Wika ng Balikbayang Nabulok sa Kuwarentena

Wika ng balikbayang nabulok sa kuwarentena

Roberto T. Añonuevo

Kung naririto si Shiva,
ipahihiram marahil niya
ang kaniyang tatlong mata
at matatanaw
ng mga barko’t biyahero
ang Olakkannesvara
sa ating pantalan
sa loob ng kalooban;
Walang sinumang maliligaw.
Maiiwasan natin ang sakuna
mula sa mga bahura o bato
o mauunahan ang bagyo
laban sa balak nitong bayó.
Hihipan ng mga tanod
na nakadikit sa mga pader
ang mga pakakak
at mapupukaw ang bayan;
at lalagablab ang apoy,
matutupok ang mga bulok.
At gaya ng dapat asahan,
mapahihinto ang simoy
ng pananakop o pandemya
bumunsod man ito mula sa Tsina.

[1839 lithograph of a structural temple on top of a cave temple in Mamallapuram, Tamil Nadu India, Wikimedia Commons].

Ang Latian, ni Derek Walcott

Salin ng “The Swamp,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Latian

Nginangasab ang mga gilid ng haywey, hinihimig
Ng itim nitong bibig: ‘Tahanan, umuwi sa tahanan. . .’

Sa likod ng malapot na hininga, ang salitang ‘unlad’
Ay nagpapalago ng mga kabute, pagkabulok;
Nagbabatik ang puti sa ugat nito.

Higit na nakahihindik
Sa bakawan, kantera, o tuyot na agusan ng bangin
Ang hilakbot nito’y bihag ang bayani ni Hemingway
Na nakapako sa tiyak, malilinaw na hukay.

Nagsimula ito sa wala. Limbo ng mga kontrabidang bihag,
Mga Negro.
Ang itim nitong asal
Bawat takipsilim ay mantsado ng dugo ng iyong búhay.

Nakatatakot, orihinal na likaw! Bawat supling ng bakaw
Ay malaahas, malaswa ang mga ugat
kawangis ng kamay na may anim na daliri,

Itinatago nito sa pagkakakuyom ang palakang malumot,
Ang mamárang, ang mabisang banay,
Ang mga talulot ng dugo,

Ang batik-batik na vulva ng tawa-tawa;
Ang kakatwang amanita
Na nagmumulto sa mga biyahero ng isang landas na ito.

Malalim, malalim kaysa paghimbing
Gaya ng kamatayan,
Napakayaman sa pagliit nito, napakatalik sa hininga,

Sa mabilis mapunong gabi, pansinin
Kung paanong lumagok ng dilim ang natitirang ibon,
Kung paanong tumakas ang mga ilahas na kabataan

Papasok sa karimlan, magbalik sa pagkaitim
Na may lumalawak na pagkalimot, piliin ang gilid
Ng kawalan palapit sa kanila nang marahan, isanib

Ang galamay, dila, at himaymay tungo sa pagkabuhol
Gaya ng lábo-lábo, gaya ng lansangan
Sa malayo.

 

“Biyahero,” ni Dulce María Loynaz

Biyahero

Salin ng “Viajero” ni Dulce María Loynaz ng Cuba.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Katulad ako ng biyaherong sumapit
sa pantalan nang walang sumasalubong sa kaniya;
Katulad ako ng mahiyaing biyaherong naglalakad
sa piling ng mga yakap at ngiti ng mga tao
na hindi para sa kaniya. . .
Katulad ako ng nag-iisang biyahero
na itinataas ang kuwelyo ng kaniyang abrigo
para labanan ang ginaw sa kaylawak na baybay.

Mga Manlalakbay, ni Conceição Lima

Salin ng “Vijantes” sa wikang Portuges ni Conceição Lima mula sa Democratic Republic of São Tomé and Príncipe.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Mga Manlalakbay

Taglay nila ang mga dapithapon at lansangan;
Nasasambit nila dahil sa uhaw sa panginorin:

“Kanino at saan ka ba nagmula?
Sino-sino ang iyong kababayan?”

Sa ganiyang paraan ipinagkait ng aking lola
Ang isang baso ng tubig sa sumapit na biyahero.