Panaginip ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Panagínip ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Pitóng batàng kambíng ang nangíngináin ng mga damó doón sa tinátanáw mo, sámantálang nakábuká ang pangá ng báboy-damó. Maráhan kang naglakád nang nangángapâ, nangínginíg sa gináw. Sa únang pagkakátaón, walâ kang kapíling ngúnit nananálig na maráratíng ang isáng bituín. Págtingalâ mo, mga galamáy ni Fegeférafád ay tíla íbig kang yakápin, at nakaúmang ang balátik sa ilahás na hakbáng. Mayá-mayá’y isáng bulalákaw ang nagtangkâng pásiklabín ang kaingín. Nakabítin ang talàng batúgan sa balíkat ng bundók, at nang humiyáw ka sa lábis na pangungúlilà sa músang nagtampó at nagtagò sa dalawámpû’t ápat na talampád, bumalík sa iyó ang alíngawngáw ng pangaláng tumátampál na sakáy ng amíhan, úpang sa wakás ay ganáp kang mapúkaw. Pakíwarì mo, makásasaló ka ng Toróng at makápipígil ng bagyó.

Alimbúkad: Epic wave poetry beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com

Zurita, ni Raúl Zurita

Salin ng “Zurita,” ni Raúl Zurita ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Zurita
  
 Gaya sa panaginip, nang maglaho na ang lahat,
 winika ni Zurita na aaliwalas din ang paligid
 sapagkat sa kailaliman ng gabi’y
 nakakita siya ng isang bituin. Pagdaka,
 habang nakahalukipkip ako sa tabi ng mga tabla
 ng kubyerta ng barko, tila pagniningasin muli
 ng liwanag ang aking matatamlay na mata.
 Sapat na iyon. Lumambong sa akin ang himbing. 
Alimbúkad: Raging beauty, raging poetry. Photo by Nuno Obey on Pexels.com

Hugis at Pag-ibig, ni Kalilah Enriquez

 Salin ng “Shapes,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Hugis
  
 kung ang mga puso’y
 may hugis lámang ng mga bituin
 at káyang maghayag ng kalidad
 ng bituing-dagat
 upang pasuplingin muli
 ang naglahong bahagi
 sa sandaling ito’y mabakli
  
 Salin ng “Love You to Life,” ni Kalilah Enriquez ng Belize
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sabik Magmahal
  
 Heto ang aking mga lalaki.
 Makasarili ako sa piling nila
 at labis na mapagsanggalang
 sa atas ng pangangailangan.
 Nanaisin kong sabihin nilang
 ibig nilang mabuhay para sa akin
 kaysa mamatay para sa akin.
 Mamahalin ko sila habambuhay
 hangga’t makakaya ko.
 At kung hahayaan nila ako’y
 itatrato sila nang mabuting-mabuti.
 Bubusugin sila ng pagkain habambuhay
 at iibigin nang hindi nila naranasan noon.
  
 Ngunit malimit nila akong iniiwan
 kayâ mahigpit akong nakakapit sa isa
 hanggang maglaho rin siya. 
Alimbúkad: Rebuilding life through poetry. Photo by Mark Walz on Pexels.com

Bago Sumapit ang Bagyo, ni Louise Glück

Salin ng “Before The Storm,” ni Louise Glück ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Bago Sumapit ang Bagyo
 
Uulan búkas, ngunit maaliwalas ngayong gabi ang langit,
kumikinang ang mga bituin.
Gayunman, darating ang ulan,
at sapat marahil para lunurin ang mga binhi.
Hayun ang habagat mula sa laot na itinutulak ang mga ulap;
Ngunit bago mo makita yaon, madarama ang simoy.
Mabuting tanawin ngayon ang kabukiran,
tingnan ang anyo nito bago lumubog sa baha.
 
Kabilugan ng buwan. Kahapon, nagtago ang tupa sa kahuyan,
at hindi lámang basta tupa—ang barako, ang buong hinaharap.
Kapag nakita muli natin ito, tanging kalansay ang masisilayan.
 
Lumawiswis ang mga damo; tumawid marahil doon ang hangin.
At nangatal sa parehong paraan ang mga bagong dahon ng olibo.
Mga daga sa kabukiran. Kung saan naninila ang tumánggong
ay doon din matatagpuan ang dugo sa damuhan.
Ngunit ang bagyo—huhugasan ng bagyo ang lahat ng iyon.
 
Sa tabi ng isang bintana, nakaupo ang isang bata.
Maaga siyang pinatulog—napakaaga,
at iyon ang kaniyang kuro. Kayâ umupo siya sa may bintana—
 
Lahat ay panatag ngayon.
Kung nahan ka ngayon ay doon din matutulog, at magigising sa umaga.
Nakatirik na parola ang bundok, upang ipagunita sa gabi na umiiral
ang daigdig, na hindi ito dapat ibaon sa limot.
 
Sa ibabaw ng dagat, namumuo ang dagim at bumubugso ang hangin,
binabasag ang mga ulap, binibigyan ng wari’y dahilan.
 
Búkas, hindi sasapit ang madaling-araw.
Hindi na babalik na langit ng araw ang langit; maghuhunos itong gabi,
maliban sa kukupas ang mga bituin at maglalaho pagsapit ng bagyo,
at tatagal marahil hanggang sampung oras.
Ngunit ang daigdig gaya noong dati ay hindi na magbabalik.
Isa-isa, ang mga ilaw sa nayon ay kukulimlim
at niningning sa dilim ang bundok na may bumabandang sinag.
 
Wala ni ingay. Tanging mga pusa ang naghaharutan sa pintuan.
Naaamoy nila ang simoy: panahon para lumikha ng iba pang pusa.
Pagkaraan, maglalagalag ang mga ito sa kalye, ngunit ang samyo
ng hangin ay bubuntot sa kanila.
Gayundin sa kabukiran, na nalito sa amoy ng dugo,
bagaman ngayon tanging simoy ang umaahon; pinaghunos
na pinilakan ng mga bituin ang bukid.
 
Kay layo man sa dagat, natutunugan pa rin natin ang signos.
Isang nakabukas na aklat ang gabi.
Ngunit ang daigdig na lampas sa gabi ay nananatiling mahiwaga.
Alimbúkad: World poetry celebration for humanity. Photo by Kat Jayne on Pexels.com

Ang Pagbabalik ng Awit, ni Lord Dunsany

Salin ng “The Return of Song,” ni Lord Dunsany (Edward John Moreton Drax Plunkett) ng Ireland at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagbabalik ng Awit

. . . . . .“Umaawit muli ang mga sisne,” sabi ng isa sa kapuwa niya diyos. Sa aking mga panaginip ay napadako ako sa marikit at malayong Valhalla, at nang sumilip ako pababa, nakita ko sa ilalim ang maningning na bulâ na hindi naman higit na malaki sa bituing magayon ngunit aandap-andap, at pataas nang pataas mula roon ay bumungad ang palaki nang palaki na kawan ng mga sisneng umaawit nang umaawit, hanggang ang mga diyos ay tila mga ilahas na barkong lumalangoy sa musika.

. . . . . “Ano iyan?” sambit ko sa isang mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos.

. . . . . “Tanging ang mundo ang nagwakas,” aniya sa akin, “at ang mga sisne ay nagbabalik sa mga diyos upang maghandog ng awit.”

. . . . . “Patay,” sabi niya na mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos. “Hindi habang-panahon ang mga mundo; tanging ang awit ang inmortal.”

. . . . . “Masdan mo! Masdan mo!” aniya. “Magkakaroon ng bago sa lalong madaling panahon!”

. . . . . At tumingin ako, at nasilayan ang mga pipit na bumubulusok mula sa mga diyos.

Alimbúkad: Poetry Translation Unstoppable. Photo by Priscilla Du Preez @ unsplash.com

Kung ang Araw Noon, ni Roberto T. Añonuevo

Kung ang Araw Noon

Roberto T. Añonuevo

Kung ang araw noon ay araw ngayon,
malalasing ako sa iyong mga salita
na ang totoo’y ang iyong hulagway;
at ang oras ay tatakbo,
tatakbo nang tatakbo, nang hindi
nababahala
sa magaganap sa iyo o kaya’y sa akin,
at kapuwa tayo magpapahiwatig
na parang mga bituin,
kumikislap ngunit hindi umiimik,
at sa gitna ng dilim
ay tumitibok ang malawak na espasyo.

Magsasalita ka at makikinig ako;
o magsasalita ako at makikinig ka,
at anuman ang mapag-usapan natin
ay magsasara ng berso o uniberso—
isang dambuhalang anyo ng bayawak
na iginuhit paukit sa noo ng bundok
para sa isang hapunan o kaarawan.
At wala nang ibang mapapansin
(kahit nasa tabi ang mga bathala)
malango man ang lahat ng nakatingin.

Ngunit ang panahon ay nakaiimbento
ng mga lihim na laberinto at medida,
sumusubok sa baitang o bulaklak,
naiiwang katakatayak at disyerto,
nagtatayo ng parmasya o aklatan
sa dalawampung minuto,
hindi nagsisisi sa dugo o ihi o batik,
at sumusuway sa sinaunang simoy
at pangako,
na parang pelikula o hudhud
na umaandar at tumatanggi sa wakas.

Ang araw na ito ang araw din noon:
Isang sinasagupang bagyo o nakaiinip
na kuwarentena
na sinasadya at dahilan sa isa’t isa.
At babalikan ang mga lumang retrato,
aapuhapin ang artsibo ng mga lakad,
upang sabihing
sariwa ang ngiti at tama ang timbang,
at itim na itim
ang buhok na humaba sa paghihintay.

Iniiwan tayo ng panahon
na hindi lingid sa atin
kahit ibig nating humabol at tumutol.
Isang araw ay lilitaw at lilitaw ang bagong
ako at ikaw,
na lumalampas sa hilaga at timog,
hungkag na hungkag ngunit sapat,
na iba ang mga pangalan at edad,
marahil ay nasa ibang planeta,
naglalakad,
nagbibiruan,
ikinakasal na waring mga tikbalang
sa punto blangko
ng hinaharap—
at lumilikha ng kakaibang epiko
para sa mga salitang ikaw, ako, mahal.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Gaya ng Liwanag, ni Jaime Saenz

Salin ng “Como una luz,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Gaya ng Liwanag

Sa oras ng paghihingalo ng bituin,
tititigan ko ang langit na kumukutitap sa piling mo.
Tahimik at gaya ng liwanag
ang hinihimlayan ng linaw ng paglimot
sa aking landas.
Ibinabalik ako ng hininga mo sa tiyaga at lungkot ng lupa.
Huwag nang pahirapin ang sarili sa pagtatakipsilim—
Hayaang makita ko sa kabilang panig mo
kung ano pa ang natitirang mamamatay para sa akin.

Maaliwalas na Gabi, ni Giuseppe Ungaretti

Salin ng “La notte bella,” ni Giuseppe Ungaretti ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maaliwalas na Gabi

Devetachi, 24 Agosto 1916

Anong awit ang umahon ngayong gabi
upang humabi
ng kristal na alingawngaw sa puso
sa piling ng mga bituin

Anong pista ang lumundag
mula sa nagagalak na puso

Naging sanaw ako
ng karimlan

Ngayon, gaya ng sanggol na sumisipsip
sa utong, ako’y kumakagat
sa espasyo

Ngayon, lasing na lasing ako
sa ninanamnam na uniberso

Huwag akong kaawaan, ni Aimé Césaire

Salin ng “N’ayez point pitié de moi,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag akong kaawaan

Umusok latian

ang mga imaheng yungib ng walang nakababatid
ay ibinabalikwas sa akin ang tahimik na takipsilim
ng mga halakhak nito

Umusok o latian tayom puso
mga patay na bituing pinakalma ng kahanga-hangang
mga kamay ay sumirit sa himaymay ng aking paningin

Umusok umusok
ang babasaging karimlan ng tinig ko’y nagkalansingan
sa nangagliliyab na lungsod
at ang di-matatakasang lantay ng kamay ko’y tinatawagan
mula sa malayo, sa napakalayo, mula sa minanang lahi
ang matagumpay na sigasig ng asido sa balát
ng búhay—ang latian—

gaya ng ulupong na iniluwal mula sa bulawang lakas
ng karilagan

Aimbukad: Poetry unstoppable