Pagkawala, ni Vikaṭanitambā

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vikaṭanitambā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang lumapit siya sa kama, kusang nakalas ang buhol sa aking damit;
lumaylay ang baro ko sa may baywang, at napigil lámang ng bigkis
ng maluwag na sinturon. Iyon lamang ang natatandaan ko, kaibigan.
Ngunit nang ikulong niya ako sa kaniyang mga bisig, hindi ko maalaala
Kung sino siya, o kung sino ako, o kung anuman ang aming ginawa.

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Sabong, ni Hieu Minh Nguyen

salin ng “Cockfight,” ni Hieu Minh Nguyen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sábong

Nakatagpo ko minsan ang aking kuya
sa isang munting nayon sa Vietnam
at nang magkita kami
ay sinunggaban ang aking munting bisig
at kinaladkad ako doon sa kahuyan
sa likod ng kaniyang bahay
na ang pangkat ng mga lalaki
na may itsura ng aming tatay
ay nangakapaikot sa tupada, sumisigaw
habang ang dalawang tandang
na ang mga tuka’y may bagsik ng kawil
na nakateyp doon, ay tinuka
at pinupog ang bawat isa hanggang
mawakwak ang lamanloob,
sakâ palitan ng dalawang malilinis
na manok, na ang isa’y sa kapatid ko.
Ang isa pang manok na pag-aari ng mamà,
na ibinulong sa akin, ay bingi
ngunit mabagsik. Binanggit niya sa akin
na tumatawag nang long distans mula Amerika,
kada linggo, ang aming tatay sa kaniya.
Hindi ko lubos maisip kung paano nila
nakikilala ang mga tandang sa isa’t isa
yamang nabahiran ng dugo ang mga pakpak
na sintingkad ng borgonya.
Sinabi ko sa kaniya kung paanong si tatay,
na naninirahan nang tatlong milya ang layo sa amin,
ay umiiwas ng tingin kapag nasa mga palengke.
Alam kong ito ang nagpapasaya sa kaniya.
Gayunman, hindi siya nakihiyaw,
nang maghiyawan ang madla, nang bumagsak
ang isang tandang sa lupa nang laslas ang leeg.
Alam kong siya ang nanalo
dahil sa paraan niya ng pagkukubli ng ngiti,
kung paano niya kinubra ang panalo
sa mabalasik na kamay ng isang sabungero.
Natutuhan ko kung paano maging kapatid
sa panonood ng mga tandang
at kung paanong sa umpisa’y panatag
ang simoy, hanggang ipakilala sila sa isa’t isa
at batid na nila ang magaganap:
Isa lámang ang dapat na manaig, at matitirá.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights at all costs.