Mga Layanglayang, ni Pedro Serrano

Salin ng “Golondrinas,” ni Pedro Serrano ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Layanglayang

Nakakuyom sa mga kable na animo’y sampayan,
mumunting kanaway na yari sa kahoy,
maliksi at maliit na salungat sa balasik ng bughaw,
nakatakda sa tanghali, sila’y bumubulusok nang isa-isa,
pinakikislot ang mga damit, kamay, ngiti,
puting súso, itim na lambong,
nakahanay ang mga tuwid na pakpak, gusót
nang kaunti ang mga balahibo,
hanggang lumipad ang mga ito maliban sa isa—
na iimbulog pagdaka’y bubulusok pabalik,
gaya ng kisapmatang pamamaalam,
sukdulang pinalalaya ang umaga.
Mananatili ang mga kable, magpaparaya ang langit
na waring kasalan sa nayon kapag linggo,
at pagkaraan ay maglalaho nang ganap.

Alimbúkad: Poetry beautiful, poetry so cool. Photo by Vincent van Zalinge @ unsplash.com

 

Higit na Malawak sa Langit ang Utak, ni Emily Dickinson

Salin ng “The Brain is Wider that the Sky,” ni Emily Dickinson
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Higit na Malawak sa Langit ang Utak

Higit na malawak sa langit—ang utak—
Sapagkat—tipunin nang magkakatabi—
Ang isa’y magiging bahagi ng iba
nang madali’t—ikaw— ang siyang katabi—

Higit na malalim sa dagat ang utak—
Sapagkat—hawakan—nang bughaw sa bughaw—
Hihiguping ganap ng isa ang iba—
Gaya ng espongha—Baldeng—umaapaw—

Sadya ngang katimbang ng Diyos ang Utak—
Kapag kinilatis—nang Libra por Libra—
At magtatagis nga—sakali’t maganap—
Ay para bang Pantig sa Tunog na damá—

Alimbúkad: No to Chinese occupation of the West Philippine Sea. No to Chinese military aggression. No to Chinese interference in Philippine affairs. Yes to sovereignty. Yes to freedom. Yes to Filipino.

Tatlong Tula ni Federico García Lorca

Salin ng tatlong tula ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawing Walang Awit

[Paisaje sin cancion]

Bughaw na langit.
Dilaw na bukid.

Bughaw na bundok.
Dilaw na bukid.

Sa sunóg na kapatagan
ay bumagtas ang olibo.

Ang solong
olibo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Paolo Chiabrando @ unsplash.com

Panganorin

[Horisonte]

Ang araw na walang sinag
ay nápon sa lungting hipák.

Nasa lilim niyong pampang
ang bangkang nanánagínip,
at ang tapat na kuliling
ay sinusukat ang lungkot.

Sa dati kong kaluluwa
ay tumunog ang maliit
na pinilakang kalatong.

Panganorin [Horizon].

Mangingisda

[Pescadores]

Ang mga gugò
ng dambuhalang punòngkahoy
ay namimingwit ng bibihirang
mga tópo sa lupa.

Ang alosay sa likuran ng sanaw
ay namimingwit ng mga ruwisenyor.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Kal Visuals @ unsplash.com

Paalam na Hibik, ni Kulleh Grasi

Salin ng “Halam Ikak,” ni Kulleh Grasi (Royston John Kulleh)                        ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paalam na Hibik

Binabayó-bayó
ng mga anino ang iyong ulo
sa dingding,
na himig-balúk sa hangin.
Tinig ng mga bagting ng buktót
ang kabiyak ng hininga
sa mga daliri mong
tumatangis nang hibang.

Agaw-lila’t bughaw ang ulop
na bumaba sa payëw ng langit
at marahang pumasok sa isip.
Inilihim mo ang kamatayan
dito sa higaan na kakatwa:
Anong tamis ng búhay sa iyo!

Ulo sa ulo,
bibig sa bibig,
paulit-ulit kang namamatay:
Ano’ng tamis ng búhay sa iyo?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Katulad mo, ni Roque Dalton

Salin ng “Comu tú,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katulad mo

Katulad mo, mahal ko
ang pag-ibig, ang búhay, ang halimuyak
ng mumunting bagay, ang bughaw
na tanawin ng mga araw ng Enero.

At kumukulo ang aking dugo,
at ako’y napapahalakhak  sa pamamagitan
ng mga matang batid ang búko ng mga luha.

Nananalig akong marikit pa rin ang mundo;
gaya ng tinapay, ang panulaa’y para sa lahat.

At ang mga ugat ko’y hindi magwawakas
sa akin, bagkus sa mga lingid na dugo
nilang nakikibaka para sa búhay,
pag-ibig,
mumunting bagay,
tanawin at tinapay,
ang panulaan para sa lahat ng nilalang.

Nahulog ako sa aking kabayo noong isang gabi, ni Bernardo Colipán

Salin ng “Kawellu mu ütrünarün wümaw mu chumül pun,” ni Bernardo Colipán ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nasa langit ang mga dambuhalang ulo ng ginto.
At ngayon, malayo sa akin ang sinakyang kabayo.
Dalawang ulit akong napaluhod at napaiyak
dahil sa labis na hapis at takot.
Sinusundan ako ng kamatayan.
Tiningala ko ang kalangitang pinaghaharian
ng aking gintong patalim na may reynang asul,
sakâ isinalaysay ang aking mga panaginip.

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas, ni Edith Södergran

Salin ng “Höstens sista blomma,” ni Edith Södergran ng Finland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pangwakas na Bulaklak ng Taglagas

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Inihele ako sa duyan ng tag-araw,
Itinadhana akong magbantay sa simoy Nórdiko;
sumiklab ang mapulang apoy
sa aking maputing pisngi.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Ako ang pinakabatàng butó ng patay na tagsibol,
At napakadalȋng mamatay bilang pangwakas.
Nakita ko ang lawàng kahanga-hanga’t bughaw,
Narinig ko ang pitlag ng puso ng patay na tag-araw,
Walang ibang butil ang kalis ko kundi kamatayan.

Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.
Nakita ko ang mabituing rurok ng taglagas;
Kimkim ko ang liwanag sa malalayong dapugan,
At napakadaling sundan ang parehong daan.
Ipipinid ko ang mga lagusan hanggang kamatayan.
Ako ang pangwakas na bulaklak ng taglagas.

Stop weaponizing the law. Anti-drugs campaign should not be used to trample human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing.

Tatlong Tula ni Sagawa Chika

Salin ng mga tula ni Sagawa Chika ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan ko

Nagulantang ang mga taganayon nang kumuliling ang telepono.
Ibig bang sabihin nito’y kailangan nating lumipat ng bahay?
Nataranta ang alkalde at hinubad ang kaniyang asul na diyaket.
Oo, totoo ang nasasaad sa listahan ng pangangailangan ni Ina.
Paalam, asul na nayon! Humahabol sa inyo ang tag-araw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng ilog.
Ang tandang na may pulang sombrero’y bumabâ sa walang
katao-taong estasyon.

Kalawanging patalim

Inakyat ng asul na takipsilim ang bintana.
Nagpatayon-tayon ang lampara, gaya ng leeg ng babae.
Naglagos sa silid ang makutim na simoy; inilatag ang kumot.
Ang mga aklat, tinta, at kalawanging patalim ay unti-unting
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ninanakaw ang buhay mula sa akin.

Habang ang lahat ay nakaismid,
ang magdamag ay ano’t napasakamay ko na.

Kabayong bughaw

. . . . . . .  . Sumapit ang kabayong winawasak ang bundok at nauulol. Mula sa araw na iyon ay lumamon lámang siya ng bughaw na pagkain. Tinina ng tag-araw sa bughaw ang mga mata at manggas ng mga babae, pagdaka’y malugod na nagpaikot-ikot sa plasa.

. . . . . . .  .Ang mga suki sa terasa ay humitit ng napakaraming sigarilyo, na nagbunga para isilang ang mumunting bilog na kahig-manok sa mga buhok ng dalaga.

. . . . . . .  .Dapat itapon gaya ng panyo ang malulungkot na gunita. Kung maiwawaksi ko lámang sa isip ang pag-ibig at ang panghihinayang, at ang makikintab na sapatos!

. . . . . . .  .Iniligtas ako sa paglundag mula sa ikalawang palapag.

. . . . . . .  .Bumangon ang dagat tungo sa kalangitan.

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.