Mga Lahok sa Kuwaderno ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Lahók sa Kuwáderno ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.

1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.

2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.

3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.

At isáng áso 
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.

4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!
Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!

Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.

5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.

Tináwag kitá, ngúnit 
kinárit ang klínika.

6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon 
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.

“Huwág matákot!” at párang sumagì 
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.

7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.

At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.

8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.

Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse 
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.

Ngunit tumírik, kahápon pa, 
ang makína 
ng áking ísip 
sa makapál na banlík.

9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.

Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.

10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.

At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com

Parabula ng Reenkarnasyon, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Réenkárnasyón

Roberto T. Añonuevo

Sa iyóng pag-iisá, lahát ng ímpakto’y sasagì sa iyóng pandamá. Ang kalansíng ng kútsara’t tenedór ay mga baryáng nahuhúlog sa lángit. Ang kilapsáw sa sánaw ng pusò ay mga ántigong múwebles na binabálot ng ágiw at alabók. Ang tibók ng silíd ay pumapaták na mga bútil ng kalíbo mulâ sa tumatágas na sáko. Hindî mo man máigaláw ang iyóng mga kamáy, pipilítin mong sumúlat gáya ng paláisipáng nabigông maitalâ niná Juan de Noceda at Pedro de Sanlucar:

Aníno ko’y kabilán
Itagò at gihalhál;
Hindî tulya’y bikakáng
At dapdápin sa tanáw.

Maririníg ng karót ang isínisípol ng iyóng guníguní. Pápagaspás itó at íbubuká ang tukâ at sasagápin ang iyóng hímig úpang pagkáraán ay isálin sa napakatíning na húni. Isasakáy ng símoy ang hímig na bagamán hindî máunawàán ay isasatítik sa pamámagítan ng pagpapálawiswís sa mga taláhib. Maáalímpungátan ang ísang ásong-ligáw, kakarípas na bahág ang buntót at tatahól ngúnit walâng tínig ang lalabás sa tuyót na lalamúnan. Kakaínin ng dápog ang nagsisítinghás na mga damó. At sa dakò pa roón, sa yugtô na nagsasalít ang sínag at itím, itím at sínag, ay magpúpumiglás na tíla íbig kumalás ang mga títik na ngayón ay gumagápang na páwis sa pilipisán:

Aníno ko’y kabilán
Hindî tulyá’y bikakáng;
Itagò kung gihalhál
At dapdápin sa tanáw.

Hindî mo mapígil kung saán íbig lumugár ang mga salitâ. Bíbigkasín mo itó sa gunitâ, ngúnit ang gunitâ na hindî maípirmí sa éspasyo at panahón ay pagtátaksilán ka úpang magluwál ng ibá pang pahiwátig:

Aníno ko’y bikakáng:
Tulyá man o kabiláng
Dapdápin at gihalhál,
Itagò mo sa tanáw. 

Pakikinggán mulî ng símoy ang iyóng guníguní, at sa gayóng pagkakátaón, babángon káhit siná Noceda at Sanlucar úpang basbasán ang iyóng mga salitâ. Malilitó silá sa pagtatalâ, at malilitó kung bákit tumátalón-talón ang hiwagà ng iyóng wikà:

Aníno mo’y gihalhál,
Dapdápin at bikakáng;
Hindî tulyá sa tanáw:
Itagò kung kabilán. 

Lahát ng ímpakto’y lalayô sa iyó hábang patúloy na nagtítikniklíng ang mga títik, warìng bugtóng na panalángin, at lumilikhâ ng saríling hímig, walâng paít, napakátahímik, na káhit sa iyóng pág-iisá’y mabibigông bigkasín nang paúlit-úlit. Ang mga kalansíng ng baryá’y isasálin ng pandáy úpang magíng kútsara’t tenedór. Bábaklasín ang mga ántigong múwebles úpang magbanyúhay na síning sa mga kamáy ng mga kárpintéro at eskultór. At ang mga bigás na pumupunô sa sahíg at silíd ay dadaláwin ng mga pipít, mínsan pa, sa katwírang silá lámang ang makábabatíd.

Alimbúkad: Epic walking poetry Filipinas challenging the world. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mensahe mula sa Martir, ni Mbarka Mint al-Barra’

Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John Mitchell

Mensahe mula sa Martir

Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com

Destiyero sa Destiyero, ni Abdullah Al-Baradouni

Salin ng “From Exile to Exile,” ni Abdullah Al-Baradouni ng Yemen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Destiyero sa Destiyero
  
 Isinasalin ang bansa ko mulang isang tirano
 tungong ibang tiranong masahol pa kaysa dati;
 mulang isang bilangguan hanggang iba pa,
 mulang isang destiyero hanggang iba pa.
 Sinakop ito ng mga nagmamasid na banyaga
 at ng isa pang nakakubli, nagkukunwa;
 ipinasa ng isang halimaw sa dalawang halimaw
 gaya ng buto’t balát na kamelyo.
 Sa mga yungib ng kamatayan
 ay hindi namamatay ang bansa ko, ni hindi
 gumagaling, ni makuhang makabangon.
 Hinuhukay nito ang mga píping libingan 
 para hanapin ang mga dalisay nitong ugat,
 para sa tagsibol nitong pangakong natutulog
 sa likod ng sariling mga mata; 
 para sa panaginip na darating,
 para sa multo na nagtatago kung saan.
 Lumilikas ito mula sa isang nakalulunod
 na gabi tungo sa napakapusikit na gabi.
 Nagdadalamhati ang aking bansa
 sa mga hanggahan nito
 at sa iba pang lupain ng iba pang tao;
 at kahit na nasa sariling lupain nito’y
 nagdurusa sa pagkatiwalag ng destiyero. 
Alimbúkad: Poetry solidarity for exiled voices. Photo by Yasin Gu00fcndogdu on Pexels.com

Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy, ni Boris Vian

Salin ng “Quand j'aurai du vent dans mon crane,” ni Boris Vian   ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang simoy
  
 Kapag sumasalpok sa aking bungo ang hangin
 Kapag binalot ng lungting lumot ang aking mga buto
 Aakalain mong nakita ang ngiting matamlay
 Ngunit higit ka lamang na magugulumihan
 Dahil nahubad ko na 
 Ang kaligirang plastik
 Plastik tik tik
 Na ang mga daga’y nginangata doon
 Ang aking mga laruan, ang pampatalas ng memorya
 Ang aking mga binti, binabalatan ang aking bayúgo
 Ang aking mga hita, ang puwitan
 Na inilalapat ko sa upuan
 Ang aking mga fistula, ang aking buhok
 Ang mga asul na matang kaakit-akit
 Ang matitigas, pantay na panga
 Na ginamit ko sa pagsakmal sa iyo
 Ang matangos na ilong
 Ang aking puso ang aking atay——mga kahanga-hangang
 Bagay na bumubuo ng katanyagang likha ng pangalan ko
 Sa piling ng mga duke at dukesa
 Sa piling ng mga abad at asno
 At ng mga tao na kasama sa hanapbuhay
 Hindi ko na muling tataglayin pa
 Itong munting malambot na posporo
 Itong utak na nagsisilbi sa akin
 At nagbababalang tatakas ang búhay
 Sa mga lungting buto, ang hangin sa moldeng ito
 Ay, nabatid kong sadyang napakahirap ang tumanda. . . . 
Alimbúkad: Living poetry for humanity. Photo by Jonathan Borba on Pexels.com

Búhay, Kamatayan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Búhay, Kamatayan
  
 Palubog na araw ang búhay, ang dagat ng dugo,
 at napakalakas na humihiyaw na kalangitan.
 Madaling araw ang kamatayan, maputlang ulop,
 dalisay na hininga na suot ang puting panluksa.
  
 Ang búhay ay kumukutitap na kandila.
 Ang kamatayan ay kumikislap na diyamante.
 Ang búhay ay isang komedya ng pighati.
 Ang kamatayan ay nakapakarikit na trahedya.
  
 Kapag nilalamon ng daluyong ang bundok,
 at ang taghoy ng simoy ay dumaraing sa pálo,
 umaapaw sa gabi ang niyebeng wala ni kaluskos,
 at humahalakhak ang ga-pakpak na sinag-buwan.
  
 Padahilig na daan ang búhay tungo sa hukay.
 Ang kamatayan ay liwayway ng bagong búhay.
 Ay, ang masinop na pagkakahabi ng Kamatayan——
 ang sagradong sinag na kaloob sa delubyo ng búhay. 
Alimbúkad: Mapping the world through translation. Photo by Taryn Elliott on Pexels.com

Puná, ni Ernst Jandl

 Salin ng “kommentar,” ni Ernst Jandl ng Austria
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 puná
  
 na hindi kailanman
 niya isusulat
 ang kaniyang talambuhay
  
 dahil ang búhay niya
 sa kaniyang pananaw
 ay punô ng sukal
  
 na tanging kakaunting
 punto, at pawang duguan
 ang kaniyang natatandaan
  
 ngunit hindi
 siya magbabantulot
 na dumukal sa dumi
  
 at hugutin doon
 ang marahil
 ay magagamit na bagay
  
 para sa panulaan
 na kasuklam-suklam
 na layon niya sa búhay 
Alimbúkad: Poetry ideas matter. Photo by Mads Thomsen on Pexels.com

Makalupang Himig

 Salin ng “Nyanyian duniawi,” ni W.S. Rendra ng Indonesia
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Makalupang Himig
  
 Habang katabi ng ubaning mayamang babae ang buwan,
 hinihimas ko naman ang isang dalaga sa manggahan.
 Ilahás at maalab ang kaniyang puso
 na káyang yapakan at lapastanganin ang gutom at uhaw.
 Dahil sa labis na kahirapan ay sinikap naming abutin 
 ang dilim at inihiyaw ng aming anino ang alab ng himagsik.
 Ang kaniyang mabagsik na halakhak
 ay lalo lámang ikinalugod ng aking dibdib.
  
 Sa lilim ng mga punongkahoy
 ay kumikislap ang kaniyang katawan
 gaya ng bulawang usa.
 Ang kaniyang namumurok na súso
 ay bagong pitas na manibalang na bunga.
 Ang halimuyak ng kaniyang katawan
 ay gaya ng sariwang mga damo.
 Niyakap ko siya
 nang tila yumayapos sa búhay at kamatayan,
 at ang kaniyang mabilis, humahabol na paghinga
 ay mga bulóng sa aking tainga.
 Namanghâ siya
 sa bahagharing nasa ilalim
 ng may tabing na talukap ng mga mata.
  
 Ang aming sinaunang mga ninuno’y
 nagsilitaw sa gitna ng karimlan,
 lumapit nang lumapit sa amin
 at suot ang gulanit na mga damit,
 sakâ tumalungkô
 habang kami’y matamang pinagmamasdan. 
Alimbúkad: Poetry passion typhoon. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Ang Buról, ni William Faulkner

Salin ng “The Hill,” ni William Faulkner ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buról

. . . . . .Maaliwalas na nakabalatay sa langit ang gulód na nasa harapan niya at bahagyang nasa ulunan. Sa tuktok nito’y dumausdos ang hishis ng di-makitang simoy na gaya ng malawak, pantay na tubigan, at pakiwari niya’y aangat ang kaniyang mga paa mula sa daan, at lalangoy paitaas at lalampas sa buról sa pamamagitan ng hanging ito na pumupunô sa kaniyang damit, pinasisikip ang kaniyang kamiseta sa bahagi ng dibdib, pinapagaspas ang maluwag niyang diyaket at pantalon, sinasabukay ang makapal, di-nasusuklay na buhok sa itaas ng kaniyang mataba, tahimik na mukha. Ang mahabang anino ng kaniyang mga binti’y umahon nang paayon at bumagsak, nang kakatwa, sa anyong matamlay na pagsulong, na para bang ang kaniyang katawan ay nabalani ng sumpunging Bathala sa mala-maryonetang gawaing walang saysay sa isang punto, habang ang panahon at búhay ay kagila-gilalas na nagdaan sa kaniya at iniwan siya. Sa wakas, naabot ng kaniyang anino ang tuktok at mabilis na bumagsak doon.

. . . . . .Unang sumilay sa kaniyang paningin ang kasalungat na bunganga ng gulód, na asul at malamig, sa antas ng panghapong araw. Isang puting simbahan ang bumungad sa tanawin, nang pasalungat at parang mga pigura sa panaginip, pagdaka’y sinundan ng mga tuktok ng bahay, pula at lungting kupas at olibong bahagyang nakakubli sa mga sumupling na roble at olmo. Tatlong álamo ang nagpakislap ng mga dahon laban sa abuhing pader na bilad sa araw na nagpakiling sa mga punongkahoy na peras at mansanas sa maringal na babasaging pink at puti; at bagaman walang hangin sa lambak ay halos bumaluktot sa tahimik, di-mapapalagáng hatak ng Abril ang kanilang mga sanga, pagdaka’y huminto at tumuwid muli maliban sa pinilakang ulop ng walang humpay, walang takas na mga dahon. Nahigit ang lambak sa ilalim niya, at ang kaniyang anino, na sumulpot sa malayo, ay bumalatay doon nang tahimik at malaki. Kung saan-saan nanimbang nang alanganin ang hibla ng usok mula sa tsimenea. Humimbing ang nayon, na nagkumot ng kapayapaan at tahimik sa ilalim ng panggabing araw, na waring natulog ito nang isang siglo; naghihintay, na animo’y taglay ang pukyutan ng tuwa at lungkot, sa wakas ng panahon.

. . . . . .Mula sa gulód, ang lambak ay walang tinag na mosayko ng punongkahoy at bahay; matatanaw sa gulód ang maaliwalas na tigang na lupaing tinigmak ng ulan ng tagsibol at winasak ng mga paa ng kabayo at baka, walang tumpok ng abo ng taglamig at kinakalawang na mga lata, walang malalamlam na bakod na natatakpan ng mga gulanit na kabaliwan ng mga ipinaskil na kalibugan at anunsiyo. Wala roong pahiwatig ng pagsisikap, ng mga pagód na banidad, ng ambisyon at pagnanasa, ng natutuyong laway ng relihiyosong kontrobersiya; hindi niya makita na ang kahanga-hangang kapayakan ng mga haligi ng mga hukuman ay pumusyaw at namantsahan ng karaniwang tabako. Sa lambak ay walang pagkilos maliban sa manipis, paikid na usok at tagos sa pusòng halina ng mga álamo, walang tunog maliban sa tantiyadong mahinang alingawngaw ng maso. Ang mabagal, walang datíng na medyokridad ng kaniyang mukha ay pinapangit ng panloob na impulso: ang kahanga-hangang pangangapa ng kaniyang isip. Bumalatay ang dambuhalang anino niya na parang masamang pangitain sa simbahan, at sa isang saglit ay halos magagap niya ang banyaga sa kaniya, ngunit mailap sa kaniya; at dahil walang kamalay-malay na may kung anong gigiba sa mga hadlang ng kaniyang isip at kakausap sa kaniya, wala siyang kamuwang-muwang na iniiwasan siya. Kabuntot niya ang malupit na paggawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, ang tunggalian laban sa mga puwersa ng kalikasan magkaroon lamang ng tinapay at damit at pook na matutulugan, ang tagumpay na matatamo kapalit ng mga himaymay ng katawan at biláng na araw ng kaniyang pag-iral; sa harapan niya’y nakabalatay ang nayon na naging tahanan niya, ang arawang trabahador; at lampas dito ay naghihintay ang panibagong araw ng pagkayod upang magkatinapay at magkadamit at magkaroon ng matutulugan. Sa ganitong paraan niya nilutas ang nakagugulapay na kawalang-halaga ng kaniyang kapalaran, sa pamamagitan ng isip na mahirap mabagabag ng malalabong atas ng kabutihang-asal at paniniwala, natauhan sa wakas dulot ng mahina, malambot na puwersa ng tagsibol sa lambak ng takipsilim.

. . . . . .Tahimik na sumisid ang araw sa likidong lungti ng kanluran at kisapmatang naging anino ang lambak. At habang siya ay pinalalaya ng araw, siya na namuhay at kumayod sa araw, biglang pumayapa ang kaniyang isip na bumalisa sa kaniya sa unang pagkakataon. Dito, sa takipsilim, ang mga nimpa at fawno ay baká magkagulo sa nakatutulig na paghihip sa mga pipa, sa kumakatal at tumataginting na mga símbalo sa mabilis, bulkanikong paghupa sa ilalim ng mataas, malamig na bituin. * * * Naroon sa likuran niya ang walang tinag na lagablab ng dapithapon, at sa harapan niya ay naroon ang kasalungat na bunganga ng lambak sa ibabaw ng nagbabagong kalangitan. Sa ilang sandali ay tumindig siya sa isang panganorin at tumitig pagkaraan sa kabilang panig, lampas sa ibabaw ng mundo ng walang katapusang pagtatrabaho at balisang pagtulog; dalisay, di-magagalaw; at nilimot, para sa espasyo, na siya ay dapat magbalik. * * * Marahan siyang bumaba sa buról.

Alimbúkad: Boundless imagination for humanity. Photo by Nandhu Kumar. No to Chinese occupation of any part of the Philippines. No to Chinese interference in Philippine affairs. No to Chinese spies and sleepers in the Philippines. Yes to freedom. Yes to sovereignty. Yes to Filipino.

At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com