Pinggan at Kulisap, ni Frances Brent

Salin ng “Plate and Insect,” ni Frances Brent ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinggan at Kulisap

Usok mula sa sinaing ng kawalan
na pumapalibot sa hungkag na pinggan ang gutom,
at ang kulisap ay hugis butong pakwan,

pagdaka’y pawang magiging singaw.

Ang kapanatagan ko’y
nakasalalay sa di-nakikitang panimbang, malayang
lumilipat sa gitna ng inmakuladang platong paikot

at bumabalik sa maliit, itim na mantsang batik-batik
para sa mga binti, sa pagitan ng habilog
na iginuhit sa papel at ng makutim na sanaw

ng munting Buddha na tiwarik ang anyong
isang ipis, at sa porselana nitong pugad
ay naroon ang tumpok ng sinuklay na buhok,

at ang isinaharayang bigat ng balighong mangkok
ng Tsino ay ang bibig ng Diyos
at alimuom sa bundat na tiyan.

Nabubuhay ako sa dalawang bagay,
ang pagkabato ng bukás at ang isa pa’y
siksik sa ginto,

ang kaganapan
at ang batong-ilog.
Nalusaw ako sa ulap ng hiláw na gatas.

Sa Santa Clara, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Santa Clara

Roberto T. Añonuevo

(Sa alaala ni LTA)

Ipininid mo ang pinto, at kung nagkataong pinto
Ang diyos, kusa nga ba itong magbubukás
Tulad ng napakaaliwalas na búkas?

Hindi.

Ay, hindi magiging pinto ang diyos, at hindi
Maisasara sapagkat makalilimot ang diyos
Sa pagkabukás, at hindi na magiging Ngayon
At Búkas, o wagas na puwang.

Marahil, ang paraan ng pagpihit sa seradura
At pagtulak sa panel ang gawaing dibino—
Na siya mong ikinababaliw, gaya ng mortal.

Ang pinto ba’y kortina o isang guhit sa sahig?

Dinig mo’y ang diyos ang magbubukás ng pinto,
Ituring mang pinto ang ikaw,
Ikaw na iniisip na nakapinid magpakailanman.

Ngunit hindi ka maniniwalang tadhana mo
Ang maging portal,
Hindi papayag na maging isang lagusan lamang.

At wiwikain ng mga paa:
Magbubukás at magsasara ang milyong pinto;
hindi mahalaga kung sino ang lalang o inmortal.

Nakita ko ang punongkahoy, ni Edith Södergran

Salin ng “Jag såg ett träd,” ni Edith Södergran ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang punongkahoy

Nakita ko ang pinakamalaking punongkahoy
na hitik sa mga bungang saleng na di-maabót;
nakita ko ang malaking simbahang nakabukás
ang bukanang pinto’t lahat ng naglalakad sa labás
ay maputla at malakas at handang mamatay;
nakita ko ang babaeng nakangiti at de-pulbo
na nakipagsugal upang subukin ang suwerte
at nasaksihang siya’y natalo rin sa bandang huli.

Isang bílog ang iginuhit paikot sa mga ito
at walang sinuman ang makahahakbang dito.

Mga Siraulo, ni Rainer Maria Rilke

Salin ng “Die Irren,” ni Rainer Maria Rilke ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Siraulo

Tahimik sila dahil ang moog na humihiwà
doon sa utak ay nagsiguho at nangawasak;
ang mga oras na dapat silang nauunawà
ay nagsimula, at ngayo’y muling nagsisitakas.

Panatag sila kapag dumungaw sa may bintanà
sa gabing natal, at wala namang kakatwang asal:
Ang bawat bagay ay nadarama ng mga palad,
tibok ng puso’y bukás at handang muling magdasal,
naipapakò ang mga matang kalmanteng ganap

sa mga bagay na labis-labis sa aasahang
hardin sa plasang ano’t tahimik na umiinog;
at bawat pitlag nitong banyagang mundong sumilay
ay sumusukdol upang hindi na muling maupos.

Alimbukad: Rebolusyonaryong pagsasalin para sa lahat ng Filipino saanmang dako ng mundo!

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila, ni Dareen Tatour

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila

Salin ng tula ni Dareen Tatour ng Palestina
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Sa Jerusalem, binibilot ko ang aking mga sugat
At ibinubuntong-hininga ang mga pighati
At sinasapo ng aking palad ang kaluluwa
Para sa Arabeng Palestino.
Hindi ako susuko sa “mapayapang solusyon,”
Hindi ibababâ ang aking mga bandilà
Hangga’t hindi sila napapatalsik sa aking lupain.
Iwinaksi ko ang mga ito para sa bagong búkas.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang pandarambong ng mga bagong salta
At sumunod sa karabana ng mga martir.
Punitin ang nakahihiyang saligang-batas
Na nagtatakda ng pagkabusabos at panghihiya
At pumipigil sa atin na maibalik ang katarungan.
Sinunog nila ang mga inosenteng bata.
Si Kadil ay tinudla nila ng bala sa harap ng madla,
At pinaslang kahit maliwanag ang sikat ang araw.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang paglusob ng mga mananakop.
Huwag intindihin ang mga ahenteng nasa atin
At nagtatanikala sa atin sa mapayapang ilusyon.
Huwag katakutan ang nagdududang mga dila;
Higit na malakas ang katotohanan ng puso
Habang patuloy kayong naghihimagsik sa lupang
Nanaig sa iba’t ibang pananalakay at tagumpay.
Isulat akong prosa sa mga balát ng kalamba;
At ang tugon ko’y ang mga labî ng katawan.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!