei Vesaas ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Unang Ulan ng Niyebe

Walang tinag at nakapaninigas ang simoy,
mataas ang imbulog ng lawin,
nandaragit—
magsisimula na ang araw ng taglamig.

Bawat bahay ay naging matibay na moog,
at binago ang mga dingding laban sa ginaw—
nang biglang humalibas ang unos ng niyebe.

Hindi maglalaon, ang mga unang bakás
ay patungo sa puting bakuran.
Sapagkat sumapit na ang taglamig—
na naglandas—
pa-hilaga.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Oliver Kiss, titled, “Vik, Norway” @ unsplash.com.

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan